Masayang isipin ang pagkakaron ng pangalawang anak, lalo’t bata pa rin ang mag-asawa.
Dalawa man o tatlo, o higit pa ang gustong maging supling, importanteng maging handa ang mga magulang sa pag-aalaga ng panibagong anak.
Mahalaga ang pagkakaroon ng plano
Ang pagpaplano ng pamilya ay mahalaga at susi sa buhay pamilya. Ngunit bago pa planuhin ang pangalawa o pangatlong anak, mahalagang pag-usapan at pag-isipang mabuti ninyong mag-asawa ang bagay na ito.
Masaya lang bang isipin na madadagdagan ang cute na mga supling, o tunay ngang handa na kayo?
Ang pagkakaron ng pangalawang anak ay isang commitment at malaking responsibilidad. Narito ang ilang bagay na dapat pag-isipan para mawari kung handa na ba o hindi, para kay baby #2:
Bihira na lang ba ang pagtatalik o intimate moments ninyong mag-asawa?
Malaki na ang unang anak, at ngayon pa lang bumabalik ang schedule ninyong mag-asawa pagdating sa pagtulog at gawain sa bahay. Pero kumusta ang sex life ninyo? Para sa ibang mag-asawa, dumadalang ang pagtatalik at intimate moments pagkatapos ng unang baby at ang hirap ibalik ang dating romance sa pagsasama.
Kung nagsisimula pa lang kayong maging intimate at mag-usap tungkol sa inyong relasyon at pagsasama, baka kailangan pang maghintay nang kaunti para mapagtibay muna ang inyong samahang mag-asawa.
Kung nagpaplano ng isa pang anak, mas makakabuti kung ang relasyon ninyong mag-asawa ay mas lalong matibay kaysa nuong una, dahil ang pagpapalaki ng mas malaking pamilya, ng dalawang anak ay mangangailangan ng mas matibay na pagtitiwala at pagkilala sa isa’t isa.
Pag-usapan ninyo kung handa na bang mabaling sa isa pang anak ang pansin at atensiyon, at ipagpaliban muna ang intimacy?
Kailangan ng unang anak ang pansin at atensiyon ninyo, sa bawat sandali.
Anumang edad, oras, panahon, at panahon, kakailanganin ka ng iyong anak.
Kung may isa pang anak, maaaring makaramdam ng “kaagaw” ang panganay kung may bagong baby.
Pakiramdaman muna ang panganay, at ang pangangailangan niya, bago tuluyang isipin ang pagbubuntis sa ikalawang beses. Maraming mga unang anak ang handang handa namang magkaron ng kapatid. Lahat ng ito ay depende sa ugali at attitude ng isang bata.
Mahalaga rin ang mararamdaman ng iyong panganay
Tandaan na maaari pa ding magbago ang pagtanggap ng unang anak sa oras na maipanganak na ang kaniyang kapatid. Kaya’t kung handa ka na, at ang iyong kabiyak na kaya ninyong mag-alaga ng isa pang supling, at hindi na gaanong kailangan ng labis na pagtutok sa unang anak (kaya na niyang kumain mag-isa, nakakatulog na siya mag-isa, o di kaya’y pumapasok na sa nursery, halimbawa), habang ikaw ay nagpapasuso, nag-aaruga, nagpapatulog ng sanggol, at nagpapalit ng maruming nappy, maaaring magsimula nang magplano, bakit hindi.
May support system ka ba?
Kung dalawa na, o tatlo, ang anak, may mga tutulong ba sa iyo sa pag-aalaga?
Gaano kalaki ang tulong na kakailanganin mula sa asawa, sa mga magulang, kapatid, kasambahay, at iba pang support system? Tanggapin na ang katotohanan na hindi kakayanin kung ikaw lang at ang iyong mister.
Una na rin, kung magtatrabaho ang asawa, sino ang katuwang mo na mag-aalaga ng dalawang bata sa bahay? Kahit pa naging madali ang karanasan sa unang anak, maaaring maging ibang iba ang karanasan sa ikalawang anak. Kaya’t alamin kung sino ang maaaring tumulong, lalo na kung babalik din ang nanay sa trabaho.
Gusto mo ba talaga? Handa ka ba talaga?
O masarap lang isipin na magkaron ng isa pang cute na supling na makakasama ng iyong unang baby? Ikaw at ang iyong asawa ang tanging makakapag-desisyon kung handa na kayo sa pangalawang baby. Pero ikaw, higit sa iyong asawa, ang magdadala ng bata at direktang maaapektuhan ng pisikial at emosiyonal, kaya’t nasa iyo ang bigat ng desisyon. Huwag ipilit kung hindi sigurado sa nararamdaman at sa mga mangyayari.
