Mga magulang, narito ang mga dapat niyong malaman tungkol sa food allergy sa bata.
Mababasa sa artikulong ito:
- Food allergy sa bata – ano ang mga posibleng sanhi nito?
- Karaniwang food allergies sa mga bata.
- Anong sasabihin ng bata na maaaring dahil sa food allergy
Mayroon talagang mga bata na mapili sa pagkain, lalo na pagdating sa mga gulay.
Pero minsan, walang kinalaman ang pagiging mapili sa pag-ayaw ng bata sa mga pagkain. Kapag napansin mo na si baby ay umaayaw sa pagkain at nagiging balisa siya matapos kainin ito, posibleng mayroon siyang food allergy sa bata.
Ayon sa Food Allergy Research and Education, 1 sa 13 bata ang allergic sa isang uri ng pagkain. At 40 porsyento sa mga bata na ito ay nakaranas na ng matitinding reaksyon dahil sa kanilang food allergy.
Ang problema, karamihan ng mga magulang, walang ideya na may allergy pala ang anak nila sa pagkain. Hanggang makasubok ang bata at magkaroon ng allergic reaction dito. Kaya naman mahalaga na malaman natin, pati na rin ang mga nag-aalaga sa ating anak, kung mayroon silang food allergy sa bata, at kung ano ang mga senyales nito.
Minsan, ang mga sintomas ng food allergy sa bata ay maaaring hindi agad mapansin, kaya’t mahalaga ang maagang pagkilala. Kung ang isang bata ay madalas na may mga sintomas tulad ng pangangati, pamumula, o pamamaga matapos kumain, maaaring ito ay senyales ng food allergy.
Sa susunod na bahagi ng artikulong ito, tatalakayin natin ang mga karaniwang uri ng food allergy sa bata at ang mga hakbang na maaaring gawin upang maiwasan ang mga potensyal na panganib na dulot nito.
Food allergy sa bata at posibleng sanhi nito
Kapag ang katawan ay may abnormal na reaksyon sa isa o higit pang uri ng pagkain, ang kondisyon ay tinatawag na food allergy.
Image source: iStock
Nangyayari ang food allergy kapag ang sensitibong bata ay na-expose sa partikular na pagkain kahit isang beses bago ang allergy episode. Maaari rin ma-expose ang mga bata dito sa pamamagitan ng breast milk.
Ang nga sintomas ay lumalabas sa pangalawang beses nilang kainin o inumin ang partikular na pagkain. Ang Immunoglobulin E (IgE) antibodies ay nagre-react sa pagkain para mag-release ng histamines na nagdudulot ng problema sa paghinga, diarrhea, pangangati sa bibig, pagpapantal, asthma, at pananakit ng tiyan.
Kahit sino ay maaaring magkaroon ng food allergy, pero mas mataas ang posibilidad para sa mga taong:
- May family history ng food allergies. Kung isang miyembro ng pamilya ang mayroong asthma o allergic diseases gaya ng food allergy, eczema at seasonal allergies, posibleng magkaroon rin nito ang bata. Kaya kung ikaw o pareho kayo ng iyong asawa ay may allergy sa pagkain, mas mataas ang posibilidad na magkaroon rin ng food allergy si baby.
- Iba pang karanasan. Ayon sa research, ang mga batang ipinanganak sa pamamagitan ng cesarean delivery ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng food allergies. Gayundin, ang pag-introduce ng mga karaniwang allergens sa bata nang maaga ay nakakabawas raw sa posibilidad ng pagkakaroon ng food allergy.
- Gut bacteria. May iba namang pag-aaral ang nagsasabing ang mga taong allergic sa mani o may seasonal allergies at may mataas na bacteria sa kanilang tiyan. Inaalam pa ng mga scientists kung makakatulong ang paggamot sa gut bacteria para mawala ang allergies.
Maraming bata ang kusang nalalampasan ang pagkakaroon ng food allergy.Kadalasan ay naa-outgrow o nakakalakihan lang rin naman ng bata ang allergy bago sila umabot ng edad na 5. Ngunit ang allergy sa ilang pagkain tulad ng isda, mani, shellfish at tree nuts ay maaaring pang-habangbuhay na.
Ayon sa pananaliksik na isinagawa ng National Institute of Allergy and Infectious Disease, napatunayan na walang kinalaman ang dami ng nakain na pagkain. Kahit pa 1/44,000 na mani ay maaaring magdulot ng allergic reaction sa mga sensitibong tao.
Mga sintomas ng food allergy sa bata
Bawat bata ay maaaring makaranas at magpakita ng iba’t ibang sintomas ng food allergy. May mga bata na nakakaranas lang ng mild na sintomas, at mayroon rin namang nangangailangan ng agarang medikal na atensyon dahil sa kanilang kinain.
