Pakiramdam mo ba’y di sapat ang iyong gatas para sa iyong sanggol? Kailangan mo ba ng dagdag na supply ng gatas ng ina? O sa isang banda naman, labis ba ang inilalabas mong gatas kaya’t nais mong mag-donate sa ibang batang nangangailangan nito? Maaaring mag donate ng gatas sa mga breastmilk bank!
Expanded Breastfeeding Promotion Act sa Pilipinas
Sa ilalim ng Republic Act 7600 (The Rooming-In and Breastfeeding Act of 1992), itinalaga ang pagtataguyod ng pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol, at lahat ng paraan ng makakatulong dito. Itinataguyod din ng batas na ito ang pagpapahalaga sa ina at kanyang sanggol sa buong bansa.
Sa ilalim ng Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009, lahat ng government at pribadong health institutions ay kailangang magtayo ng human milk banks sa kani-kanilang lungsod.
Kasama dito ang paglakap ng ligtas at sa malinis na paraan (na aprubado ng Department of Health) ng gatas ng ina at ng mga human breastmilk banks.
Sinimulan na ang kampanyang ito lalo na sa kalakhang Maynila. Pinangunahan ito ng mga lungsod ng Quezon City, Makati, Taguig, at Manila.
Layon ng mga lehitimo at government-accredited Human BreastMilk Bank (HMB) ang mahikayat ang mga ina na ibahagi ang labis o excess nilang gatas sa ibang inang hirap o walang supply ng gatas, lalo na para sa mga may sanggol na premature or malnourished.
Hinihikayat din kasi ng R.A. 7600 at Philippine Women’s Council ang eksklusibong pagpapasuso ng ina sa kanyang sanggol lalo na sa unang 6 na buwan ng bata.
Ito rin ang itinalaga ng World Health Organization (WHO), dahil napakarami ng benepisyong pangkalusugan ang maidudulot ng gatas ng ina sa isang sanggol.
Hindi dapat pagkaitan ng gatas ng ina ang bawat bata, bagkus ay dapat pang hanapan ng lahat ng posibleng paraan upang ang isang bata ay mabigyan ng nararapat na nutrient para sa kanyang immune system.
Pag-donate ng breastmilk sa Pilipinas
Ayon sa article ng UNICEF, naka-rely ang Human milk banks sa donations ng breast milk mula sa mga lactating women. Dumaraan sa screening at counselling ang mga interesadong nanay. Ipapaliwanag ng nurse ang proseso sa mga ito at maging ang purpose ng breast milk donation.
Pagkatapos nito, kokolektahin ang mga breastmilk mula sa donors sa pamamagitan ng manual methods o breast pumps. Tutulungan ng mga staff ng breastmilk bank ang mga nanay sa pagkolekta ng gatas.
Kapag nakolekta na ang mga breastmilk, lalagyan ito ng label ng kompletong detalye. Kabilang na rito ang pangalan ng donor, oras at araw ng koleksyon, at kung gaano karami ang nakolektang breastmilk. Pagkatapos ay itatabi ito sa freezer.
Samantala, kapag ihahanda na para sa pasteurization ang breastmilk, kailangan muna itong i-thaw sa refrigerator nang magdamag.
Pagkatapos ay ilalagay ito sa laminar flow hood, isang ventilation device na kumokontrol sa circulation ng filtered air para maiwasan ang kontaminasyon ng gatas habang isinasalin ito sa bagong container.
Ang bawat batch ng breastmilk ay pina-pasteurized sa 62.5°C sa loob ng 30 minuto. Kailangang gawin ang pasteurization para mapatay ang bacteria, virus, at iba pang microorganisms nang mapatagal ang shelf life ng breastmilk.
Ang mga sample ng bawat batch ay ipinadadala sa laboratory ng ospital bago at matapos ang pasteurization para sa microbiological testing para masiguro ang safety at quality nito. Pagkatapos ay itatabi ito sa freezer na may -20°C temperatura.
Breast milk Bank sa Metro Manila: Saan nga ba ang mga pangunahing HMB sa kalakhang Maynila?
