Gamot sa hyperacidity sa buntis tulad ng Kremil-S safe nga ba? Narito ang sagot ng mga eksperto.
Ano ang hyperacidity?
Ang pangangasim ng sikmura o hyperacidity ang isa sa mga nararanasan ng mga babae sa tuwing nagdadalang-tao. Ito ay kilala rin sa tawag na acid reflux na kung saan ang isa sa mga mararamdamang sintomas ay heartburn o pananakit ng dibdib. Ang kondisyon na ito ay dulot ng sobrang acid sa tiyan na ginagamit sana bilang pantunaw ng ating mga kinakain.
Sintomas at dahilan ng hyperacidity
Madalas na nararanasan ito ng buntis dahil sa nirerelax ng pregnancy hormones ang dapat sanang muscle valve ng tiyan na nagsasara. Kaya naman dahil dito umaakyat ang acidic contents sa tiyan papunta sa esophagus. Dito na nakakaranas ng gastroesophageal reflux o acid reflux ang isang buntis.
Isa pa sa sinasabing dahilan nito ay ang lumalaking fetus partikular na sa second at third trimester ng pagbubuntis. Nagdudulot ito ng dagdag pressure sa tiyan na nagtutulak sa acid pataas sa esophagus.
Ang hyperacidity ay maaring maranasan ng sinuman. Mas prone nga lang dito ang mga buntis dahil sa mga nabanggit na dahilan.
Maliban sa pananakit o hapdi sa dibdib na tinatawag na heartburn, ang iba pang sintomas ng hyperacidity ay ang sumusunod:
- Pangangasim o pananakit ng tiyan.
- Pakiramdam na pagiging bloated o pagkakaroon ng kabag.
- Burping o pagdighay.
- Nausea at pagsusuka.
May mga pagkain ring maaring mag-trigger o maging dahilan upang makaranas ng hyperacidity. Ito ay ang sumusunod:
- Regular na pagkain ng mga maaasim at maaanghang na pagkain.
- Irregular eating habits o hindi pagkain sa tamang oras.
- Fasting o pagpapagutom.
- Pag-inom ng alak at paninigarilyo.
- Pag-inom ng kape, coke at iba pang acidic beverages.
- Stress.
Gamot sa hyperacidity sa buntis
Ang gamot sa hyperacidity sa buntis ay maaring simulan sa pagkakaroon ng pagbabago sa lifestyle ng isang babaeng nagdadalang-tao. Ilan nga sa maaring gawin ng isang babaeng buntis upang maibsan ang pag-atake nito ay ang sumusunod:
- Pagkain ng paunti-paunti at pag-inom ng tubig sa pagitan ng bawat meal at hindi habang kumain.
- Kumain ng mabagal at siguraduhing nangunguya ng maayos ang kinakain.
- Iwasang kumain ilang oras bago matulog.
- Iwasan ang mga pagkaing nagtritrigger ng hyperacidity o heartburn.
- Manatiling nakatayo o maglakad-lakad isang oras matapos kumain para mas mapabilis ang digestion o pagkatunaw ng kinain.
- Magsuot ng maluluwang na damit.
- Panatilihin ang healthy weight o timbang.
- Matulog sa iyong left side. Dahil ang pagtulog sa iyong right side ay naglalagay sa tiyan sa posisyon na mas mataas sa iyong esophagus na pinagsisimulan ng heartburn.
- Ngumuya ng sugarless gum pagkatapos kumain. Ang pagdami ng laway sa iyong bibig ay nakakapag-neutralize ng acid na umaakyat pabalik sa esophagus.
- Kumain ng yogurt o uminom ng gatas sa oras na makaramdam ng sintomas ng hyperacidity.
- Uminom ng chamomile tea na may honey o isang baso ng mainit-init na gatas.
Antacid safe ba sa buntis?
Maliban sa lifestyle changes, ang isa pang gamot sa hyperacidity ay ang pag-inom ng antacid. Dahil ni-neutralize nito ang acidity sa tiyan habang itinataas ang pH level nito Ngunit ang tanong ng mga babaeng nagdadalang-tao, “Antacid safe ba sa buntis?”
