Ogie Diaz ibinahagi ang mga bilin sa kaniyang limang anak na babae. Komedyante at kilalang vlogger sa ngayon, may inilatag na daw na kasunduan sa mga anak sa oras na ang mga ito ay magsipag-asawa na.
Mababasa dito ang mga sumusunod:
- Mga bilin ni Ogie Diaz sa limang anak niyang babae.
- Payo ni Ogie sa mga anak ukol sa buhay may asawa.
Mga bilin ni Ogie Diaz sa limang anak niyang babae
Larawan mula sa Facebooka account ni Ogie Diaz
Sa kaniyang Facebook account ay may mahabang post si Ogie Diaz tungkol sa kaniyang limang anak na babae. Ayon kay Ogie, may lagi silang paalala ng kaniyang misis na si Georgette del Rosario sa lima nilang anak na puro babae. Ito ay ang mag-aral ng mabuti para sa kanilang kinabukasan.
“Lagi kong sinasabi sa mga anak ko, mag-aral mabuti. Hanggang sa makatapos. Hindi para sa amin ng mama nila, kundi para sa future nila. Para hindi sila naasa lang sa magulang. “
Ito ang isa sa nangungunang bilin ni Ogie sa mga anak.
Pagpapatuloy pa ng komedyante sa kaniyang post, itinatak niya rin sa utak ng mga anak na pagdating ng araw ay hindi sila responsibilidad ng mga ito. Lalo na kung sila ay may sarili ng pamilya na ayon kay Ogie ay maaring magdulot pa ng problema sa buhay nila may-asawa.
Larawan mula sa Facebooka account ni Ogie Diaz
“’Yung pagtanaw ng utang na loob? ‘Yung “ako naman ngayon, nay, tay”? Depende na yan sa bata in the future. Lalong depende ‘yan kung paano mong pinalaki at hinubog ang (mga) anak mo para balikan ka nila at tumanaw.”
“Basta ako, nakahinang na sa puso at utak ko ang katotohanang walang obligasyon sa akin ang mga anak ko pagdating ng araw. Ayokong dumating ang panahong pag nagsipag-asawa na sila ay pipisan ako makikitira ako sa bahay nila? ‘Yung pag nagkaroon ng misunderstanding kami ng mga asawa nila eh kailangan nilang mamili o kumampi kung sino sa amin ng asawa nila? Never! “
Ito ang mariin pang sabi ni Ogie.
Larawan mula sa Facebooka account ni Ogie Diaz
Si Ogie pagdating sa pag-aasawa ay may mahalaga paring payo sa mga anak. Pag-amin niya may usapan rin sila ng mga anak na kung sino man ang hindi pa nag-aasawa sa edad na 25 years old ay may prize na matatanggap sa kaniya. Ito ang dahilan ni Ogie kung bakit niya ito ginawa.
“Kasi, gusto ko, i-enjoy muna nila ‘yung kabataan nila, at least, hanggang 25yo sila. Pangit ‘yung maaga kang nag-asawa, tapos, iiwan mo sa amin ang anak mo, dahil gigimik ka? Juice ko, talak ang aabutin mo sa akin, anak.”
“Gusto ko, makatapos ka. May disente kang trabaho o maliit na negosyo man lang. Para aware ‘yung lalake na hindi ka niya puwedeng pagmalakihan, dahil meron kang stable job o negosyo.”
Sabi pa ni Ogie, sa oras naman na magkapamilya na ang mga anak niya ay nakaalalay parin siya sa mga ito. Pero hindi para pakialaman ang buhay may asawa nila. Kung hindi para tanggapin o yakapin sila pabalik sa oras na hindi nag-workout para sa kanila ang buhay may asawa.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!