Bakit bawal himasin ang tiyan ng buntis? Narito ang sagot at paglilinaw ng isang OB-Gynecologist tungkol sa isa sa madalas na tanong na ito ng mga buntis.
Mababasa sa artikulong ito:
- Dahilan kung bakit bawal himasin ang tiyan ng buntis
- Study: Nakakatulong sa stimulation ng ipinagbubuntis ng sanggol ang haplos ng kaniyang ina
- Dahilan kung bakit hindi pwedeng basta-basta hawakan ang tiyan ng buntis
Bakit bawal himasin ang tiyan ng buntis?
Isa sa mga paninilawang Pinoy pagdating sa pagdadalang-tao ay bawal himas-himasin ang tiyan nito. Dahil maaari umanong magdulot ito ng contraction sa tiyan at makasama sa pagdadalang-tao. Pero paliwanag ni Dr. Ramon Reyles, Chairperson ng Department of OB-GYN ng Makati Medical Center at isang OB-Gynecologist walang masama sa paghihimas ng tiyan ng buntis. Basta light lang ito at hindi madiin.
“Like in massage o yung hilot, e huwag papakialam ‘yung area ng puson o yung buong tiyan kasi it can cause contraction. Pero kung light touch lang very harmless naman like kapang natutuwa si hubby hinahawak-hawakan hindi naman madiin ‘yun e. Mga affectionate touch ok lang yun.”
Ang pahayag na ito ni Dr. Reyles ay sinuportahan ng findings ng isang pag-aaral na isinagawa ng Dundee University sa Scotland noong 2015. Ayon sa pag-aaral, ang paghimas sa tiyan ng buntis lalo na kung siya ang gagawa nito o kaya kaniyang hubby ay nakakatulong sa pagiging responsive ng kaniyang sanggol. Isang magandang exercise nga rin umano ito para ma-stimulate ang development ng ipinagbubuntis na baby. Isa rin magandang form ito ng bonding na maaaring gawin ng parents sa kanilang unborn baby.
Study: Nakakatulong sa stimulation ng ipinagbubuntis ng sanggol ang touch o haplos ng kaniyang ina
Photo by Amina Filkins from Pexels
Napatunayan ito ng pag-aaral, matapos subaybayan sa pamamagitan ng ultrasound ang galaw ng ipinagbubuntis ng sanggol sa tuwing ito’y hinihimas o nahahawakan.
Nasa 23 kababaihang buntis ang nakibahagi sa pag-aaral na may edad 18-35 anyos at nasa pagitan na ng 21st hanggang 33rd week ng pagbubuntis. Ang mga ito’y mga healthy mother, walang bisyo at hindi nakakaranas ng kahit anong komplikasyon sa kanilang pagdadalang-tao.
Sa pamamagitan ng ultrasound ay sinubaybayan ang galaw o response ng baby sa tuwing ito ay kinakausap ng kaniyang mommy sa loob ng 9 minuto. Ganoon din kapag hinihimas nito ang kaniyang tiyan. Dito nga natuklasan ng pag-aaral na kumpara sa pagkarinig sa boses ng kaniyang ina, mas nagre-respond ang sanggol sa tuwing hinihimas-himas ng kaniyang mommy ang tiyan niya.
“Overall results suggest that maternal touch of the abdomen was a powerful stimulus, producing a range of fetal behavioural responses. Fetuses displayed more arm, head, and mouth movements when the mother touched her abdomen as compared to maternal voice in situ.”
Ito ang bahagi ng konklusyon ng ginawang pag-aaral.
BASAHIN:
#AskDok: Puwede bang mag-diet habang buntis?
#AskDok: Masama ba ang matagal na pagtayo at pag-upo ng isang buntis?
#AskDok: 7 beauty treatments at products na bawal sa buntis
Masama lang ang paghawak sa tiyan ng buntis kung ito ay didiinan
Photo by Jonathan Borba from Pexels
Dagdag na paliwanag naman ni Dr. Reyles, nagiging delikado o masama lang ang paghawak sa tiyan ng buntis kung ito ay didiinan o hihilotin pababa. Sapagkat magdudulot ito ng contraction na maaring mauwi sa premature labour. Pahayag ni Dr. Reyles,
“Pero kung ‘yung hilot is gustong maglalag tulad ng pressing on the small uterus to go down that is harmful to early pregnancy. Kaya nga yung lower abdomen in early pregnancy and the whole abdomen in any time of pregnancy hindi dapat ginagalaw. Kasi it can cause compression of the uterus. And it can lead to contraction, hihilab. Baka mag-premature labour kaya wag nalang.”
Ganito din ang sagot niya sa kung pwede ba magpamasahe ang buntis. Hindi rin daw ito masama basta iiwasan lang hangga’t maaari na madiinan ang tiyan ng babaeng nagdadalang-tao. Pati na ang paa ng buntis. Narito ang kaniyang paliwanag kung bakit,
“Pwede oo, it helps soothes ‘yung mga parts na may pain and it relieves the discomfort. Basta avoid lang ‘yung pressing the tummy of course. Kahit maliit ‘yan o malaki avoid touching the tummy. Baka ma-stimulate ‘yung contraction. Tapos ‘yung sa mga professional masseur o yung mga nag-acupressure, they advise to avoid the small toe specially ‘yung side ng small toe at yung below the ankles. ‘Yung malalim na part ng ankle inside and out kasi mga pressure points daw ‘yun na pwede mag-contract ang uterus. Kaya mas maganda pabayaan mo ‘yung paa ‘wag nalang galawin. Gentle comforting massage yun lang.”
Bakit hindi dapat basta hawakan ang tiyan ng buntis?
Image from Pexels
Sa kabuuan, walang masama sa paghimas sa tiyan ng buntis lalo na kung ito ay gagawin niya o ng taong malapit sa kaniya gaya ng kaniyang asawa. Basta’t hindi lang ito madiin na maaaring magdulot ng contractions sa tiyan ng buntis.
Para naman sa ibang tao na nagbabalak hawakan ang tiyan ng isang babaeng nagdadalang-tao, mabuting hingin muna ang pahintulot niya. Dahil may mga babaeng hindi komportable na mahawakan ang kanilang tiyan at tinitingnan ito bilang isang panghihimasok sa privacy nila.
Source: Plos One
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!