Ano ang Congenital Anomaly Scan at bakit nga ba mahalaga itong maisagawa sa pagbubuntis? Alamin dito.
Photo by Daniel Reche from Pexels
Ano ang Congenital Anomaly Scan?
Bilang magulang ninanais natin na lumaking normal ang ating mga anak o walang birth defects kapag ipinanganak. Ngunit may iba sa atin na hindi napagbibigyan na maranasan ito. Mabuti na lang sa tulong ng teknolohiya ay nabuo ang tinatawag na congenital anomaly scan. Ito ang pregnancy scan na isinasagawa sa 18-20 weeks ng pagbubuntis na ang goal ay matukoy kung may abnormalities ba ang sanggol na ipinagbubuntis.
Ayon sa pag-aaral, ang congenital abnormalities at birth defects ay maaaring makaapekto sa 2-3% ng lahat ng pagbubuntis. Karamihan sa mga ito ay maituturing na minor abnormalities. Habang ang iilan naman ay maituturing na major defects na kailangan ng agarang gamutan o solusyon. Maaari ring magkaroon ng special arrangement sa panganganak o postnatal treatment.
Paano ito isinasagawa?
Ang pagsasagawa ng congenital anomaly scan ay tulad din ng pagsasagawa ng ultrasound scan upang malaman ang kasarian o gender ni baby. Isinasagawa ito sa tulong ng sonographer. Bagama’t kumpara sa ultrasound scan, ang congenital anomaly scan ay mas detalyado o mas tinitingnan ang bawat bahagi ng katawan ng lumalaking sanggol sa sinapupunan. Ang mga bahagi o structures ng katawan na tinitingnan sa congenital anomaly scan ay ang sumusunod:
- Ulo at utak ni baby
- Mukha
- Spine
- Puso
- Diaphragm
- Tiyan
- Abdominal wall
- Kidney, Bladder
- Extremeties (Femur at humerus length)
- Placenta, umbilical cord
- Amniotic fluid
- Uterine artery
Children photo created by serhii_bobyk – www.freepik.com
Anu-ano ang mga congenital abnormalities na maaaring matukoy nito?
Habang ang mga congenital abnormalities naman na maaaring matukoy sa tulong ng scan na ito ay ang sumusunod:
Spina bifida
Ito ang uri ng neural tube defect (NTD) na umaapekto sa spine ng isang sanggol. Tumutukoy ito sa kondisyon na kung saan ang neural tube sa spine ng sanggol ay hindi maayos na nagsara o tinawatawag na open spinal defect.
Ang kondisyon na ito ay maaaring magdulot ng physical at intellectual disabilities sa isang sanggol.
Anencephaly
Ang anencephaly ay tumutukoy naman sa defect sa formation ng bungo at utak ng isang sanggol. Isa itong seryosong birth defect na isang uri rin ng neural tube defect.
Nangyayari ang anencephaly kapag ang upper part ng neural tube ng sanggol ay hindi maayos na nagsara. Nagreresulta ito sa pagsilang ng sanggol na walang harapang bahagi ng utak o forebrain at ang coordinating part ng utak o cerebrum. O kaya naman ang ibang bahagi ng utak ay hindi natatakpan ng buto o balat.
Walang lunas sa kondisyon ito at karamihan ng mga sanggol na ipinapanganak na taglay ang kondisyon na ito’y agad na nasasawi.
Hydrocephalus
Ang hydrocephalus ay tumutukoy naman sa buildup ng fluid o tubig sa utak. Ito’y maaaring magpalaki ng ulo at magdulot ng dagdag na pressure sa utak ng sanggol. Maaaring maranasan ng bata ito sa kahit anumang edad. Pero mas madalas itong lumalabas sa mga sanggol at adults na edad 60 pataas. Para maisaayos o magamot ang hydrocephalus ay kailangang sumailalim sa surgical treatment ang isang sanggol. Bagama’t hindi kasiguraduhan ito na siya ay mabubuhay ng normal.
