Sintomas ng stroke maaaring maranasan ng kahit sino, mapa-bata man o matanda.
Ano ang stroke?
Ang stroke ay isang seryosong medikal na kondisyon na nangangailangan ng emergency care. Kung ito ay hindi maagapan ay maari itong magdulot ng damage sa utak. Damage na maaring mauwi sa long-term disability o pagkasawi ng isang tao.
Ayon sa CDC o Center for Disease Control and Prevention, ang stroke ay tinatawag din na brain attack. Nararanasan ito ng isang tao kapag may nakabara sa blood supply papunta sa utak. Ito ay tinatawag na ischemic stroke. O kaya naman ay kapag pumutok ang isa sa mga blood vessel dito o tinatawag namang hemorrhagic stroke.
Sa parehong kondisyon ay natitigil ang oxygen at nutrient flow sa utak. Na nagreresulta sa brain damage at nagiging dahilan upang magpakita ng palatandaan at sintomas ng stroke ang isang tao.
Dahilan ng stroke
Ayon sa World Stroke Organization o WSO, isa sa kada apat na tao sa mundo ay nakakaranas ng stroke. Ito ay walang pinipiling edad at maaring maranasan ng kahit na sino. Mas tumataas nga lang daw ang tiyansang maranasan ito kapag tumungtong na sa edad na 55-anyos ang isang tao.
“The incidence of stroke increases with age, with the incidence doubling for each decade after 55 years of age.” Ito ang pahayag ni Associate Professor Deidre Anne De Silva. Isa siyang senior consultant neurologist mula sa Department of Neurology ng National Neuroscience Institute.
Dagdag pa niya maliban sa edad, ay may mga lifestyle-related factors ang maaring magdulot ng stroke sa matatanda. Ito ay ang mga sumusunod:
- Hypertension
- Diabetes
- Hyperlipidemia
- Obesity
- Heavy alcohol intake
Habang para sa mga bata ay narito naman ang risk factors na maaring magdulot ng stroke:
- Congenital heart disease
- Placenta disorder
- Blood clothing disorder
- Infection tulad ng meningitis
- Head trauma
- Sickle cell disease
- Autoimmune disease
Pagkukwento pa ni Dr. Silva, bagama’t ang stroke ay biglaan kung umatake, marami sa kanyang mga pasyente ang naka-recover mula rito. Ito ay naging possible dahil sa mga tao sa kanilang paligid na alam ang sintomas ng stroke. At alam ang kanilang dapat gawin sa oras na umatake ito.
Sintomas ng stroke
Sa oras na maranasan ng isang tao ang stroke ay mahalaga ang bawat minuto. Kaya naman makakatulong na ang bawat isa sa atin ay alam ang mga sintomas nito.
Ang mga sintomas ng stroke ay ang sumusunod:
- Biglaang pamamanhid o panghihina ng mukha, braso at legs sa isang bahagi ng katawan.
- Pagkabalisa, hirap sa pagsasalita, at hirap makaintindi ng sinasabi sa kanya.
- Hirap sa paglalakad, pagkahilo, kawalan ng balanse at kawalan ng koordinasyon sa katawan.
- Sobrang pananakit ng ulo na walang dahilan.
Sintomas ng stroke sa mga bata
Dahil ang stroke ay walang pinipiling edad, mahalaga na malaman rin ang sintomas ng stroke sa mga bata. Ito ay ang sumusunod:
- Seizure o panginginig ng katawan
- Paulit-ulit na pagkibot ng mukha, braso o binti
- Apnea o ang paghinto ng paghinga na sinasabayan ng pagkatulala
- Panghihina o hindi maigalaw ang isang parte ng katawan
- Hirap sa pag-abot ng mga bagay gamit ang isang kamay bago mag-isang taong gulang
Upang mailigtas mula sa kapahamakan ang isang taong nakaranas ng stroke ay dapat mabilis na kikilos ang mga taong nakapaligid sa kaniya.
Ayon sa CDC ay mahalagang sa loob ng 3 oras ay mabigyan na agad ng kaukulang treatment ang taong nakakaranas ng stroke. Dahil kung hindi ito ay maaring magdulot na ng matinding damage sa kaniyang katawan o mauwi sa kaniyang pagkasawi.
Act F.A.S.T
Maliban sa mga nabanggit ay may apat na letra ring dapat tandaan upang mailigtas mula sa panganib ng stroke ang isang tao. Ito ay ang letrang F, A, S at T o salitang FAST sa Ingles. Sa tulong ng mga letrang ito ay makukumpirma mo kung nakakaranas na ba ng stroke ang isang tao.
F – Face: Tingnan ang mukha ng taong hinihinilang na-stroke. Ang isang bahagi ba nito ay nakatabingi?
A – Arms: Sunod na tingnan ang kaniyang braso. At tanungin siya kung kaya niya bang itaas ang mga ito. Hirap ba siyang igalaw ang isang niyang braso?
S – Speech: Pakinggan kung kaya niyang magsalita ng maayos. Sabihan siyang ulitin ang isang salita na iyong sinasabi. Siya ba ay hirap na gawin ito o kaya naman ay iba ang tunog na lumalabas sa kaniyang bibig?
T – Time: Kung ang sagot sa mga nabanggit na katanungan ay oo, huwag ng mag-aksaya ng oras. Dalhin na agad ang pasyente sa ospital dahil siya ay nakakaranas na ng stroke. At mahalaga ang bawat minuto upang mailigtas ang kaniyang buhay.
Pinapaalalahan ang sinuman na makakaranas ng sintomas ng stroke na kung maaari ay humingi ng tulong sa iba at magpadala sa ospital.
Iwasan ang mag-drive ng mag-isa. Dahil maaring mawalan ng kontrol sa manibela at malagay pa lalo sa kapahamakan ang iyong buhay.
Paraan para makaiwas sa stroke
Inilista namin ang ilang paraan upang maiwasan ang stroke mula sa Harvard Medical School. Ayon sa kanila ito ang ilan sa mga paraan na maaari mong gawin upang makaiwas sa stroke. Ito ay ang mga sumusunod:
- Bawasan ang timbang kung ikaw ay overweight. Mainam na nasa normal ka na timbang.
- Iwasan ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo.
- Mag-ehersisyo ng madalas
- Kung ikaw ay umiinom ng alak, mas mainam na gawin ito in moderation. Huwag araw-arawin ang pag-inom ng alak sapagkat maaari itong makasama sa iyong overall health.
- Kung mayroon kang diabetes, mas mainam na makontrol ito. Sapagkat mas magiging prone ka sa pagkakaroon ng stroke kung hindi kontralado ang iyong diabetes dahil ang mataas na blood sugar ay nakakasira ng blood vessels sa paglaon ng panahon.
- Kung ikaw ay naninigarilyo, tumigil ka na sa paninigarilyo sapagkat mas tataas ang iyong tiyansa sa stroke.
Tandaan!
Para naman maiwasan ang stroke mahalagang ipraktis ng isang tao ang pagkakaroon ng healthy lifestyle. Kumain ng masusustansiyang pagkain. ‘
Mag-ehersisyo. Iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo. Dahil ang stroke ay isang traydor na sakit. At ito ay umaatake ng walang pangunang palatandaan.
Kaya kaysa makipagsapalaran na malunasan ito, mas mabuting sa una palang, ito na ay iwasan.
Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!