May apat na milk banks na unang binuksan ng mga ospital ng pamahalaan: Philippine Children’s Medical Center sa Lungsod ng Quezon, Dr Jose Fabella Memorial Hospital at Philippine General Hospital sa Maynila, at Zamboanga City Medical Center, sa tulong ng World Health Organization at Department of Health.
Bawat HMB ay may doktor, nurse, midwife, at medical technologists na pawang nag-training sa ilalim ng PCMC. Ang PCMC at ang Dr Jose Fabella Memorial Hospital ay ang tanging dalawang institusyon na DOH-accredited sa pagpapalakad at operasyon ng human milk bank.
Breast milk bank sa Metro Manila. | photo: Canarian Weekly facebook page
1. MAKATI CITY.
Ang kauna-unahang HMB sa National Capital Region ay binuksan sa lungsod ng Makati noon pang 2013. Ang una ay nasa Bangkal Health Center sa E. Rodriguez Avenue, Barangay Bangkal.
Ito ay may mga imported equipment, tulad ng human milk pasteurizer, bio-refrigerator, mga malalaking freezers, at electric dishwasher at sterilizer.
2. QUEZON CITY.
Sa Quezon City, binuksan ang mga milk banks (QCHMB) noon pang 2015, sa ordinansang itinalaga ni Mayor Herbert Bautista. Mayroong HMB sa Quezon City General Hospital and Medical Center (QCGH). Ito ang ikalawang LGU sa National Capital Region na nagbukas ng HMB. Mayroon din sa Philippine Children’s Medical Center.
3. MANILA.
Kilala ang Dr. Jose Fabella Memorial Hospital bilang isang maternity hospital sa Maynila. Sa tulong ng Philippine College of Health Sciences (PCHS) at Mont Blanc, isang non-governmental organization (NGO), ang fully-operational milk bank ang itinalaga dito simula 2008. Dahil na rin ito sa dami ng ina at sanggol na inaaruga ng pampublikong ospital na ito.
4. TAGUIG.
May naiulat na 200 na ina ang nag-boluntaryong magbigay ng kanilang gatas sa local nutrition council ng Taguig. Ito ang naging simula ng kampanya ng lungsod para sa pagbubukas ng HMB sa kanilang lugar.
Kilala ang Taguig sa kanilang epektibong programang pang-nutrisyon. Ang Mandaluyong City Medical Center ang itinalagang pangunahing HMB ng lungsod.
Samantala, noong 2016 ay inanunsyo ng The Medical City sa Pasig City ang pagbubukas ng kanilang Human Milk Bank. Layunin umano nitong makapagbigay ng breastmilk na safe para sa mga sanggol na isinilang nang preterm at may sakit sa kanilang neonatal intensive care units.
Ini-screen ng The Medical City ang mga potential donors nang libre. Kapag nakapasa sa screening ang nanay ay kokolektahin ang breastmilk nito, ipa-pasteurized at ipapamahagi sa mga sanggol sa neonatal intensive care unit ng ospital.
Maaaring pumunta sa Women’s Health Floor na matatagpuan sa 6th floor ng The Medical City sa Ortigas, Pasig City ang mga babaeng nais mag donate ng breastmilk.
Donation ng breast milk sa Pilipinas
Breast milk bank sa Metro Manila. | Larawan mula sa Shutterstock
Unang itinalaga ang pagkakaroon ng breast milk bank sa bansa para makapagbigay ng ligtas na breastmilk sa mga sanggol sa mga emergency situation.
Kabilang na rito ang mga apektado ng disaster, o kaya ay may kritikal na karamdaman o isinilang nang premature. Mahalaga ang breastmilk sa sanggol dahil mayaman ito sa lahat ng nutrisyong kailangan ng mga baby sa kanilang unang anim na buwan.
Bukod sa mga nabanggit na ospital sa Maynila, mayroon ding breast milk bank sa Tacloban City, Leyte, ang Eastern Visayas Regional Medical Center Human Milk Bank.
