Anxiety sa relasyon, alamin kung ano ang mga palatandaan at ang dapat mong gawin para maiwasang makaapekto ito sa inyong pagsasama ng iyong asawa.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga palatandaan ng anxiety sa relasyon.
- Epekto ng anxiety sa relasyon.
- Paraan o tips kung paano maiiwasang makaapekto sa pagsasama ang anxiety.
Ano ang anxiety sa relasyon?
Ayon sa psychotherapist na si Astrid Robertson, ang relationship anxiety o anxiety sa relasyon ay normal na nararanasan sa isang pagsasama. Subalit ito dapat ay agad na napag-uusapan ng magka-partner o mag-asawa.
Sapagkat sa katagalan kung ito ay mapabayaan ay maaaring magdulot ito ng emotional distress, kawalan ng motivation ng mag-partner at emotional exhaustion.
Ito rin ay maaaring makakaapekto sa physical well-being ng taong nakakaranas nito. Maaaring maging banta o dahilan ng tuluyang pagkasira ng isang pagsasama.
Para maiwasang makaapekto ang anxiety sa relasyon, ang unang paraan na dapat gawin ng magkarelasyon ay tukuyin kung nakakaranas ba ang isa sa kanila nito. Ayon kay Robertson, ito ang mga palatandaan na mayroon kang anxiety sa relasyon o pagsasama ninyo ng asawa mo.
Palatandaan ng anxiety sa relasyon
Larawan mula sa Family photo created by pressfoto – www.freepik.com
1. Pag-iisip kung mahalaga ka ba para sa partner o asawa mo.
Isa umano sa pinakamadalas na palatandaan ng anxiety sa relasyon ay ang pag-iisip kung mahalaga ka ba sa iyong partner o asawa. Lalo pa’t kung pakiramdam mo ay mas priority niya ang iba tulad ng kaniyang barkada o kamag-anak kaysa sa ‘yo.
Halimbawa, kung tatawag ang isa niyang kaibigan na may problema at agad niyang pupuntahan. Habang ikaw ay maiiwan ng mag-isa at walang kasama. Napapaisip ka kung sakali kayang bigla kang mawala ay mamimiss o hahanapin ka rin niya?
Nariyan rin na naikukumpara mo siya sa kung paano niya inaasikaso ang problema ng iba kaysa sa problema ninyong dalawa.
2. May doubt ka o pag-aalinlangan sa feelings niya para sa iyo.
Kaugnay pa rin ng naunang palatandaan, kung may anxiety sa relasyon ay maitatanong mo rin kung mahal ka ba talaga ng partner mo. Lalo na kung hindi niya agad nasasagot ang mga tawag o text mo.
Sa kabila ng mga pagsasabi niya ng I love you sa iyo. Pwede rin naman na kahit nakikita mo namang nag-eeffort siya sa relasyon ninyo. Tulad ng pagtatrabaho para sa pamilya ninyo, pag-uwi gabi-gabi para makasama kayo at mabuo ang pamilya ninyo.
3. Natatakot kang sabihin sa partner mo ang nararamdaman mo dahil baka magalit siya at hiwalayan ka niya.
Kahit na marami ka ng tanong o may hindi ka na gusto sa ginagawa ng partner o asawa mo ay pinipili mong manahimik na lamanng. Tulad na lamang sa kung paano niya iwan ang mga madudumi niyang damit na hinubad sa loob ng banyo.
Ang pagtatampo mo na parang mas kinakampihan niya ang barkada niya kaysa sa ‘yo. Ayaw mong i-open up ito sa kaniya dahil natatakot kang magalit siya, iwanan ka niya at tuluyang masira ang inyong pamilya.
BASAHIN:
7 bedtime routines para mas mag-grow at tumibay ang relasyon niyong mag-asawa
20 palatandaan na hindi pantay ang pagmamahal sa isang relasyon
Pakikipagkaibigan sa ex, narito kung bakit hindi ito makakabuti sa isang relasyon
4. Iniisip mong baka hindi kayo magtatagal.
Isa pang palatandaan na may anxiety sa relasyon kang nadarama ay kapag iniisip mong hindi kayo compatible at mukhang hindi kayo magtatagal ng iyong partner o asawa.
