May napansin kang bukol sa iyong kamay. Bilugan ang hugis nito. May laki na mula tuldok hanggang isang pulgada. Maaaring ang iyong bukol sa kamay ay ang tinatawag na Ganglion cyst.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang ganglion cyst
- Ano ang sanhi at sintomas ng bukol sa kamay
- Kailan dapat magpakonsulta sa doktor
- Panganib at pagsusuri sa bukol sa kamay o paa
- Paano ito nagagamot at ang madaliang panlunas nito
Ano ang Ganglion Cyst
Ang Ganglion cyst ay hindi cancer na bukol na karaniwang nangyayari sa mga litid o kasukasuhan ng pulso o kamay. Maaari rin itong mangyari sa mga may bandang paa.
Tila tubig ang laman ng bukol na ito kapag hinahawakan, Masakit ito kung sa may ugat at nakaka-abala sa paggalaw. Kung ito ang lumabas sa pagsusuri, madalas ay tinatanggalan ito ng tubig gamit ang karayom.
Karamihan sa mga ganglion cyst ay lilitaw at nawawala ng kusa kahit hindi gamutin. Ang ilang mga cyst ay maaaring maging masakit o malambot, maka-istorbo sa normal na paggalaw ng mga kamay o magkaroon ng hindi kanais-nais na hitsura.
Ano ang sanhi nito?
Wala pang siguradong kadahilanan kung bakit nagkakaroon ng bukol sa kamay o Ganglion cyst. Kusa itong tumutubo sa mga litid at kasukasuan na mukhang maliit na lobo at may laman na malapot na likido.
Bagaman walang tiyak na dahilan kung saan nakukuha ang cyst na ito, may mga sanhi na nagpapalitaw sa mga ito tulad ng sumusunod:
- Injury sa pulso o kasukasuan ng daliri
- Pamamaga o pangangati sa mga litid o kasukasuan
- Mga paulit-ulit na aktibidad na gumagamit ng mga pulso at daliri
- Chronic illness tulad ng arthritis
Anu-ano ang sintomas ng bukol sa kamay
Kung ang bukol sa kamay ay Ganglion cyst, ito ay nailalarawan gamit ang mga sumusunod:
- Lokasyon – Ang bukol ay nabubuo sa kailaliman ng mga litid o kasukasuhan ng pulso o kamay. Maaari rin sa may bandang paa.
- Hugis at laki – Ang bukol ay bilog o hugis itlog ang hugis at mas maliit sa isang pulgada. Marami ay hindi mararamdaman sa sobrang liit nito. Maaaring maging masmalaki ang bukol kung nasa lugar ito na laging nagagalaw o naiipit.
Bukol sa paa | Image from Unsplash
- Pakiramdam – Kadalasan ay walang nadudulot na pagsakit ang bukol na ito. Ngunit kung may naiiipit itong ugat, kahit gaano pa ito kaliit, makakaramdam ng sakit, pagka-manhid o panghihina sa bahaging ito.
Ang ilang mga ganglion cyst ay napakaliit na hindi nagdudulot ng pisikal na pamamaga, ngunit nagdudulot pa rin ito ng sakit. Kilala sila bilang occult ganglions.
Ang iyong health care provider ay maaaring magsagawa ng pagsusuri na magnetic resonance imaging (MRI) o isang ultrasound upang makita ang mga ito.
Kailan dapat magpakonsulta?
Ipakonsulta sa doktor ang bukol kung kapansin-pansin na ito o kaya naman ay may naidudulot nang sakit. Sa pagsusuri ng doktor malalaman kung kakailanganin ng operasyon.
Para sa kaligtasan ng iyong anak o sinomang mahal sa buhay na may cyst, mahalagang sundin ang follow-up care na irerekomenda ng doktor.
Siguraduhing pumunta sa lahat ng appointment, at tawagan ang iyong doktor kung nagkakaroon ng problema ang iyong anak. Magandang ideya din na malaman ang mga resulta ng pagsusuri ng iyong anak at magtago ng listahan ng mga gamot na iniinom ng iyong anak.
Mga panganib ng bukol sa kamay
Ang mga panganib maaaring idulot ng bukol sa kamay ay naaayon sa mga sumusunod:
- Kasarian at edad – Kahit sino ay maaaring magkaroon ng ganglion cyst, ngunit ito ay karaniwang nakukuha ng mga babae na may edad 20 hanggang 40 na taong gulang.
- Osteoarthritis – Ang mga may arthritis sa mga litid ng mga daliri sa kamay ang kadalasang nagkaka-bukol sa mga bahaging ito.
- Pinsala sa litid o kasukasuhan – Ang mga may litid o kasukasuhan na nagkaprublema na sa nakaraan ay kadalasang nagkakaroon ng bukol.
Bukol sa paa | Image from Freepik
Pagsusuri sa bukol sa kamay o paa
Sa pagsusuri ng mga doktor sa bukol na ito, hahawak-hawakan ang bukol na maaaring magdulot ng sakit kung ito ay may naiiipit na ugat. May mga pagkakataon din na titignan kung tatagos ang ilaw sa nasabing bukol.
Maaaring magsagawa ng X-ray, ultrasound o MRI upang masigurado na hindi ito arthritis o tumor. Maaari rin malaman sa MRI at ultrasound kung mayroon pang ibang bukol na hindi napapansin.
Ang pinakasiguradong paraan upang malaman kung ang bukol ay Ganglion cyst ay sa pamamagitan ng aspiration. Dito ay kukuha ng muwestra gamit ang karayom mula sa bukol upang suriin ang laman nito.
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang dapat gawin kapag nagka-bukol ang bata?
