Sino pa ba ang punong-abala kapag nalalapit na ang pasukan, kundi si Mommy at Daddy, hindi ba? Para walang makaligtaan, kailangan ng isang kumpletong listahan ng lahat ng ihahanda, gagawin at bibilhin. Mabuti na ring ihanda ito ng maaga para hindi magmamadali at mahahagip ng rush season at pagtaas ng mga presyo ng school supplies.
1. Siguraduhing areglado na ang lahat sa eskwelahan.
Magsadya sa eskwelahan ng inyong anak at kumuha ng checklist ng mga sumusunod:
- Tuition Fee at lahat ng bayarin, at schedule ng pagbabayad nito, kasama na ang petsa ng enrolment
- Listahan ng lahat ng kailangang school supplies
- Uniporme (kung mayron) at kung saan kukuha o magpapagawa
- Academic Calendar na nagsasaad ng lahat ng importanteng petsa sa buong taon, lalo na ang unang araw ng pasok, Orientation Day, at iba pa
- Pangalan ng principal, guro at mga subjects at subject teachers, kung mayron nang nakahanda
- Mga medical forms at listahan ng kailangan mula sa doktor
- Listahan ng mga dokumentong legal tulad ng birth certificate, baptismal certificate, at iba pang tulad nito.
2. Ihanda ang budget ng pamilya para sa eskwela at gamit ng mga bata pang-eskwela.
Maupo at planuhing mabuti ang pagba-budget para sa enrolment at mga gamit na dapat bilhin. Hawak dapat ang schedule ng pagbabayad na galing sa eskwela.
3. Mamili ng School Supplies, kasama ang (mga) anak.
Bawat eskwelahan ay may kani-kaniyang listahan, at maaaring hindi magkakapareho, lalo na kung iba-iba ng baitang o edad. Kung higit sa isa ang anak, bigyan ang bawat isa ng listahan, at maupo at pag-usapan kung anu-ano ang mga gamit na mayron na sila, at kung anu-ano ang mga kailangan pang bilhin.
Mag-schedule ng isang araw para mamili ng mga gamit. Ihiwalay ang araw para sa mga gamit na bibilhin sa iisang tindahan, tulad ng mga libro, papel, notebook, lapis, na mabibili sa bookstore, at mga ibang gamit tulad ng damit, sapatos, medyas at bag, na mabibili sa department store. Kung may mapupuntahan na naroon na lahat, pwede ring pagsabayin, pero depende ito sa oras at budget, at kung gaano kadami.
Kung may anak na high school at elementary, pwede ring magkahiwalay sila ng pamimili dahil baka magkaiba ang pangangailangan.
4. Asikasuhin ang mga dokumentong hinihingi ng eskwelahan.
Kasama dito ang birth certificate at medical forms. Pumunta sa pediatrician o dentista para mapapirmahan kaagad ang mga forms, dahil importante ang mga ito. Dito rin kasi malalaman kung may mga allergy o iba pang sakit na kailangang ipaalam sa eskwelahan ng bata.
5. Samahang magpakuha ng litrato o ID pictures ang mga bata.
Mabuti nang may nakahanda, dahil maaaring kailanganin ito, kung hindi pa nakalista sa checklist na bigay ng eskwelahan.
6. Ihanda lahat ng pinamiling gamit at ayusin ang mga ito.
Isama ang mga bata sa paghahanda at pag-aayos, para masabi din nila kung paano nila gustong iayos ito at kung saan ilalagay. Lagyan ng pangalan ang lahat ng bagay, pati na ang uniporme.
Isang linggo bago magpasukan, nakahanda na dapat ang bag, lahat ng laman nito, ang mga uniporme, medyas, sapatos, at lahat ng kailangan isuot o dalhin.
Makakabuti rin kung makakapagtakda na ng “study area” o “study corner” sa bawat bata, para hindi paiba-iba. Makakatulong itong maging “settled” ang mga bata at walang argumento kung sino at saan sila lulugar para gumawa ng homework.
7. Pag-usapan na rin ang baon na pagkain sa bawat araw, kung magbabaon sila.
Kailangan din ba ng bagong baunan at botang pang-inuman? Kailangan nang mamili ng mga pagkain na kailangang may stock na sa pantry at refrigirator, isang linggo bago ang unang araw ng pasukan: prutas, gulay na hindi kaagad nabubulok tulad ng pipino, fruit cups, granola bars, cereals.
Kung pera ang baon, magkasundo na kung magkano sa bawat araw.
8. Ihanda ang sariling orasan at alarm clocks ng mga bata.
Lalo pa kung mahirap silang gisingin. Makakatulong din ito para sa pag-schedule ng homework, laro at iba pang bagay.
9. Maglagay ng Organizer-Calendar sa lugar na makikita ng lahat.
Para ito sa mga bata at para sa mga magulang, lalo na. Dito dapat ilista ang mga schedule at mahahalagang okasyon, school events, dapat puntahan, kailangan sa eskwela sa partikular na araw, after-school activities. Kasama din ang mga holidays, school trips, half-days at parent-teacher meetings.
10. Magtalaga ng isang lugar at lalagyan ng mga papel o sulat galing sa eskwela.
Siguradong dadami ang mga papeles na dala ng mga bata para basahin at pirmahan ng mga magulang, galing sa eskwela. Kung higit sa isa ang anak, dapat ay may kani-kaniya silang lalagyan para organisado at wala kang makakaligtaan.
11. Mag-praktis ng daily routine, bago magpasukan.
Isa hanggang 2 linggo bago ang pasukan, sanayin na ang mga bata sa oras na dapat gigising sa umaga. Mahirap itono ulit ang body clock kaya maaga pa lang ay sanayin nang muli ang mga bata sa oras ng paggising, at orasan kung gaano katagal sila maghahanda: maligo, magsipilyo, mag-almusal, pati magbihis at magsuot ng sapatos. Mas mabuting kalkulado para hindi sila mahuli, at hindi masanay na mahuli.
Ang ibig sabihin nito ay pati ang oras ng pagtulog nila sa gabi ay iaayos na rin para sapat ang tulog, at hindi puyat sa umaga.
Kung naka-school bus ang bata, malamang ay iikot din ang school bus sa ruta na dadaanan. Kung ang magulang ang maghahatid, mag-praktis na rin ng pagpunta sa eskwela para maestima ang oras o tagal ng biyahe. Isama ang dagdag na oras sa posibleng traffic at paghihintay para sa parking. Kung nilalakad lang mula bahay hanggang eskwela, maglakad rin kasama ng mga bata.
12. Puntahan ang eskwelahan, kasama ang mga bata.
Kasama na sa pagtatantiya ng biyahe papunta sa eskwela, bisitahin na rin ang lugar para maramdaman na ng estudyante ang panibagong taon niya ng pag-aaral. Lalo pa kung bago lang sa eskwelahan ang bata. Kilalanin ang mga guard, mga tao sa canteen, sa office, at iba pang importanteng tao na pareho ninyong dapat makilala.
13. Relax.
Lubusin ang mga natitirang araw na walang pasok, at mag-enjoy kasama ng inyong anak. Paniguradong maraming stressful na mangyayari, pero malalagpasan lahat ng ito kung marunong mag-relax at kumalma, para malabanan ang pagod at stress. Gawin ang mga bagay ng paboritong gawin ng mag-anak: manuod ng sine, mamasyal sa park, mag-bike, o kumain sa labas. Para refreshed at “ready to go back to school” ang mga bata, pati na ang mga magulang.
Basahin: DOH, nagbabala tungkol sa nakalalasong mga school supplies
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!