Bakit nga ba kinakailangan ng bakuna ni baby, at ano ba ang mga bakuang kailangan niya?
May ilan na nagsasabing hindi ito ang kanilang prayoridad o na wala silang oras, mayroon ding mga walang tiwala sa bakuna. Ano pa man ang kanilang rason, mahalaga ang mabakunahan ang mga bata. Ito ang listahan ng mga bakunang kailangan ng mga bata.
Ano ang bakuna?
Ang vaccine o bakuna ay tumutulong sa immune system para makaiwas sa mga nakamamatay na sakit. Naglalaman ito ng maliliit na halaga ng mahihina o hindi aktibong virus at bacteria na kilala bilang antigens.
Ang mga ito ang tumutulong sa immune system para makagawa ng antibodies na lalaban sa mga sakit. Bagama’t may ilang magulang na hindi naniniwala sa kakayahan ng bakuna.
Ang pagbibigay ng bakuna sa anak lalo na sa mga sanggol sa tamang schedule ay makakatulong makasigurado na updated ang nakukuha nilang proteksyon, lalo na sa oras ng mga epidemya.
Iskedyul ng bakuna
Bawat bakuna ay may iba’t ibang timeline. Sa unang 24 na buwan ng sanggol naka-schedule ang karamihan sa mga bakuna. Kadalasan ay sinasabi na ito agad ng pediatrician o kaya naman ay iniaanunsyo sa mga health center.
Ang schedule ay maaaring magbago depende kung saan kayo nakatira, kung anong kalagayan ng kalusugan ng iyong anak, kung anong vaccine ang ibibigay, at kung anong vaccine ang available.
Source: Philippine Foundation for Vaccination
20 na bakunang kailangan ni baby na dapat mong malaman
1. Bacille Calmette Guerin (BCG)
Ang BCG ay ang bakunang kailangan panlaban sa tuberculosis. Ito ay ibinibigay sa pinakamaagang edad na maaaring bigyan ng gamot ang bata.
Hangga’t maaari ay maibigay ito sa ikalawang buwang gulang ng isang sanggol. Itinuturok ito sa balat ng bata, 0.05ml kapag wala pang isang taong gulang at 0.1ml kapag mahigit isang taon gulang na ang bata.
2. MMR: Bakuna sa beke, tigdas, at tigdas-hangin
Bukod pa sa bakuna sa tigdas, may rekomendadong bakuna rin na kumokontra sa tatlong sakit na nakakahawa: beke, tigdas, at tigdas-hangin (mumps, measles, rubella o MMR). Ito’y itinuturok sa braso, at ibinibigay ng dalawang beses:
- 1: Pagkatapos ng 12 na buwan o unang kaarawan
- 2: Sa ika-4 hanggang ika-6 na taon
3. VZV: Bakuna sa bulutong
Kilala naman natin lahat ang bulutong; ngayon, posibleng hindi na magkaroon ng nito ang mga bata sa pamamagitan ng bakuna. Ito’y itinuturok sa braso, at ibinibigay ng dalawang beses, gaya ng MMR:
- 1: Pagkatapos ng 12 na buwan o unang kaarawan
- 2: Sa ika-4 hanggang ika-6 na taon
4. MMRV: Beke, tigdas, tigdas-hangin, at bulutong
Meron narin ngayong bakuna na pinagsasama ang MMR at VZV, o ang lahat ng bakuna sa beke, tigdas, tigdas-hangin, at bulutong. Dahil ang pagpapa bakuna ay hindi kanais-nais na karanasan, lalo na sa mga bata, ipagtanong sa inyong doktor kung pwedeng ito ang gamitin para isang turukan na lamang.
5. Hepatitis A vaccine: Bakuna sa Hepa A
Bagama’t hindi kasing grabe ng Hepatitis B, ang Hepatitis A ay maganda ring iwasan. Ito’y nagdudulot ng paninilaw sa mga bata ng ilang araw, at nakukuha sa pagkain, lalo na sa mga pagkain na hindi sigurado ang pinagmulan. Ito ay itinuturok sa braso, at ibinibigay ng dalawang beses:
- Pagkatapos ng unang kaarawan ng baby
- 6 hanggang 12 na buwan pagkatapos ng unang turok
Mga bakunang kailang ng iyong anak. | Larawan mula sa iStock
6. HPV vaccine
Rekomendado rin para sa mga dalaga ang bakuna laban sa HPV, isang uri ng virus na siyang sanhi ng kulugo, at siya ring maaaring magdulot sa kanser sa cervix o cervical cancer.
Ito’y isang bagong bakuna na nailabas lang ilang taon pa lamang ang nakakalipas. Ito’y itinuturok sa braso, at ibinibigay ng tatlong beses:
- Mula 10 hanggang 18 taon.
