Bakit nga ba hindi ligtas na uminom ng mga halamang gamot na pampalaglag ng bata at ano ang maaaring maging epekto nito sa nanay? Sinagot ito ng isang doktor.
Talaan ng Nilalaman
Halamang gamot na pampalaglag ng bata
Tayong mga Pilipino ay mahilig gumamit ng mga halamang gamot. Isa ito sa mga nakasanayan na nating gawin na namana pa natin sa ating mga ninuno.
Paniniwala nga ng marami sa atin basta herbal mas ligtas dahil hindi nagtataglay ng kemikal. Ito ang parehong dahilan kung bakit maraming babaeng nakararanas ng hindi planadong pagdadalang-tao ay ito ang takbuhan.
Sapagkat dito sa ating bansa na mahigpit na ipinagbabawal ang abortion, ito ang pinakamadaling makuha o mabili kung kinakailangan.
Isa nga sa kilalang uri nito ay ang makabuhay pampalaglag o pamparegla na mabibili lang sa mga bangketa. O kaya naman ay maaaring makuha lang sa bakuran.
Paniniwala ng marami partikular na ng matatanda ay epektibo ito para wakasan ang hindi planadong pagdadalang-tao. Pero ang claim na ito ay hindi pa napapatunayan ng siyensya na totoo.
Dagdag pa riyan, mahigpit na ipinagbabawal ito sa sa Pilipinas sapagkat sa ito ay maituturing na paraan ng abortion.
Larawan mula sa iStock
Paggamit ng halamang gamot na pampalaglag ng bata, hindi ligtas sa kalusugan
Paliwanag naman ni Dr. Arlene Ricarte Bravo, active consultant OB-GYN ng Makati Medical Center hindi ipinapayo ang paggamit ng mga halamang gamot na pampalaglag ng bata hindi lang dahil sa itinuturing na illegal ang abortion dito sa bansa.
May masamang epekto rin umano sa katawan ang pag-inom ng mga ito. Maaari ring magdulot ng seryosong komplikasyon sa ating kalusugan. Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo,
“Unang-una, hindi namin pino-promote ‘yong paggamit ng mga ganitong method. Kasi kapag sinabi mong herbs, hindi mo alam ‘yong quantity ng active ingredient na ibinibigay sa katawan mo.
Puwede kang magkaroon ng kidney failure dahil toxic pala siya sa kidney. O kaya naman hepatic failure dahil toxic pala siya sa liver. Kasi iniinom ito, dumadaan sa liver so hindi natin alam ang safety nito.”
Ang pahayag niyang ito sinuportahan ng resulta ng isang pag-aaral na nailathala sa Medical Journal of Australia. Ang pag-aaral ay isinagawa ng University of Adelaide sa Australia na base sa ginawang analysis at review ng 52 na pag-aaral tungkol sa herbal medicine at toxicology.
Ayon sa pag-aaral, ang mga halamang gamot maaaring magdulot ng kidney failure at liver damage. Sapagkat sa ang mga ito ay nagtataglay ng toxic chemicals o heavy metals na maaaring magkaroon ng masamang reaksyon kapag naihalo sa ibang gamot.
Hindi rin ito proven na epektibo at maaari maging banta sa buhay mo
Maliban sa mga nabanggit na masamang epekto sa kalusugan, hindi rin proven na epektibo ang mga halamang gamot na pampalaglag ng bata. Maaari pang maging banta sa buhay ng babaeng nagdadalang-tao.
“Ang effect kasi ng mga locally available na abortifacient is nagpapableed siya kumbaga it enduces vaginal bleeding. So bago mag-bleed pagadaanan mo muna ‘yung napakasakit na puson.”
“May ideya ka ba kung ilang weeks na iyong baby mo mamaya further stage ka ng pregnancy so mas masakit iyon. So puwede ka na lang mapabaluktot sa daan sa sobrang sakit at masagasaan. O kaya bumulwak ‘yung dugo mo, mahimatay ka, biglang mag-cardiac arrest ka.”
Mas malala pa nga umano ang maaaring maranasan mong epekto na ito kung malaki na iyong ipinagbubuntis.
“Iyong pinag-iinom mo na pang-abort halimbawa, dinugo ka, malakas ito at medyo malaki na ang ipinagbubuntis mo, dangerous ito kasi puwede kang mamatay sa blood loss.”
“Puwede kang mamatay sa sobrang sakit, And then ‘yung ospital din mabuburden kasi kung marami ka ng blood loss kailangan ka ng salinan ng maraming dugo.”
Larawan mula sa iStock
Mas mabuting gumamit nalang ng contraceptives para maiwasan ang hindi planadong pagbubuntis
Ang mga nabanggit na epekto ng pag-inom ng halamang gamot ay hindi lang nakakatakot ayon kay Dr. Bravo. Hindi hamak na mas magastos ito kaysa sa iwasan ang pagkakaroon ng positive result sa pregnancy test kit.
Pahayag ni Dr. Bravo,
“So mas magastos than you being prescribed a 50 peso pill or ‘yung libreng pills sa rural health center. So ‘yung burden na ibinibigay ng mga nagpapa-abort mas malaki o mas expensive. Kaysa kung ikaw bumili ng condom or kumuha ng pills na libre sa health center. So might as well be wise, mag-contraception ka nalang kung sexually active ka.”
Pero bago gumamit ng kahit anumang contraceptive, dapat ay una munang komunsolta sa isang doktor. Sapagkat makakatulong siya sa kung anong contraceptive method ang nararapat sa ‘yo.
Dagdag pa niya, hindi naman dapat problemahin ang pambili nito. Sapagkat marami sa mga contraceptive methods ang libreng ipinamimigay ng gobyerno sa publiko.
Background photo created by Dragana_Gordic – www.freepik.com
Mahalaga lang na magpakonsulta sa doktor bago gumamit nito
Pagpapaliwanag ni Dr. Bravo,
“Once you get to be sexually active, consult with a gynecologist para ma-guide kayo sa kung anong gagawin.
It’s easy for us to say because we are here in an urban area, so most of our patients lalo na kung private ka are class a, b, c, but how about those in the urban areas that are class c and e?
Actually, may ginagawa naman ‘yong gobyerno sa mga ‘yan. Namimigay sila ng libreng long-acting contraception method.”
“Example binibigyan sila pagkapanganak palang ng baby. Lalo na ‘yung mga teenage mothers nilalagyan na sila ng implant nilalagyan na sila ng IUD para ma-lessen ‘yong mga further pa na mga accidents na nabubuntis sila na unwanted nga.”
Dagdag pa ni Dr. Bravo mayroon din ang mga local government sa malalayong lugar na may libreang IUD, contraception pills, injectables contraception, at pap smear. May mga trained na health workers umano na naka-assign sa area na iyon.
Ang kinakailangan na lamang gawin ay pumunta roon at magpakonsulta, libre ito. Kahit umano dito sa metro manila at urban area ay mayroon mga ganitong serbisyo ang lokal na pamahalaan.
Kaya naman upang maiwasan ang hindi planadong pagbubuntis at maaaring magdulot ng abortion o pagpapalaglag. Mas maganda umano na gumamit na lamang ng contraception para maiwasan ang pagbubuntis.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!