Universal Health Care Law IRR pirmado na ni DOH Secretary Francisco Duque III. Nangangahulugan ito na sa wakas ay malapit ng makamit ng mga Pilipino ang mga benepisyo ng nasabing batas.
Ngunit ano nga ba ang mga importanteng impormasyon na kailangang malaman ng mga Pilipino tungkol sa bagong batas na ito?
Universal Health Care Law IRR
Pinirmahan na kahapon ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang Universal Health Care Law IRR o Implementing Rules and Regulations ng bagong batas. Ang batas ay tinatawag ding Republic Act No. 11223 na pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte, Pebrero ngayong taon.
Sa pamamagitan ng batas na ito ay magkakaroon na ng access ang lahat ng Pilipino sa libre at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
“The health system must actively improve the health literacy, the built environment, and the social determinants of health of every Filipino—it should be a system that seeks out and cares for Juan and Juana every day, throughout their lives, not just when they are sick.”
Ito ang pahayag ni Sec. Duque patungkol sa Universal Health Care Law.
Sa ilalim ng bagong batas ay ito ang mga mahalagang impormasyong dapat malaman ng mga Pilipino.
1. Sino ang kwalipikadong makakuha ng benepisyo mula sa Universal Health Care Law
Sa ilalim ng bagong batas na ito lahat ng Pilipino ay awtomatikong magiging miyembro ng PhilHealth. Samakatuwid bawat Pilipino ay makakatanggap ng benepisyo mula sa bagong batas. Ang mga hindi pa miyembro ng PhilHealth sa ngayon ay awtomatikong miyembro na. Habang ang mga dating miyembro ay mananatiling miyembro ng PhilHealth aktibo man o hindi.
Dahil sa lahat ng Pilipino ay awtomatikong miyembro na ng PhilHealth ay hindi na kailangan pang magpakita ng ID o MDR bago maka-avail ng benepisyo sa ilalim ng UHC Law.
2. May kailangan pa rin bang bayaran na monthly fees para makakuha ng benepisyo sa bagong batas na ito?
Nahahati sa dalawang kategorya ang membership ng PhilHealth sa UHC Law. Ito ay ang direct at indirect contributors.
Ang mga direct contributors ay ang mga nagmula sa formal sector ng ekonomiya o ang mga miyembro na may kakayahang magbayad ng kanilang monthly contribution. Ito ay ang mga empleyado, professional practitioners, migrant workers, may negosyo o sariling pagkakakitaan at mga lifetime members kabilang na ang kanilang mga qualified dependents.
Habang ang mga indirect contributors ay ang mga walang kakayahang magbayad ng monthly contribution. O iyong mga dating miyembro ng PhilHealth na dati ng ipinagbabayad ng pamahalaan. Ito ay ang mga indigent members na nakatala sa listahan ng DSWD, senior citizens at PWDs.
3. Pareho lang ba ang benepisyong makukuha ng Direct at Indirect Contributors?
Ang mga basic benefits na matatanggap ng mga direct at indirect members ay pareho lamang. Bagamat nilinaw rin ng batas na may karagdagang benepisyo ang mga direct contributors kung kinakailangan. Ngunit para magpatuloy ang benepisyong kanilang natatanggap ay dapat patuloy rin sila sa pagbabayad ng kanilang buwanang kontribusyon.
4. Wala na bang gagastusin sa pag-papaospital sa ilalim ng UHC Law?
Ayon sa batas, ang mga basic services accommodations ang maari lang mai-cover ng PhilHealth.
Ibig sabihin ang sasakupin lang ng batas ay ang mga serbisyong ginagamit ng pasyente na bukas para sa publiko. Tulad ng libreng pagkain at libreng higaan sa isang pampublikong kwarto o ward sa.ospital.
Hindi na ito libre kung pipiliin ng miyembro o pasyente ang isang hospital room na nag-ooffer ng private accommodation at services.
Ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na maaring magpa-admit ang mga miyembro sa isang pampribadong ospital. Dahil nakasaad sa batas na dapat ang isang specialty hospital ay may nakalaan na 70% ng kanilang beds para sa mga PhilHealth members. Habang 10% naman ng hospital beds sa mga private hospitals ang dapat nakalaan sa mga beneficiary ng bagong batas.
5. Kailangan bang magpa-ospital agad sa oras na may karamdaman para magamit ang benepisyo ng UHC Law?
Base sa UHC Law, bawat isang miyembro ay maaring pumili ng kaniyang primary health care provider. Ito ay ang pinakamalapit ng health care staff o worker sa kanilang lugar. Bago dalhin sa ospital ay kailangang masuri muna ng nagsabing primary health care provider ang kondisyon ng pasyente. Saka ito magbibigay ng pangunang lunas o referral para mai-admit ito sa isang PhilHealth accredited hospital.
6. Libre ba ang mga outpatient drugs o gamot sa bagong batas na ito?
Sa kasalukuyan libreng ipinamimigay ang mga maintenance medicine para sa asthma, diabetes, hypertension at acute gastroenteristis sa mga health centers at pampublikong ospital. Kabilang ito sa Expanded Primary Care Benefit package ng mga PhilHealth. Sa tulong ng bagong batas ay mas palalawigin lang ito at gagawing komprehensibo.
7. Kailangan magiging epektibo ang Universal Health Care Law?
Tinatayang Enero sa susunod na taon ay maari ng maipatupad ang bagong batas sa bansa. Dahil matapos mapirmahan ang IRR ng Universal Health Care Law ni DOH Secretary Duque ay kailangan lang siguraduhin na handa na ang mga ospital at health professionals sa bagong polisiya. Ito ay para maibigay nila ang de-kalidad na serbisyong medikal sa bawat Pilipino.
Source: PhilHealth, DOH
Photo: Freepik
Basahin: Universal Health Care Law, katuwang ng mga magulang sa tuwing magkakasakit ang anak
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!