Ang food allergy ay maaaring makaapekto sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
- balat
- gastrointestinal tract
- respiratory system
- cardiovascular system
Maaaring magsimula ang sintomas ilang minuto o oras matapos kainin ang pagkaing nagti-trigger ng kanilang allergy. Narito ang ilang sa mga karaniwang sintomas sa mga bata:
- Pagsusuka
- Pagtatae
- Pulikat
- Pamamantal
- Pamamaga
- Eczema
- Pangangati o pamamaga ng mga labi
- Pangangati o paninikip ng lalamunan
- Hirap sa paghinga
- Wheezing
Samantala, posible rin naman ang pagkakaroon ng matindi at life-threatening ang reaksyon ang katawan sa isang allergen, o tinatawag na anaphylaxis.
Maaaring pareho ang sintomas na lumabas subalit mabilis itong tumindi. Ang anaphylaxis ay maaaring mangyari sa loob ng ilang segundo, minuto o oras matapos ma-expose ang bata sa allergen.
Narito ang ilang sintomas na dapat bantayan:
- Paninikip o pamamaga ng lalamunan, dila o ngalangala
- Halak o hirap sa paghinga
- Pakiramdam na nababalisa at hindi mapakali
- Pantal na kumakalat sa buong katawan
- Matinding pangangati ng balat
- Pagkahilo at pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Hirap kontrolin ang pag-ihi
- Irregular na pagtibok ng puso
- Pagbaba ng blood pressure
Kapag ganito ang mga sintomas na napansin sa iyong anak, huwag nang maghintay at dalhin na agad siya sa emergency room.
Isa pang bagay na dapat malaman ng mga magulang tungkol sa food allergy sa bata ay madalas, hindi nila alam na nagkakaroon na sila ng allergic reaction o hindi nila maipaliwanag ang kanilang mga sintomas. Kaya naman responsibilidad mo na iinterpret ang nararamdaman ng bata.
Maaaring nakakaranas ng allergic reaction ang bata kapag nagsabi silang:
- “Parang may nakabara sa lalamunan ko.”
- “Ang laki/ang kapal ng dila ko.”
- “Makati ang bibig ko.”
- “Parang umiikot ang pakiramdam ko.”
Dagdag pa rito, ang ilang sintomas ng food allergy ay maaaring mapagkamalang ibang problemang medikal. Makakabuting magpakonsulta sa pediatrician para sa accurate na pagsusuri.
Ilang pagkain na nagdudulot ng karaniwang food allergy sa mga bata
Image source: iStock
Maraming pagkain ang maaaring magdulot ng allergy. Pero narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang trigger ng food allergy sa mga bata:
1. Gatas
Tinatayang 2 hanggang 3% ng mga sanggol ay mayroong allergy sa gatas. Lalo na sa cow’s milk na pangunahing sangkap sa mga baby food products.
Kung tingin ay nagiging maselan si baby sa gatas, makakabuting magpakonsulta agad sa doktor. Maaaring allergic siya sa protein sa gatas ng baka.
Gayundin, ang mga batang allergic sa cow’s milk ay posibleng may allergy rin sa gatas ng kambing, tupa, at soy milk. Tanungin ang inyong doktor sa kung ano ang mga maaaring alternatibo.
Mas mabuting tandaan na iba ang allergy sa gatas sa lactose intolerant. Ang lactose ay ang sugar na makukuha sa gatas at walang kaugnayan sa milk allergies.
2. Itlog
Kapag may allergy sa itlog, ibig-sabihin na ang immune system ng bata ay may reaksyon sa protein na matatagpuan sa puti ng itlog. Nababasa ng katawan ang protein na ito bilang invader kaya naglalabas ng histamine bilang panlaban, na nagdudulot ng allergic reaction.
Kabilang sa mga sintomas ang pamamaga o pagluluga mga mata, pag-ubo, wheezing, at pagbaba ng blood pressure.
Nakikita ang allergy na ito sa mga mura ang edad na inaasahang kalakihan ito pagdating ng limang taong gulang. Subalit, may ilang bata na nananatiling allergic sa itlog buong buhay nila. Inirerekomenda na simulan muna na pakainin ng egg yolk ang bata, tsaka bigyan ng puti ng itlog matapos ang isang taon.
Ipaalam agad sa pediatrician ng iyong anak kung makakapansin ng allergic reaction sa bata matapos kumain ng puti ng itlog.
3. Mani
Ang allergy sa mani ay maaaring magdulot ng matinding anaphylaxis sa mga bata matapos magsimula sa pangangati at pagpapantal. Pinakakaraniwang uri ng mani na allergic ang mga bata ay peanuts.
Ang pag-iwas sa pagkain ng mga may mani bilang pinakamabisang paraan para maiwasan ito. Ugaliing basahin ang mga sangkap na naka-lista sa food packaging.
4. Wheat
Kung napansin mo ang mga sintomas ng food allergy tulad ng pagpapantal o pananakit ng tiyan pagkatapos kumain ng iyong anak ng cereal, tinapay o pasta, maaaring mayroon siyang wheat allergy.
Karaniwan ang wheat allergy sa maraming bata, pero dalawa sa tatlong bata na nagkakaroon nito ay nakakalakihan ang food allergy na ito bago dumating sa edad na 12.
