Cord accident fetal death, ano ang kondisyong ito? At paano nito kinuha ang buhay ng isang hindi pa isinisilang na sanggol mula sa kaniyang ina.
Baby loss awareness week
Kaugnay ng selebrasyon ng Baby Loss Awareness Week ngayong linggo, isang ina ang nagbahagi ng kaniyang karanasan ng hindi inaasahang pagkawala ng kaniyang sanggol. Narito ang kaniyang kwento na ninanais niyang makatulong at magbigay impormasyon sa mga babaeng nagdadalang-tao.
Cord accident fetal death: Kuwento ng isang ina
Namatay ang baby ko sa loob ng aking sinapupunan. Ika-39 week ng pagbubuntis ko palang noon.
Naka-maternity leave na ako noon mula sa trabaho. Nang isang gabi habang ako ay kumakain nakaramdam ako ng pananakit sa aking tiyan. Pasumpong-sumpong ang pananakit na inakala kong normal lang sa mga huling linggo ng pagbubuntis.
Habang dumadaan ang gabi ay mas lalong dumadalas ang pananakit at parang mas tumitindi. Bandang ala-una ng madaling araw, doon ko naisip na baka nag-lelabor na ako. Na-induce ako noon sa una kong anak kaya hindi ko alam kung ano ang pakiramdam ng natural labor.
Ayokong mag-dulot ng panic kaya sinubukan kong kumalma habang naglalakad-lakad sa aming bahay.
Hanggang sa parang naging regular na ang pananakit ng aking tiyan at hindi ko na ito makaya. Doon ko naalala ang sinabi ng gynecologist ko.
“Pangalawang c-section muna ito sa loob lang ng isa’t kalahating taon. Kung magle-labor ka at mabuksan ang tahi mo, maaring makasama ito sayo at ikamatay mo.”
Noong tatawagan ko na sana ang doktor ko, nakaramdam ako ng mainit na likidong dumadadaloy pababa sa mga binti ko. Natakot ako ng makita kong may dugo ito at doon ko na-realize na nagle-labor na nga ako.
Pero sinubukan ko paring maging kalmado. Nagpunta ako ng CR at naglagay ng sanitary napkin para magpunta na sa ospital. Pero napansin ko kasabay ng kulay brown na discharge ay mayroon ding lumalabas sa akin na kulay green na discharge. Muli, akala ko ay normal lang ulit iyon sa paglelabour.
At hindi ko akalain na palatandaan na pala iyon na mawawala na sa akin ang baby ko.
Nang paalis na ako at humalik sa panganay kong anak biglang pumasok sa isip ko na parang hindi ko nararamdamang gumagalaw ang baby sa loob ng aking tiyan.
Tinanong ko ang Mama ko kung normal lang ba na hindi gumagalaw ang baby sa loob ng aking tiyan. Sabi niya baka dahil sa sobrang sakit kaya hindi ko napapansin. Pero alam ko, nakita ko sa mga mata niya na natataranta siya at nag-aalala.
Noong makarating na ako sa ospital, excited na ako dahil sa wakas makikita ko na ang baby girl ko. Ano pa bang hihilingin ko may 15-month old baby boy na ako tapos may baby girl narin ako. Ma-kokompleto na ang pamilya ko.
Pero bigla akong nakaramdam ng sick feeling sa tiyan ko. Alam ko sa puntong iyon ay hindi na maganda ang nangyayari. Lalo pa noong nagsalita ang isang nurse tungkol sa nakita niya sa urine sample ko.
“Ito ay meconium at hindi ito magandang palatandaan dahil ibig sabihin nito ang baby mo ay in distress.”
Nag-alala ako ng marinig ko iyon pero hindi ko naisip na maaring mawala na sakin ang baby ko.
Hanggang sa nagkukumahog na ang mga nurse sa paghahanap ng heartbeat ng baby sa akign tiyan. Sa mga oras na iyon ay nagtanong na ako sa nurse.
Hindi marinig ng mga nurse ang heartbeat ng baby ko.
“Hindi ninyo marinig ang heartbeat niya?”
Nakatingin lang siya sa akin na namumutla. Habang marahang pumipisil sa braso ko. Ang sabi niya, “Baka mali lang ako.”
Sinubukan niya ulit hanapin ang heartbeat ng baby ko. Hanggang sa sinabi niya ang mga pinakanakakatakot na salitang narinig ko.
“Hindi talaga namin marinig ang heartbeat niya.”
Doon na ko parang kinain ng dilim at lumubog sa kinahihigaan ko. Pag-iyak nalang ang naging reaksyon ko sa nangyari.
Nang dumating ang doktor doon niya kinumpirma ang nangyari. Nagsagawa siya ng ultrasound at doon niya ipinakita ang puso ng baby ko na hindi na tumitibok.
Doon ko na-realize na, namatay ang baby ko sa aking sinapupunan. At wala na kong magagawa kung hindi umiyak nalang.
Nakita ko ang mga mukha ng doktor at nurses na nalulungkot rin sa nangyari. Pero kailangan nila akong patulugin para isagawa ang emergency c-section. At doon nila nalaman na cord accident fetal death ang nangyari sa baby ko. O nasakal siya sa pagkakapulot ng pusod niya sa kaniyang leeg.
