DepEd self-learning modules, narito kung paano epektibong maituturo sa iyong anak. Plus, videos at sites na makakatulong sa ‘yo sa pagsagot ng mga ito.
Tips sa pagsagot ng mga DepEd self-learning modules ng iyong anak
Dahil sa banta ng COVID-19 pandemic, naging kakaiba o malayo sa ating nakasanayan ang style ng pag-aaral ngayon ng ating mga anak. Modular man, online o radio at TV learning ang pinili mong mode of learning ng iyong anak, ngayong pasukan ay dagdag pagsubok ito rin para sa ating mga magulang. Pero hindi mo dapat isipin na dagdag sakit ng ulo ito para sa ‘yo. Sa halip, ay dapat gumawa ka ng paraan upang maging epektibo itong paraan upang ang iyong anak ay matuto. Para magawa ito ay narito ang ilang tips na gagabay sa ‘yo at sa anak mo.
Paano magiging effective ang pag-aaral ng iyong anak gamit ang DepEd self-learning modules?
Maglaan ng lugar sa inyong bahay para sa kaniyang pag-aaral.
Ang unang paraan para maging epektibo ang pag-aaral ng iyong anak gamit ang DepEd self-learning modules ay ang paglalaan ng lugar sa inyong bahay na kung saan maaari niyang pag-aralan at sagutan ito. Tulad ng pag-a-arrange ng kaniyang kuwarto o bahagi ng inyong bahay ng tulad ng isang classroom sa eskuwelahan. Dapat ay bigyan siya ng komportableng mesa at upuan. Makakatulong din ang paglalagay ng mga gamit na makikita sa eskuwelahan tulad ng blackboard o mga libro. Dahil sa tulong ng mga ito ay mase-set sa kaniyang isip na naroon siya upang mag-aral.
Dapat ding isaisip na ang pipiliing lugar sa inyong bahay para sa pag-aaral ng iyong anak ay dapat tahimik o malayo sa mga distraction na makakasira sa kaniyang concentration sa pag-aaral.
Gumawa ng schedule para sa kaniyang pag-aaral at gawin itong routine niya araw-araw.
Para hindi mahirapang hikayatin ang iyong anak sa pag-aaral ay makakatulong na gawan siya ng schedule para rito. Maaaring ito’y tulad ng schedule sa eskuwelahan na kung saan kailangan niyang pumasok sa umaga araw-araw at maglaan ng oras sa kada subject na dapat niyang matutunan. Saka ito gawin na kaniyang routine araw-araw para kaniyang makasanayan.
Dapat ding siguraduhing tulad ng set-up sa paaralan, ay maglaan ng oras para sa kaniyang breaks. Tulad ng recess kung saan puwede siyang kumain o kaya maglaro kasama ang kaniyang mga kaibigan. Isaisip din na ang kaniyang schedule sa pag-aaral ay hindi dapat magkakaroon ng conflict sa oras niya kasama kayo na kaniyang pamilya. Ito dapat ay hindi basta-basta nababali ng mga simpleng request niya.
Image from Freepik
Makinig sa choices o nais ng iyong anak.
Sa pagsasagawa ng class schedule ng iyong anak sa bahay ay makakatulong kung hihingin din ang choice o gusto niya. O kaya naman ay ang pagtatanong sa kaniya kung ano ang gusto niyang basahin o sagutang module sa isang araw. Sa ganitong paraan ay mailalagay mo sa isip niya na siya ay may kontrol sa kaniyang pag-aaral. Hindi siya mapu-frustrate o mapi-pressure na gawin ito kahit nasa bahay o nasa paligid ka niya.
Gumamit ng mga halimbawa o example sa pagsagot ng modules ng iyong anak.
Oo nga’t mas madali kung ikaw ang sasagot ng modules ng iyong anak. Pero malaking kawalan naman ito sa anak mo at hindi sa ‘yo. Dahil sa ganoong paraan ay pinipigilan mo siyang matuto. Mas makakatulong sa kaniya ang pagbibigay mo ng halimbawa. Ito’y para ma-praktis ang kaniyang utak at matuto sa kaniyang mga aralin. Tulad na lamang sa mga reading comprehension, tanungin siya na kung siya ang nasa posisyon o karakter ng kaniyang kuwentong binabasa, ano ang magiging aksyon o desisyon niya. Itama kung ang kaniyang pananaw ay mali. Saka ibahagi sa kaniya ang tamang gawain at ipaliwanag kung bakit ito ang dapat niyang gawin o piliin.
Bigyan ng reward o purihin ang iyong anak sa masikap niyang pag-aaral.
Para ganahan ang iyong anak sa kaniyang pag-aaral ay gumawa ng reward system. Para mas ma-inspire siya at isipin na ang bawat tama niyang gagawin sa kaniyang pag-aaral ay may kapalit. Pero dapat linawin sa iyong anak ang reward system na iyong gagawin. Dapat ito ay magpo-promote ng good learning habits sa kaniya. Tulad ng pagbibigay sa kaniya ng reward sa bawat aralin na masasagutan niya ng tama o nasa oras.
