May anak ka bang babae? Nakausap mo na ba siya tungkol sa tamang pag-alaga at pagpapahalaga sa maselang bahagi ng kaniyang katawan? Naisip mo na ba kung paano ipaliwanag ang ari ng lalaki sa kaniya balang araw?
Isa itong conversation na hindi maiiwasan lalo na kung may anak kang babae at lalaki. Darating at darating sa punto na kakailanganin mong ipaliwanag ang pagkakaiba ng dalawang genders.
Paano ipaliwanag ang ari ng lalaki sa mga babae
Sanay na akong makakita ng ari ng bata sa paligid ko. Alam ko kung anong iniisip mo, pero huwag mo sana akong masamain. Isa lang akong ina ng dalawang batang lalaki.
Sa panahon bilang ina ng mga batang lalaki, napansin kong kamangha-mangha ang ari ng bata para sa mga may-ari nito. Hahawakan ng aking mga anak ang kanilang ari na tila matatanggal ito, sila man ay stressed, masaya, malungkot, o sadyang gusto lang pumunta sa banyo.
Wala silang pakialam sa dekorum—kakamutin at hahawakan nila ang kanilang ari habang kumakain o nanonood ng TV. Hindi nila kailangan ng okasyon (tulad ng pagligo) para maghubad at maglakad-lakad.
Sa madaling sabi: ang panlalaking ari ng bata ay dapat pangalanang “panlalaking public parts.”
Dahil sa lahat ng pampublikong pamamahaging ito, napaisip ako: paano dapat ipapaliwanag ng mga ina ang ari ng bata na lalaki sa kanilang mga anak na babae? Dahil alam mo, balang araw, ang iyong anak na babae ay magtatanong tungkol dito. Maaari niyang makita si daddy na nagbibihis. O ang kapatid niyang lalaki na naliligo. At magtatanong siya.
Kaya imbes na mahiya at magsabi ng hindi totoo (at gustuhing bumuka ang lupa at lamunin ka), bilang ina ng mga lalaki, heto ang mga suhestiyon kung paano siya pagdaanan nang lohikal, rasyonal, at makatotohanan.
1. Huwag itong gawing malaking bagay
Katulad ng pagpapaliwanag tungkol sa anatomya at gamit ng kanyang puki sa iyong anak, maaari mo rin siyang kausapin tungkol sa gamit ng titi, kung at kapag ikaw ay tinanong.
Depende sa edad ng iyong anak, maaari mo itong gawin nang mas marami o mas kaunting detalye. Habang siya ay tumatanda, maaari kang maging mas detalyado. Tandaan na hindi ito ginagawa nang may kabastusan, dahil ang magulang na nagtuturo sa kanyang anak tungkol sa anatomya ng tao ay lubos na mainam. Ayun nga lang, ang mas nakababatang anak ay hindi makaiintindi ng mas komplikadong eksplanasyon.
2. Gumamit ng tamang terminolohiya
Ang mga babae ay mayroong puki, ang mga lalaki ay mayroong titi—ganoon ka-simple. Sa pag-iwas sa mga pa-cute na katawagan tulad ng “wee wee,” tinuturuan mo ang iyong anak na hindi dapat ikahiya ang pagkakaroon nang tapat at bukas na diskusyon tungkol sa ari ng bata.
Bahagi ito ng anatomya ng tao. Pero ang mas mahalaga pa ay tinutulungan mo ang iyong anak na protektahan ang kanyang sarili laban sa sexual predators sa pagkakaroon ng abilidad na pangalanan nang tama ang ari ng bata.
Ito ay sa kadahilanang ang posibleng predators ay maaaring lumayo sa isang batang gumagamit ng mga tamang pangalan para sa mga ari ng bata, sa pag-aakalang magiging kasing komportable silang sabihan ang kanilang mga magulang sakaling mangyari ang pangmomolestiya.
3. Titi at puki: pareho pero magkaiba
Isang paraan para mawala ang pagkahiya ay ang pagsasabi sa iyong anak na ang titi ay para sa lalaki at ang puki ay para sa babae. Isa itong paraan para malaman ang pagkakaiba ng lalaki sa babae. Muli, ang dalawang pangunahing gamit ng titi ay maaaring ipaliwanag hango sa edad ng bata at sa antas ng kanyang pag-intindi.
4. Iwasang maging masyadong pormal
Kung gagawin mo itong “seryosong usapan,” posibleng maging kahiya-hiya ito para sa iyong anak na babae. Alam mo, ang pagpapaliwanag tungkol sa ari ng bata na lalaki sa iyong anak na babae ay hindi lang pagtuturo sa kanya tungkol sa byolohikong layunin at gamit ng isang bahagi ng katawan. Binubuksan din nito ang pinto tungo sa isang tapat at bukas na sexual education na diskusyon. Kaya panatilihing magaan at nakapagtuturo ang tono, at panatilihing bukas ang inyong komunikasyon.
5. Ipaalam sa kaniya na ang mga titi ay ari din
Katulad ng pagkakaroon niya ng sariling ari ng bata, ganoon din ang mga batang lalaki. Paalalahanan siya na hindi lang dahil natutunan niya ang tungkol dito ay puwede na siyang pumasok sa eskuwelahan kinabukasan at magtanong kung maaari niyang tingnan o hawakan ang titi ng isang batang lalaki.
Hindi rin niya puwedeng puwersahin tingnan at hawakan ito. Mula rito, puwede mo ring ituloy ang diskusyon sa “mabuting hawak, pangit na hawak,” kung saan ang bata ay tinuturuan ng pagkakaiba ng dalawa para maprotektahan ang kaniyang sarili laban sa mga nangmomolestiya.
Kaya kung tanungin ka man ng iyong anak na babae tungkol sa titi, sana ay makatulong ang mga nasabing payo para maisagawa ito nang maayos. Tandaan na maging mapagmasid sa mga senyales na ang iyong anak ay hindi komportable. Kung ganoon, itigil ang usapan. Marami pang mga katanungan sa darating na mga araw at puwedeng-puwede mong sagutin ang mga iyon pagdating ng panahon.
Isinalin mula sa wikang Ingles ni Diona Valdez
Basahin: Why moms and dads need to talk to their kids about sexual harassment
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!