Mga dapat malaman tungkol sa pagkuha ng unang passport ni baby

Share this article with other moms

May Passport na ba si baby? Alamin ang mga kailangang dokumento at proseso ng pag-aaply para sa una niyang pasaporte, dito.

Kahit hindi pa plantsado ang plano ng pamilya para sa bakasyon, mas maiging ayusin na ang mga travel documents ng mga bata para walang aberya. Mas mabuti nang nakahanda na ang mga papeles ng iyong anak o mga anak.

Sa Pilipinas, ang paglabas ng bansa ng isang menor de edad o 16 na taong gulang pababa, ay nangangailangan ng affidavit of support at written consent para sa passport application. Narito ang bago at mas madaling passport appointment system ng Department of Foreign Affairs (DFA), na makikita din sa DFA’s passport appointment system website.

May mga security measures na itinalaga para sa pag-aaply para sa mga menor de edad para masigurong sila ay may proteksiyon nila sa paglabas ng bansa.

May dalawang paraan na maaaring sundin: Tawagan ang DFA passport appointment hotline sa numerong (632) 737-1000 o mag-apply online. Dito kakailanganing ibigay ang ilang personal na impormasyon, at dito din pipili ng araw at oras ng inyong appointment. Ang bagong online-appointment system ay para lamang sa mga application para sa Regional Consular Offices ng Pilipinas, DFA Manila (Aseana) at Satellite Offices sa Metro Manila (Ali Mall, SM Manila, SM Megamall and Alabang Town Center).

Alinsunod sa vision ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang DFA ay may mga bagong patakaran para sa passport application. Mayroon nang karagdagang 49,089 appointment slots para sa buwan ng Oktubre simula Lunes, ika-2 ng Oktubre 2017 ayons sa first come, first served basis. Ang karagdagang online appointment slots naman ay ihahanda na sa Nobyembre.

Ang passport appointment ay libre. Binibigyan ng DFA ng babala ang taumbayan na huwag magbayad ng kahit anong halaga sa mga fixers para sa online appointment.

Unang Hakbang: Piliin kung ano ang paraan ng pagpasa ng application at mag-fill up ng form

Tumawag sa DFA hotline

Pagtawag sa DFA hotline, tutulungan ka ng isang customer care representative na pumili ng araw at oras ng appointment. Sa kaniya din ibibigay ang ilang impormasiyon tulad ng kumpletong pangalan ng bata at ng mga magulang (nakalagay sa birth certificate), address, at numero ng iyong existing passport, kung meron man.

Bibigyan ka ng print code at ito ang ilalagay mo sa website na passport.com.ph/print para makapag-print ka ng kopya ng application form. Bibigyan ka ng listahan ng kailangang dokumento para dalhin sa iyong scheduled appointment.

Online

Kung napili mong mag-aaply online, pumunta sa Passport.gov.ph. Dito makikita ang mga kailangan at online application form na doon mo na rin sasagutan. Pagkatapos ay pipili ka ng araw at oras nang pagpunta sa DFA office. Papadalhan ka ng DFA ng kopya ng iyong application form sa e-mail, kasama ng schedule na pinili mo.

I-print ito at dalhin sa araw ng pagpunta sa DFA. Gmail at Yahoo! email accounts lang ang kinikilala o mapapadalhan ng DFA ng confirmation sa ngayon.

Mga kailangan para sa Online Application Filing at Scheduling

  • Computer at Internet access.
  • Web Browser (Internet Explorer ver.11 or higher / Mozilla Firefox ver.45 and up recommended)
  • Isang balidong email address (Yahoo! o Gmail lamang) para makatanggap ng confirmation at iba pang paalala
  • PDF reader (programa sa computer) at printer para makita ang dokumento at makagawa ng hard copy o kopya.

photo: All About K facebook page

Ikalawang Hakbang: Ilakip ang lahat ng kailangang dokumento

Para sa mga aplikanteng wala pang 18 taong gulang (Minors)

  • Kumpirmadong appointment (maliban sa 1 year old pababa)
  • Personal appearance ng aplikanteng menor de edad
  • Personal appearance ng isa o parehong magulang, at valid passport nito
  • Orihinal na Birth Certificate ng bata at Security Paper na ibinigay ng Philippine Statistics Authority (PSA) o Certified True Copy ng Birth Certificate na binigay ng Local Civil Registrar at duly authenticated ng PSA. Kung malabo o hindi mabasa ang mga tala sa isang Birth Certificate na bigay ng PSA, kailangan ng Transcribed Birth Certificate mula sa LCR. Ang mga dokumentong Report of Birth ay kailangang duly authenticated ng PSA, para sa mga batang pinanganak sa ibang bansa.
  • Dokumento ng pagkakakkilanlan na may kasamang larawan, para sa mga batang 8 hanggang 17 taong gulang (para sa first time at renewal applicant) tulad ng School ID o Form 137 na may nababasang dry seal.
  • Para sa mga aplikanteng hindi pa nag-aaral o hindi nakapag-aral sa isang eskwelahan, kailangan ang isang Notarized Affidavit of Explanation na ginawa ng magulang o ng ina (kung illegitimate ang bata) at nagsasaad ng mga dahilan kung bakit hindi nag-aaral sa paaralan ang bata.
  • Marriage Certificate ng mga magulang ng bata, na duly authenticated ng PSA (para sa isang legitimate child).
  • Orihinal at photocopy ng valid passport ng taong makakasama ng bata sa paglalakbay.

