Ikaw ba ang tipo ng magulang na palaging nag-aalala, madalas ay nababagabag ang isip lalo kapag wala sa paningin ang anak, o kaya ay may dinaramdam ito? Minsan nga ay sinasabi ng kaanak na wala namang dapat ipag-alala, pero nababalot ka pa ring ng anxiety at takot na baka may nangyayaring masama sa iyong anak.
Anxiety ang tawag ng mga eksperto dito.
Ang labis na pagkabahala at pag-iisip na may kasamang takot, ay natural na bahagi ng ating karanasan bilang mga tao. Kadalasan din ay hindi ito nabibigyan ng pansin, dahil sinasabi kaagad ay “lungkot” lang ito at lilipas din, o kaya ay “paranoid” ka lang. Dapat tandaan na iba ang karaniwang pag-aalala tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay tulad ng pamilya, ka-relasyon, pera, kalusugan, at iba pa, at iba ang anxiety disorder.
Ano ang anxiety?
Ang anxiety o labis na pagkabagabag ay maaaring sanhi ng isang mental condition, physical condition, o di kaya naman ay epekto ng iniinom na gamot—o kombinasyon ng ilan o lahat ng ito. Ayon sa librong Untying Parent Anxiety: 18 Myths that Have You in Knots – And How to Get Free ni Lisa Sugarman, ang unang tinitingnan ng isang doktor ay kung ang anxiety ng pasyente ay sanhi ng isang kondisyong medikal.
Ang isang karaniwang uri ng anxiety na hindi gaanong napapansin ay ang parental anxiety o pagkabagabag ng mga magulang tungkol sa kanilang mga anak, at sa lahat ng may kinalaman sa buhay pamilya. Paliwanag ni Dr. Samantha Rodman, isang Clinical Psychologist, marami sa mga pasyente niya ang lumaki sa isang tahanan na puno ng anxiety.
Ayon kay Dr. Rodman, ang anxiety ay isang disorder kung saan labis ang pag-aalala palagi ng isang indibidwal, hanggang sa puntong hindi na siya makapag-isip at makapag-desisyon ng makabuluhan at “logical” dahil palagi niyang inaasahan ang “worst case scenario”. Hindi makatulog, hindi makakain at palaging takot—ito ang kadalasang nakakaapekto sa mga may anxiety disorder.
Ang mga magulang na may anxiety ay karaniwang hindi nada-diagnose ng pormal. Saka lang din napapagtanto ng mga anak nila na ito nga ang kondisyon ng kanilang magulang, kundi pa sa pagtanda na rin ng mga anak. Dito na rin maiintindihan ng mga anak na ito rin ang nakaapekto sa kanilang sariling mental health mula pagkabata.
Ano ang epekto ng anxiety ng magulang sa kanilang anak?
Mahirap ang makaranas ng anxiety disorder, pero mahirap din ang lumaki sa poder ng mga magulang na may matinding anxiety. Narito ang ilang bagay na naririnig lagi ng mga bata, direkta man o hindi, mula sa mga magulang na may anxiety:
- Ang mundo ay mapanganib.
- Wala kang pwedeng pagkatiwalaan sa paligid mo, kahit pa kamag-anak, lalo na ang hindi mo kilala. Kasama na dito ang bahid ng prejudice at racism dahil nga may nabuo nang kaisipan tungkol sa ugali ng tao base sa lahi o race nito, kahit hindi naman kakilala.
- Dapat matakot kapag hindi “predictable” o walang kaseguruhan ang isang bagay.
- Kailangang may kontrol ka sa lahat ng bagay sa paligid mo para hindi ka masaktan.
- Mas mabuti pang manatili sa bahay at hindi makasalamuha sa ibang tao para walang maging problema.
Kapag ito ang palaging naririnig at nakikitang halimbawa mula sa mga magulang, naisasaisip ito ng mga bata, at kapag walang naging positibong impluwensiya, ito na ang dadalhin sa paglaki.
Ayon sa pagsasaliksik, posibleng mamana ang anxiety disorder dahil may genetic component ito. Pero hindi lang genetic and dapat tingnan. Mas matindi ang impact ng relasyon ng magulang at anak sa araw-araw na buhay. Sa isang pag-aaral na inilathala ng American Journal of Psychiatry, mas malaki ang impluwensiya ng nakikita at nararanasan ng bata sa piling ng mga anxious parents, may genetic predisposition man o wala.
“Natututunan” at naisasaisip ang anxiety mula sa mga magulang, pagdidiin ni Dr. Rodman. Ngunit ayon sa pag-aaral, sinasabing kapag masigasig ang mga magulang na isaayos ang sariling pananaw at baguhin ang kanilang pag-uugali, at gabayan nang maayos ang mga anak na may nagbabadyang anxiety, malaki ang posibilidad na matugunan at matulungang mabago ang pag-uugali at pag-iisip ng mga bata. Kailangang maging positibong halimbawa ang mga magulang.
