VBAC o Vaginal Birth After Caesarean delivery ang piniling paraan ng panganganak ng aktres na si Rica Peralejo. Gaano nga ba kaligtas ang procedure na ito at sino ang good candidate na maaring sumailalim sa ganitong paraan ng panganganak.
VBAC delivery ni Rica Peralejo
Noong Hunyo 9 ay matagumpay na isinilang ni Rica Peralejo ang pangalawa nilang anak ng asawang si Joseph Bonifacio na pinangalanan nilang Manu.
Hindi tulad ng ibang pagbubuntis ay mas naging dagdag pasakit kay Rica ang kondisyon niya na malapit sa disorder na APAS o Antiphospholipid antibody syndrome. Bagamat ayon sa kaniya ay hindi siya kabilang sa limang categories sa ilalim ng disorder na ito.
Dahil sa kondisyon ay naging sensitibo ang kaniyang pagbubuntis. Kinailangan niyang uminom ng maraming gamot at mag-inject ng Innohep araw-araw para masiguro ang kaligtasan ng sanggol na dinadala niya na unmedicated sa buong 25 oras ng kaniyang pag-lelabor.
Ayon kay Rica, bago siya magdesisyon na manganak sa pamamagitan ng VBAC ay hiningi niya muna ang payo ng kaniyang doktor. Mahalaga ito sapagkat hindi lahat ng babae ay maaring gawin ang nasabing procedure, mas lalo pa’t sa bahay niya piniling manganak.
Sa isa niyang Instagram post ay idinetalye ni Rica ang kaniyang journey sa kung paano niya inihanda ang kaniyang sarili na manganak sa pamamagitan ng VBAC.
www.instagram.com/p/Byt1WZ2llLf/
Ayon sa kaniya, dahil siya ay nanganak sa panganay niyang si Philip 5 years ago via caesarean section delivery ay good candidate na siya na gawin ang procedure. Siya rin naman ay fit at healthy. At walang nararanasang komplikasyon sa pagbubuntis tulad ng bleeding at low amniotic fluid.
Bilang preparasyon sa pangangak via VBAC ay kinailangan niyang sundin ang payo ng kaniyang immunologist sa mga gamot na dapat niyang inumin. Pati na ang regular check-up at scans na ni-rerequire ng OB-Gyn niya.
At sa tulong ng isang professional midwife na nag-momonitor ng vital stats at heart beat ng kaniyang baby ay naisilang ito via VBAC si Rica sa kanilang bahay noong June 9 ng 5:33 ng umaga.
Panoorin rito ang naging panganganak niya.
Mga impormasyong dapat malaman tungkol sa VBAC
Ang VBAC o vaginal birth after C-section ay ang panganganak ng normal vaginal delivery matapos ang panganganak sa pamamagitan ng C-section. Ngunit, hindi lahat ng babaeng nanganak via C-section ay agad na kwalipikadong gawin ang procedure na ito. Dahil ito ay may risk at complications na maari ring maging life-threatening sa buntis at kaniyang baby.
Kaya naman bago gawin ito ay dapat mayroong go signal ng isang doktor na siyang makakapagsabi kung good candidate sa procedure na ito ang isang babae.
Mga dapat isaaalang-alang sa pagsasagawa ng VBAC
Ang unang dapat isaalang-alang sa pagsasagawa ng VBAC ay kung fit at healthy ba pareho ang buntis at ang dinadala niyang baby. At hindi rin siya dapat nakakaranas ng sumusunod na kondisyon na maituturing na risky para sa VBAC procedure.
- Obese o may body mass index na 30 o higit pa
- Nakakaranas ng komplikasyon sa pagbubuntis tulad ng preeclampsia o mataas na blood pressure
- Edad na lagpas sa 35 taong gulang
- Nanganak via caesarean sa nakalipas na 19 na buwan
- May malaking fetus na dinadala
- May C-section scar na pa-vertical ang posisyon dahil maari itong bumuka na maaring magdulot ng panganib sa babaeng buntis at kaniyang baby
- History ng dalawa o higit pang C-section delivery
Benepisyo ng VBAC
Ang pangangak via VBAC ay mayroon ring benefits na maibibigay sa isang babae. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Hindi ito nangangailangan ng surgery
- Mas kaonti ang mawawalang dugo sa babaeng manganganak
- Mababang chance na makaranas ng impeksyon
- Mas mabilis na recovery
- Mababang tiyansa na makaranas ng injury sa bladder o bowel
- Hindi komplikado o konting problema ang maaring hanapin sa susunod na panganganak
Ang VBAC ay hindi ipinapayong gawin sa bahay at iilang ospital lang ang ini-encourage ang procedure na ito. Ipinapayong gawin ang procedure na ito sa ospital o isang medical facility. Ito ay para mas mabilis na mabibigyan ng agarang medikal na atensyon ang babaeng nanganganak at kaniyang sanggol sa oras na magkaroon ng problema sa panganganak. Dahil ang bawat minuto sa panganganak ng isang babae ay napaka-importante na kung saan nakasalalay ang buhay niya at ng kaniyang baby.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Source: Web MD, Mayo Clinic, Everyday New Page
Basahin: VBAC o C-Section: Alin ang pipiliin ko para sa aking susunod na pagbubuntis?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!