Kailan pwedeng pakainin ang baby? Narito ang mga dapat mong malaman tungkol sa paksang ito.
Habang lumalaki si baby, lalo tayong nasasabik na maabot niya ang kaniyang milestones, gaya ng unang beses niyang maupo, unang beses niyang magsalita, at pati na rin ang unang beses niyang kumain.
Sa unang 6 na buwan ng sanggol, inirerekomenda ng mga pediatrician na eksklusibong breast milk lamang ang ibigay sa kaniya. Ngunit, marami rin ang nagsasabi na maaari nang kumain ng solid food ang mga sanggol mula 4 buwang gulang.
Subalit paano mo nga ba malalaman kung handa na si baby na kumain ng solid food?
Kailan puwedeng pakainin ang baby ng solid food?
Naniniwala ang mga pediatrician at mga eksperto na dapat hintayin na mag-6 na buwan ang sanggol bago siya simulang bigyan ng solid food.
Nirerekomenda ng American Academy of Pediatrics, World Health Organization, at iba pang health organizations na ang bata ay maging exclusively breastfed (ibig-sabihin ay gatas lang ang tanging pagkukunan nila ng sustansya) ang mga bata sa unang 6 na buwan ng kanilang buhay.
Subalit pagdating ng kanilang ika-4 na buwan, may mga sanggol na nagpapakita na ng mga senyales na handa na silang magsimulang kumain ng solids.
Nakadepende rin ito sa maturity ng digestive tract ng sanggol. Bagamat mahirap malaman kung mature o developed na ang digestive system ni baby, may mga pag-aaral na nagsasabing pagdating ng 6 na buwan ay nababawasan na ang mga sakit na maaring makuha ng isang sanggol.
Masyadong maliit si baby – dapat bang pakainin na siya?
Isa sa mga madalas na rason ng ilang magulang kung bakit maaga nilang pinapakain ang kanilang sanggol ay dahil maliit ito. Subalit ayon sa mga pag-aaral, hindi naman makakatulong ang maagang pagbibigay ng solids sa kaniyang pagdagdag ng timbang.
Sa katunayan, ang breast milk ay mas maraming calories at sustansya kumpara sa anumang pagkain na ibibigay mo kay baby. Gayundin, lumabas sa pag-aaral na sa mga batang 6 na buwan pataas, hindi nakakadagdag sa total intake ni baby ang pag-inom ng gatas sa bote.
Bukod dito, nirerekomenda na ang mga batang mas mabagal na weight gain ay tumigil muna sa solids, at magpadede nang mas madalas.
Mga senyales na ready na si baby kumain ng solid food
Pagdating ng ika-4 hanggang ika-6 na buwan ni baby, maaring mapansin sa kaniyang ikinikilos na handa na siyang kumain ng solid food. Narito ang ilang senyales na pwede mong bantayan:
Larawan mula sa Unsplash
-
Kaya na niyang umupo nang hindi masyadong inaalalayan.
Dapat ay kaya na ni baby na maupo sa kaniyang high chair o infant seat nang hindi na gaanong sinusuportahan ng iba ang kaniyang likod, at kaya na rin niyang suportahan at kontrolin ang ulo at leeg niya.
-
Nagpapakita siya ng interes sa pagkain.
Halimbawa, maaring madalas niyang tinitingnan ang pagkain, sinusubukang abutin ito o kaya naman binubuka ang kanilang bibig kapag may pagkain sa paligid niya.
-
Nawawala na ang kaniyang tongue-thrust reflex.
Ang mga babies ay mayroong tinatawag na extrusion o tongue-thrust reflex na ginagawa na nila mula pa noong nasa sinapupunan sila.
Ang reflex na ito ang pumoprotekta sa sanggol para hindi siya masamid o mabulunan lalo na sa mga foreign objects. Nakakatulong rin ito para makapag-latch si baby sa kaniyang ina.
Pagdating ng ika-4 hanggang ika-6 na buwan ni baby, nagsisimula nang mawala ang ganitong reflex ni baby. Isa itong palatandaan na handa na siyang sumubok na kumain.
-
Natututunan na niya ang pincer grasp.
Habang lumalaki si baby, natututunan na rin niyang gamitin ang kaniyang mga kamay. Isa sa mga milestone ng mga sanggol ang pag-develop ng kanilang fine motor skills. Isa rito ang pincer grasp kung saan natututo silang pumulot ng pagkain gamit ang kanilang mga daliri.
-
Mayroon na siyang oral motor skills.
Mapapansin mo rin kung inilalapit na ni baby ang kaniyang bibig sa pagkain, at kung kaya na niyang ilagay ang pagkain sa kaniyang bibig at lunukin ito.