Ayon kay Dr. Amy E. Foxx-Orenstein, isang osteopathic physician at Associate Professor of Medicine sa Mayo Clinic College of Medicine, ang mga babaeng buntis ay dapat lang uminom ng antacid sa oras na hindi naging sapat ang lifestyle at dietary changes upang maibsan ang kaniyang hyperacidity. At sa pagpili ng antacid o heartburn medication na iinumin dapat ay hindi lang nito malunasan ang sintomas ng kondisyon. Dapat ay hindi rin maapektuhan ang lumalaking fetus sa kaniyang sinapupunan.
“Heartburn medications to treat acid reflux during pregnancy should be balanced to alleviate the mother’s symptoms of heartburn while protecting the developing fetus.”
Ito ang pahayag ni Dr. Foxx- Orenstein.
Kremil S safe ba sa buntis?
Ang mga antacids ay over-the-counter medications o mabibili ng walang reseta ng doktor. Ngunit kung nagbubuntis paalala ni Dr. Foxx- Orenstein mas mainam kung magpapakonsulta muna sa doktor. Ito ay upang makasigurado na ang antacid na bibilhin ay ligtas sa pagdadalang-tao.
Base sa mga scientific clinical studies, may mga antacids ang safe sa pagbubuntis. At mayroon ring dapat iwasan na maaring makasama sa pagbubuntis o lumalaking fetus sa tiyan. Ito ay ang sumusunod:
Ang mga antacid na nagtataglay ng magnesium ay dapat iwasan sa last trimester ng pagbubuntis. Dahil sa ito ay maaring makaapekto sa uterine contractions na nararanasan habang naglelabor ang isang buntis.
Dapat ding iwasan ang mga antacid na nagtataglay ng sodium bicarbonate. Dahil sa ito ay maaring magdulot ng metabolic alkalosis at nagpapapataas ng potensyal ng isang buntis at fetus na makaranas ng fluid overload sa katawan o hypervolemia.
Safe at effective naman na gamot sa hyperacidity sa buntis ang mga antacid na nagtataglay ng aluminum, calcium, at magnesium.
Isa nga sa mga antacid na available dito sa Pilipinas na nagtataglay ng sumusunod na content ay ang Kremil-S. Base sa pakete nito, ito ay nagtataglay ng aluminum hydroxide, magnesium hydroxide at simethicone. Ang mga ito ay nakakatulong na ma-neutralize ang mga acid na pinoproduce ng tiyan. Habang iniibsan ang bloating at gassiness na nararanasan kasabay nito.
Samantala ang pinakalakas na variant naman ng Kremil-S na Kremil-S advance ay nagtataglay ng calcium na safe sa pagbubuntis. Ngunit nagtataglay rin ito ng magnesium na nakakaapekto sa uterine contractions ng babaeng nasa huling trimester na ng kaniyang pagdadalang-tao. Ayon sa UNILAB na manufacturer ng Kremil-S parehong ligtas sa babaeng nagdadalang-tao ang dalawang variant ng antacid na ito. Bagamat mas mabuting kumonsulta muna sa doktor bago gumamit o uminom ng mga gamot na ito.
Kailan dapat magpunta o bumalik sa doktor?
Sa oras na hindi umepekto ang antacid na iniinum laban sa hyperacidity, dapat ng agad na magpunta o bumalik sa doktor ang babaeng buntis na nakakaranas nito. Lalo na kung ito ay sasabayan pa ng mga sumusunod na sintomas:
- Unexpected weight loss o mabilis na pagbababa ng timbang.
- Dugo sa suka.
- Maitim o namumulang dumi.
- Hirap o nakakaramdam ng sakit sa tuwing lumulunok.’
- Sinasabayan ng asthma like symptoms tulad ng wheezing at dry cough ang hyperacidity.
- Pagbabago o pagiging magaspang ng boses.
- Chronic sore throat o labis na pananakit ng lalamunan.
- Pagsusuka na nararanasan ng dalawang araw na o higit pa.
Sa oras na makaranas ng mga nabanggit habang nakakaranas ng sintomas ng hyperacidity tulad ng heartburn ay mabuting ipaalam agad sa iyong doktor. Dahil maaring ito ay sintomas na pala ng seryosong karamdaman na dapat ng maagapan.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
Source:
UNILAB, Web MD, Healthline, theAsianparent PH, Science Daily
Basahin:
Acid reflux sa mga buntis: 6 na kailangan malaman tungkol dito
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!