Simpleng lagnat, sintomas na pala ng rabies!

lead image

Sino ba naman ang mag-aakala na ang simpleng lagnat ay posible pala maging sintomas ng rabies sa bata? Ating alamin kung paano maiiwasan ang sakit na ito.

Hindi makakaila na ang mga alaga nating aso ay maituturing natin na mga best friend. Masarap magkaroon ng alaga, at mabuti rin ang pagkakaroon ng alaga para sa development ng ating mga anak. Ngunit posible rin na ang alaga nating aso ang magdala ng panganib! Tulad na lang ng kwento kung saan isang 8 taong gulang na bata ang namatay, dahil hindi agad natutukan ang sintomas ng rabies sa bata.

Paano ito nangyari, at paano makakaiwas dito ang mga magulang?

Anu ano ang mga sintomas ng rabies sa bata?

Ang walong taong gulang na batang si Carl Agsalud ay kabilang sa libo-libong tao sa Pilipinas na namatay dahil sa sakit na rabies.

Ang masakit pa dito ay inakala lang na simpleng lagnat ang kaniyang sakit. At nang mapag-alaman na rabies na pala ito, huli na upang magamot ang kaniyang karamdaman.

Ayon sa kaniyang ama na si Dennis Agsalud, Setyembre daw ng nakaraang taon nang magkaroon ng lagnat ang kaniyang anak. Noong una ay inakala lang nila na simpleng lagnat lang ito, kaya hinayaan lamang nila.

Ngunit pagtagal, ay hindi pa rin gumagaling ang bata. Minabuti na nilang dalhin si Carl sa doktor kung saan siya na-confine. Dito, binigyan lamang siya ng antibiotic.

Hindi pa rin nawala ang lagnat ni Carl, at nagkaroon pa siya ng pamamanhid sa kaniyang binti. Hindi rin daw maigalaw ng bata ang binti niya, at naninigas daw ito. Bukod dito, hirap rin daw siyang makaihi at makadumi.

Dalawang araw matapos siyang ma-confine, ay nagkaroon na ng takot sa ilaw at tubig ang bata. Nagsagawa ng pagsusuro ang ospital at natagpuan na mayroong rabies si Carl.

Sa kasamaang palad, huli na nang malaman na mayroon palang rabies si Carl. At dahil hanggang ngayon, wala pa ring gamot sa sakit na rabies, hindi na natulungan ng ospital si Carl, at siya ay namatay.

Ang rabies ay mayroong 100% fatality rate, kaya mahalagang agapan agad ang sakit na ito.

Paano nagkakaroon ng rabies?

src=https://ph admin.theasianparent.com/wp content/uploads/sites/11/2018/10/dog.jpg Simpleng lagnat, sintomas na pala ng rabies!

Kahit na man’s best friend ang mga aso, posible pa rin silang maging sanhi ng nakakamatay na rabies. | Source: Public Domain Files

Ang rabies ay nanggagaling sa kagat o kalmot ng mga hayop na mayroong rabies. Para sa tao, madalas aso ang sanhi ng pagkakaroon ng rabies.

Ito ay isang uri ng virus na naapektuhan ang nervous system ng isang tao. Dahil dito, nagkakaroon ng inflammation o pamamaga ang utak, na nagiging sanhi ng coma, at pagkamatay.

Walang lunas sa sakit na rabies, kaya mahalagang magpunta agad sa doktor ang sino mang makagat o makalmot ng isang aso, kahit na hindi pa siguradong rabies ito.

Ito ay dahil kapag nagsimula nang lumabas ang sintomas ng rabies, wala nang maitutulong ang rabies vaccine para dito.

Heto ang mga sintomas ng rabies sa bata:

  • Hydrophobia o pagkatakot sa tubig.
  • Pagkakaroon ng takot sa ilaw.
  • Matinding lagnat.
  • Pagkabalisa.
  • Paninigas ng mga bahagi ng katawan, at pagkakaroon ng lockjaw.

Madalas, namamatay din ang mga asong mayroong ganitong sakit. Kaya’t importante rin sa mga may alagang aso na pabakunahan ang kanilang mga alaga upang maiwasan ang rabies.

Magpunta agad sa doktor kapag nakagat o nakalmot ng aso

Hindi dapat balewalain ang mga kagat ng aso, kahit na sa tingin natin ay wala naman silang rabies. Importante na magpunta agad sa health center upang mabigyan ng rabies vaccine, dahil ito lang ang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Mahalaga rin na turuan natin ang ating mga anak na umiwas sa mga hindi kilalang aso, at magsabi agad kung sila ay nakagat o nakalmot. Kapag lumabas na ang sintomas ng rabies sa bata ay wala na itong lunas, kaya mahalagang maagapan ito agad.

Kapag mayroon pagala-galang aso sa inyong lugar na baka mayroong rabies, mabuting itawag agad ito sa barangay upang mahuli ang aso at hindi maka-kagat ng tao.

Kailangan ding maging responsableng pet owner at pabakunahan ng anti-rabies ang inyong mga alaga. Wag din silang hayaang gumala sa labas ng bahay kung saan sila ay posibleng mahawa at makahawa ng rabies.

 

Source: ABS-CBN

Basahin: Are hamster bites dangerous? Mom of 3 dies after hamster bite