-
Dumoble na ang kaniyang timbang.
Kadalasan, dumodoble na ang timbang ng sanggol mula sa kaniyang birth weight pagdating ng 6 na buwan, at isa itong indikasyon na maraming nang nadedede si baby at mayroon na siya ng skills na kailangan niya para kumain.
Pagdating ng 6 na buwan at napansin na ang mga senyales na ito kay baby, maari mo na siyang simulang pakainin ng solid food.
Pagpapakain sa iyong sanggol
Kailan pwedeng pakainin ang baby? | Larawan mula sa Pexels
Ayon sa World Health Organization, ang pagbibigay ng solid food sa sanggol ay tinatawag na complementary feeding. Ito ay ang panahon kung kailan hindi na sapat ang sustansiyang nakukuha ng mga baby mula sa mga gatas. Dahil dito, kailangan nang dagdagan ng mga solid food ang kanyang diet.
Kadalasan itong ginagawa mula 6 na buwan hanggang 18 o 24 na buwang gulang kung kailan maaaring maging malnourished ang baby.
Anu-ano nga ba ang dapat tandaan pagdating sa pagbibigay ng solid food kay baby? Narito ang mga sagot sa ilang madalas na katanungan ng mga magulang.
Ano ang dapat unang kainin ni baby?
Ngayong alam mo na kung kailan pwedeng pakainin ang baby, oras na para alamin kung ano ang mainam na pagkain para sa kaniya.
-
- Nirerekomenda ng mga eksperto na unahin muna ang mga soft food o pagkain na na-mash o puree para hindi mahirapan si baby at makaiwas rin sa mga aksidente sa pagkain.
- Mas makakabuti kung paisa-isa ang pagpapakilala ng pagkain ka baby. Ito ay para mas madaling ma-monitor at matukoy kung mayroon siyang hindi magandang reaksyon sa pagkain. Ibigay muna ang parehong pagkain sa iyong sanggol sa loob ng 3 hanggang 5 araw. Pansinin kung nagkaroon da siya ng allergy rito, nagkaroon ng rashes, nahirapan huminga o biglang nagsusuka o nagtatae. Kapag ganito ang nangyari, itigil ang pagbibigay sa kaniya ng pagkaing ito at alamin kung mababawasan ang masamang epekto.
- Wala namang sapat na ebidensya na nagsasabing dapat antayin bago bigyan si baby ng itlog, dairy, mani o isda pagdating ng 6 na buwan. Subalit kung ang sanggol ay mayroong eczema, kailangang ma-test muna si baby kung mayroon siyang egg o peanut allergy. Tanungin ang pediatrician ng iyong anak kung kailan pinakamainam na gawin ito.
- Hindi rin naman totoo ang paniniwala na na hindi mahihilig ang sanggol sa gulay kapag pinatikim mo agad siya ng prutas.
- Tandaan, wala pang sapat na ngipin ang mga baby para ngumuya ng mga matitigas na pagkain. Ang pagpapakain sa kanila ng solid food ay maaaring magdulot sa choking. Huwag rin muna haluan ng asukal o asin ang mga pagkain ng baby, panatilihin itong simple.
Tuwing kailan dapat pakainin ang baby?
Ang mga sanggol na nagsisimula pa lang sa solid food hanggang 8 buwang gulang ay dapat pakainin nang nasa 2-3 beses lang sa isang araw. Mula 9 hanggang 11 buwan naman, itaas ito sa 3-4 na beses kada araw.
Pagdating ng kanilang ika-12 hanggang ika-24 buwan, dagdagan narin ito ng 1-2 malulusog na meryenda.
Gaano karami ang dapat kainin niya?
Larawan mula sa Pexels
Huwag magtaka kung ang pagkain ay mapupunta sa mukha, kamay at damit ni baby. Magiging makalat talaga sa umpisa.
Kaunti lang rin ang ibigay na pagkain kay baby sa umpisa. Magsimula sa isang o dalawang kutsarita ng pagkain, at dagdagan ito paunti-unti kagad linggo.
Bigyan ng pagkakataon si baby na matutunan kung paano lunukin ang pagkain.
Paano kung ayaw kumain ni baby?
Malaki ang posibilidad na ayawan agad ng baby ang unang pagkain na ibibigay sa kaniya. Ito ay dahil bago sa kaniya ang pakiramdam nito sa dila pati na ang nabibigay na lasa.
Huwag panghinaan ng loob ngunit huwag din siyang pilitin na kumain. Sa halip, itabi ang pagkain at muling ibigay matapos ang ilang araw.