Nang matapos ang c-section delivery ay kinuha ko ang baby ko at niyakap. Kasi naalala ko noon ang mga kwento kung paano gumagawa ng milagro ang skin-to-skin contact sa mga baby. Pero walang nangyari, kailangan ko ng magpaalam sa kaniya. At wala na kong magagawa kung hindi ang umiyak nalang.
Ang mga sumunod na linggo ko ay nabalot ng galit, pagluluksa at pagkabigla parin sa nangyari. Sa gabi tumitingin ako sa langit, umaasa na makikita ko ang mukha ng baby ko sa mga bituin. Mahirap mawalan ng anak pero sinubukan kong maging malakas at magpaka-tatag.
Biglang isang araw, nakakita ako ng isang promotional video tungkol sa isang cellphone app na nag-tratrack ng fetal kicks ng isang sanggol sa loob ng sinapupunan. Ayon sa video, nakatulong ang app sa isang ina para hindi tuluyang mawala sa kaniya ang anak niya na nakaranas rin ng cord accident noong ito ay baby pa. Habang siya ay nagkukwento doon ko napansin na pareho kami ng naranasan.
At doon ko na-realize na pwede ko palang mailigtas ang buhay ng baby ko noon. Kung nag-react at kumilos lang ako sa tamang oras at ng mas maaga.
Ang realization na ito ang pinakamasakit na parte sa lahat. Pero may mga bagay akong natutunan na nais kong ibahagi sa mga babaeng buntis lalo na sa kanilang 3rd trimester.
Subaybayan o pakiramdaman ang paggalaw ng baby sa loob ng iyong tiyan.
Alamin sa iyong doktor kung gaano kadalas dapat gumagalaw ang iyong sanggol. Sa oras na hindi mo ito maramdaman ng tulad ng normal mong nararanasan ay agad na magpunta sa iyong doktor at ospital. Ito ay para maiwasan ang mga maaring masamang mangyari. Tulad ng cord accident na hindi naman agad nagiging dahilan ng pagkamatay ng sanggol. Dahan-dahan itong pupulupot sa leeg ng iyong sanggol. At kung mas tatagal pa ay sasakal sa kaniya at maari niyang ikamatay.
May mga app na maaring makatulong sa iyo para ma-track ang fetal movements ng iyong baby. I-download ito at subaybayan ang paggalaw ng baby sa loob ng iyong tiyan.
Mahalaga ring mapanatili ang healthy level ng iyong amniotic fluid.
Isa o dalawang linggo bago makaranas ng cord accident fetal death ang baby ko ay napansin ng doktor ko na bumaba ang level ng amniotic fluid ko. Nasa 37th week na ako noon ng pagbubuntis at pinag-usapan na namin ang options na maaring gawin. Pero naghintay pa kami ng ilang araw. Pagbalik ko sa doktor ay naging maayos muli ang level ng amniotic fluid ko at hindi na namin itinuloy ang plano sanang emergency delivery.
Napag-usapan na namin ng aking doktor ang tungkol sa maagang panganganak.
Ngayon naisip ko, sana hindi ko nalang dinelay ang panganganak ko noon. Dahil isa na pala iyon sa mga palatandaan na hindi na maganda ang kondisyon ng baby sa loob ng aking tiyan. At sana isinilang nalang siya ng mas maaga.
Magdahan-dahan sa mga huling linggo ng iyong pagbubuntis.
Bagamat hindi naging dahilan ng pagiging active ko sa mga huling linggo ng aking pagbubuntis ang pagkawala ng aking baby, sana nakinig nalang ako sa payo ng aking doktor noon na mag-relax. Dahil baka mas naramdaman ko ang pagbabago sa movements niya sa loob ng aking tiyan at naagapan ang nangyari sa kaniya. Dahil napakaimportante ng oras. Kung nararamdaman mong hindi gumagalaw ang baby sa loob ng iyong tiyan o may pagbabago rito ay pumunta na agad sa iyong doktor. Para maiwasang mangyari sayo ang kinahinatnan ng baby ko.
Magtiwala sa iyong instinct o pakiramdam.
Sa mga huling linggo ng pagbubuntis ko ay nakaramdam na ko ng hindi maganda. Pinayuhan narin ako noon ng Mama ko na isilang ng mas maaga ang baby kung ganoon ang pakiramdam ko. Pero nag-desisyon akong i-delay muna dahil may kailangan pa akong tapusin sa trabaho.
Binigyan rin ako noon ng option ng aking doktor at go signal na pwede na akong manganak ng mas maaga. Sana kung nakinig ako sa kanila at sa pakiramdam ko siguro ay buhay pa ang baby ko ngayon.
Kaya mga mommies, sana isaisip ninyo ang mga paalala sa artikulong ito. Dahil mabuti ng makasigurado na maayos sa lahat ng oras ang sanggol na nasa sinapupunan mo.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Irish Mae Manlapaz.
5 dapat gawin upang maiwasan ang stillbirth
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!