May mga sanggol na isinisilang na may butas o problema sa kanilang puso. Ang tawag sa kondisyong ito ay Congenital Heart disease.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang Congenital Heart disease
- Uri ng Congenital Heart disease
- Sintomas ng CHD
- Ano ang lunas para sa sakit na ito
- Paano alagaan ang batang may ganitong uri ng karamdaman
Walang pinipiling kasarian ang taong maaaring magkaroon ng sakit sa puso mula pa lamang sa kanilang kapanganakan, o ang Congenital Heart disease.
Matatagpuan sa artikulong ito ang mga FAQs o pangkaraniwang itinatanong kung anong tawag sa sakit na may butas sa puso o ganitong uri ng karamdaman.
1. Ano ang Congenital Heart disease?
Ang Congenital Heart disease ay ang pangkaraniwang tawag sa sakit kung saan ang isang tao ay mayroong diperensya sa puso, kaya naman naaapektuhan nito kung paano mag-fuction ang kaniyang puso.
Ang salitang “congenital” na ang ibig sabihin ay condition present from birth, ay nangangahulugang ang ganitong klase ng karamdaman ay nakukuha mula pa lamang sa kaniyang kapanganakan.
Isa ang sakit na ito sa mga tinuturing na pangkaraniwang sakit na nakukuha mula pa lamang pagka-panganak. 1 sa 100 sanggol sa United Kingdom ang nakararanas ng ganitong klaseng kondisyon.
Samantala, ayon sa datos mula sa Pediatric Medical Mission ng Pilipinas, 24 sa kada 1,000 sanggol naman sa bansa ang nakararanas nito.
At ayon sa World Health Organization (WHO), ang Congenital Heart disease ang ika-apat sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga batang may edad lima (5) pababa.
Larawan mula sa Shutterstock
2. Uri ng Congenital Heart disease
Bukod sa pagkabutas ng puso, marami pang iba’t ibang uri ng Congenital Heart Disease (CHD).
May ilang pagkakataon kung saan ang bata o sanggol ang makararanas ng higit pa sa isang problema sa puso.
Narito ang ilang halimbawa o uri ng diperensya sa puso na maaaring makuha mula pagkapanganak:
Septal defects
Ito ang pinakakilala sa lahat at tinatawag nating may ‘butas sa puso,’ Sa kondisyong ito ay mayroong butas sa pagitan ng dalawang chamber ng puso.
Coarctation ng aorta
Ito ay kondisyon kung saan ang malaking artery sa katawan ng tao, na tinatawag nating aorta, ay mas maliit o makitid kumpara sa normal.
Pulmonary valve stenosis
Ito ay kondisyon kung saan ang pulmonary valve, na may kontrol sa daloy ng dugo mula sa puso papunta sa baga, ay mas maliit o makitid kaysa sa normal.
Transposition of the great arteries
Ito ay ang kondisyon kung saan ang pulmonary at aortic valves at ang arteries ay konektado ngunit pinagpalit ng posisyon.
Underdeveloped heart
Ito ay ang kondisyon kung saan ang puso ay hindi na-develop ng maayos, kaya naman ang puso ng bata o sangol ay nahihirapang mag-pump ng dugo sa katawan at baga.
3. Bakit nabubutas ang puso o nagkakaroon ng Congenital Heart disease ang isang sanggol?
Larawan mula sa Shutterstock
Marami ang nagtatanong at nagtataka kung bakit nga ba may mga sanggol na isinisilang ang may butas sa puso.
Karamihan ng kaso at pagkakataon, walang nakikitang malinaw na dahilan kung bakit nga ba nagkakaroon ng ganitong klaseng kondisyon ang isang sanggol.
Mayroong ilang pagkakataon kung saan maaari nang malaman na ang sanggol ay may ganitong klaseng karamdaman kahit na sila ay nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang ina. Ito ay sa pamamagitan ng ultrasound. Ang iba naman ay nakikita lamang oras na ito ay ipanganak.
Samantala, may ilang mga bagay na naitala na posibleng sanhi kung bakit tumataas ang posibilidad na ang isang bata ay ipapanganak nang may Congenital Heart disease.
Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Down’s Syndrome – ito ay isang kondisyon kung saan ang bata ay may genetic disorder na nakakaapekto sa normal na pisikal development at sa kaniyang pagkatuto.
- Nakararanas ng impeksyon katulad ng Rubella habang nagbubuntis.
- Ang nanay ay uminom ng iba’t ibang uri ng gamot habang nagbubuntis na maaaring makasama at makaapekto sa development ng bata.
- Umiinom o naninigarilyo habang ipinagbubuntis ang bata.
- Ang nanay ay may type 1 diabetes o type 2 diabetes subalit hindi ito naalagaan o nabigyan ng sapat na atensyon habang siya ay nagbubuntis.
- Maaaring ito ay nakuha sa genes at namamana.
4. Sintomas ng may butas sa puso o pagkakaroon ng Congenital Heart Disease
Mayroong ilang mga senyales o sintomas ang maaaring makita o mapansin sa isang bata o sanggol na may Congenital Heart Disease. Kasama na rito ang mga sumusunod:
- Mabilis na pagtibok ng puso
- Mabilis na paghinga
- Pamamaga ng hita at binti, ng tiyan, o ng paligid ng mata.
- Nagiging asul ang kulat ng balat o labi
- Mabilis ng pagkahingal at pagkapagod twing siya ay pinapakain
BASAHIN:
Halak ng baby: Mga importanteng kaalaman tungkol dito
7 na epekto kay baby kapag mayroong gestational diabetes si mommy
Mga kailangang bakuna sa unang taon ni baby
5. Paano maiiwasan ang pagkakaroon nito?
Kagaya ng nabanggit, mahirap tukuyin kung ano talaga ang tiyak na dahil kung bakit nagkakaroon ng ganitong klaseng kondisyon o karamdaman ang isang bata. Kung kaya’t wala ring tiyak na paraang upang ang sanggol ay siguradong hindi magkakaroon nito.