- 1 buwan pagkatapos ng unang turok
- 5 buwang pagkatos ng ikalwang turok
7. Hepatitis B Vaccine (HBV)
Ang HBV ay tinatanggap ng mga bata para sila ay maprotektahan mula sa impeksiyon na dulot ng Hepatitis B virus. Ibinibigay ang unang dose nito sa loob ng 24 oras matapos mapanganak ang isang sanggol.
Ang ikalawang dose naman ay matapos ang 1 hanggang 2 buwan mula sa unang dose. Ito ay ibinibigay intramuscuraly (IM), ibig sabihin ay itinuturok sa muscle ng mga bata.
8. Haemophilus influenza type b Conjugate Vaccine (Hib)
Ang Hib ay isa sa mga bakunang kailangan ibinibigay sa mga bata para maprotektahan sila mula sa impeksiyon na maaaring idulot ng Haemophilus influenza type b (Hib) bacteria.
Tatlong dose ang kakailanganin para masigurado ang proteksyon na dulot nito. Ang una ay ibinibigay matapos ang ika-6 na linggo ng buhay ng bata.
Susundan ito ng iba pang dose kada apat na linggo. Mayroon din itong booster na ibinibigay sa pagitan ng 12 hanggang 15 buwang gulang ng bata, basta nasa mahigit 6 na buwan mula sa ikatlong dose. Lahat ng ito ay ibinibigay din sa bata IM.
9. Diphtheria and Tetanus Toxoid and Pertussis Vaccine (DTP)
Ang DTP ay kadalasang tinatawag na 3-in-1 dahil ito ay bakuna na laban sa 3 mga sakit. Kabilang sa mga nilalabanan nito ang diphtheria, tetanus at pertussis.
Ito ay ibinibigay IM sa 3 dose na may minimum interval na 4 na linggo. Ang unang dose ay ibinibigay sa minimum na edad na 6 na linggo. Ang mga booster shots naman nito ay ibinibigay kada 4 na taon mula sa pagitan ng 1 at 2 taong gulang.
Bakunang kailangan ni baby. | Larawan mula sa Freepik
10. Inactivated Poliovirus Vaccine (IPV)
Ito ang polio vaccine na itinuturok sa muscle ng mga bata para ibigay sa mga bata panlaban sa nakamamatay na sakit na polio. Kadalasan ay ibinibigay ito kasabay ng DTaP at Hib.
3 dose ang kailangan para dito na tinatanggap mula sa minimum na edad na 6 na linggo at may pagitan na 4 na linggo. Ibinibigay naman ang booster shot nito sa ika-4 na birthday.
11. Rotavirus Vaccine (RV)
Ibinibigay ang RV bilang proteksyon mula sa matinding diarrhea na dinudulot ng rotavirus. Ipinapainom ito sa bata mula sa ika-6 na linggo nito at may 4 na linggo dapat na pagitan bawat dose.
Ganunpaman, ang huling dose nito ay dapat matanggap ng bata bago siya mag-32 linggong gulang. Ang monovalent human rotavirus vaccine (RV1) ay may 2 dose habang ang pentavalent human rotavirus vaccine (RV5) ay may 3 dose.
12. Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV)
Ang PCV ay nagsisilbing proteksyon ng mga bata mula sa sakit na dulot ng Streptococcus pneumoniae. Itinuturok ang unang dose nito sa muscle ng bata matapos ang ika-6 na linggong gulang.
Ang susunod na dalawang dose ay ibibigay nang may 4 na linggong pagitan sa isa’t isa. Mayroon din itong booster na ibibigay naman anim na buwan mula sa ikatlong dose ng bakuna.
13. Influenza Vaccine (Trivalent/Quadrivalent Influenza Vaccine)
Ang TIV o QIV ay itinuturok sa muscle ng bata bilang proteksyon mula sa influenza virus. Ibinibigay ito sa pagitan ng 6 na buwang gulang hanggang 8 taong gulang sa dalawang dose na may pagitan na apat na linggo.
Mula 9 na taong gulang hanggang 18 taong gulang, taon-taon na ang pagbibigay nito sa bata. Inirerekumenda na ibigay ito sa bata sa buwan ng Pebrero ngunit maaari pa rin namang ibigay ano mang buwan.
Bakunang kailangan ni baby!
14. Measles Vaccine
Proteksyon para sa measles, ang bakunang ito ay itinuturok sa pagitan ng balat ay ng muscle. Kadalasan ay ibinibigay ito sa mga 9 na buwang gulang ngunit kapag may deklarasyon ng outbreak ay maaari nang ibigay sa ika-6 na buwang gulang pa lamang. Kapag walang measles vaccine ay maaaring gumamit ng MMR basta 2 ang tatanggaping dose mula 1 taong gulang.
15. Japanese Encephalitis live attenuated recombinant vaccine
Ang bakunang ito ay proteksyon mula sa viral disease na dala ng mga lamok na tinatawag na Japanese encephalitis. Itinuturok ito sa pagitan ng balat at muscle.
