“May nagtanong sa akin kung tinutulungan ko ang aking kapatid sa kanyang mga needs. Yung gatas ng baby? Diaper? Hindi ko bibilhan ‘yun. Dapat gawain iyan ng kanilang magulang.”
Ito ang naging pahayag ng content creator na si @hannah060519 sa isang viral na TikTok video na agad umani ng atensyon online. Sa naturang video, diretsahan niyang ibinahagi ang kanyang paninindigan: kahit may kakayahan siyang tumulong, hindi niya tinutustusan ang pangunahing pangangailangan ng anak ng kanyang kapatid tulad ng gatas, diaper, at iba pang essentials.
Sa halip, pinipili niyang magbigay ng mga bagay na gustuhin lamang ng bata, gaya ng mga damit, laruan, o paminsan-minsang shopping. Para sa kanya, ang pagbibigay ng mga ito ay isang uri ng pagmamahal bilang tita, ngunit hindi nito dapat palitan ang obligasyon ng magulang.
Hindi raw ito tungkol sa pagiging madamot, kundi tungkol sa pagtuturo ng pananagutan. Para kay Hannah, kung lagi na lang may aako sa responsibilidad ng magulang, kailan pa matututo ang mga ito na tumayo sa sariling paa?
Reaksyon ng Netizens
Hindi nagtagal ay umani ng iba’t ibang reaksyon online ang pananaw ni Hannah. May mga sumang-ayon at nagsabing tama lang ang ginagawa niya. Ang pagiging magulang ay isang responsibilidad na hindi dapat iasa sa iba, at hindi siya dapat ituring na madamot sa pagpili ng mga tinutulungan.
Sa kabilang banda, may mga hindi sang-ayon sa kanyang paninindigan. Para sa iba, kung may kakayahan ka ring tumulong, mas mainam na ituon ito sa mga bagay na talagang mahalaga, lalo na sa mga pangunahing pangangailangan ng bata.
Sa gitna ng diskusyong ito, lumitaw ang mas malalim na tanong: Kailan ba talaga angkop ang pagtulong, at kailan ito nagiging hadlang sa pagkatuto ng isang magulang?
Ano ba ang Essentials?
Ang mga essentials o pangunahing pangangailangan ng bata ay mga bagay na hindi puwedeng ipagpaliban:
-
Nutrisyon: gatas, pagkain
-
Malinis na damit at diaper
-
Edukasyon at access sa health care
-
Tahanan at kaligtasan
-
Atensyon at aruga mula sa magulang
Ayon sa mga eksperto, ito ang pundasyon ng isang ligtas, masaya, at malusog na bata. Kaya nararapat lang na ang magulang ang pangunahing nagbibigay ng mga ito, hindi ang ibang tao.
Kailan Nagiging Spoiling ang Pagtulong?
Hindi masama ang magbigay ng mga “wants” o luho lalo na kung may kakayahan ka. Ngunit nagiging problema ito kapag:
-
Lahat ng gusto ng bata ay agad ibinibigay
-
Walang natututunang maghintay o magsumikap
-
Naiiwasan ng magulang ang tunay na responsibilidad
Ang pagtulong ay nagiging spoiling kapag inuuna ang wants kaysa sa needs, at kapag hindi natuturuan ang bata ng tamang values tulad ng pagtitiyaga, disiplina, at pagpapahalaga sa mga bagay.
Para sa Magulang, Tita, Tito, Lola, Lolo, at Kaibigang Malapit sa Bata
Hindi lahat ng tulong ay pare-pareho ang epekto. Minsan, ang kagustuhang tumulong ay nagiging dahilan para mawalan ng saysay ang pagiging magulang. At kung hindi maayos ang boundaries, nagiging palaasa ang ilan.
Tumulong kung gusto mo, pero huwag akuin ang responsibilidad na para sa magulang.
Ang tunay na suporta ay hindi laging pagbibigay, minsan, ito ay pagtuturo. Hindi natin kailangang palitan ang tungkulin ng magulang para lang masabing tayo ay “tumutulong.”
Final Thoughts
Ang pahayag ni Hannah ay hindi para manghusga, kundi para magmulat.
Kung isa kang magulang, tita, lola, o kaibigang madalas tinatawagan sa oras ng pangangailangan, itanong mo sa sarili mo:
Tumutulong ba ako para maturuan silang maging responsable, o ako ba mismo ang pumipigil sa kanilang matuto?
Ang tunay na pagmamalasakit ay hindi lang nasusukat sa dami ng binibigay, kundi sa kung paano tayo tumutulong upang mapatatag ang kakayahan ng iba.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!