9-month old baby na may bukol sa ari, may cancer pala
18 na posibleng sanhi ng bukol sa leeg
Paano ito magagamot?
Kung makaranas na ng pananakit at nakitang may lumilitaw na bukol, ano ang mabisang gamot sa cyst na ito? May paraan para ito ay magamot na maaaring irekomenda ng doktor at mayroon ding home remedy na pwede mong gawin.
Ang bukol sa kamay na dahil sa ganglion cyst ay kadalasan walang naidudulot na sakit at hindi kailangan gamutin. Maaaring ang ipapagawa lamang ay obserbahan ang nasabing bukol.
Kung may naidudulot na sakit, maaaring ipagawa ng doktor ang mga sumusunod:
- Hindi pag-galaw – Ang paggalaw ng mga litid o kasukasuhan na may bukol ay nagiging sanhi ng paglaki ng bukol na ito. Sa pagliit ng bukol, mababawasan narin ang pag-ipit nito sa mga ugat na magbabawas ng sakit na nararamdaman dahil dito.
- Aspiration – Tatanggalin ang laman ng bukol sa pamamagitan ng karayom para mapaliit agad ito. Ngunit, may mga pagkakataon na bumabalik ang bukol kung ito ang gagawin.
Bukol sa paa | Image from Freepik
- Siruhiya – Kadalasang nagiging opsyon kung ang hindi paggalaw at aspiration ay hindi naging mabisang solusyon. Madalang na may mga naaapektuhan na ugat o litid sa ganitong paraan. May pagkakataon parin na bumalik ang bukol na ito kahit sa ganitong paraan.
Madaliang panlunas
Upang mabawasan ang sakit na dala ng pagkakaroon ng bukol sa kamay, maaaring uminom ng mga pain reliever tulad ng ibuprofen o naproxen sodium. Kung sa may paa ang tinubuan ng bukol, may mga pagkakataon na mawawala ang sakit sa pagbago ng paraan ng pagsuot ng sapatos.
Iwasan ang pagputok o pagbutas sa bukol upang tanggalin ang laman nito. Sa ganitong paraan, maaaring may maapektuhan na ugat o litid sa paligid ng bukol. Maaari rin magka-impeksiyon kung bubutasin ang bukol gamit ang karayom.
Ang bukol sa kamay o paa na dahil sa Ganglion cyst ay walang nadudulot na panganib sa kalusugan. Kung makita na mayroon nito, mainam na iwasan ang paggalaw dito at obserbahan muna. Kung may naidudulot na sakit, magpa-konsulta sa duktor.
Dahil hindi alam ang sanhi ng ganglion cyst, mahirap sabihin kung paano maiiwasan ang mga ito. Inirerekomenda ang maagang pagsusuri at paggamot.
Home remedies para sa bukol sa kamay
May panlunas na maaaring gawin sa bahay para maibsan ang pananakit ng bukol sa kamay at bukol sa paa. Narito ang ilang home remedies.
- Pag-aangkop ng kasuotan sa paa: Kung ang cyst ay nasa paa o bukung-bukong, ang sapatos ay hindi dapat kuskusin o iito. Maaaring makatulong na magsuot ng malambot o hindi masikip na sapatos, maglagay ng padding, o itali ang sapatos sa ibang paraan.
- Immobilization: Ang pagggalaw sa apektadong bahagi ay maaaring magpalaki ng cyst. Ang pagsusuot ng splint o brace ay maaaring makatulong na limitahan na magalaw ito at ito ay maaaring maging sanhi ng pagliit ng cyst sa kamay at paa, o bukol sa talampakan.
- Kung nagkakaroon ka ng pananakit ng parte na malapit sapulso, gumamit ng wrist splint sa loob ng 1 hanggang 2 linggo.
Hindi dapat gawin kung may ganglion cyst sa paa o kamay
Ang lumang home remedy para sa ganglion cyst ay ang”paghahampas” ng cyst gamit ang isang mabigat na bagay. Ito ay hindi isang magandang solusyon dahil ang lakas ng suntok o hampas ay maaaring makapinsala sa iyong kamay o paa.
Huwag ding subukang “i-pop” ang cyst sa pamamagitan ng pagbubutas nito ng karayom. Ito ay hindi epektibo at maaaring humantong sa impeksyon.
Dapat gawin pagtapos gamutin ang ganglion cyst
Pagkatapos mong ma-diagnose na may ganglion cyst at magpagamot, ito ang dapat gawin pero tandaan na ito ay depende sa treatment na ginawa para matanggal ang cyst. Ito ay ang sumusunod:
- Pagtapos ng simpleng aspiration. Maaaring sabihin sa iyo ng doktor na galawin ang parte kung nasaan ang cyst pagtapos ng procedure.
- Kung ikaw ay sumailalim sa surgery, maaaring ang parte na tinanggalan ng cyst ay maging splinted ng 7 hangggang 10 araw. Ang splint ay isang matigas na balot na pumipigil sa iyo sa paggalaw ng iyong kasukasuan.
- Ipinapakita ng mga pag-aaral na ang pag-splinting sa loob ng mahabang panahon ay hindi talaga nakakatulong, kaya maaaring mahikayat kang gamitin ang joint sa lalong madaling panahon pagkatapos ng procedure
- Maaaring hilingin sa iyo ng iyong doktor na bumalik para magpa-checkup pagkatapos ng iyong operasyon at titingnan kung kailangan ang physical o occupational therapy. Ang follow-up care na ito ay ibabatay sa iyong mga personal na pangangailangan.
Karagdagang ulat mula kay Kyla Zarate
Source:
Mayo Clinic, Medical News Today, WebMD
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!