5. Seafood
Kung biglang nakaramdam ang bata ng pangangati sa kaniyang bibig, nagpantal o sumakit ang tiyan pagkatapos kumain ng hipon o alimango, maaaring allergic siya sa seafood o shellfish.
Pagdating sa shellfish, posibleng lumabas agad ang mga sintomas mula sa paghawak lamang ng shellfish o paghinga ng vapours na dulot ng pagluluto ng shellfish.
6. Soy
Sa maliliit na bata, isa ang soy sa mga pinakakaraniwang food allergens. Kadalasan, mapapansin ang allergic reaction sa mga sanggola at maliliit na batang 3-taong-gulang pababa. Pero makakalakihan naman nila ito kaagad.
Makakabuti para sa mga magulang na alamin kung mayroong allergy sa soy ang kanilang anak dahil kadalasan ay isa itong sangkap sa infant formula o gatas ng mga bata.
Gamot sa food allergy sa bata
Image source: iStock
Hindi posible ang pag-iwas sa food allergies. Payo ng mga pediatrician, dapat iwasan ang mga pagkain na may allergens o nagdudulot ng mga sintomas.
Kung may matinding allergic reaction ang bata, maaaring magreseta ang doktor ng gamot na may kemikal na epinephrine. Huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor para kung mayroon kang tanong tungkol sa food allergy sa bata.
Breastfeeding at food allergies sa bata
Kung nagpapadede ka, dapat mo bang iwasan ang pagkain na allergic ang anak mo?
Ayon kay Jay Lieberman, MD, isang allergist at pinuno ng American College of Allergy, Asthma & Immunology Food Allergy Committee, wala namang sapat na ebidensyang kapag kumain si mommy ng pagkain na allergic si baby, na mapapasa ito sa gatas at magkakaroon ng allergic reaction ang bata.
“There is little evidence that if a mother eats a food that the child is allergic to, that this will lead to a reaction in the child,” aniya.
Subalit may ilang pag-aaral pa rin na nagsasabing maaaring magkaroon ng allergic reaction si baby sa kinain ni mommy kung may allergy siya rito.
Kaya para makasiguro, mas mabuting iwasan muna ang mga pagkaing maaaring magtrigger ng allergies sa iyong anak habang nagpapadede ka o hanggang kaniyang unang kaarawan.
Paano malalaman kung may food allergy si baby?
Ayon sa pinakabagong nutrition guidelines mula sa American Academy of Pediatrics, pwede namang ma-introduce ang mga allergy-causing foods kapag ready nang kumain ng solids si baby. Sumasang-ayon rin dito ang American Academy of Allergy, Asthma, and Immunology.
Walang ebidensya na nagsasabing dapat antayin pa na lumaki si baby para ibigay ito para makaiwas sa allergy.
Mas mabuti kung mas maaga mong malaman kung may allergy si baby sa pagkain para maiwasan mong ibigay ulit ito at hindi siya magkaroon ng allergic reaction.
Bukod sa pagbantay sa mga sintomas na nabanggit sa itaas, makakatulong ang paisa-isang pag-introduce ng solid foods kay baby.
Dahil kung hindi paisa-isa ang pagkain na ibinibigay kay baby, mas mahirap matukoy kung alin sa mga ito ang nagdulot ng allergic reaction. Halimbawa, kung tatlong klase ng pagkain ang ibinigay mo sa isang araw, hindi mo agad malalaman kung alin sa mga iyon allergic si baby.
Ang uri ng pagkain o kung kailan ito ini-introduce kay baby ay hindi naman mahalaga, basta’t masustansiya ito para sa kaniya. Tuwing mag-ooffer ka ng bagong pagkain kay baby, ito ang ibigay mong food sa loob ng 3 hanggang 5 araw. Maghintay ng ganoon katagal bago mag-introduce ng bagong uri ng pagkain.
Pwede mo namang ulitin ang pagbibigay ng isang pagkain kung hindi naman siya nagkaroon ng allergy rito noon.
May paraan ba para maiwasan ang food allergy sa bata?
Sa ngayon, ang pinakamainam lang na paraan para maiwasan ang food allergy sa mga bata ay ang pagpapadede sa kanilang sa loob ng hindi bababa sa 4 hanggang 6 na buwan. Iwasan rin ang pagbibigay ng solid food kay baby kapag wala pa siyang 6 na buwan.
Gayundin, kung mayroon kang allergy sa pagkain, maging mas maingat sa pagbibigay ng mga pagkaing ito sa iyong anak, at bantayan kung magkakaroon rin siya ng allergic reaction dito.
Ugaliin din ang pagbabasa ng mga food labels para malaman kung mayroon itong ingredient na makaka-trigger ng food allergy ng bata.
Kung sa palagay mo ay maaaring mayroong allergy sa pagkain ang iyong anak. Huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa kaniyang pediatrician para malaman kung ano ang pwede mong gawin para ingatan siya.
Source:
Hopkins Medicine, Healthline, ACAAI
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!