Nakakainis na Balakubak, may gamot ba?

lead image

Bakit nga ba nagkakaroon ng balakubak ang isang tao, at ano ang posibleng maging solusyon sa nakakainis na problema sa balat na ito?

Sino nga ba ang hindi pa nakakaranas ng pagkakaron ng pesteng balakubak? Makati sa anit, nakakairita, at nakakahiya pa nga dahil kapag itim ang suot mo, halatang halata ang pagbagsak nito sa balikat at likod mo.

Hindi naman ito dahil sa dumi ng katawan o dahil hindi ka naliligo. Hindi rin ito sintomas ng anumang malubhang karamdaman o sakit, at lalong hindi nakakahawa. Bagkus, ito ay may solusyon at kayang kayang bigyan ng solusyon.

May mga natatanggal kaagad gamit ang anti-dandruff shampoo, o kaya ay regular na shampoo at pagbabanlaw nang mabuti. May mga mas malalang kaso ng balakubak na nangangailangan lang ng medicated shampoo.

Ano nga ba ang balakubak?

Dahil hindi mo nakikita sa sarili mo, unang sintomas na mapapansin ay ang labis na pangangati ng anit. Habang nagkakamot, dito na makakapa ang makapal na langib o malangis (minsan naman ay tuyo) na “flakes” na nakadikit sa anit. Ito ay ang dead skin na kapag kinamot, ay nadudurog kaya naman nagiging parang malalaking alikabok na nahuhulog sa balikat at likod. Karaniwang mas malala ito kapag malamig ang panahon.

Sa mga sanggol na bagong panganak, karaniwang makikita ang tinatawag na cradle cap, na isang uri ng balakubak. Tulad ng balakubak sa mga matatanda, ito rin ay makapal, tuyo, at buo-buo. HIndi ito basta natatanggal. Kailangang ibabad sa langis ang anit bago dahan dahang suklayin ng suklay na pang-sanggol. May ibang doktor na nagpapayong hayaan lang na matanggal ito ng kusa. Basta’t hinuhugasan at sinasabon ang ulo ng bata araw araw, matatanggal ito ng kusa. Kapag kasi pinilit kudkurin, maaaring masugatan ang anit ng sanggol.

Kailangan ba si dok?

Ang balakubak ay hindi naman kailangan pang ipatinigin sa doktor, maliban na lang kung nagsusugat na ang anit dahil sa pagkamot, o di kaya ay sanhi ng skin conditions tulad ng eczema at psoriasis ang balakubak. 

Ano ang sanhi ng balakubak?

Ito ang karaniwang pagtataka ng marami: Ano nga ba ang ginawa ko para magkaron ng balaubak?

  • Hindi paghuhugas ng buhok at anit. Kung hindi nagsha-shampoo ng madalas, o nahuhugasan ang buhok, ang oil at skin cells ng anit ay nagbubuo-buo, at nagiging balakubak.
  • Seborrheic dermatitis, at iba pang skin condition tulad ng ezcema at psoriasis. Makati at malangis na langib sa anit, mapula, o di kaya ay puti o dilaw. Naapektuhan nito ang anit, pati na kilay at tabi ng ilong, pati likod ng tainga, breastbone (sternum), singit at minsan pati ang kili kili.
  • Ang common fungus na malassezia ay nagiging sanhi rin ng balakubak. Dumadami kasi ang skin cells, at ang labis na skin cells ay namamatay, at nagiging balakubak.
  • Pagiging sensitibo sa ilang shampoo o hair care products, na sanhi ng contact dermatitis. Minsan kasi ay sensitibo ang anit at balat sa ilang sangkap ng mga produktong ginagamit natin tulad ng shampoo, hair dye at hair gel.
  • May mga pagsasaliksik na nagsasabing mas madalas magkaron ang mga lalaki ng balakubak kaysa mga babae, dahil sa hormones nila.

Sa mga recent studies, inihayag ng mga eksperto na ang mga pasyenteng may neurological diseases tulad ng Parkinson's disease at HIV infection, ay kadalasang nagkakaron ng seborrheic dermatitis at balakubak, dahil sa mahinang immune system nila.

Natural na paggamot ng balakubak

Hindi lang shampoo ang solusyon sa makating balakubak. Ayon kay Julie Matsushima, isang licensed medical esthetician, maraming mga gamit o sangkap na makikita sa kusina na makakatulong sa pagtanggal ng balakubak. At dahil natural at walang kemikal, walang aalalahaning komplikasyon.

Langis ng niyog. Matagal nang kilalang pantanggal ng balakubak at dry skin ang langis ng niyog. Ibabad ang anit sa pinaghalong tea tree oil at langis ng niyog ng hanggang 30 minuto, o magdamag, saka banlawan. Gawin ito gabi gabi para unti unting maalis ang balakubak.

Green tea. May antioxidants at anti-microbial properties ang green tea at essential oil. Ihalo ang  green tea, sa peppermint essential oil at suka, at imasahe ito sa anit ng hanggang 5 minuto. Hugasan ang buhok gamit ang regular na shampoo at conditioner.

Apple cider vinegar. Ihalo ang suka sa tubig, at ibuhos sa anit na parang shampoo. Mabisa ang apple cider vinegar para patayin ang fungus na sanhi ng balakubak.

Lemon juice. Ipahid ang 2 kutsara ng lemon juice sa anit at hayaan ng hanggang 2 minuto. Banlawan ito ng lemon juice na may tubig, saka maghugas ng buhok. Ang lemon ay may taglay na acids na mabisang panlaban sa fungus.

Baking soda. Basain ang buhok at pahiran ng isang kutsarang baking soda ang anit. Hugasan ito pagkatapos ng ilang minuto. Mabisa ang baking soda laban sa mga fungi at excess oil.

 

SOURCES:

MayoClinic,  Julie Matsushima, licensed medical Esthetician

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!