Paano nga bang maiiwasan ang pagpasa ng anxiety sa bata?
May ilang payo si Dr. Rodman at may akdang si Sugarman para sa mga magulang na may anxiety:
- Simulan sa sarili. Unahing bigyan ng pansin at pag-aaruga ang sariling mental health at kalagayan, para maging handa sa pag-aalaga ng anak. Isang option ay ang pag-konsulta sa isang therapist para mabago ang pananaw at pagtingin, at maiwaksi ang nakagawian o nakalakihan.
- Isaisip palagi na ang nakikita at naririnig ng bata sa magulang ay siyang tutularan. Kapag nagpapakita ng halimbawa ng positibong paraan ng pagdedesisyon at pagtugon sa stress at anxiety ang magulang, natututunan ito ng bata, at gagayahin: mula sa simpleng deep breathing exercises, pagrerelax ng katawan at isip, o di kaya ay paglalakad o pagtakbo ng magkasama, at pagsusulat ng nararamdaman at iniisip.
- Alamin ang mga “triggers” o sanhi ng sariling stress at anxiety. Kapag alam mo ang pinagmumulan o nakakapagpalala, mapapag-aralan ang paraan para labanan ito o maibsan man lang. Maipapakita din sa bata na kaya mong labanan ang anxiety, kaya’t kaya din niya itong gawin kapag nangyari sa kaniya. Hindi siya basta uurong o tutupi kapag may problema.
- Iwasan ang “anxious talk” o ang magparinig ng iyong takot o labis na pag-aalala tungkol sa isang bagay. Makakabuti sa isang tao ang pagbabahagi ng takot sa isang kaibigan o sa asawa. Pero tandaan na iba ang epekto sa bata kapag narinig niya ang takot ng magulang niya tungkol sa laganap na patayan at rape sa lugar ninyo, lalo pa’t kaharap siya habang pinag-uusapan ito nang may detalye.
- Makisalamuha sa mga kapwa magulang na positibo ang pananaw, at hindi dadagdag sa iyong anxiety. Kung ang kausap ay mga kapwa magulang na napakarami ding takot at palaging nag-aalala, lalong iigting ang anxiety. Piliing makasama ang mga positibong kaibigan, para positibo din ang impluwensiya sa bata.
- Hindi makakabuti ng tahasang pag-iwas sa anumang potensiyal na panganib. Ang paulit-ulit na pagpapaalala na mag-ingat o huwag tumakbo at baka madapa, huwag lumapit sa aso baka kagatin, huwag umakyat puno baka mahulog—ang tanging mensahe ng mga ito ay “ang paglalaro ay mapanganib at hindi dapat gawin.” Kailangang matuto ang mga bata sumubok ng iba’t ibang bagay para matuklasan ang “consequences” nito, at matutong mag-desisyon para sa sarili niya. Nalilipat ng mga magulang ang takot nila sa bata, kapag palaging pinipigilan ang paggalaw nila.
- Humingi ng suporta sa mga kaanak o kaibigan. Kung ang magulang ay takot sa aso dahil nakagat siya nuong bata pa, natural lang na ilayo din ang bata sa aso, at maipasa ang takot na ito. Maiiwasan ito kung hihingi ng tulong sa kamag-anak o kaibigan na dalhin ang bata sa mga pet shop, o petting zoo, at makipaglaro sa aso, para maiwasang madala ng bata ang takot ng kaniyang magulang. Kung takot na lumangoy sa dagat, pasamahin ang bata sa mga sa mga kamag-anak na mahusay lumangoy, para makaranas pa rin siya ng pagpunta sa beach at paglangoy.
Tandaan: kahit gaano katindi ang anxiety, malalagpasan ito o maiibsan kung pag-aaralan at susubukan. Maaari pa ngang kasabay ang anak na unti-unting labanan ang anumang takot at pangamba, at sumubok ng iba’t ibang bagay nang mas malakas ang loob. Hindi mabili na proseso ang lahat ng ito, at lalong hindi madali. Pero kayang gawin kung pagtitiyagaan.
SOURCES: Anxious Kids, Anxious Parents: 7 Ways to Stop the Worry Cycle and Raise Courageous and Independent Children ni Reid Wilson, PhD; Untying Parent Anxiety: 18 Myths that Have You in Knots – And How to Get Free ni Lisa Sugarman; WebMD Medical Reference April 16, 2018; Dr. Samantha Rodman, Clinical Psychologist; MayoClinic
Basahin: How can new dads deal with self-doubt and anxiety about parenthood?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!