Baptism COVID Philippines: Narito ang mga pagbabagong isinasagawa sa pagbibinyag ngayon sa panahon ng COVID-19 pandemic. At mga binyag requirements na kailangan mong ihanda.
Baptism COVID Philippines
Hindi lang pangaraw-araw nating buhay ang apektado ng COVID-19 pandemic. Kung hindi pati na ang ilang mahahalagang yugto ng ating buhay. Tulad na nga lang ng sagradong seremonyas ng binyag na kung saan may malaking pagbabagong ipinatutupad ang simbahang katoliko. Ito ay ayon kay Bishop Broderick Pabillo ng Archdiocese of Manila.
Sa ngayon, hindi tulad ng nakasanayan, ang mga binyag ay gaganapin lang sa maliliit na batch. Kung saan maliban sa magulang ng bibinyagang bata o sanggol ay tanging isang set lang ng ninong at ninang ang papayagan. Hahayaan rin ang mga simbahan na magsagawa ng binyag sa ibang araw. Hindi tulad ng dati na kung saan nakasanayan itong gawin tuwing araw lang ng Linggo.
“Let the parishes allow baptisms to be celebrated during set times on weekdays to decongest baptisms on Sundays.”
Ito ang pahayag ni Bishop Pabillo sa isang panayam.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, tanging isang cotton o bulak na may holy oil lang ang gagamitin sa kada isang batang bibinyagan. At ito ay agad na susunugin matapos ang seremonyas.
Tulad rin ng ginagawa kapag nagpupunta sa mga pampublikong lugar, ang paring magsasagawa ng binyag ay dapat nakasuot ng mask.
Binyag requirements na kailangang ihanda
Para naman sa binyag requirements, ito ang kailangang ihanda ng mga magulang.
- Original at photocopy ng birth certificate ng batang bibinyagan
- Marriage certificate ng mga kasal na magulang. Kung hindi naman kasal o single parent ay kailangang dumaan sa isang seminar o interview ang mga magulang ng batang bibinyagan.
- Baptismal certificate o confirmation certificate ng tatayong ninong at ninong. Bagamat hindi lahat ng simbahan ay nire-require ito.
Mga pagbabago sa iba pang seremonyas sa simbahan
Ipagpapaliban muna rin ang mga mass confirmations sa ngayon. Ang dating mga engrandeng kasal ay hindi na muna papahintulutan ng simbahan. Ito ay magiging simple na kung saan limitadong bilang lang ng tao ang maaring magpunta sa seremonyas. Tanging ang mga ikakasal, kanilang magulang at isang set lang ng sponsors ang papayagang dumalo.
Para sa mga misa sa simbahan ay pinapaalalahanan ang mga deboto na kung maari ay huwag ng mag-simba kung may sakit.
Sa loob ng simbahan ay i-observe parin ang proper at physical distancing.
Ang misa ay isasagawa lang ng pari sa tulong ng kaniyang isa o dalawang sacristan o lay minister. Pagdating sa mga kanta ng simbahan ay pangungunahan lang ito ng isang taga-awit at isang magpapatugtog ng instrumento.
Ititigil na muna rin ang pagpasa-pasa ng basket sa offering. Sa halip ay may mga itatalagang box ang bawat simbahan na kung saan maaring ilagay ng isang deboto ang kaniyang kontribusyon.
One-meter physical distancing sa pangungumpisal
Para sa mga nagnanais na mangumpisal ay ipinapayo ng namumuno sa mga simbahan na i-reconfigure ang kanilang maliit na confessional boxes. Ito ay upang mai-observe parin dito ang social distancing. O kaya naman ay mas mabuting gawin ito sa labas ng confessional box na kung saan ang pari at nangungumpisal ay may isang metrong layo sa isa’t-isa. Dagdag pa dito sila ay dapat nakasuot ng face masks.
“Although confessions may be heard in the parish office, it is preferable that they be heard outdoors, where there is better circulation of air and additional space for safe distance between the confessor and the penitent.”
“Both the priest and the penitent should wear face masks. Priests may not hear confessions via telephone or Zoom teleconferencing, though they may use these methods to offer the penitents spiritual counsel”.
Ito ang pahayag naman ng CBCP.
Ang holy communion ay ibibigay parin gamit ang kamay ng mga pari o lay ministers. Ngunit sila ay dapat na munang mag-sanitize ng kanilang kamay bago at pagkatapos itong gawin. Dapat ay nakasuot rin sila ng face mask.
Bawal na munang humawak at magpunas sa mga santo
Hindi narin maghahawakan ng mga kamay ang mga deboto sa nakasanayang pagkanta ng “Ama Namin”. Pati ang pagkakaroon ng physical contact kapag nagbibigayan ng tanda ng kapayapaan sa bawat isa ay hindi na muna pahihintulutan.
Tulad sa iba pang establisyemento, ay titingnan o i-checheck muna ang body temperature ng sinumang papasok sa simbahan. May mga footbaths at hand sanitizers rin sa mga entrance nito na kailangang daanan at gamitin ng mga deboto bago makapasok.
Seselyuhan narin muna ang mga holy water basin. Bawal narin muna humawak o magpunas sa mga santo ang mga deboto. Pagkatapos ng misa ay agad na i-didisinfect ang buong simbahan bago muling papasukin ang iba pang debotong nais magdasal sa loob nito.
Source:
UCA News, CNN
Basahin:
Marriage license at iba pang mga dapat mong ihanda bago magpakasal
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!