Hindi maikakailala na pabata nang pabata ang mga maagang nagbubuntis sa bansa. Ano nga ba ang dahilan ng maagang pagbubuntis at ano ang puwede mong gawin bilang magulang? Paano maiiwasan ang maagang pagbubuntis?
Talaan ng Nilalaman
Ano ang maagang pagbubuntis
Ang isyu at suliranin ng maagang pagbubuntis ay hindi lang problema ng bansa kundi ito ay tinuturing na global issue. Ano nga ba ang maagang pagbubuntis? Tinatawag na “maagang pagbubuntis” kung ang isang babae ay nagdalang-tao sa edad na 19 taon pababa, o sa panahon na siya ay teenager pa.
Ilan sa mga negatibong epekto ng maagang pagbubuntis ay ang matigil sa pag-aaral ang babae at mapilitang magpakasal agad sa ama ng bata.
Bukod pa rito, magiging pasanin din ang mga gastos ng pagbubuntis at panganganak para sa magulang ng dalagita. Kaya naman mahalagang maging maalam kung ano ang dapat gawin sa isyu at suliranin ng maagang pagbubuntis.
Ayon sa huling tala ng Commission on Population and Development (POPCOM) noong 2020, bumaba umano ang bilang ng mga teenage pregnancy sa Pilipinas noong December 2020 kompara sa tala noong Nobyembre. Pero malaki pa rin ang bilang na ito. Kaya naman kailangang patuloy na i-address pa rin ang cumulative na epekto ng maagang pagbubuntis.
Bilang ng maagang pagbubuntis, tumataas?
Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit kumulang na 16 milyong babae na edad 15 hanggang 19 at halos isang milyong babae na wala pang 15 taong gulang ang nanganganak bawat taon.
95% ng mga kapanganakang ito ay nangyayari sa mga bansang may lower to middle income economy gaya ng Pilipinas.
Dahilan ng maagang pagbubuntis
Ang nakababahalang pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis sa Pilipinas ay nag-uugat sa kasalukuyang estado ng ating ekonomiya at edukasyon.
Ayon din sa resulta ng isang NSO survey, ang maagang pagmulat sa mga sekswal na aktibidad at maagang pagbubuntis ay karaniwang nakikita sa mga babaeng nagmula sa mga mahihirap na pamilya.
Kalimitan din itong nakikita sa mga babaeng wala o konti lang ang pinag-aralan. Makikitang ilan ito sa mga dahilan ng maagang pagbubuntis.
Kung anuman ang iba pang tunay na dahilan sa likod ng pagtaas ng bilang ng maagang pagbubuntis, ang katotohanan ay nagiging mas karaniwan na ito sa ating lipunan. Dagdag pa rito ay ang katotohanang pabata nang pabata ang mga babaeng nabubuntis.
Ayon naman sa Plan International Org. ang tinitingnang sanhi ng maagang pagbubuntis ay ang pagtanggal sa mga kababaihan ng karapatang magdesisyon sa sexual at reproductive health at well-being ng mga ito. Bukod pa rito, narito pa ang ilan sa mga posibleng sanhi ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan:
- Kakulangan sa impormasyon tungkol sa sexual at reproductive health
- Hindi sapat na access sa serbisyong nakalaan para sa mga kabataan.
- Social pressure mula sa pamilya at komunidad.
- Kakulangan sa edukasyon o paglobo ng mga school drop-out
Samantala, ang pamimilit sa kabataan na magpakasal agad ay maaaring sanhi at epekto na rin ng maagang pagbubuntis.
Paano maiiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan?
Malaki ang ginagampanan ng pamahalaan, tahanan, at edukasyon kung paano maiiwasan ang maagang pagbubuntis.
Giit ng Plan International Org, dapat na magkaroon ng kakayahan ang mga babae na magdesisyon tungkol sa kanilang katawan at kinabukasan. Isa marahil ito sa mga sanhi ng maagang pagbubuntis.
Pero mahalaga rin umano na ipaunawa sa mga teenager ang negatibong epekto ng maagang pagbubuntis. Bukod pa rito, importante rin na mayroong maayos na access sa angkop na healthcare services at comprehensive sexuality education ang mga kabataan.
Ilan ito sa mga prayoridad na dapat tutukan para maiwasan ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.
Ano ang epekto ng maagang pagbubuntis?
Isa pa rin ang maagang pagbubuntis sa tinitingnang major contributor sa maternal at child mortality. Ayon pa rin sa Plan International Organization, ang komplikasyon kaugnay ng pagbubuntis at panganganak ay ang nangungunang dahilan ng pagkamatay ng mga babaeng nasa edad 15-19 sa buong mundo.
Dahil hindi pa mature ang katawan ng teenager na buntis, mataas ang risk na maharap ito sa mga health complications habang nagbubuntis.
Para naman sa mga bansang tulad ng Pilipinas na ipinagbabawal ng batas ang abortion, nauuwi sa pagsubok ng hindi ligtas na uri ng aborsyon ang mga kabataang babae dulot ng pressure na dala ng maagang pagbubuntis. Dahil dito, lalong nalalagay sa kapahamakan ang buhay at kalusugan nila.
Higit sa lahat, ang maagang pagbubuntis ay nagdudulot din ng negatibong social at economic effects sa mga babae, sa kanilang pamilya, at komunidad.
Maraming kabataan pa rin ang nakararanas na maharap sa stigma at rejection mula sa kanilang mga magulang at kaibigan. Bukod sa panghuhusga na maaaring maranasan ay posible ring mapalayas ang mga ito sa kanilang tahanan at maharap sa mga banta ng karahasan.
Kapag pinilit naman na magpakasal agad ang dalagita sa nakabuntis dito ay posible ring humantong ang kasal o pagsasama sa karahasan at matinding stress ng dalawang teenager.
Kaya naman, mahalaga ang suporta at paggabay ng magulang sa panahong tulad nito. Dahil mas lalong masisira ang buhay ng inyong mga anak kung pababayaan natin silang harapin nang mag-isa ang consequences ng kanilang mga aksyon.
Isang totoong kuwento ng maagang pagbubuntis sa Pilipinas
Sa totoo lang, kahit ano pang estado sa buhay ng mga dalaga ngayon, pwede silang magbuntis nang maaga kung sila ay ‘di maingat. Unti-unti nang nagiging pangkaraniwan ang isyu at suliranin ng maagang pagbubuntis sa bansa.
Si Marie (hindi niya tunay na pangalan) ay isang 17-taong gulang na kolehiyala noong nadiskubre niyang siya ay buntis. Napansin ng kaniyang mga kasamahang cheerleader ang kaniyang lumalaking tiyan, na siya namang sinisi ni Marie sa pagtaas ng gana niyang kumain.
Nakumbinse siya ng kanyang mga kaibigan na kumuha ng pregnancy test. Hindi makapaniwala si Marie nang madiskubre niyang siya nga ay buntis. Para makasiguro, anim na beses niyang ginawa ang pregnancy test, pero lahat ng resulta ay positive.
Nang bumisita siya sa isang OB-GYN sa pagpupursige ng kaniyang mga kaibigan, sinabihan siya ng doktor na siya ay tatlong buwan nang buntis.
Bukod pa rito, ang ama ng kaniyang dinadalang anak ay hindi ang kaniyang kasintahan, pero sinabi nya pa rin sa kaniya na siya ay nagdadalang tao.
Dahil dito, iniwan siya ng kanyang kasintahan.
Napagdesisyunan ni Marie na putulin ang lahat ng koneksyon niya sa tunay na ama ng bata, at palakihin ang anak nang mag-isa.
Hindi rin naging masaya ang mga magulang niya sa balita ng kaniyang maagang pagbubuntis. Hanggang ngayon, nararamdaman pa rin ni Marie ang hindi magandang pagtrato sa kaniya ng kaniyang pamilya bilang epekto ng kaniyang maagang pagbubuntis.
Buti na lang, OB-GYN ang kaniyang ninang, at siya ang tumulong kay Marie sa kanyang pagbubuntis at panganganak.
Sa ngayon, si Marie ay nagsisikap para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang anak. Nagsimula siya ng sarili niyang negosyo – ang pagbebenta ng handcrafted items. Tumutulong na rin ang kaniyang anak sa paggawa ng mga accessories ngayong malaki na siya.
Hindi man naging maayos sa simula, naging maganda naman ang buhay ni Marie at ng kaniyang anak. Sa kasamaang palad, hindi lahat ng babaeng nabubuntis sa pagkadalaga ay ganito ang kinahahantungan.
Mga payo para sa maagang pagbubuntis
Kung ikaw ay nabuntis sa pagkadalaga o wala sa plano, huwag mangamba. Sa halip, pag-isipan nang mabuti ang mga hakbang na iyong gagawin.
Mayroon ka bang kakilala na nabuntis ng maaga? Narito ang mga pwede mong ipayo sa kanila.
1. Ipaalam mo sa iyong mga magulang o sa kahit sinong nakatatanda na iyong pinagkakatiwalaan ang iyong sitwasyon.
Nakakatakot man sabihin ito, kailangan mo pa rin ng suporta ng ibang tao para sa ikabubuti ng bata. Kaya naman kailangan mo itong ipagtapat sa iyong mga magulang, o kaya naman humingi ng tulong sa isang nakatatanda na iyong pinagkakatiwalaan. Maging handa ka sa kanilang magiging reaksyon at akuin ang iyong pagkakamali.
