Kailan dapat dalhin sa ER ang bata? Narito ang mga sintomas na makikita sa isang bata na hindi mo dapat isawalang bahala.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit kailangan mong tawagan ang inyong pediatrician?
- Kailan dapat dalhin sa ER ang bata? Narito ang mga senyales na dapat bantayan
- Mga dapat tandaan bago dalhin ang iyong anak sa emergency room
Bilang magulang, gusto natin na laging makasiguro na ligtas mula sa kapahamakan ang ating anak. Mahirap rin para sa atin na nakikikita silang nasasaktan o nahihirapan. Kaya naman kapag may napapansin tayong kakaiba o mali sa kanilang pangangatawan, labis na tayong nag-aalala.
Para sa’kin, bilang isang ina, importante na makausap ko ang pediatrician ng aking mga anak kapag may sakit sila. Ito ay para malaman ko kung anong dapat kong gawin at mga dapat bantayan sa aking anak. Kung gabi na at hindi sumasagot ang doktor, dinadala ko agad ang anak ko sa emergency room. Subalit ito ay noong wala pang pandemya.
Paniniwala naman ng mister ko, hindi dapat namin isinusugod ang bata sa ER dahil sa kaunting lagnat o ubo. Dahil nga hindi mo alam kung anu-anong virus at sakit ang maaring masagap ng bata sa ospital. At sa halip na makatulong, ay maari pang makasama sa kaniya.
Gayundin, ayaw niyang matakot ang anak namin nang walang dahilan. Kung kayang gamutin sa bahay, sa bahay na lang muna.
Pareho naman kaming nag-aalala para sa aming anak namin na may-sakit. Pero sino ba sa amin ang tama? Kailan ba dapat dalhin sa ER ang bata na may sakit?
Kailan dapat dalhin sa ER ang bata?
Para malaman kung dapat bang dalhin sa emergency room ang iyong anak, narito ang ilang sintomas na dapat mong bantayan:
1. Lagnat
Ang lagnat ay isa sa mga sakit na madalas na nararanasan ng mga bata. Bagamat nakakabahala minsan ang init sa katawan na idinudulot nito.
Ayon sa mga doktor ay palatandaan ito na lumalaban sa impeksyon ang katawan ng iyong anak. At nangangahulugan ito na maayos na gumagana ang immune system niya.
Bukod sa temperatura o taas ng lagnat ng bata, dapat ay obserbahan rin ang kaniyang ikinikilos. Matamlay ba siya o masigla?
Tulad ng kung ang init ng katawan niya ay 103° F o 39°C ngunit siya ay masigla at umiinom ng maraming fluid o tubig, pwedeng alagaan at obserbahan muna ang bata sa bahay.
Ngunit kung ang temperatura niya ay 103° F o 39°C, siya ay matamlay, hindi kumakain o umiinom ng tubig, ang mga ito ay palatandaan na siya ay kailangan ng dalhin sa doktor o ospital para maiwasan ang dehydration.
Ayon naman kay Dr. Ari Brown mula sa American Association of Pediatrics o AAP, karamihan sa mga lagnat ng bata ay hindi naman medical emergencies.
Bagamat rekomendasyon niya kung ang isang 2 taong bata o higit pa ay may 104° F o 40°C na lagnat, mukhang matamlay at may lagnat ng higit sa 4 na araw na ay kailangan nang dalhin sa doktor.
Habang ang mga batang dalawang taong gulang pababa naman na 48 oras o dalawang araw ng may lagnat ay dapat ng agad na matingnan ng isang doktor.
Tandaan, sa mga sanggol na 2 buwan pababa, dapat ay dalhin na agad sila sa doktor kapag nagkaroon sila ng lagnat.
Kailangan ring pansinin kung ang lagnat ba ng iyong anak ay sinasamahan ng ibang sintomas tulad ng pagsusuka o hirap sa paghinga.
2. Rashes sa katawan
Ang rashes sa ilang parte ng katawan ng isang bata ay hindi rin dapat maging dahilan ng pag-aalala. Maliban nalang kung ang rashes ay bumabalot o kumalat na sa buong katawan niya.
Ayon kay Dr. Alfred Sacchetti, spokesman ng American College of Emergency Physicians o ACEP, may maaring gawin upang matukoy kung dapat na bang ipag-alaala ang rashes sa katawan ng isang bata.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpisil rito. Kung ang rashes ay saglit na namuti ng pisilin at muling namula noong binitawan mo wala ka daw dapat ipag-alala.
