Ngayong unti-unti mo nang nakikilala ang iyong munting anghel, at nakakagamayan mo na ang pagiging magulang, mapapansin mo din na ang iyong baby ay may sarili nang personality at ugali, at kaya nang iparamdam at ipakita ang ayaw at gusto niya. Ano nga ba ang mga development ng baby 2 buwan? Ano ang mga pagbabago na pinagdadaanan niya, at anong mga milestones ang dapat na nararating na sa stage na ito?
Physical development ng baby 2 buwan
- Neck muscles at head control
Ang 2-buwang gulang na bata ay mas may kontrol na sa buong katawan niya, at kaya nang itaas ang ulo nang walang suporta, kapag nakadapa. Maiging bigyan siya ng “tummy time” para lalo pang lumakas ang neck muscle at head control niya.
- Mas maayos na koordinasyon
Pagmasdan din, at kaya na niyang mag “push-up” kapag nakadapa. Mas maayos na rin ang galaw ng kaniyang kamay at paa kapag kumakawag, lalo kapag natutuwa o naglalaro. May koordinasyon na ang galaw ng katawan niya, sa madaling salita.
- Pag-ikot
Mag-ingat kapag nagpapalit ng diapers, lalo na kapag nakahiga si baby sa changing table o kahit sa kama, dahil mabilis na itong makakaikot at magtatangkang dumapa. Baka biglang kumawag at mahulog.
- Napapakalma ang sarili
Habang patuloy siya na nagpapalakas ng sucking reflex niya, ito rin ang panahon kung kailan isinusubo niya ang mga daliri at minsan pa ay buong kamay, para kalmahin ang sarili. Ito ang tinatawag na “self-soothing.”
- Grasping o paghawak ng mahigpit
Napansin mo din bang marunong siyang kumapit at humawak sa anumang maabot niya? Ito ang natural na grasping reflex niya, at ngayon pa lang niya natututunang magpakawala o bumitiw kapag may hawak siya. Magiliw din siyang kumakawag at kumakaway pa nga.
- Naglalaway
Dahil nagde-develop din ang salivary glands ni baby, madalas ay naglalaway siya at basang basa lahat ng madampian nito—bib, leeg, mukha, damit, pati si Mommy at Daddy. Hindi naman ito hudyat ng pagngingipin, na medyo ilang buwan pa bago mangyari. Natural lang ito sa kaniya ngayon.
Sa stage na ito, ang median height at weight na dapat ng iyong anak ay:
- Lalaki
– Length: 58.4 cm (23.0 inches)
– Weight: 5.6 kg (12.3lb)
- Babae
– Length: 56.1 cm (22.1 inches)
– Weight: 5.3 kg (11.7 lb)
At ang kanyang head circumference naman ay dapat:
- Lalaki: 39.1 cm (15.4 inches)
- Babae: 38.3 cm (15.1 inches)
Sensory development ng baby 2 buwan
- Paningin
Habang lumalaki si baby, nakikita na niya ang nasa 60cm mula sa mukha niya, at nakakaaninag ng mga kulay. Maaakit siya sa mga maliwanag na primary colors at malinaw at malalaking mga hugis o drawing.Bagamat mahihirapan siyang pag-ibahin ang magkaka-kulay tulad ng orange at pula, mabuting pakitaan siya ng mga laruan, libro at larawan na black at white, o iyong mga may high-contrast patterns.
- Pandinig
Sa edad na ito, natutukoy na ng bata ang boses ni Mommy at Daddy, at iba pang mga boses ng mga madalas na nasa paligid niya. Giliw din siya sa mga tugtog at iba pang mga tunog na naririnig sa paligid, kaya’t nakakatuwa siyang kausapin palagi.Kapag may naririnig siya, lalo na ang boses ng mga magulang at kapatid, lilingon ito sa direksiyon kung saan nanggagaling ang boses.Nahehele at napapakalma din siya kapag naririnig ang mga pamilyar na boses, lalo kapag umiiyak ito. Kaya kausapin siyang lagi—at kantahan din!