Ito ay dahil sa mga indifferences o pagkakaiba ng ugali ninyo na nakikita mo habang tumatagal. Sapagkat sa hindi mo ito ini-open up sa kaniya at kinikimkim mo ito sa iyong sarili, alam mong hindi na ito maayos. Ang resulta, iniisip mo na maaaring ito na ang maging dahilan ng pagihiwalay ninyo at hindi pagtagal ng inyong pagsasama.
5. Pagsasabotahe o paggawa ng mga aksyon na alam mong maaaring makasira sa inyong relasyon.
Ayon pa rin kay Robertson, ang paggawa ng isang hakbang na alam mong may negatibong epekto sa inyong relasyon ay resulta ng anxiety na nararamdaman mo sa inyong pagsasama.
Tulad na lamang ng paglabas mo kasama ang iba na hindi niya nalalaman at alam mong ikagagalit niya. O kaya naman ay ang simpleng pagsisinungaling mo na ayos ka lang sa kabila ng mga pag-aalinlangan o pagtatampong nararamdaman mo sa kaniya.
Ang mga ito ay alam mong makakasama sa inyong relasyon pero hinahayaan mong mangyari dahil may pag-aalinlangan ka na sa inyong pagsasama.
Larawan mula sa People photo created by katemangostar – www.freepik.com
6. Lagi mong binibigyan ng masamang kahulugan ng mga kinikilos ng asawa o partner mo.
Dahil sa may pag-aalinlangan ka na sa inyong relasyon, bawat galaw ng partner mo o asawa ay may kahulugan na sa ‘yo. Katulad na lamang sa paglalagay niya ng password sa cellphone o laptop niya.
Iniisip mo agad na baka may itinatago na siya sa ‘yo. Pero ang totoo ay iniingatan niya lang ang mga mahahalagang niyang files sa opisina na kapag aksidenteng mapakealaman ng anak ninyo ay maaaring mawala.
Kahit ang hindi niya agad pagsagot sa mga text o tawag, iniisip mo agad na may iba siyang kasama. Pero maaari palang nasa meeting lang siya o kaya naman ay nasa biyahe at hindi mahawakan ang cellphone niya.
7. Mas marami pa ang oras mo sa pag-aalala kaysa sa mga oras na masaya kayong magkasama ng iyong asawa.
Sabi pa ni Robertson, ang pinakapalatandaan na may anxiety kang nararanasan sa inyong relasyon ay ang mas marami pang oras kang nag-alala sa relasyon ninyo kumpara sa mga oras na masaya ka na kasama ang iyong asawa. Ito ay dahil punong-puno ka ng pag-alilangan na binuo ng pinagsama-samang naunang mga palatandaan.
Paano maiiwasang makaapekto sa inyong pagsasama ang anxiety na iyong nararanasan?
Larawan mula sa People photo created by jcomp – www.freepik.com
Para maiwasang maging dahilan ng kinakatakot mo ang anxiety na nararamdaman mo, ay dapat ipraktis ninyong mag-asawa ang good communication.
Dapat ay pag-usapan ninyo ang inyong problema. Maging open ka sa iyong nadarama. Sabihin sa kaniya kung anong gumugulo sa ‘yo pero iwasang iparamdam sa kaniya na siya ay sinisisi mo.
Imbis na gumamit ng mga “You” statements tulad ng, “Lagi mo na lang inuuna ang ibang tao” ay ganito ang sabihin. “Pakiramdam ko kasi nababawasan na ang oras mo sa ating dalawa.”
Sa ganitong paraan ay naiiwasan mong maiparating sa kaniya na siya ang pinagmumulan ng problema ng alam mo namang hindi. Sapagkat ang isang relasyon ay binubuo ng dalawang tao na handang makinig sa isa’t isa. Dapat handang maging tapat o honest sa mga nararamdaman nila.
Source:
Healthline, Medical News Today, Psychology Today
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!