Marami ang mga kinikilalang bawal sa mga buntis. Hindi pinapayuhan ang mga buntis na subukan ang sigarilyo, alak, at kape para sa kaligtasan ng dinadalang sanggol. Ngunit, maaaring madagdagan ito dahil sa natuklasan sa isang bagong pag-aaral. Alamin natin ang epekto ng polusyon sa hangin sa mga buntis at dinadala nitong sanggol.
Ano ang epekto ng polusyon sa hangin sa placenta?
Ang placenta ay isang malaking organ na nabubuo habang nagbubuntis. Ang dugo ng ina ay dumaraan dito. Naka-konekta dito ang umbilical cord na nagiging paraan ng pagpasa ng oxygen at mga sustansya sa bata.
Binubuo ang placenta ng dalawang uri ng tissue. Ang fetal placenta ay ang tissue na bumubuo sa bata, at ang maternal placenta na gawa sa tissue mula sa uterus ng ina.
Sa gitna ng mga ito ay mayroong nagsisilbing filter na gawa sa placental tissues. Ito ang rason kung bakit hindi umaabot sa placenta ang carbon dioxide. Ngunit, may ilang mga maaaring makalagpas dito tulad ng nicotine, alcohol at ilang mga gamot. Ito ang dahilan ng pagbabawal ng mga ito habang nagbubuntis.
Bagong pag-aaral
Sa pamumuno ni Professor Tim Narwot ng Hasselt University sa Belgium, isinagawa ang bagong pag-aaral. Makikita ang pag-aaral na ito sa Nature Communications na website. Ito ang unang ebidensiyang nagpapatunay ng epekto ng polusyon sa hangin sa mga pinagbubuntis na sanggol.
Isinagawa ang pag-aaral sa 5 pre-term at 23 full-term na panganganak. Sa pamamagitan ng paggamit ng high-resolution imaging, natagpuan ang mga itim na mga particle ng carbon sa placenta. Ang mga ito ay nakita sa side ng fetal placenta na naging daan upang malaman ng mga mananaliksik na mula ito sa baga ng mga ina.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang 10 sa mga ina nakatirang pinakamalapit sa madalas daanan na kalsada ang may pinakamaraming particles sa kanilang placenta. Ito ay kumpara sa 10 iba pa na nakatira kalahating kilometro ang layo sa madalas daanan na kalsada.
Ito ang nagbigay linaw sa mga mananaliksik na hindi sapat ang placenta upang maharangan ang particles ng polusyon sa hangin. Ang nais nila ngayong malaman ay kung ang mga particles na ito ay umaabot sa fetus.
Sinuportahan ng ilan pang mga eksperto ang natuklasan ng pag-aaral. Ayon kay Professor Jonathan Grigg ng Queen Mary University of London, maaaring magdulot ng miscarriage ang exposure sa polusyon. Ayon naman kay Professor Andrew Shennan ng King’s College London, dapat itong ikabahala dahil sa mga sakit na maaaring madulot.
Aminado ang mga eksperto na hindi natin kontrolado ang ating mga kapaligiran. Kanilang pinapayo na huwag masyadong mabahala sa paglalakad sa kalsada. Subalit, hangga’t maaari ay bawasan ang nalalanghap na polusyon. Isa ring mainam na paraaan ay ang pananatiling nakasara ng mga bintana na nakaharap sa madalas daanan na kalsada. Kung magagawang umiwas sa mga ito, mas makakabuti.
Source: BBC
Basahin: Tigdas Hangin at Pagbubuntis: Isang delikadong kombinasyon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!