Cognitive development ng baby 2 buwan
- Nakakilala ng mukha
Mapapansing tumititig na si baby sa mga mukhang nasa harap niya. Nakakilala pa nga siya ng mga pamilyar na mukha kaya’t bigla itong ngingiti, tatawa o hahagikgik. Ipakilala na rin ang konsepto ng object permanence—makipaglaro ng “it-bulaga” o peek-a-boo kay baby, at tiyak ay sobrang tuwa nito.
- Pagngiti
Ito ang tuluyang tutunaw sa puso ng mga magulang—ang matamis na ngiti ni baby. Hikayatin siyang ngumiti pa at tumawa palagi sa pamamagitan ng pagngiti rin at pagtawa. Ipakita at ipadama ang tuwa at saya at siguradong magiging magiliw na bata siya habang lumalaki.
- Naiinip na siya
Maniniwala ka bang ang batang paslit na hawak mo ay biglang mag-iingit o magwawala, dahil gusto niyang sabihin sa iyo na naiinip na siya at gusto niyang maglaro na? Bored na siya at understimulated, kaya nag-iiiyak na.
Pakiramdaman at alamin kapag bored na si baby, at maging alisto sa kung ano ang pwede ninyong gawin na ikatutuwa niya.
Speech at language development ng baby 2 buwan
- Babytalk
Pag-iyak pa din ang pangunahing paraan ng komunikasyon ni baby, pero makakaringgan na rin siya ng iba’t ibang tunog sa edad na ito. Mahalagang pakinggan ang mga tunog na naririnig at sa kaniya, at alamin kung ano nga ba ang gusto niyang sabihin ng mga ito. Kausapin siya, kahit pa hindi pa siya tuluyang nakakaintindi. Ang mga una at patuloy na pakikipag-usap sa kaniya ang magiging unang pundasyon ng pagsasalita at pakikipag-usap niya.Kung hindi ka sigurado kung ano ang dapat mong sabihin sa isang 2-buwang-gulang na bata, subukan ang mga sumusunod:
- Makipag-usap kay baby. Turuan siyang makinig at hikayatin siyang sumagot—kahit pa puro tunog lang ang mga ito, o kaya ay tango at ngiti lang ang sagot niya.
- Magsalita ng mabagal, at malinaw, at hayaang pag-aralan ng bata ang buka ng bibig at galaw ng dila mo habang nagsasalita.
- Gayahin ang mga tunog o “salita” na binibigkas ni baby, kahit pa ito ay “Ba ba” o “Na na” lamang.
- Ang mga baby ay gumagamit din ng mga gestures o kawag ng kamay at paa, tulad ng pagpalakpak o pagkaway, sa pakikipag-usap. Kahit hindi mo maintindihan, patuloy pa ring sumagot at makipag-usap kay baby, lalo kapag siya ang nag-umpisang makipag-usap.
- Gayahin ang facial expressions niya at ngumiti kapag ngumingiti siya para mahikayat ang komunikasyon.
Mga kailangan tandaan tungkol sa development ng baby: 2 buwan
Pag-aralan kung paano malalaman kung masaya o malungkot, gutom, pagod o inaantok si baby.
- Baby cues
Hindi pa siya nagsasalita, pero kaya niyang sabihin sa mga magulang niya kung ano ang ayaw at gusto niya.Positive cues:
– Nakatingin sa mukha
– Iginagalaw ang mga kamay, braso at paa
– Akmang umaabot ang mga kamay
– Tumitingin sa direksiyon ng gustong kausapin
– Nakangiti
– Masaya ang facial expressionNegative cues:
– Umiiwas ng tingin o lumilingon sa iba
– Umiiyak
– Nagsusumpong
– Umuubo
– Lumiliyad
– Malikot ang katawan, namimilipit
– Nakangiwi o hibi
– Humihikab
- Pagtulog
Nasa 15 hanggang 16 oras ang dapat na tulog ng bata sa bawat araw. Karaniwang gumigising ito sa bawat ikatlong oras, pero hindi pa niya kayang matulog ng diretso sa gabi, bagamat may mga sanggol na kaya na ito sa edad na 2 buwan.