“If you touch the red rash and it blanches or turns white, then you let go and it turns red again, you usually don’t have to worry about it. Most of the virus rashes and allergic reactions, including hives, will do that.”
Kung ang rashes ay hindi namuti nang ito ay pisilin, sa halip ay naging kulay pula o nangingitim, maaring palatandaan ito ng seryosong kondisyon.
Lalo na kung ang mga rashes ay sinasabayan ng mataas na lagnat na pangunahing sintomas ng meningitis na peligroso para sa mga bata.
Isa pang palatandaan na medical emergency na ang rashes sa katawan ng isang bata ay kapag ito ay namamaga. Lalo na kung ang rashes ay matatagpuan sa kaniyang bibig o mukha.
At sinasabayan ito ng hirap sa paghinga na pangunahing sintomas ng anaphylactic reaction na isang life-threatening allergic reaction.
3. Pananakit ng tiyan
Kadalasan, pwede ring gamutin ang sakit ng tiyan ng bata sa loob ng bahay. Maliban nalang kung ang ito ay sinasabayan ng pagsusuka o pagtatae, lalo na kung ito ay nangyayari sa loob ng ilang araw na.
Maari kasi itong magdulot ng dehydration sa isang bata na pawang delikado para sa kaniya.
Kailan dapat dalhin sa ER ang bata kapag masakit ang tiyan o nagtatae, narito pa ang ilang sintomas na dapat bantayan:
- Mas madalang na pag-ihi o mas mababa sa 2 diapers ang nababasa niya sa isang araw.
- Malagkit o nanunuyong bibig.
- Umiiyak na walang luha.
- Nanlalalim o nangingitim na mga mata.
- Maputlang balat.
- Lubog o malalim na bunbunan.
- Lubog ang mga mata
- Pananamlay o biglang naging antukin.
4. Matinding sakit ng ulo
Ang sakit sa ulo ng bata ay madalas na nalulunasan ng mga over-the-counter pain relievers. Ngunit kung ang sakit ng ulo ng bata ay nakakaapekto na sa daily activities niya o nakaapekto sa kilos niya ay maaring napasakit nga nito na dapat ng ipaalam sa kaniyang doktor.
Hindi rin dapat isawalang bahala ang matinding sakit ng ulo na sinasabayan ng neurological symptoms. Tulad ng pagkalito, paglabo ng paningin, hirap sa paglalakad o panghihina ng kaniyang katawan.
Ang mga ito ay maaring palatandaan na siya ay may problema na sa kaniyang utak. Kung ang sakit ng ulo naman ay sinasabayan ng lagnat, pagsusuka, pagkalito, rashes at stiff neck ito ay maituturing narin na medical emergency na.
5. Injury o sugat sa mga bata
Ang sugat sa mga bata ay isa rin sa mga kondisyon na hindi niya maiiwasang maranasan. Madalas ito ay dulot ng kaniyang kakulitan o mga aksidenteng hindi inaasahan.
Bagamat ang pagdurugo ay talaga nga namang nakakabahala, hindi naman lahat ng sugat ay kailangang dalhin sa emergency room. Lalo na kung ang sugat ay tumigil na agad sa pagdurugo at hindi na sumasakit pa.
Ngunit kung ang sugat ay sasabayan ng mga sumusunod na sintomas, palatandaan na ito na siya ay kailangan nang dalhin na sa ER ang bata:
- Ang sugat ay namamaga.
- Nakakaranas ng labis na pananakit ang bata at hindi niya maigalaw ang parte ng katawan niya na may sugat.
- Na-deformed o naiba ang itsura ng parte ng katawan ng bata na may sugat.
Iba pang palatandaan ng emergency sa isang bata
Kailan dapat dalhin sa ER ang bata? Narito pa ang ilang pangyayari o sintomas na nangangailangan ng agarang medikal na atensyon:
- Nabulunan o na-choke
- Nahihirapang huminga
- Nahimatay o nagsuka dahil sa head injury
- Injury sa spine o sa leeg
- Matinding paso
- Seizure na tumagal ng 3-5 minuto
- Pagdurugo na hindi tumitigil
- Hirap gisingin ang bata
- Umuubo ng may dugo
- Nabalian ng buto
- Mabilis na tibok ng puso
- Malalim na sugat
- Hindi makapagsalita nang maayos ang bata (kung nagsasalita na siya ng diretso dati)
- Hindi makalakad nang maayos
- Pag-iiba ng kulay ng kaniyang balat (nagiging kulay blue o purple ito, lalo na ang mga kuko at labi)
BASAHIN:
#AskDok: Ano ang dapat gawin kapag nasugatan o nagalusan ang bata?
