Ano ang cephalopelvic disproportion?
Ang cephalopelvic disproportion o CPD ay isang komplikasyon kung saan ang laki ng ulo ng sanggol (cephalus) ay hindi tugma o proporsiyon sa pelvis (o sipit-sipitan) ng ina. Kapag mas malaki ang ulo ng bata, o masyadong maliit ang pelvis o birth canal ng ina, magkakaroon ng problema sa panganganak. Minsan naman ay may malposition o hindi tamang posisyon ng ulo ng bata.
Ang CPD ay nagiging ugat ng ilang komplikasyon sa labor, tulad ng prolonged labor, fetal distress, at delayed second stage. Sinasabing ang CPD ay isang bihirang kondisyon, ngunit kapag na-confirma na CPD nga ang diagnosis, ang pinakaligtas na paraan ng panganganak ay Cesarean Section.
Hindi din ganoon kadali ang maagapan ang mga komplikasyon dahil hindi kaagad mada-diagnose ang CPD bago magsimula ang labor pains. Hindi pa kasi kaagad malalaman kung CPD nga, hangga’t hindi pa nakikita ng doktor pagbuka o pagkakasya ng ulo sa pelvis. Malalaman lamang ito sa oras na nakapuwesto na ang ulo ng bata sa birth canal.
Ano ang mga sanhi ng cephalopelvic disproportion?
Cephalopelvic disproportion | Image from Fotolia
1. Bumibigat na timbang ng sanggol sa sinapupunan (Increased Fetal Weight)
- Likas na malaking sanggol dahil sa hereditary reasons. Kung ang bata ay higit sa 5 kgs o 10 pounds.
- Postmature baby, kapag labis na sas 42 linggo ang pagbubuntis.
- Kapag may diabetes ang inang nagbubuntis, mas malaki ang posibilidad na magiging malaki ang sanggol sa sinapupunan.
- Sinasabing kung mas marami na ang naging anak, may posibilidad na ang susunod na sanggol ay mas lumalaki at mas mabigat ang timbang.
2. Hindi normal na posisyon ng sanggol sa sinapupunan (Abnormal Fetal Position)
- Occipito-posterior position, ay ang posisyon kung saan ang sanggol o fetus ay nakaharap sa abdomen ng ina, sa halip na sa likod nito.
- Brow presentation, kung saan ang pinakamalaki o malapad na bahagi ng ulo ng sanggol ay nagpipilit lumabas sa pelvis, at ang leeg at ulo nito ay deflexed na parang nakatingala ang sanggol, imbis na nakayuko ito.
- Face presentation, ay kapag ang mukha, lalo na ang baba (chin) ng sanggol ang nauunang lumalabas sa puwerta. Kapag ganito ang presentatsyon, hindi maaaring ituloy ang delivery.
3. Problema sa pelvis
- Maliit na pelvis
- Abnormal na hugis ng pelvis dahil sa mga sakit tulad ng rickets, osteomalacia o tuberculosis.
- Abnormal na hugis dahil sa mga naging aksidente
- Tumor sa buto
- Sakit na polio noong bata pa ang ina, na nakaapekto sa laki o kondisyon ng balakang niya.
- Congenital dislocation ng balakang.
- Congenital deformity ng sacrum o coccyx (buto sa dulo ng spinal cord, sa bandang puwet).
Cephalopelvic disproportion | Image from Unsplash
4. Problema sa genital tract
- Tumor tulad ng fibroids, nakabara sa birth passage.
- Congenital rigidity o pagkatigas ng cervix.
- Scarring o pagkasugat ng cervix dahil sa mga naging operasyon.
- Congenital vaginal septum
Paano naco-confirm and diagnosis nito?
Hindi kaagad mabibigyan ng diagnosis ang CPD dahil kailangang hintayin ang saktong pagbaba ng sanggol sa birth canal. Hihintayin din kasi ng doktor kung may mga ligaments at joints na magrerelaks para mapadali ang panganganak.
Minsan kasi, nadadala sa uterine contractions, kaya’t nagiging posible pa rin ang normal delivery kahit malaki ang sanggol.
Malalamang ito ay CPD kapag hindi na nagtutuloy ang panganganak sa pamamagitan ng normal delivery dahil tumigil nang bumuka ang cervix, o dahil tumigil nang bumaba o lumabas ang sanggol.
Maaaring ma-estima ang sukat ng pelvis sa dalawang paraan:
Clinical Pelvimetry o manwal na eksaminasyon ng pelvis. Ginagawa ito sa ika-37 linggo ng pagbubuntis o kapag nagsimula na ang labor.
Radiological Pelvimetry ay ang paggamit ng X-ray at CT scans ng pelvis para makita ang iba’t ibang anggulo ng pelvis, para din masukat ito ng eksakto. Ang problema lang sa paraan na ito, may panganib din ng radiation toxicity ng baby.
Ultrasound. Ang pag-estima sa laki ng sanggol sa pamamagitan ng ultrasonogram at pagtingin sa posibilidad ng CPD.
Cephalopelvic disproportion | Image from Dreamstime
Ano ang mga maaaring maging komplikasyon nito?
Kung ang diagnosis ng doktor ay CPD, C-section lamang ang tanging paraan ng panganganak. Kapag pinilit at hindi maagap ang doktor, may panganib ng fetal distress, kasama ang decreased heart rate at kakulangan sa oxygen ng sanggol. Hindi lamang ang sanggol ang nasa panganib, pati na rin ang ina.
Minsan ay pinipilit na maipangank pa rin ang bata sa pamamagitan ng forceps o vacuum, ngunit may higit na panganib ng cephalohematoma, Erb’s palsy (o pagka-paralyze ng braso) at ilan pang birth injuries.
Karamihan sa mga kababaihang may CPD ay naging maayos naman ang pangnanganak sa pamamagitan ng C-section delivery.
Ayon sa mga naging kaso ng CPD, walang ibang komplikasyon na nakaapekto sa sanggol pagkapanganak. Isa sa kada-3 na C-section ay resulta ng CPD.
Isang pagsasaliksik ang nagpakita na 65% ng kababaihan na nakaranas ng CPD sa isang panganganak, ay nakapanganak pa rin ng normal delivery sa mga sumunod na pagbubuntis.
Sources:
Danforth’s Obstetrics and Gynecology Ninth Ed. Scott, James R., et al, Ch. 22. American College of Nurse-Midwives, BirthInjuryInfo.Org
BASAHIN:
Itanong kay Dok: Mga dapat na alamin kapag nagbubuntis
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!