Samantala, may ilan kang maaari gawin o sundin upang maiwasang magkaroon nito ang sanggol na iyong ipinagbubuntis.
Ito ay ang mga sumusunod:
- Upang hindi dapuan ng trangkaso (flu) at rubella, siguraduhing ikaw ay nakapagpa bakuna laban sa flu.
- Iwasan ang paninigarilyo at pag-inom ng alak habang ikaw ay nagdadalang tao
- Iwasan din ang pag-inom ng iba’t ibang klase ng gamot na hindi nagmula sa payo ng iyong doktor.
- Uminom ng 400 micrograms ng folic acid na supplement kada araw sa unang tatlong buwan o unang labindalawang linggo ng iyong pagbubuntis. Hindi lang makakaiwas sa Congenital Heart disease ang iyong anak, kundi sa iba pang mga sakit o diperensya na maaari niyang makuha pagkapanganak.
- Makipag-ugnayan sa iyong GP (General practitioner) o pharmacist bago ka uminom ng mga gamot habang ikaw ay nagbubuntis. Kasama na rito ang mga halamang gamot at iba pang gamot na maaaring mabili sa botika.
- Iwasan din na makisalamuha sa mga taong kasalukuyang dumaranas ng iba’t ibang klase ng impkesyon.
- Kung ikaw ay may diabetes, siguraduhing ito ay iyong naaalagaan at nabibigyan ng sapat na atensyon upang hindi lumala at makaapekto sa bata.
- Iwasang ma-expose sa mga organic solvents, katulad ng mga produktong pang-dry clean, paint thinner, at nail polish remover.
6. Ano ang lunas para sa sakit na ito?
Ang treatment o lunas sa Congenital Heart disease (CHD) ay iba-iba. Nakadepende ito sa kung ano ang kasalukuyang estado o kondisyon ng puso ng bata.
Bukod pa rito, ang treatment ay nababase sa kung ano ang personal na pangangailangan ng bata at ng defect o diperensya na mayroon ito.
Kung hindi ito sobrang lala, katulad ng butas sa puso, hindi ito nangangailangan gamutin. Dahil sa ganitong klase ng kondisyon, inaantay at hinahayaan lamang itong gumaling, at maaaring hindi na magdala ng mas malala pang problema.
Mayroon din namang pagkakataon kung saan kailangan na itong buksan at operahan. Sapagkat may mga kondisyon kung saan ang diperensya ay maaaring lumala at magdala ng mas mahirap na problema sa puso.
Ngunit dahil sa makabagong teknolohiya na mayroon tayo sa kasalukuyan. Marami nang pagkakataon kung saan ang problema sa puso at nagagamot. Bukod pa rito, lalong tumataas ang tiyansa na ang puso ng bata ay mag-function ng maayos at normal.
Samantala, ang bata na may Congenital Heart Disease ay nangangailangan regular na tulong mula sa doktor upang mabantayan ng maayos ang kaniyang kondisyon at maibigay ng maayos ang pangangailangan.
Mahalaga na siya’y masubaybayan ng kaniyang doktor o isang specialist na may alam sa kaniyang kondisyon mula pagka-bata hanggang pagtanda.
Ito ay dahil maraming posibilidad na maaaring mangyari o problema sa kaniyang puso na maaaring ma-develop sa paglipas ng panahon.
Kaya naman importante na ang mga magulang o tagapag-alaga ng bata ay may sapat ng kaalaman ukol sa kaniyang kondisyon. Sa gayon ay maibigay ang lahat ng kaniyang pangangailangan.
7. Paano alagaan ang batang may ganitong uri ng karamdaman?
Larawan mula sa Shutterstock
Ang lunas na kinakailangan ng isang pasyente na may ganitong klase ng kondisyon ay iba-iba. Ngunit lahat sila ay nangangailangan ng sapat at tamang pangangalaga mula sa kanilang magulang at mga taong nakapaligid sa kanila.
Maiiwasan ang paglala ng kondisyon ng sanggol na may CHD kung naisasagawa ng maayos ang mga payo ng kaniyang personal at pinagkakatiwalaang doktor.
Kung mild lamang o hindi malala ang kondisyon ng bata ay reresetahan lamang sila ng ilang medikasyon. Tandaan na sa pag-inom at paggamit ng mga niresetang gamot ay dapat tama at nasa oras.
Mahalaga na makontrol at mapanggasiwaan ang presyon ng pasyente. Upang hindi ito mauwi sa paglala at masigurado na hindi iregular ang pagtibok ng puso nito.
Kung ang bata naman ay kinailangan buksan ang puso at operahan. Higit at mas masusing pag-aalaga at pagbabantay ang kanyang kailangan mula sa doktor at magulang.
Bukod pa rito, tandaan na bago painumin ng anumang supplements at gamot ang pasyente, herbal man ito hindi, importante na ito ay ikonsulta muna sa kaniyang doktor, kung maaari ba itong gamitin o hindi.
Kung ang bata naman ay hindi na sanggol at maaari nang kumain, makabubuting masusustansyang pagkain lamang ang kaniyang kainin. Ugaliing din na painumin siya ng maraming tubig.
Sa ganitong pamamaraan, makakaiwas siya sa iba pang sakit at impeksyon na maaaring makaapekto sa kaniyang kasalukuyang kondisyon.
Hindi madali ang pagkakaroon ng Congenital Heart Disease, ngunit maraming paraan upang mas mapangalagaan ang kalusugan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!