Metikoloso at mapili si Anna May Dalisay, lalo na para sa edukasyon ng nag-iisang anak na si Andres. “Madami akong requirements para sa isang eskwelahan. Importante ang good values, and one [school] that will allow the student to explore and learn by experience,” bungad ni Anna sa kaniyang kuwento. Importante din sa kanila ng asawa niyang si Paolo na realistic ang schedule at makakapagpahinga pa rin ang anak nila na noon ay wala pang 10 taong gulang. “I wanted Andres to master the lessons and not just go through them. Isa pa, gusto ko ring safe ang lugar, nurturing at malinis, siyempre,” dagdag na kuwento ni Anna. Sa tagal na paghahanap, walang nakita ang mag-asawang Dalisay ng eskwelahan na taglay ang lahat ng katangiang ito.
Hindi lang si Anna at Paolo ang may ganitong matinding paninindigan para sa edukasyon ng kanilang anak. Maraming magulang na ngayon ang nagpapasya na mas gusto na nilang mag-homeschool ang kanilang anak dahil mas matimbang ang nakikita nilang kabutihan nito, kaysa sa pagpasok sa isang paaralan. May kani-kaniyan silang dahilan, pero iisa ang hangarin: ang mabigyan ng mabuting edukasyon ang anak na malayo sa sobrang pagod at pressure ng isang regular na eskwelahan.
Paano nga ba ang sistemang ito?
Ang Homeschooling sa Pilipinas ay ayon sa Philippines Constitution, Article XIV, Section 1(2), na nagsasaad na ang Estado ay dapat magkaroon ng sistema ng libreng public education sa elementarya at high school levels, nang hindi lilimitahan ang natural na karapatan ng mga magulang na turuan at suportahan ang kanilang mga anak. May karapatan ang religious groups, mission boards, at kani-kaniyang pamilya na tumaliwas sa public education at magtayo o magbuo ng kanilang sariling pribadong edukasyon. Ayon din sa batas, ang pampubliko at pribadong institusyon ng edukasyon ay nasa ilalim pa rin ng superbisyon ng DepEd.
Sa Pilipinas, ang Homeschooling Association of the Philippine Islands (HAPI) ang pangunahing advocate ng homeschooling sa Pilipinas, mula pa noong 2009. Ang mga miyembro nito ay mga homeschooling families at mga accredited schools na may home school programs.
Magkaiba ang home study at home schooling, ayon sa chairman ng HAPI na si Edric Mendoza. Ang Home Study ay pag-aaral na may paggabay ng guro o tutor na pumupunta sa bahay ng estudyante. Ang Home School ay isang sistema na ang magulang ang guro ng kaniyang anak, paliwanag ni Mendoza. Naniniwala ang HAPI na ang mga magulang ay may kalayaan at kakayahan na magturo sa kanilang sariling anak.
Dalawang pamamaraan
Mayroong homeschooling na sinasabing “loosely structured” o maluwag at hindi strikto ang sistema. Kung kayang tapusin ng 2 taon ang Grade 1 hanggang Grade 5, pwede. Kung gusto ng magulang na music lang ang ituro sa bata sa isang taon, desisyon niya yon. Sa isang banda naman ay ang highly-structured homeschooling, na kumpleto pa ng classroom furniture tulad ng blackboard, mesa, uniform, ID, pati flagpole, na nasa bahay lang din.
Para sa mga Dalisay at sa organisasyong HAPI, nasa gitna ng dalawang sistemang nabanggit ang pamamaraan na bagay sa kanila. Nage-enroll ang kanilang mga anak sa mga paaralan na may home school programs na accredited ng Department of Education.
Simula ng homeschooling journey
Bago tuluyang nag-desisyon si Anna, nag-research siya at nakipag-usap sa mga magulang ng mga batang nag-aaral sa iba’t ibang eskwelahan sa Maynila kung san sila nakatira. Stressed ang mga bata dahil sa grades, at halos wala nang pahinga. Pagkagaling pa sa eskwelahan, dumideretso pa sa tutor sa hapon hanggang gabi. Mataas ang tuition fee, tapos ay mag-aaalala pa sa mga bully pati peer pressure—nakaka-stress namang talaga, hindi ba? ‘Yan ang narinig ni Anna sa mga nakausap niya.
Nang minsang nakinig si Anna sa kuwento ng anak ni Pastor Peter Tan-Chi sa isang parenting session sa CCF, saka siya nakapag-desisyon na ipakilala at ipaliwanag ang homeschooling sa asawang si Paolo.
