Sa pinakabagong ulat ng World Health Organization (WHO), sinasabing may higit sa 17,200 na kaso ng tigdas o measles na naitala sa Pilipinas mula Enero hanggang ngayong Nobyembre nitong taon. Ito ay 367% increase kumpara sa numero ng mga kaso ng sakit na ito noong 2017.
Dagdag pa ng organisasyon, ang mga pinakamadaling matamaan ng sakit na ito ay ang mga maliliit na bata na hindi nabakunahan laban sa tigdas.
Mga kaso ng tigdas o measles
Ayon naman sa ulat ng CNN, naitala ng opisina ng Department of Health sa Bicol na nagkaroon ng 239 na kaso ng tigdas mula Enero hanggang Setyembre—kabilang na ang 6 na namatay dahil sa sakit na ito. Ang mga naitalang namatay ay mga hindi nabakunahan.
Sa Zamboanga naman, naiulat na nagkaroon ng measles outbreak sa lugar noong Pebrero. Nagkaroon ng 495 na kaso ng tigdas at anim din dito ang namatay dahil sa sakit.
Ayon sa mga opisyal ng DOH, bumaba ang numero ng mga nagpapabakuna mula nang magkaroon ng isyu tungkol sa Dengvaxia.
Sintomas ng tigdas
Ang measles ay isang malubhang respiratory disease (apektado ang baga at breathing tubes) na nagiging sanhi ng mataas na lagnat at rashes o maliliit at mapupulang pagpapantal sa balat, sa buong katawan. Ito ay nakakahawa, at sa ilang pagkakataon, ay nakamamatay.
Nagsisimula ito sa mataas na lagnat, at pagkatapos ay nagkakaroon ng mga sumusunod:
Ubo, sipon, pamumula ng mata, rashes o maliliit na pulang tuldok na nagsisimula sa ulo, at kumakalat sa buong katawan, diarrhea, at ear infection. Delikado ito lalo na sa mga sanggol at bata.
Para sa ibang bata, ang tigdas ay nagiging sanhi ng ibang komplikasyon tulad ng pneumonia, panghabambuhay na brain damage, pagkabingi, at pagkamatay.
Ang iba ay nagkakaron ng encephalitis o pamamaga ng utak, na nagiging sanhi ng kombulsyon, pagkabingi at mental retardation. Nasa 40% ng mga may tigdas ang nagkakaroon ng komplikasyon, at karaniwang mga batang 5 taong gulang pababa ang naaapektuhan, kaya’t sa edad na ito ay dapat ikunsulta agad sa doktor sa unang badya pa lamang ng mga sintomas, lalo’t mataas na lagnat.
Ang sakit na ito ay mabilis makahawa at kumalat, sa pamamagitan lamang ng pag-ubo, paghinga at paghatsing. Ang pananatili lamang sa isang kuwarto kasama ng may tigdas ay nakakahawa na, kahit pa 2 oras na ang lumipas mula nang umalis ang taong may tigdas sa kuwartong iyon. Halos lahat ng walang bakuna para sa MMR ay malaki ang posibilidad na mahawa kaagad kapag na-expose sa virus.
Mariin na pinapayuhan ng WHO na pabakunahan ang mga bata laban sa measles.
Ang MMR shot o bakuna para sa measles, mumps, at rubella ay para protektahan ang mga bata laban sa tigdas, at mga mas malalang sakit tulad ng mumps at rubella. Libre ang pagbabakuna ng primary shot ng MMR sa mga Health Centers sa Pilipinas, lalo para sa mga sanggol na 9 hanggang 12 buwang gulang.
Basahin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa measles o tigdas
Source: CNN
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!