Karagdagang Requirements

Kung ang bata ay maglalakbay ng mag-isa o hindi kasama ang mga magulang:

  • Personal appearance ng isang magulang (kung ang bata ay legitimate child) o ng ina (kung illegitimate child)
  • Affidavit of Support and Consent (ASC) na isinulat ng magulang, na nagsasaad ng pangalan ng makakasama ng bata sa paglalakbay at relasyon nito sa bata (pamangkin, apo, kapatid, at iba pa). Kung mag-isang maglalakbay ang bata, ang ASC ay dapat isinulat ng isang magulang na nagsasaad na alam niya at pinapayagan ang batang maglakbay ng walang kasama.
  • Orihinal at photocopy ng DSWD Clearance. Lahat ng batang maglalakbay ng walang kasamang magulang, o isang magulang lamang (nanay lang o tatay) ay kailangan ng DSWD Clearance, nag nagsasaad na alam ng isa o parehong magulang ang paglalakbay ng bata. Ito ay para maiwasan ang problema para sa mga batang ang mga magulang ay hiwalay o may legal na alitan tungkol sa kustodiya. Hindi kailangan ng DSWD Clearance kung ang bata ay may magulang na nagtatrabaho o imigrante sa ibang bansa, basta’t siya ay may hawak na valid pass tulad ng dependent’s visa/pass/identification card o permanent resident visa/pass/identification card na nagsasabing siya ay nakatira sa ibang bansa, kasama ng kaniyang magulang.

Kung ang parehong magulang ay nasa ibang bansa:

  • Kailangan ng Affidavit of Support and Consent (ASC) mula sa mga magulang na nagsasaad ng pangalan ng kasamang maglalakbay na authenticated ng Philippine Embassy o Consulate General.
  • Special Power of Attorney (SPA) kalakip ng photocopy ng valid passport ng isa o parehong magulang (authenticated ng Philippine Embassy o Consulate General), na nagbibigay ng authorization sa isang representative na samahan ang anak sa pag-aaply ng passport.
  • Orihinal at photocopy ng DSWD Clearance
  • Proper ID ng duly authorized representative
  • Kung ang bata ay legitimated dahil sa kasunod na pagpapakasal ng mga magulang (ipinanganak muna, bago naikasal ang mgulang):
  • Kailangan ng Authenticated Birth Certificate mula sa PSA, at may annotation ng pagpapakasal at pagiging legitimate ng bata at binagong buong pangalan ng bata (kung iba na ang apelyido)
  • Kung ang bata ay illegitimate ngunit kinikilala ng ama:
    Birth Certificate mula sa PSA na nakasaad ang apelyifo ng tatay, at Affidavit of Acknowledgement and Consent na gamitin ang apelyido ng tatay.

Para sa iba pang kaso ng illegitimacy ng bata, maaaring tingnan sa Passport.gov.ph.

Ikatlong Hakbang: Pagpunta ng personal sa DFA

  • Siguraduhing nasa DFA office kayo ng mas maaga kaysa sa scheduled appointment. Magandang makarating doon 30 minuto hanggang isang oras bago ang takdang oras.
  • Ipakita ang kopya ng application form sa Appointment Counter at kumuha ng queue number sa Information Counter.
  • Pumunta sa Passport Enrollment Section at magbayad ng passport fees.
  • Pagkatapos ay magtungo sa encoding section para sa pagpapakuha ng litrato ng bata.

Magkano ang babayaran?

Ang passport processing fees ay P950 para sa regular processing at P1,200 para sa rush processing (7 araw lang ay tapos na). May karagdagang P200 para sa nawalang valid passport (hindi pa expired) na kailangan ng kapalit. Kung ipapadala sa inyong bahay ang passsport, may dagdag na P120 delivery fee na babayaran sa Delivery Counter.

Ang DFA Consular Office ay matatagpuan sa ASEANA Business Park, Bradco Avenue corner Macapagal Boulevard, Parañaque City. May mga iba pang opisina.

Komplikado? Hindi naman. Maraming kailangan pero sa oras na makuha ang passport, ito na ang simula ng maraming taon ng paglalakbay kasama si baby.

Alamin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pag-aampon

Vacation Family Fun