Sa Living Heritage Homeschool Program (ngayon ay School of Tomorrow Home School Program na) nagpunta ang mga Dalisay. “I liked their program best because it’s easy and has been around for a long time, even at that time,” kuwento ni Anna. May mga dating estudyante na sila noon na abogado, doktor, at mga matagumpay na businessmen na. Dagdag pa dito na Christian Program ang sinusunod, kaya’t may diin sa bible study at scriptures. “The program required mastery and allowed the students to learn on their own. All I had to do really was just check my son’s progress after each lesson,” kuwento ni Anna.
Sa School of Tomorrow din nag-enrol si Jaith, 15 taong gulang na anak ni Marge Beato. Ang mag-inang Marge at Jaith ay nakatira sa Dubai, kung saan napakamahal ng cost of education, at hindi na rin masaya si Jaith sa sistema ng pag-aaral. Nag-usap silang mag-ina at pinakinggan ni Marge ang paliwanag ng anak sa nararamdaman niya at kagustuhan niyang sumubok ng ibang paraan para makapag-aral.
Proseso ng Enrollment
Bago pa tanggapin ng eskwelahan ang anak na si Jaith, kinailangang umattend ng 2 araw na seminar para sa mga magulang si Marge. Sa Pilipinas ginaganap ang mga seminar. Kumuha ng exam si Jaith sa Pilipinas, para makita kung ano ang level niya, at kung anong mga libro ang kailangan para sa level niya. May exam din para sa mga magulang, kwento ni Marge.
Mula doon, babayaran na ang registration at iba pang fees, saka sila magbibigay ng mga listahan ng libro at kung magkano ang mga ito. Ang kinuhang programa ni Jaith ay yung may teacher na gagabay sa pag-kumpleto ng paces (modules) at homework sa takdang oras. Sa Dubai, pumapasok siya ng 5 araw pa rin sa isang linggo, mula 1pm hanggang 6pm para sagutan o gawin ang mga paces. Naroon ang guro para sagutin ang mga tanong nila kung mayron, at para i-check ang mga sagot sa paces at homework, at ibigay ang corrections sa mga estudyante.
Kung ang pinili ng magulang ay ang sistemang sila ang guro, may mga assigned consultants na magpapaliwanag sa mga magulang at estudyante ng buong programa, at kung paano ito isinasagawa. Nasa sa magulang na kung paano gagawa ng schedule para maturuan ang mga anak ayon sa takdang curriculum. Ang magulang na rin ang magdedesisyon kung saan ang “classroom” nila sa anumang araw. Kung gusto nilang dalhin sa playground, sa kuwarto, sa restawran, sila ang bahala.
Dahil walang striktong schedule sa buong araw, karaniwang sa umaga ginagawa ng mga bata ang academics, saka gagawin ang extracurricular activities tulad ng music o sports sa hapon.
Para kay Anna, kung simple at epektibong programa ang gusto nila para sa anak, perfect ang homeschooling para sa kanila. May teacher support ang programa, at madaling kontakin at kausapin ang teacher kung may tanong ang magulang tungkol sa mga lessons, o kung paano ituro ang mga lessons. Bago pa napatupad ang K-12 Program ng DepEd sa buong Pilipinas, ito na ang programang sinusunod ng eskwelahan ni Andres, kuwento ni Anna. Ang magandang value formation lessons na nakapaloob sa mga academic lessons (kahit pa Math!), ang gusto ni Anna, dahil natuturuan ng mabuting asal at paniniwala ang kaniyang anak.
Walang pressure, hindi matindi ang stress, dagdag na kuwento ni Anna, kaya’t nagkaroon sila ng mas magandang working relationship ng kaniyang nag-iisang anak. “Hindi kami nag-away, at pareho kaming nag-enjoy sa mga lessons,” sabi ni Anna. Natuto si Andres na maging independent at dahil maluwag ang schedule, nakapag-aral pa siyang mag-badminton at tumugtog ng piano.
Kaya naman nang bumalik sa regular school si Andres, matatag at kahanga-hanga na ang work habits at pagiging responsable niya. Higit sa lahat, lumaki siyang independent at may positibong pagtingin sa pag-aaral.
Paano ang socialization at pakikipagkaibigan?
Ang karaniwang takot o inaalala ng mga magulang sa homeschooling ay ang mawalan ng kakayahang makipagkaibigan o makisalamuha sa tao ang estudyante. “It’s the opposite with Andres,” kuwento ni Anna, “mas naging maganda pa nga ang social skills niya.” Dahil nga waIang pressure at palaging masaya, hindi nahihiya si Andres na makihalubilo at makipag-usap sa mga tao. Nasa sa pagtuturo din ito ng magulang, at sa pagbibigay ng iba’t ibang pagkakataon na magkaron ng social interactions ang isang estudyanteng homeschooled. Nakakatulong ang playdates at pagsali sa mga organisasyon tulad na nga ng badminton, basketball, o di kaya’y mga church youth organizations.