Dapat makatanggap ng isang dose nito mula 9 na buwang gulang hanggang 17 taong gulang. Susundan naman ito ng booster kada isa hanggang dalawang taon mula sa unang dose. Ang mga 18 taong gulang at higit pa ay kakailanganin lamang ng 1 dose.
16. Measles-Mumps-Rubella (MMR) Vaccine
Ang bakuna na proteksyon mula sa measles, mumps at rubella na itinuturok sa pagitan ng balat at ng muscle. Binibigay ito sa batang hindi bababa ang edad sa 1 taong gulang.
Inirerekumenda na tumanggap ang bata ng 2 dose nito kung saan ang ikawalang dose ay sa pagitan ng 4 hanggang 6 na taong gulang.
Ganunpaman, maaaring mapaaga ang pagbigay ng ikalawang dose basta hindi bababa sa 4 na linggo ang pagitan nito mula sa unang dose. Isa ito sa mga bakunang kailangan ng iyong anak.
17. Varicella Vaccine
Ibinibigay ito sa pamamagitan ng pagturok sa pagitan ng balat at muscle sa mga hindi bababa sa isang taong gulang. 2 dose nito ang inirerekumenda na matanggap kung saan ang ikawalang dose ay sa pagitan ng 4 hanggang 6 na taong gulang.
Ganunpaman, maaaring mapaaga ang pagbigay ng ikalawang dose basta hindi bababa sa 3 buwan ang pagitan nito mula sa unang dose.
18. Measles-Mumps-Rubella-Varicella Vaccine (MMRV)
Bakunang kailangan ng iyong anak. | Larawan mula sa iStock
Ang bakuna na maaaring gamiting alternatibo para sa MMR at Varicella na mga bakuna. Tulad ng mga ito, ibinibigay ang MMRV sa pamamagitan ng pagturok sa pagitan ng balat at muscle.
Ibinibigay ito sa mga batang hindi bababa sa 12 buwang gulang ngunit hindi lalagpas sa 12 taong gulang. Inirerekumenda ang pagkakaroon ng 3 buwang pagitan ang mga dose nito.
19. Inactivated Hepatitis A Vaccine
Ang bakunang ito na proteksyon mula sa hepatitis A ay itinuturok sa muscle. 2 dose ang inirerekumendang matatanggap nito kung saan ang unang dose ay maaari nang ibigay sa batang mahigit 12 buwang gulang. Ang ikalawang dose ay ibibigay matapos ang anim na buwan mula sa unang dose.
20. Tetanus and Diphtheria Toxoid (Td) / Tetanus and Diphtheria Toxoid and Acellular Pertusis Vaccine (Tdap)
Ang DPT ay isang bakuna na lumalaban sa tatlong impeksyon na delikado kung makaapekto sa bata. Dalawa sa kanila ang nakakaapekto sa baga, at ang sintomas ay ubo: ang “diptheria” at ‘Pertussis’.
At ang ikatlo naman ay ang “tetanus” na maaaring makuha ng mga bata sa mga sugat. Ito’y ITINUTUROK sa tadyang. Ito’y ibinibigay ng TATLONG BESES:
- Sa ika-6 na linggo ng baby.
- 4 na linggo pagkatapos ng unang bakuna
- 4 na linggo pagkatapos ng pangalwang bakuna
Bukod sa mga nabanggit, may mga iba pang bakuna na maaaring ibigay sa mga batang mataas ang posibilidad na makakuha ng partikular na sakit gaya ng Meningococcal vaccine laban sa sakit na ‘meningococcemia na nakakaapekto sa utak.
Ang Rotavirus vaccine para sa ilang uri ng pagtatae. Ikonsulta sa inyong pediatrician o iba pang doktor kung ang mga ito ay nararapat.
Tandaan!
Dahil sa dami ng mga bakunang ito, mahalagang siguraduhin na may LISTAHAN kayo ng mga bakunang nagawa para sa iyong anak, upang hindi mag kalituhan, o magkadoble ng turok.
Sapagkat mayroon na ngayong Internet, magandang itago ang mga ito sa iyong e-mail upang hindi mawala.
Tungkol sa gastos, ang mga nabanggit natin na mga bakuna para sa sanggol ay maaaring makuha sa pinakamalapit sa health center, at maaaring ibinibigay ng libre o sa murang halaga lamang ng gobyerno; magandang i-check muna ang mga ito kung available ba.
May mga health center na gumagawa rin ng record ng mga bakuna ng bawat bata, kaya magandang makipag-ugnayan sa mga barangay health worker (BHW) o midwife sa inyong barangay.
Ang mga bakunang ito ay available rin sa klinika ng inyong pediatrician, o sa mga ospital.
Para maiwasan ang pagkalat at pagkakaroon ng mga sakit na mapanganib sa kalusugan, makakabuting sundin ang inirerekumendang schedule ng bakuna ng DOH. Hindi lamang ito proteksyon para sa mga nasa paligid kundi pati narin sa iyong anak.
Karagdagang ulat ni Alyssa Wijangco
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!