Nakapagbibigay ng breast milk ang nasabing ospital sa mga vulnerable na bata sa probinsya. Dahil typhoon-prone region ang Tacloban, malaki ang naitutulong ng EMVRC bilang rescue and relief operations hub na nagbibigay ng human breast milk para sa mga sanggol na nangangailangan nito.
Paano makahingi ng gatas sa breastmilk bank sa Philippines?
Kinakailangan ang mga sumusunod para makahingi ng donation ng breastmilk mula sa mga breastmilk bank sa Eastern Visayas Regional Medical Center:
- Prescription mula sa doktor
- I-fill out ang required na mga form
- Magbayad ng maliit na fee para matulungang magpatuloy ang operasyon ng milk bank.
- Maaaring i-refer ng mga health worker sa rehiyon ang mga pasyente para makakuha ng suplay ng breastmilk.
Inilalagay ang breastmilk sa cooloer na may yelo o gel freeze packs para mapanatili ang temperatura habang ibinabyahe ito. Kapag thawed na ang gatas, kailangan itong i-consume sa loob ng 24 oras.
Iba pang breast milk bank sa Metro Manila, Pilipinas
Mayroon mang kalamidad o wala, basta’t kailangan ng iyong anak ng breastmilk donation o kaya naman ay nais mong mag-donate ng breastmilk, maaaring makipag-ugnayan sa breastmilk bank in the Philippines. Narito ang listahan ng mga ospital na tumatanggap ng breastmilk donations:
TAGUIG CITY
- St. Lukes’ Medical Center (SLMC)
QUEZON CITY
- St. Luke’s Medical Center
- Philippine Children’s Medical Center
- Quezon City General Hospital
- Quirino Memorial Medical Center
MANILA CITY
- Justice Jose Abad Santos General Hospital
- Philippine General Hospital
- Jose Fabella Memorial Hospital
PASIG CITY
- Pasig City General Hospital
- Rizal Medical Center
LUZON
- Cagayan Valley Medical Center
- Baguio General Hospital and Medical Center
- Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital
- Bicol Medical Center, Naga City
- Batangas Medical Center
VISAYAS
- Eastern Visayas Regional Medical Center, Tacloban City
- The Doctors’ Hospital, Inc. Bacolod City
- Western Visayas Medical Center, Iloilo City
- Zamboanga City Medical Center
Malaki ang maitutulong ng bawat donasyong maibibigay sa mga vulnerable na sanggol at mga baby na naapektuhan ng sakuna at kalamidad. Kaya naman, kung nais mag donate ng breastmilk, agad na makipag-ugnayan sa mga nabanggit na ospital.
Breast milk bank sa Metro Manila. | Larawan mula sa Shutterstock
Alam niyo bang…
- 34% lamang ng mga sanggol na bagong panganak ang eksklusibong pinapasuso ng ina, mula pagkapanganak ahanggang 2 taong gulang? (source: United Nations Children’s Fund (Unicef)’s 2014 State of the World’s Children Report)
- Lahat ng inang nais magbigay ng donasyong gatas ay kailangang sumailalim sa laboratory tests pagkatapos ng unang screening and physical examination.
- May mga pribadong organisasyon din ang tumutulong sa adbokasiyang ito. Ang Human Milk 4 Human Babies ay isang network ng online regional chapters na naglalayong tumulong sa distribusyon ng gatas ng ina sa mga nangangailangan sa isang ligtas at ethical na paraan.
- Siniguro ng pamahalaan na sakaling walang pambili o pambayad ang nangangailangan, tutulungan ito ng mga LGU upang makakuha pa rin ng gatas ng ina sa maraming posibleng paraan. Sinuguro din ng DOH na ang lahat ng donasyong gatas ng ina ay dadaan sa “strict pasteurization” at health check bago ilagay sa milk bank.
- Ang PEDALA naman ay isang messenger service na tumutulong na madala ang kailangang gatas sa mga sanggol sa iba’t ibang lugar. Ito ay para lamang sa mga may alam nang milk donors, at kailangan lamang ng magdadala o delivery service. (PEDALA – 0917-8073325). Katuwang nila ang Babymama, isang organisasyon na nagbibigay akses din sa ligtas at affordable na mga produkto para sa breastfeeding.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!