Ang mga sanggol na hindi pa gaanong interesado sa solid food ay mananatili namang malusog kahit 9 hanggang 12 buwan na sila. Ang gatas pa rin naman ang pangunahing pinagmumulan ng mga nutrients na kailangan ni baby, kaya huwag masyadong mag-alala.
Kung patuloy naman ang paglaki at pagdevelop ni baby, marahil ay sapat pa ang gatas na naibibigay mo para sa pangangailangan ng kaniyang katawan. Hindi naman siya kailangang pilitin na kumain, pero maari mo siyang hikayatin.
Kung hindi man maubos ng baby ang inihandang pagkain, huwag nang pilitin ito. Kung ang kaniyang paglaki ay pasok naman sa akmang growth chart, ibig sabihin ay sapat na ang nakain niya.
Pwede na bang painumin ng tubig si baby?
Ayon kay Dr. Jennifer Tiglao, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, hindi naman kailangang painumin ng tubig ang maliliit na sanggol dahil sapat na ang nakukuha niyang tubig mula sa gatas.
“Actually you don’t give water during the first 6 months of life ng bata. Kasi enough naman iyong water sa breastmilk at kung naka-formula, enough rin iyong water doon.”
Sa katunayan, mas delikado para sa mga sanggol 6 na buwan pababa ang pag-inom ng tubig. Alamin kung bakit dito.
Pero kapag nagsimula nang kumain ng solid food si baby, at lagpas na rin siya ng 6 na buwan, maari mo na siyang bigyan ng tubig pagkatapos niyang kumain. Unti-unti lang ang pagbigay ng tubig at huwag siyang bibigyan bago kumain dahil baka mabusog na siya agad.
Mga pagbabago kapag kumain na ng solid food si baby
Kapag nagsimula nang kumain si baby ng solids, mapapansin na magbabago na rin ang hitsura at kulay ng kaniyang dumi. Dahil sa karagdagang sugar at fats, maaring mas lumakas rin ang amoy nito.
Depende sa kakainin ni baby ang magiging kulay ng kaniyang stool. Kung peas, kulay green, kapag beets, naman maaaring may kaunting red. Kapag hindi pino ang pagkain ni baby, maaari mo mapansin ag mga butil nito sa kaniyang dumi, gaya ng mais o balat ng kamatis.
Huwag mangamba dahil normal naman ito. Hindi pa kasi gaanong mature ang tiyan ni baby at kailangan pa nito ng oras para maproseso at matunaw ang pagkain.
Subalit kung matubig at may mucus ang dumi ng iyong sanggol, maaring senyales ito na naiirita ang digestive tract ni baby. Sa ganitong sitwasyon, itigil muna ang pagpapakain sa kaniyang ng pagkain na iyon at kumonsulta sa doktor ng iyong anak.
Kapag nagsimula na ring kumain ng solid food si baby, ugaliin na linisin ang loob ng kaniyang bibig pagkatapos kumain, at pwedeng mag-toothbrush kung mayroon na siyang ngipin.
Tips sa paghahanda ng pagkain ni baby
Para masiguro na ligtas para sa iyong anak ang pagkain na ibibigay mo sa kaniya, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:
- Ugaliing maghugas ng kamay bago ihanda ang pagkain ni baby. Siguruhin rin na malinis ang iyong kamay kapag pinapakain si baby.
- Hugasan nang maigi ang mga prutas o gulay na ibibigay kay baby.
- Kung matigas ito, kailangan munang pakuluin upang lumambot. Para makasiguro, dapat ay madali nang i-mash ang pagkain at nadudurog na ito bago ito ibigay sa sanggol.
- Haluan ng kaunting tubig o breast milk ang pagkain para mas madaling kainin ni baby.
- Tanggalin ang lahat ng taba at buto sa manok at karne, o tinik sa isda bago ito ibigay kay baby.
- Hiwain ang mga prutas o malalambot na pagkain nang maninipis.
- Alisin rin ang buto ng mga prutas at hiwain ito nang maliliit at maninipis.
- Mas mabuting magkaroon si baby ng sariling plato o bowl at kubyertos na gagamitin niya sa pagkain. Siguruhin rin na laging malinis ito.
Ang pagsisimula sa solid food ay magiging makalat. Kailangan ng sapat na pasensya sa baby.
May mga panahon rin na mahirap siyang pakainin at may mga panahon na madali. Hayaan lamang sila basta tama ang kanilang paglaki.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa pagbibigay ng solid food sa iyong sanggol, huwag mahiyang magtanong sa kaniyang pediatrician.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!