Fake eggs in the Philippines? Ito rin ang tanong ng isang netizen na hindi makapaniwalang ang nabili niyang mga itlog mula sa isang malaking grocery store ay tila fake pala.
Fake eggs in the Philippines
Noong una ay hindi naniniwala ang netizen na may mga fake eggs na ibinebenta. Ngunit nagbago ang paniniwala niya ng sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakabili siya nito sa isang malaking grocery store sa BGC, Taguig. Ang karanasang ito ng netizen ay ibinahagi niya sa social media. At ito ay naging viral at umani na ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizens.
Sa kaniyang Facebook post tungkol sa mga fake eggs in the Philippines ay ito ang nasabi niya.
“Grabe first hand experience with FAKE eggs…. tutoo palang may fake eggs. Be careful. I bought this from a big grocery store (still waiting for their feedback since I messaged them already about the fake eggs I bought from them last Thursday lang and expiry date is 11/25/2019). Who would do such a thing? Buti nlng my son wanted a sunny side up kaya nakita namin… what if hard boiled? It’s unnoticeable… so you think healthy yung kinakain mo since “free range eggs” pa ito… puro chemicals pala😞
Ang post na ito ng netizen ay may kalakip na videos at photos ng mga fake eggs umano na sinubukan niyang biyakin at lutuin.
Pagluluto sa fake na itlog
Sa isang video ay makikitang biniyak niya ang isa sa mga sinasabi niyang fake eggs na nabili niya. Makikitang sa pagkabiyak palang ay tila luto na ang dilaw na parte ng itlog o egg yolk dahil ito ay buo na.
Sinubukan ring lutuin ng netizen ang itlog. Una ay ipinirito niya ito. Kitang-kita na ang dilaw ng itlog ay tila luto at matigas na.
Sunod ay inilaga naman niya ito kasama ang totoong itlog na nabili niya sa palengke. Ang diumanong fake egg ay hindi lumubog sa tubig, hindi tulad ng totoong itlog. Nang ito ay maluto at hiwain sa gitna, makikitang ang sinasabing fake egg ay mas madilaw ang kulay ng egg yolk kumpara sa totoong itlog. Tila durog-durog din ang egg white ng diumanong fake na itlog kumpara sa totoong itlog na buo.
Mas nakumbinsi nga siya na fake eggs talaga ang nabili niya ng lumamig ang nilaga niyang itlog. Dahil ang dilaw ng itlog tila naging plastic na at tumatalbog kapag inihulog.
Marami sa mga netizen na nakakita ng post ang nabahala. Habang may ilan na naman na hindi parin naniniwala na may fake eggs.
Sa pamamagitan ng isang comment sa kaniyang post ay nagbigay ng update ang netizen tungkol sa mga fake eggs na nabili niya.
Isang posibleng paliwanag para dito
Base sa aming isinagawang research, maaaring naging frozen ang itlog na nabili niya. Ito ay dahil base sa isang pag-aaral ng Iowa State University, nagkakaroon ng phenomenon na kung tawagin ay gelation kapag na-freeze ang isang itlog ng dahan dahan.
Sa gelation, tumitigas ang yolk o pula ng itlog, at kahit na ma-defrost ay hindi ito natutunaw. Ito ay dahil nagkakaroon ng reaction sa loob ng yolk na ginagawa itong parang gel. Kapag naging gel na ang pula ng itlog ay nanatili itong matigas, at nagkakaroon ng matigas o makunat na consistency na parang goma.
Ligtas pa rin naman kainin ang itlog kapag nangyari ito, dahil wala naman itong masamang epekto sa kalusugan. Ngunit mas mabuti nang ibalik ito sa tindahan, at huwag kainin, dahil posibleng hindi naging maayos ang pagka-store ng itlog kaya nangyari ang gelation.
Fake egg vs real egg
Sa kabilang banda, posible rin na fake eggs ang nabili ng netizen. Una nang naging viral ang issue ng fake eggs nang kumalat sa social media ang video ng pag-gawa ng mga fake eggs umano sa isang factory sa China.
Habang sa isang artikulo na inilatlaha sa The Star Online noong 2014 ay kinumpirma ng Consumers Association of Penang na totoo at mayroon ngang mga fake eggs na nagkalat sa Malaysia mula pa noong 2011.
Ang fake eggs na ito ay walang health benefits na makukuha ang isang tao.
Ayon sa isang statement ng Malaysian Health Ministry, lumabas sa kanilang pagsusuri na ang mga eggs shells ng mga fake eggs ay gawa sa kemikal na calcium carbonate. Habang ang egg yolk naman nito ay gawa sa sodium alginate, gelatine, alum, benzoic acid, calcium chloride, tubig at iba pang chemical components.
Ang mga nasabing chemicals ay maari umanong magdulot ng mga problemang pangkalusugan. Tulad ng metabolism disorder, brain at nerve cell damage, liver disease at problema sa blood production.
Pagkakaiba ng fake egg at totoong itlog
Kaya naman para maiwasang makakain ng mga fake eggs na ito. Mabuting alamin ang pagkakaiba ng isang fake egg kumpara sa totoong itlog gamit ang mga sumusunod na paraan at kaalaman:
- Mas makintab ang shell ng mga fake eggs kumpara sa mga totoong itlog.
- Kahit na makintab ay mas magaspang naman kung hahawakan ang shell ng fake eggs kumpara sa totoong itlog.
- Kapag inalog ang fake egg ay makakarinig ng tunog ng tubig sa loob ng itlog.
- Mas malutong ang tunog ng egg shell ng totoong itlog kapag tinapik kaysa sa egg shell ng fake na itlog.
- Kapag biniyak o niluto ang fake na itlog ay maghahalo agad ang egg yolk at egg white. Sa kaso naman ng itlog na nabili ng netizen ay nangibabaw ang egg yolk na tila ito ay luto na.
- Mas matapang din o darker ang dilaw na kulay ng egg yolk ng fake egg kumpara sa totoong itlog.
- May pagka-malansa ang amoy ng totoong itlog kumpara sa fake egg na walang amoy.
- Kapag sinunog ang egg shell ng fake na itlog, ito ay matutunaw at may plastic na amoy na manggagaling rito.
Totoo man o hindi ang fake eggs in the Philippine issue mas mabuting mag-ingat at maging mapanuri sa mga itlog na binibili at inihahain sa pamilya mo.
Source: AsiaOne, The Star Online, Big Wire, China Hush
Photo: Freepik, Facebook
Basahin: Ayon sa pag-aaral, makakatulong ang itlog para hindi magka-allergy ang baby pagtanda
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!