Kumusta ang pinansiyal na estado ninyo?
Praktikal na tanong ito. Isang mabigat na dahilan kung bakit hindi dapat biglaan at dapat na planado ang baby #2. Kung hindi man ito naisip noong unang nag-anak kayo, iba na ang sitwasyon kung dalawang bata na ang aalagaan at palalakihin.
Kailangan laging handa pagdating sa gastusin
Doble, o maaaring triple pa ang magiging gastusin paglaon. Kung may siguradong pagkukunan ng pera, o ipon, at matibay ang estadong pinansiyal ng inyong pamilya, mas mabuti. Halimnbawa sa mag-asawang Clarence at Ruel Onoza, ipinaliwanag ni Clarence sa mister niya na hindi pa siya handa sa ikatlong anak, dahil nga mahirap ang buhay at magastos ang pagpapaaral. Naintindihan naman ito ni Ruel at aminado siya na imbis na mag-anak pa ng isa, ibuhos na lang muna ang kanilang atensiyon at kinikita sa dalawang anak.
Pag-isipang mabuti at itanong sa sarili: kaya mo ba?
Sa pisikal, emosiyonal, sa lahat ng aspeto, kakayanin mo ba bilang isang ina at asawa ang ikatlong aalagaan at aarugain?
Kailangang masusing isa-isahin ang mga bagay na aapekto sa iyo bilang isang ina at isang indibidwal, dahil hindi ang iyong asaw kundi ikaw ang magdadalang tao, ang makakaranas ng pagbabagong pisikal at emosiyonal, at ikaw ang magdedesisyon kung babalik ka ba sa trabaho o isasantabi mo muna ang iyong karera para sa mga anak mo.
Nariyan pa ang postpartum depression, na kung hindi mo man naranasan sa una ay maaaring maranasan sa ikalawang pagbubuntis.
Si Dianne Cortes, isang nurse, at ang kaniyang asawa ay kapwa nag-desisyon na hindi pa sila handang sundan ang nag-iisang anak, kahit 9 na taong gulang na ito. Na-trauma na daw kasi sila sa nangyari sa pagkawala ng ikalawang baby nila, na nabuhay lamang ng ilang araw pagkapanganak.
Malaking responsibilidad ang pagkakaroon ng anak
Maraming nanay ang nakaranas nito, at masayang nagampanan ang kanilang pagiging ina at maybahay, Maraming patuloy na nagtrabaho kahit tatlo pa ang anak. Lahat tayo ay may kani-kaniyang paraan kung paano hahatiin ang oras para sa mga responsibilidad natin. Ang tanong lang naman, ay kung kakayanin mo, bago pa ang lahat.
Alamin din ang lahat ng kailangang malaman pagdating sa reproductive health ng isang babae. Kumunsulta sa OB GYN at counsellors tungkol sa postpartum care. Mas mabuti nang handa ka sa lahat, kaysa magulat ka na lang kapag nandyan na ang sitwasyon.
Lahat naman ng problema ay may solusyon. Ang pagkakaron ng ikalawang anak ay hindi naman problema, kundi isa sa mga challenges ng pagkakaron ng pamilya. Hindi ito masama, syempre, pero mas magiging masaya ang pamilya kung handa ang mag-asawa sa lahat ng haharapin. Lahat ay napag-uusapan din. Si Ana May at Levi Sutter ay nananatiling transparent at open sa isa’t isa, sa kahit anong usapan tungkol sa kanilang pamilya. “Sinasabi ko lahat kay Levi ang nararamdaman ko at ang totoo—drop it like a Nagasaki bomb, sabi ko nga,” biro ni Ana May. Dahil kung itatago pa ito sa isa’t isa, lalo lang magkaka-aberya sa hulli. May dalawa na silang anak, kaya’t napag-usapan na rin nila na tapos na ang pag-aanak.
Sensitibo ang usapang ito, lalo na kung hindi kayo pareho ng desisyon, halimbawa kung ayaw mo at gusto ni mister. Kailangang umupo at mag-usap, Ipaliwanag ang sariling dahilan, at pakinggan ang kaniya. Maging matapat at iwasang itago ang mahahalagang pakiramdam. Pag-usapan kung paano magkakaron ng solusyon? Kung hindi pa rin makahanap ng kasunduan, maaaring kailanganin ng kompromiso, at counselling.
SOURCE:
Laura Berman, Ph.D., The Berman Center, a sex therapy clinic for women and couples, sa Chicago, USA
What to Expect When You’re Expecting ni Heidi Murkoff
Basahin: Paano namamana ang pagkakaroon ng kambal sa pamilya?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!