Congenital heart disease
Ang congenital heart disease ay ang kondisyon na kung saan may malformation o defect sa pagbuo ng puso ng sanggol. Naapektuhan nito ang pag-function ng puso pati na kung paano dumadaloy ang dugo sa puso at iba pang bahagi ng katawan.
Maraming uri ng congenital heart disease. May mga mild defect tulad ng pagkakaroon ng maliit na butas sa puso at severe defects tulad ng pagkawala o hindi nagpe-perform na bahagi ng puso.
Gastroschisis
Image from CDC
Ang gastroschisis ay tumutukoy sa birth defect o abnormality sa abdominal wall ng sanggol. Sa kondisyon na ito ay makikita ang intestines ng sanggol sa labas ng kaniyang katawan. Ito ay lumalabas dahil sa pagkakaroon ng butas sa kaniyang pusod, tiyan o atay.
Isa itong bibihirang kondisyon na umaapekto sa isa sa kada 2,000 na sanggol. Nagde-develop ito sa 4-8 weeks ng pagbubuntis dahil sa weakness sa abdominal wall muscles ng ipinagbubuntis na baby. Maaari itong maitama sa pamamagitan ng surgery sa oras na maipanganak na ang baby na nakakaranas ng kondisyon.
Major kidney problems
Sa tulong ng congenital anomaly scan ay matutukoy rin kung nakakaranas ng major kidney problems ang isang ipinagbubuntis na sanggol. Gaya ng kawalan ng kidneys o abnormal na pagpa-function nito.
Major limb abnormalities
Matutukoy rin sa congenital anomaly scan kung may maikli o abnormally formed bang mga buto ang ipinagbubuntis na sanggol.
Diaphragmatic hernia
Tulad ng sa gastroschisis, makikita rin sa congenital anomaly scan kung may diaphragmatic hernia ang isang sanggol. Ito ay ang abnormal opening sa kaniyang diaphragm. Ito ang muscle sa pagitan ng dibdib at tiyan na tumutulong sa ating huminga.
Cleft lip and palate
Ang kondisyon na ito ay tumutukoy sa pagkakaroon ng defect o malformation sa labi o bunganga ng sanggol. Inirerekomenda na ang mga sanggol na mayroon ng kondisyon na ito’y sumailalim sa surgery sa loob ng unang 18 months ng kaniyang buhay. Ito ay para ma-improve ang kaniyang itsura. Pati na ang kaniyang paghinga, pandinig at speech and language development.
Image from Incheon Open
Down’s syndrome o Trisomy 21
Sa tulong ng congenital anomaly scan ay matutukoy rin kung may Down’s syndrome ang isang sanggol. Ito ang kondisyon na tinatawag rin Trisomy 21. Dahil ang normal na sanggol ay ipinapanganak na mayroong 46 chromosomes. Pero ang mga sanggol na may Down’s syndrome ay ipinapanganak na may extra copy ng mga ito na tinatawag na chromosome 21.
Ang mga batang may Down’s syndrome ay kumikilos at may makakahawig na mukha. Madalas sila ay mas mabagal na magsalita kumpara sa mga normal na bata.
Ang ilan sa mga nabanggit na kondisyon ay maqaring maisaayos ng maaga sa pagbubuntis. Sa tulong ng congenital anomaly scan ay matutukoy kung anong treatment ang maaring gawin upang ito ay maisagawa. At ano ang hakbang na maaring gawin para sa ikakabuti ng sanggol at kaniyang inang nagdadalang-tao.
Source:
BMC, The Medical Chambers, NHS, CDC
Photo:
Pixabay
BASAHIN:
10 sintomas na dapat mong bantayan kapag ika’y buntis
Spotting: Ano ang ibig sabihin ng pagdudugo sa buntis?
Congenital anomaly scan: Bakit ito mahalagang gawin ng buntis?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!