Sa tulong ng mga nakatatanda, magagabayan ka nang mabuti sa mga bagay na may kinalaman sa iyong pagbubuntis. Mabibigyan ka rin nila ng suportang medikal.
Pero dapat mo ring tandaan na hindi ka dapat mapilitang gawin ang hindi mo gusto.
2. Kumonsulta sa doktor.
Ang isang buntis ay dapat matingnan ng isang OB-GYN sa lalong madaling panahon para mabigyan ng tamang prenatal care.
Maaari kang sumailalim sa ilang pagsusuri at ultrasound para makumpirma ang iyong pagbubuntis at malaman kung gaano katagal na ito, o kung kailan ang iyong due date. Malalaman din dito kung mayroon kang sexually transmitted disease o infection na kailangang gamutin.
Sa iyong checkup, bibigyan ka rin ng iyong doktor ng mga bitaminang makakatulong sa iyong pagbubuntis. Huwag mahiyang magtanong kung mayroon kang hindi naiintindihan.
3. Kausapin ang ama ng bata.
Karapatang malaman ng tatay ng bata na mayroon siyang anak. Ito ay responsibilidad niya rin kaya kailangan din niyang magdesisyon kung ano ang suportang kaniyang maibibigay (lalo na kung menor de edad din ang ama).
Ganoon pa man, ang desisyon mo pa rin bilang ina ng iyong anak ang mangingibabaw.
4. Humanap ng mga taong susuporta sa iyo.
Ang katotohanan ay hindi madaling magbuntis. Kaya hindi mo ito dapat pinagdadaanan nang mag-isa.
Humingi ng tulong mula sa mga taong nagmamahal sa ‘yo gaya ng iyong mga magulang, kamag-anak at mga kaibigan. Piliin ang mga taong hindi ka huhusgahan, bagkus ay tutulungan ka at mahihingahan mo ng sama ng loob.
Kailangan mo rin ng suporta mula sa mga taong nakakaintindi ng pinagdadaanan ng isang buntis, kaya mainam na sumangguni sa isang guidance counselor o humanap ng support groups para sa mga buntis o mga nanay.
Si Mommy Ley Almeda ay isang dating single mom na bumuo ng isang support group para sa mga babaeng mag-isang tumataguyod sa kanilang mga anak. Sa kaniyang blog, ibinabahagi niya ang kanyang mga karanasan at mga natutunan sa pagiging isang single mother.
5. Alagaan ang iyong sarili
Ngayong buntis ka, napakaimportante ng iyong kalusugan. Lahat ng iyong gagawin ay maaaring makaapekto sa sanggol sa iyong sinapupunan. Kaya dapat mahalin at ingatan mo ang sarili mo.
“You have to love yourself so you can love others. Also, don’t expect others to love you, if you don’t love yourself,” paalala ni Mommy Ley.
Kumain nang mabuti at sundin ang mga payo ng iyong doktor. Alamin kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang buntis. Mahalaga rin ang magkaroon ng sapat na pahinga.
Tandaan na magiging magulang ka na at mayroon nang isang bata na aasa sa’yo. Kaya dapat maging malusog at matatag ka!
Ang tungkulin ng mga magulang
Kung magulang ka naman ng isang babaeng nabuntis nang maaga, importante na maramdaman niya ang iyong pagmamahal at suporta sa panahong ito. Narito ang mga bagay na dapat mong gawin:
1. Samahan mo ang iyong anak sa ospital.
Maging katuwang ka niya sa kaniyang pagbubuntis. Samahan mo siya kapag checkup niya na sa ospital at siguraduhin mong alam mo ang estado at progreso ng kaniyang pagbubuntis.
2. Timpiin ang iyong mga emosyon
Walang magulang ang gustong mapahamak ang kanilang anak. Gayundin, bilang nanay, marahil ay mayroon kang mga plano o pangarap sa iyong anak.
Kaya natural lang na makaramdam ka ng gulat, pagkabigo, galit, o isipin na kasalanan mo ang lahat ng nangyari. Pero gawin mo pa rin ang lahat ng iyong makakaya para timpiin ang iyong mga emosyon para maayos mong makausap ang iyong anak.
Ayon kay Dr. Patricia Kho, isang OB-gynecologist mula sa Makati Medical Center, mayroong masamang epekto ang stress sa pagbubuntis ng isang babae.
“Kapag masyadong stress ang isang babae minsan hindi siya makatulog, hindi na makakain at masyadong nag-iisip ng mga masasamang bagay kaya baka maapektuhan din ‘yung baby.” aniya.
Pero kailangan mo rin ng makakausap tungkol sa iyong sitwasyon. Humanap ng kaibigan, kamag-anak, o taong mapagkakatiwalaan mo para mahingahan ng sama ng loob.
