Usap-usapan sa social media ang nakakabagbag-damdamin na ginawa ng isang lalaki sa Abulug, Cagayan. Ang tatay na si Gerald Espergal, nagpakalbo bilang suporta sa kaniyang misis na mayroong lymphoma cancer.
Asawa ng mommy na may lymphoma cancer, nagpakalbo bilang suporta kay misis!
Heartwarming at moving para sa kaniyang mga social media follower at mga kaibigan ang ginawa ng mister na si Gerald Espergal para sa kaniyang asawa na si Karla.
Na-diagnose umano si mommy Karla na mayroong lymphoma cancer. At dahil kailangan magpa-chemotherapy, minabuti na rin nito na magpakalbo na bilang paghahanda sa gamutan.
Nang araw na magpapakalbo na si Karla, habang inaayos ang sarili sa isang barbershop ay nagulat na lamang siya na biglang ginamit ni Gerald sa sariling buhok ang razor.
Screenshot mula sa video ni Gerald Espergal
Mapapanood sa video na pinost ni Gerald sa kaniyang page na Matapang na Asawa, na naiyak si Karla sa kaniyang ginawa. Ipinaliwanag naman ng mister ang kaniyang rason at niyakap ang misis.
“Gusto kong samahan si Misis sa laban na kinakaharap niya which is [lymphoma cancer]”
Si Gerald na rin ang nagkalbo sa kaniyang asawa.
Screenshot mula sa video ni Gerald Espergal
Nang mapanood ng mga sumusubaybay sa kaniyang Facebook page ang video, agad na nagmensahe ang ilan niyang followers. Nais din daw ng mga ito na magpakalbo bilang suporta sa pinagdaraanan ng mag-asawa. Nasa 11 followers na umano nila ang nagpakalbo. At marami pa ang mga kaibigan at kakilala na handa ring gawin ito.
“Lahat gagawin ko para sa asawa ko. Salamat sa mga naka supporta,” saad ni Gerald sa comment section ng kaniyang viral Facebook post.
Larawan mula sa Facebook ni Gerald Espergal
“Kay Karla, mas tibayan mo lang ‘yong loob mo. Pakatatag tayong dalawa. Kapit tayo sa kaniya [Diyos] kasi alam ko, hindi tayo bibigyan ng problema na hindi natin kayang lusutan o hindi natin kayang lampasan,” mensahe ni Gerald sa asawa na ipinabatid niya sa pamamagitan ng interview ng GMA Regional TV.
Mayroong dalawang anak sina Gerald at Karla, na isa sa mga dahilan kung bakit patuloy silang naniniwala na malalampasan nila ang kanilang mga problema nang magkasama.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!