Makakatulong din ang pagpuri o pagbibigay ng positive feedback sa ginagawa ng iyong anak. Mukha mang mababaw para sa ‘yo ngunit ang marinig ng iyong anak na ikaw ay natutuwa sa kaniyang ginagawa ay isang malaking bagay na mas magbibigay sa kaniya ng energy na pagbutihin pa.
Magtanong sa teacher ng iyong anak kung may hindi ka naiintindihan.
Sa oras na may hindi ka maintindihan sa topic ng DepEd learning modules na inaaral ng iyong anak ay huwag mahiyang magtanong sa kaniyang guro. Makakatulong na kunin ang kaniyang cellphone number upang siya ay agad mong matawagan. Isaisip na kahit nasa bahay nag-aaral ang iyong anak, ang pagtuturo sa kaniya ay kinakailangan pa rin ng gabay ng teacher niya. Dahil sila ang mas may kaalaman at magtse-check ng mga aralin na ginawa ng iyong anak.
Ano ang mga dapat asahan sa DepEd self-learning modules ng iyong anak?
Ang bawat self-learning module ng iyong anak ay nahahati sa sampung bahagi. Ang mga ito ay ang sumusunod:
1. “Alamin” o “What I need to know”
Ito ang parte na kung saan nakalagay ang mga dapat matutunan ng iyong anak sa kaniyang self-learning module.
2. Subukin” o “What I know”
Ang bahagi namang ito ang susubok sa kaalaman na mayroon na ang iyong anak.
3. “Balikan” o “What’s in”
Ito ay maaaring isang quiz o review para ma-refresh ang napag-aralan na ng iyong anak. Makakatulong din ito para maiugnay ng iyong anak ang kaniyang bagong leksyon sa nakaraan o natapos niya ng aralin.
4. “Tuklasin” o “What’s New”
Ito naman ay tumutukoy sa bagong aralin o leksyon ng kailangan niyang pag-aralan.
5. “Suriin” o “What is it”
Ito naman ang parte na kung saan makikita na ang mga topic o discussions na kailangan niyang pag-aralan. Pati na ang mga halimbawa o math solutions na kailangan niyang malaman.
6. Pagyamanin” o “What’s more”
Ang parte naman na ito ay binubuo ng mga gawain o pagsasanay upang masubukan ang kaniyang natutunan sa kaniyang aralin.
7. “Isaisip” o “What I have learned”
Ito naman ang naglalaman ng summary ng aralin ng iyong anak.
8. “Isagawa” o “What can I do”
Ito naman ang parte na kung saan maituturo sa iyong anak kung paano niya magagamit sa real-life setting ang kaniyang mga natutunan.
9. “Tayahin” o “Assessment”
Dito na masusubok ang mga natutunan ng iyong anak sa kaniyang napag-aralan.
10. “Karagdagang Gawain” o “Additional Activities”
Ang bahagi naman na ito ay naglalaman ng mga gawain na mas magpapalawak pa ng kaalaman ng iyong anak.
Mga YouTube Channels at learning sites na makakatulong sa pagsagot ng DepEd self-learning modules ng iyong anak
Para naman magabayan ka at hindi mahirapan sa pagsagot sa DepEd self-learning modules ng iyong anak, mayroong mga educational YouTube channels na makakatulong sa ‘yo. Karamihan sa mga ito ay gawa ng mga teachers din na nais makatulong sa mga magulang at estudyante. Ilan sa videos na ito ay ang sumusunod.
1. Teacher Grace
Ito’y makakatulong sayo sa pagsagot sa learning modules ng iyong anak sa Mathematics.
2. Waven Carilo
Makakatulong ang mga videos sa channel na ito sa pagsagot ng mga DepEd self-learning modules partikular na sa Filipino.
3. Teacher Apz
Pagdating naman sa Science ay makakatulong ang mga lecture ni Teacher Apz.
4. T.Rachels Channel
Para naman sa gabay sa mas bawat asignatura sa DepEd self-learning modules ay makakatulong ang YouTube channel ni Teacher Rachel.
5. Teacher Joan
Para naman magabayan sa English ang iyong anak ay makakatulong ang mga videos ni Teacher Joan.
Mga websites na makakatulong na masagot ang mga katanungan mo tungkol sa DepEd modular learning
Para naman makakuha ng kopya ng mga DepEd self-learning modules online at masagot ang mga katanungan mo tungkol dito ay maaaring bisitahin ang mga sites na ito.
Source:
DepEd
BASAHIN:
Teachers to parents: ‘Wag po niyong sagutan ang modules para sa anak ninyo.
Netizens pinuna ang maling itinuro sa online classes ng DepEd
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!