Takot pumunta ng ospital? Alamin kung bakit safe naman ito ayon sa doktor
Kombulsyon kapag nilalagnat: Ano ang dapat gawin?
10 bagay na dapat tandaan bago dalhin sa ER ang bata
Dahil nga sa panahon ngayon, ang pagdadala ng bata sa ospital ay hindi na ganoon kadali. Ayon sa AAP, narito ang ilang bagay na dapat mong pag-isipan bago mo dalhin ang iyong anak sa emergency room.
1. Saang ER mo dadalhin ang iyong anak?
Kung ang bata ay nag-aagaw buhay at nangangailangan ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon, isugod na siya sa pinakamalapit na ospital.
Subalit kung sa tingin mo ay mayroong konting oras para maghintay, mas makabubuting dalhin ang bata sa ospital kung nasaan ang kaniyang doktor. Ito ay para mas madaling makipag-ugnayan ang kaniyang pediatrician sa mga staff sa emergency room at masigurong ang mga gagawin sa iyong anak ay may pahintulot ng kaniyang doktor.
2. Mas magandang tawagan mo ang iyong pediatrician.
Kung hindi ka sigurado kung ang kondisyon ng iyong anak ay isang emergency, mas mabuting tawagan ang kaniyang doktor. Ito ay para mapayuhan ka niya kung dapat mo na bang dalhin sa ER ang bata o pwede pang maghintay para magpakonsulta sa kaniya sa susunod na araw.
Mas mainam kung aantayin ang consultation, dahil ang inyong pediatrician ang may medical file ng iyong anak at nakakaalam ng kaniyang medical history.
Pero kung kailangan nang dalhin sa ospital ang bata, tawagan pa rin ang kaniyang doktor para mabigyan niya ng instructions ang ER staff at ang attending physician ng iyong anak.
3. Pwede na bang bigyan ng gamot ang bata sa bahay?
Pwede mo namang bigyan ng over the counter na gamot sa lagnat at pain reliever ang iyong anak bago kayo magtungo sa ER. Makakatulong kasi ito para maibsan ang mga sintomas na nararamdaman ng bata at mas magiging madali ang pagsusuri sa kaniya.
Tandaan lang kung anong oras mo siya pinainom ng gamot at kung ilang dosage ang binigay mo, dahil siguradong tatanungin ito sa iyo sa ER.
4. Maging kalmado at kausapin ang iyong anak
Kapag nakikita ng bata na kinakabahan o nagpa-panic ka, lalo siyang matatakot. Maaring patindihin ng anxiety ang nararamdamang sakit ng bata.
Ikaw ang inaasahan ng anak mo na tulungan siya sa panahong ito, kaya dapat ay maging mahinahon at pakalmahin mo ang iyong sarili. Kung hindi mo kayang gawin ito, magsama ng isa pang adult papunta sa emergency room.
Kausapin rin ang bata kung ano ang dapat niyang asahan pagdating sa ospital. Maging sensitibo rin sa mga salitang iyong pipiliin. Huwag magsinungaling sa kaniya kung makakaranas siya ng sakit sa mga test.
Pero ipa-intindi mo na kailangan ang mga pagsusuring ito para gumaling siya, at ginagawa ng mga nurse ang trabaho nila para matulungan siya.
Iparamdam mo rin sa kaniya na hindi niya dapat mabahala dahil hindi mo siya pababayaan.
5. Huwag isama ang ibang anak
Kung maari, iwasang isama sa ER ang mga batang walang sakit. Humanap na lang ng ibang taong mapagkakatiwalaang magbantay sa mga bata sa bahay.
Sa ganoon, makakapag-focus ka sa pangangailangan ng anak mong may sakit, at hindi na kailangan pang maghintay ng kaniyang mga kapatid sa ospital. Maiiwasan rin nilang ma-expose sa virus at ibang sakit na maari nilang mapulot sa labas ng bahay.
Emergency room. | Larawan mula sa Pexels
6. Anu-ano ang mga bagay na dapat mong dalhin?
Makakabuti kung alam mo ang mga sumusunod na impormasyon dahil paniguradong tatanungin ka nito ng mga staff sa ER”
- Health insurance (kung mayroon)
- Pangalan ng mga doktor ng iyong anak at ang kanilang contact number
- Kung mayroon bang allergies ang bata
- Nakaraang medical history. Mayroon ba siyang hika? Na-operahan na ba siya dati?
