Allergy sa bata: Mga karaniwang sanhi nito

Allergy sa bata: Mga karaniwang sanhi nito

Hindi lamang limitado sa alikabok o pagkain ang mga sanhi ng allergy sa mga bata. Alamin ang mga karaniwang sanhi nito at kung paano maiwasan.

Maraming sanhi ng allergy na hindi natin alam. Ang mga allergens na tinatawag ay maaaring nasisinghot, nakakain o nakukuha mula sa kagat o injection, o dumadaan sa balat.

Ang mga karaniwang allergen ay pollen mula sa mga puno (o dahon), weed, molds, damo, alikabok (dust mites) na nakaipon sa carpet o air-conditioning, balakubak o scales mula sa pusa, aso, kabayo, rabbit, ilang pagkain (lalo na ang nuts, itlog, talong, berries, atbp) at gamot (aspirin, atbp), venom mula sa kagat ng insekto.

Karaniwang nasa dugo at namamana ang allergies. Kung may allergy ang magulang, malamang ay magkakaron din ang isa o lahat ng mga anak, lalo na kung ang parehong magulang ay mayron.

May humahatsing lamang, at mayron ding hindi nakakahinga, at mayron ding naglalabasan sa balat (namamantal, nangangati o namamaga).

Ano nga ba ang mga iba’t ibang allergic conditions?

1. Rashes, makating patse sa balat, o contact dermatitis

Kapag may lumabas na mga pamumula sa balat sa iba’t ibang parte ng katawan, dahil sa pagkaka-expose o paghawak sa isang allergen, ito ang tinatawag na allergic contact dermatitis.

Karaniwang sanhi ay “contact” sa nickel, o mga metal na gamit sa mga alahas (lalo na hikaw) o butones, poison ivy, mga ingredients sa cosmetics, sabong panlaba (na nalilipat dahil sa damit), shampoo, pabango, mouthwash at toothpaste, mouthwash at toothpaste, kemikal sa dye na gamit sa sapatos, gamot na gamit sa balat tulad ng neomycin (isang antibiotic), antihistamines, at anesthetics (mga pampamanhid), pagkain tulad ng itlog, gatas, mani, wheat, seafood, at strawberries, kagat ng insekto, laway ng mga hayop, viral infections.

Sintomas: Labis na pangangati, labis na pamumula ng balat o makapal at butlig butlig na patse sa balat, at minsan ay maliliit na pantal sa balat. May pamamaga na tinatawag na angioedema. Ito lumalabas sa balat sa paligid ng mata, bibig, at genitals. Sa mga sanggol, lumalabas ito sa pisngi, likod ng tainga, dibdib, likod, braso, mga binti at singit.

Ang mga sanggol ay mas “prone” sa skin allergies kaysa sa mga matatanda, at hindi dapat ipinagwawalang-bahala.

2. Anaphylaxis

Ito ay isang malubhang allergic reaction at mabilis na lumalala, na kapag hindi naagapan ay maaaring kumitil ng buhay. Ang mga allergen ay pagkain, gamot, kagat ng insekto, latex, atbp.

Sintomas: Pangangati ng balat, hirap sa paghinga sanhi ng pamamaga ng lalamunan o dila, pagsusuka, pagkahilo, at mababang presyon, at maaaring lumala o kumalat kaagad.

3. Hika

Namamana ang hika, at nati-trigger ng usok ng sigarilyo, viral infections, pollen, alikabok o dust mites sa carpet, kama, unan, air-conditioning, atbp., mga mabalahibong hayop tulad ng pusa o aso, malamig na panhon o hangin, pagpapalit ng panahon (biglang init o biglang lamig), pag-eehersisyo, at maski stress ay sanhi ng hika.

Sintomas: pag-ubo, wheezing at hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib.

4. Eczema o atopic dermatitis

Ang mga food allergies ay nakakapagpalala dito, pero hindi ito ang tanging sanhi. Nati-trigger ito ng mga allergens at irritants tulad ng pawis, o labis na tuyong balat, at lumalala dahil sa impeksiyon.

May mga allergens sa hangin o paligid tulad ng alikabok at usok, pagpapalit ng panahon, o exposure sa biglang init o biglang lamig. May mga allergies din sa pagkain na maaaring hindi direktang kinakain ng bata pero nakukuha mula sa breastfeeding. Nariyan din ang mga allergen mula sa sabon, shampoo, lotion, oil, atbp.