Habaan ang pasensiya para matulungan ang bata na matulog nang mag-isa at hindi hinehele. Hayaan siya sa kaniyang crib o kama kapag tulog, o ibalik siya dito kung nakikitang inaantok na habang hinehele, hindi kapag tulog na siya.Sleep cues:
– Nakangiwi o nakahibi
– Nag-iingay, na parang pusa o mas maingay dito
– Humihikab
– Kinukuskos ang mga mata
– Malikot at kinukusot ang mukha o tainga, sumisipa, kumakawag
– Clingy o gusto ng yakap o karga
– Humihingi ng gatas o gustong dumedeKapag napansin ang mga ito, at mukha nang pagod o inaantok si baby, maagap na asikasuhin ang bata at tulungan siyang mag-relax bago pa tuluyang magwala dahil sa pagod at frustration.Mahalagang patulugin ang bata nang nakahiga para maiwasan ang panganib ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS). Tanggalin ang mga soft objects sa crib o paligid ng bata, tulad ng unan, kumot, at stuffed animals para maiwasan ang pagtakip nito sa mukha ng bata, na makakapigil sa paghinga niya habang tulog.
Mga larong pwedeng gawin
- Music Time
Dahil gumagaling na ang pakikinig niya, kinagigiliwan niya ang pakikinig ng iba’t ibang tunog lalo na musika. Magpatugtog ng mga iba’t ibang music na masaya at kantahan din siya.
- “Here Fishy, Fishy”
Dahil unti-unting nadedevelop ang paningin ni baby, ang simpleng paglalaro ng mga isda na lumalangoy sa tubig ay napakalaki na ng magagawa para sa development ng paningin niya. Mas makakatulong pa kung iba-iba ang kulay at laki ng mga isda na papanoorin niya.
- Ehersisyo ni Baby
Mag-invest sa isang maayos na baby gym mat para sa “tummy time” ng bata.Hanapin ang mga sumusunod na katangian:
– Maliwanag at makulay ang mga disenyo
– May dangling toys o mga laruan nakasabit
– Mga laruang may tunog o tugtog
– May baby-safe mirror
– May padded base na malambot at may iba-ibang texture
– UmiilawMakipaglaro kay baby at ipakita ang iba’t ibang malalaro niya sa gym mat.Popular na laruan: Fisher Price Rainforest Friends Musical Gym, Skip Hop Alphabet Zoo Activity Gym, Playgro Grow With Me Garden Gym
Kailan dapat mag-alala
Lahat ng baby ay may iba-ibang bilis ng pagkatuto at paglaki. Bawat bata ay “unique”. Kung nag-aalala, may mga red flags na pwedeng tingnan:
- Hindi sumagot o tumitingin sa pinanggagalingan ng tunog o music; hindi nagugulat kapag may malakas na ingay tulad ng binabagsak na pinto o malakas na tugtog. atbp.)
- Hindi sinusundan ng mga mata ang mga bagay na gumagalaw o ginagalaw sa harap niya
- Hindi ngumingiti sa tao, kahit kilala pa niya
- Hindi inilalagay ang mga daliri o kamay sa bibig
- Hindi naitataas ang ulo kapag nakadapa
Kumunsulta agad sa pediatrician kapag may napansing delay o kung may ipinag-aalala tungkol sa paglaki at development ng baby 2 buwan.
Isinalin sa wikang Filipino ni ANNA SANTOS VILLAR
https://sg.theasianparent.com/baby-development-2-month-old
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!