- Listahan ng kaniyang mga iniinom na gamot, kabilang na ang mga binigay mong over-the-counter medicines, home remedies at vitamins. Tandaan rin ang dosage at kung kailan sila huling uminom nito
- Ang pangyayari bago mo dalhin ang anak mo sa ER. Kung mataas ang lagnat niya, ano ang huling temperature ng bata at anong oras mo kinuha ito? Kapag nagsuka siya, anong kulay ng suka niya. Kung nagtatae siya, ilang araw na siyang nagtatae? Kapag naaksidente siya, paano nangyari ang aksidente?
Mahalaga rin na tandaan mo kung anong oras huling kumain ang iyong anak. Karamihan kasi ng mga ER, hindi pinapayagan ang pasyente na kumain hangga’t sabihin ng doktor na pwede. Ang dahilan dito ay mayroong procedures o medications na nangangailangang gawin o inumin nang walang laman ang tiyan.
Kung nagugutom ang iyong anak, tanungin muna ang ER nurse kung pwede mo siyang bigyan ng pagkain o painumin ng tubig man lang.
7. Hayaan silang magdala ng isang gamit.
Kung mayroong paboritong laruan ang iyong anak na maaring magpagaan sa kaniyang loob habang sinusuri siya, hayaan siyang dalhin ito. Makakatulong ito para magbigay ng comfort sa bata at mabawasan ang pag-aalala niya. Pwede rin siyang pagdalhin ng kaniyang paboritong unan o libro para mawala sa isip niya ang takot ng pagpunta sa ospital.
8. Hindi ito first come, first serve.
Pagdating sa ER, tatanungin agad kung ano ang dahilan kung bakit mo dinala ang iyong anak, at susuriin siya. Pagkatapos nito, maari kayong pakiusapan na maupo muna at maghintay, bago gawin ang mga pagsusuri at kausapin ng attending physician.
Tandaan, karamihan ng dinadala sa emergency room ay nangangailangan ng agarang medikal na atensyon. Natural lang na mag-aalala ka sa sitwasyon ng iyong anak, pero kung naghihintay kayo sa inyong turn, maaring senyales ito na hindi ganoong kalala ang sitwasyon ni baby at mayroong mas nangangailangan ng atensyon ng doktor.
Paalala rin, kung mayroong kailangang blood test o x-ray na gawin, maaring matagalan ang pagproseso ng mga resulta nito. Kaya konting pasensya lang.
Pero kung sa palagay mo ay lalong nagiging malala ang kondisyon at sintomas ng iyong anak, huwag mahiyang tawagin ang nurse o hospital staff.
9. Huwag mahiyang magsalita at magtanong.
Bilang magulang, ikaw ang inaasahan ng anak mo na maiparating ang kaniyang pangangailangan. Kung sa palagay mo ay nakakaranas ng matinding sakit ang bata, ipaalam ito agad sa ER staff.
Huwag matakot na magsalita kung ano sa palagay mo ang nararamdaman ng iyong anak, at huwag mahiyang magtanong kung mayroon kang hindi maintindihan sa mga proseso.
Gayundin, ikaw ang pinakanakakakilala sa iyong anak. Kaya kung sa tingin mo ay hindi pa handang umuwi ang bata at kailangan pa ng karagdagang pagsusuri, iparating ito sa mga doktor.
Asahang maraming doktor at taong magtatanong tungkol sa kaso ng iyong anak, kaya habaan ang iyong pasensya kahit ilang beses mo nang sinagot ang kanilang mga tanong. Mas mabuti ito para masigurong tama ang diagnosis at lunas na maibibigay sa bata.
10. Kumonsulta pa rin sa inyong pediatrician.
Kung hindi kailangang i-admit o manatili sa ospital ang bata, pauuwiin rin kayo kapag nasiguro nilang maaring gamutin sa bahay ang kaniyang karamdaman.
Mag-schedule pa rin ng appointment o tawagan ang pediatrician ng iyong anak sa susunod na araw, para mas maintindihan ang diagnosis at malaman kung anong dapat gawin. Gayundin, mas mabuting matingnan pa rin ang iyong anak ng kaniyang pediatrician para masuri ang kaniyang lagay.
Tandaan, sa anumang bagay na may kinalaman sa kalusugan ng iyong anak, huwag mahiyang tumawag o kumonsulta sa kaniyang doktor.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Family Doctor, WebMD, Medline Plus, Healthy Children.org
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!