Sintomas: Sa mga sanggol, ang eczema ay mapapansin sa pamamagitan ng dry at kumakapal na patse sa balat, maaaring mapula na umiitim sa paglaon, pangangati, na nagkakaron ng matubig tubig na pantal. Madalas ito ay nasa isang bahagi lang ng katawan—anit, binti, likod, braso, at minsan ay kumakalat din. Namamana ang ezcema, at walang tuluyang gamot para dito.

Paano maiiwasan ang paglala ng allergy?

Kapag may skin allergy ang mga sanggol, ayon kay Dr. Divya Monnappa, isang Specialist Dermatologist sa Aster Clinic sa Dubai, iwasan ang paggamit ng karaniwang sabon sa balat ng bata. Maraming mga sabon, lalo na ang “scented”, ang nakakasama dahil tinatanggal nito ang natural na oil sa balat, kaya’t nagiging tuyo ito, at nagiging mas makati.

Payo ni Irene Manilay, ang pinakamadaling gawin ay maglagay palagi ng moisturiser na nireseta ng dermatologist o allergist. Namana kasi ng panganay niyang anak ang ezcema ng kaniyang asawa, kaya’t maaga pa lang ay naikonsulta na nila ito sa doktor. May mga emolients din na maaaring ipahid pagkaligo. Espesyal din ang sabong panligo ng kaniyang anak, tulad ng Eucerin at Cetaphil.

Kailangang ikunsulta sa doktor ang gagamiting sabon at moisturiser sa bata, at hindi basta bastang pinili mula sa tindahan dahil lang iyon ang naisipang bilhin o kaya ay dahil mas mura.

Siguraduhing malinis ang bahay palagi, at walang mga insekto, tulad ng langaw, lamok, surot, atbp. Kung may air-condition sa bahay, linisin din ito ng regular para hindi manatili ang allergens tulad ng alikabok.

Panatilihing komportable at balanse ang temperatura sa kuwarto ng sanggol, at sa buong bahay din.

Siguraduhing may listahan ng mga pagkaing may allergens para maiwasan ang pagkain nito. Basahin ang mga ingredients ng pagkain, shampoo, sabon, atbp, para masiguradong walang allergen na makakapagpalala sa kondisyon.

Komportable at bagay sa panahon ang ipasuot na damit sa bata para maiwasan ang pagpapawis. Tanging mga malalambot na cotton at preskong damit ang ipasuot sa bata.

Bago magpakain sa bata, subukan muna ng kaunti, at hintayin kung may reaksiyon. Paisa-isa lamang: saging muna sa isang kainan, kaunting mani o may sahog na mani sa susunod, hanggang sa makita kung may lalabas na sintomas. Kailangang maobserbahan kung ano ang nagsisimula ng allergic reaction para mawaksi kaagad ito sa bahay.

Mahirap man gawin, kailangang mapigilan ang bata na magkamot dahil nakakapagpalala ito. Pasuutin ng hand mittens lalo na kapag tulog. Panatilihing nagupit ang kuko ng bata.

Iwasan ang mahabang oras ng pagapapaligo sa bata. Nakakatuyo ito ng balat.

Ilayo ang bata sa mga usok.

Huwag munang mag-alaga ng hayop, lalo sa loob ng bahay.

Maging alerto sa pagpansin sa mga sintomas, lalo na sa impeksiyon. Kung makakita ng pagtutubig,pantal, o pamumula sa balat, labis na pangangati, o anumang sintomas, ikunsulta agas sa doktor.

Kumunsulta sa doktor (allergist o allergologist) o pediatrician sa unang makitang sintomas pa lamang, para mabigyan ang bata ng ligtas at epektibong gamot.

SOURCES:
WebMD Medical Reference Reviewed by Amita Shroff, MD on October 21, 2016
Dr. Divya Monnappa, Specialist Dermatologist sa Aster Clinic, Al Barsha, Dubai
Allergies in Children (Copyright ? 1997 American Academy of Pediatrics, Updated 4/2013)

READ: Fish oil during pregnancy lessens allergy risk in kids

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner