Kalunos-lunos ang sinapit ng 19-taong gulang na si Ashley Abad nang siya ay mamatay dahil sa drug overdose habang nasa isang party. Posible raw na dahil sa party drug na ecstasy ang nangyaring Sinulog party overdose.
Dahil dito, gustong imbestigahan ng mga pulis ang mga kaibigan at nobyo ng biktima, na kasama niya noong nangyari ang insidente.
Sinulog party overdose: ano nga ba ang tunay na nangyari?
Base raw sa death certificate ng biktima, isang drug overdose ang ikinamatay nito. Nasa isang party na ginanap noong bisperas ng Sinulog ang biktima, at kasama raw nito ang mga kaibigan.
Bigla na lang raw itong nawalan ng malay, kaya’t agad na dinala sa ospital. Ngunit sa kasamaang palad, hindi na siya umabot ng buhay.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng na-overdose raw sa ecstasy ang biktima dahil ito ang pinaka-common na party drug. Dagdag pa nila, plano raw nilang imbestigahan ang mga kaibigan at ang nobyo ng biktima bilang mga ‘persons of interest’ sa kaso.
Giit naman ng pamilya ni Ashley na hindi raw drug user ang kanilang anak. Ayon sa kaniyang tiyuhin, napakabait raw nitong bata, at God-fearing. Kahit kailan raw ay hindi gumamit ng droga ang teenager. Tingin ng pamilya, baka raw may naghalo ng party drugs sa inumin ng biktima, na kaniyang ikinamatay.
Mag-ingat sa panganib ng droga
Bilang magulang, nakakatakot marinig na ang iyong anak ay involved sa droga. Bukod sa ito ay iligal, lubos na mapanganib ito para sa kanilang kalusugan, kaligtasan, at kinabukasan.
Kaya’t mahalagang turuan ng mga magulang ang kanilang anak na umiwas sa iligal na droga. Heto ang ilang mga mahahalagang aral na dapat ituro ng mga magulang.
- Huwag silang pumayag na maging bikima ng ‘peer pressure’ o pressure mula sa kanilang mga kaibigan na gumamit ng droga
- Kung mga drug users ang kaibigan nila, mas mabuting umiwas na lang sila sa mga ito
- Kung sa tingin nila ay nasa panganib sila, o kaya hindi katiwa-tiwala ang kanilang mga kasama, huwag silang mag-atubiling humingi ng tulong sa iyo
- Kapag may hinala kang drug user ang iyong anak, huwag silang awayin o takutin, at kausapin sila ng maayos tungkol dito
- Mahalagang madala sa rehab, o kaya kumausap ng counselor o therapist ang iyong anak kung sakaling drug user sila
- Kailangan nila ng pag-aaruga at unawa, hindi ang panghuhusga at galit. Kaya’t mahalaga ang suporta ng mga magulang
Source: ABS-CBN News
Basahin: 10 fun ways you can celebrate Sinulog with the kids
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!