Ang isang disadvantage lang na nakita ni Anna ay hindi lahat ng eskwelahan ay tumatanggap ng mga estudyanteng galing sa homeschool program, sakaling mag-desisyon na bumalik sa konbensiyonal ang bata.
Mga Institusyong may Home School Program
Kung nagpaplano kayong subukin ang homeschool para sa inyong anak, narito ang ilang institusyon na DepEd-accredited.
The Master’s Academy (TMA) Homeschool
https://tmahomeschool.org/
Contact: 234-0432
E-mail: info[at]tmahomeschool[dot]org
Catholic Filipino Academy
www.catholicfilipinoacademy.com
Contact: 725-9999 local 111
E-mail: cfainquiry[at]gmail[dot]com
Kids World
Contact: (02)726-6563, (02)975-4676
Mobile: +633917-8380869
Peniel Integrated Christian Academy, Inc.
www.facebook.com/PenielIntegratedChristianAcademy
Contact:682-7941
E-mail: penielchristian97[at]yahoo[dot]com
Homeschool Global / The Master’s Academy (TMA) Homeschool*
tmahomeschool.org/
Contact Number: 234-0432
E-mail: [email protected]
Address: 2nd Floor Fun Ranch, Frontera Verde, Ortigas Avenue, Barangay Ugong, Pasig City
Victory Christian International School’s HomeStudy Program
vcishomestudy.edu.ph/
Contact Number: 775-5705, 584-6092, 0917 813 2862
Address: 3F Rodil Building 326 Capt Henry Javier Drive, Oranbo, Pasig City
School of Tomorrow Philippines
sotphil.net/
Facebook: www.facebook.com/PCSTinc/
Contact Number: 822-4433
Address: SOT Blvd., (former MJS Ave.) Levitown Executive Village, Brgy. Don Bosco, Parañaque City.
Email: [email protected]
Homeschool of Asia Pacific (HAP)
homeschoolofasiapacific.com/
Address: Level 5 Richville Tower, Address: Madrigal Business Park, Ayala Alabang, Muntinlupa, Philippines
International British Academy Home School Programme
iba.edu.ph/
Contact Number: 046 471-5922
Email: [email protected]
Address: Gen. Aguinaldo Hi-way, Anabu ll-D, Imus, Cavite
Bright Young Minds
Contact Number: 774-37-47
Address: Unit 304, Venture bldg. Prime Cor. Market St. Madrigal Business Park, Alabang, Muntinlupa City
Angelicum College Home Study Program
Website: www.angelicum.edu.ph/
Email: [email protected]
Address: 112 M.J. Cuenco St. Sta. Mesa Heights Quezon City, Philippines
International Christian Academy Elementary Home Schooling
www.ica.edu.ph/
Contact Number :820-4521, 820-4524
Email: [email protected]
Address: 4505 Extra Extension Street Fourth Estate Subdivision, Sucat, Paranaque, Philippines
Kairos Homeschool Academy
www.kairoshomeschoolacademy.com
Contact Number : (02) 448 2504
Email: [email protected]
Address: Room 201, United Evangelical Church of Malabon 45 Gov. Pascual Ave., Potrero, Malabon City 1475 (near Monumento)
*Nagsisimula sa Php15,000 hanggang Php 35,000 ang fees at services ng Home School program sa mga institusyong ito.
Ang Homeschooling ay 24/7
HIndi biro ang Homeschooling. Nangangailangan ito ng buong-pusong dedikasyon sa pagtuturo sa inyong anak. Ngunit kahit mahirap, hindi ito imposible. Ayon kay Marge, napakaraming kailangang gawin ng bata, at ang magulang ang pangunahing katuwang niya sa paggawa ng mga ito—hindi ang guro. Pero ang kabutihang maibibigay nito sa bata ay labis na sapat na para maibsan ang pagod at hirap ng magulang. Ito ang naging pagkakataon ni Anna na maging pangunahing impluwensiya sa buhay pag-aaral ng kaniyang anak, kaya’t masaya siya at hindi niya pinagsisisihan ang naging desisyon.
Ang bond na nabubuo ng magulang at anak ay hindi matatawaran at mapanghihinayangan.
READ: Meet Mariz Dearos: Homeschooling Supermom to 4 kids
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!