Ang pagkakaroon ng masasabihan tungkol sa isyu na ito ay makakatulong sa estado ng iyong pagiisip at mga emosyon. Pwede ka ring matuto ng mga aral kung paano mo pa masusuportahan ang iyong anak.
3. Tumulong ka sa gastos
Siguradong mangangailangan ng tulong na pinansiyal ang iyong anak habang siya ay nagbubuntis, at pagkatapos niyang manganak. Kung kaya mo, subukan mong tumulong, malaki o maliit man ang halaga.
Kung hindi pa niya kayang tumayo sa sariling paa, ikaw muna ang umako ng kaniyang responsibilidad sa mga check-up at pangangailangan ng mag-ina.
Pwede mo ring tulungan ang iyong anak na maghanap ng pinakamahusay at murang maternity package para maging mas practical.
4. Maghanda para sa bata
Naranasan mo nang magkaanak kaya naman makakatulong ka sa pagpapalaki ng bata at pagsuporta sa iyong anak.
Kasama na sa paghahanda ang pakikipag-usap sa ama ng bata at pamilya nito. Lahat ng mangyayari sa bata ay dapat mapag-usapan ng parehong pamilya. Hindi nila kailangang ikasal, pero dapat ay mapag-usapan kung paano ang hatian ng gastusin para sa bata.
5. Bigyan ng suporta ang iyong anak.
Kailangan maramdaman ng iyong anak na maaasahan niya ang iyong suporta. Ipakita mo sa kaniya na tanggap mo siya at ang magiging anak niya, at ligtas sila sa pangangalaga mo.
Ayon kay Dr. Patricia, napaka-importante ng emotional support sa isang buntis. “Para magaang ang kaniyang pagbubuntis at para ma-feel niya na kaya niya ito, kailangan niya talaga ng emotional support.”
Kung hindi niya ito makukuha sa tatay ng kaniyang anak, dapat mong ibigay ito sa kanya. Kailangan niya ng taong masasandalan sa kaniyang pagbubuntis, panganganak at pag-aaalaga sa sanggol.
Nagkamali man ang iyong anak, tandaan na magulang ka pa rin niya, at kailangang kailangan niya ang iyong pag-intindi at pagkalinga sa panahong ito.
Mga organisasyon at ahensiyang makakatulong
Narito ang ilang organisasyong makakatulong sa mga babaeng maagang nagbuntis:
MLAC – Psychological Services for Well-Being
#2 Kaunlaran St., Kawilihan Village,
Bagong Ilog, Pasig City
Mobile Number: 0917-5019583
Email: mlac.institute@gmail.com
Pregnancy Support Services of Asia
St. John Bosco Parish Building (2nd Floor),
Arnaiz Ave. Cor. Amorsolo St., Makati City
Tel: (02) 586-3069 & (02) 403-7179
Mobile Number: 0917-5019583
Likhaan Center for Women’s Health Inc.
27 Ofelia St., Ofelia Subdivision
Barangay Bahay Toro, Quezon City
Tel: (02) 926-6230 & (02) 454-3854
Fax: (02) 926-6230
Email: office@likhaan.org
Family Planning Organization of the Philippines
50 Doña Hemady St.
New Manila, Quezon City
Telephone: (02) 722-6466
Telefax: (02) 721-7101
Email: fpop1969@yahoo.com
Population Services Pilipinas, Inc.
2015 Gil Puyat Street
Pasay City
Phone: (02) 831-2876
Fax: (02) 804-0798
Email: hql@pspi.org
Society for Adolescent Medicine of the Philippines, Inc. (SAMPI)
Room 12 Philippine Children’s Medical Center
Mobile Number: 0947-8444218
Email: secretariat@samphilippines.com
https://www.facebook.com/samphilippines
Community and Family Services International
2/F Torres Building
2442 Park Avenue, Pasay City
Telephones: (02) 556-2735 / (02) 551-1977 / (02) 556-4864
Email: headquarters@cfsi.ph
Friendly Care Clinic
FriendlyCare Clinic and Headquarters
710 Shaw Boulevard
Mandaluyong City
Tel. Nos.: (02) 722-2986/88
718-2870 / 718-1344
FriendlyCare Clinic Cebu
G/F GMC Plaza Bldg.
Legaspi Extension, Cebu City
Tel. no. (032) 254-7446
Telefax no. (032) 253-4170
FriendlyCare Clinic Davao
G/F SPCRD Bldg.
A. Pichon St., Cor. Illustre Extension, Davao City
Telefax no. (082) 222-7970
Pwede mong tingnan ang kumpletong listahan dito.
Isinalin ni Paul Amiel Salonga
Isinulat ni Patricia de Castro-Cuyugan
Karagdagang impormasyon sinulat ni Jobelle Macayan
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.