Mabisang gamot sa sakit ng ngipin o toothache ba ang hanap mo na pwedeng home remedy? Narito ang mga natural remedies na maaring makita sa loob ng inyong bahay o herbal na gamot sa sakit ng ngipin.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Mga dahilan kung bakit sumasakit ang ngipin.
- Mabisang gamot sa sakit ng ngipin.
- Herbal na gamot sa sakit ng ngipin.
- Iba pang dapat malaman tungkol sa lunas sa sakit ng ngipin.
Talaan ng Nilalaman
Bakit nga ba sumasakit ang ating mga ngipin?
Mahirap talaga kapag masakit ang ngipin at kapag nangingilo pa ito. Ang sakit ng ngipin o sakit sa gilagid ng ngipin ay nangyayari kapag ang mga ugat sa isang ngipin o ang area sa gilid ng isang ngipin ay na-irritate.
Ang impeksyon sa ngipin, pagkabulok, pagkasira, o pagkawala ng ngipin ang pinaka karaniwang sanhi ng sakit sa ngipin. Maaari ring mangyari pagkatapos ng pagbunot ng ngipin.
Dagdag pa sa pagsakit ng ngipin, ay ang abnormal bite at grinding of teeth o ang pagkikiskisan ng mga ngipin. Napakaraming mga dahilan ang pagkakaroon ng toothache.
Mula sa mga nabanggit sa itaas, kasama rin ang pagkabulok ng ngipin o ang tooth decay sa English sa mga posibleng sanhi ng toothache. At ang unang sanhi ng tooth decay ay ang pagkain ng mga matatamis na pagkain, maging ang pag-inom ng mainit at malamig na tubig ay kabilang din. Sensitibo ang mga ngipin sa ganitong kaso na siyang nakakapinsala sa ating mga ngipin.
Minsan naman makakaramdam ng pananakit ng ngipin sa ibang bahagi ng bibig. Katulad na lamang sa panga, ito ang pinakaraniwang bahagi ng bibig kung saan nakakaramdam tayo ng pananakit.
Kasama rin sa pananakit na maaari nating maranasan ay ang pananakit ng tenga, sinus, at ilong. Nakakadagdag din sa pananakit ng ngipin kung may bacteria sa loob ng iyong bibig. Lalo na kung may bulok na ngipin. Nagiging dahilan din ito ng pananakit.
Mga sanhi sa sakit ng ngipin bago humanap ng gamot at home remedy
Ang pagpapabaya at hindi pag-aalaga sa ngipin ang siyang nagiging dahilan ng toothache. Ang sakit ng ngipin ay nangyayari mula sa pamamaga ng gitnang bahagi ng ngipin na tinatawag na pulp. Naglalaman ng mga nerve endings na napakasensitibo sa sakit.
Ang pamamaga sa sapal o pulpitis ay maaaring sanhi ng mga lukab ng ngipin, trauma, at impeksyon. Maaaring mula sa panga ang nangyayaring pananakit.
Para lubos na malaman kung ano ang sanhi ng pananakit ng ngipin ay mas mabuti pa ring magpakonsulta sa isang dentista.
Gamot sa sakit ng ngipin?
Maaari mong maiwasan ang karamihan ng mga problema sa ngipin sa pamamagitan ng flossing, brushing ng fluoride toothpaste, at propesyonal na paglinis sa iyong mga ngipin.
Nirerekomenda na gawin ito dalawang beses sa isang taon. Ang dentista ay maaaring maglapat ng mga sealant at fluoride, na lalong mahalaga para sa ngipin ng mga bata.
Makakatulong ito upang maiwasan ang sakit ng ngipin at hindi na uminom pa ng gamot.
Mabisang gamot sa sakit ng ngipin
Ang mga advisable na over-the-counter na mabisang pain killers ay ibuprofen, aspirin, at acetaminophen. Pero ayon sa pag-aaral, pinaka mabisang gamot sa sakit ng ngipin ang ibuprofen.
Gamot sa sakit ng ngipin capsule
Bago inumin ang alinmang nabanggit na over-the-counter na gamot sa sakit ng ngipin na capsule, siguraduhin na may reseta kung ilang beses dapat inumin ang gamot. Masama ang sobrang pag-inom ng gamot sa sakit ng ngipin na capsule lalo na ang ibuprofen.
10 gamot sa sakit ng ngipin home remedy at mga herbal na gamot sa sakit ng ngipin
Narito ang ilan sa mga pwedeng gamot sa sakit ng ngipin home remedy na maaaring makita sa bahay o mabili sa palengke at grocery. Ganoon rin ang mga halamang gamot o herbal na gamot sa sakit ng ngipin na puwede mong subukan. Tandaan na mabuti pa ring isangguni sa doktor kung anong gamot sa sakit ng ngipin ang advisable.
1. Salt water rinse sa sakit ng ngipin – isa sa mabisang gamot at home remedy
Mabisang gamot sa sakit ng ngipin ang salt water. Magmumog lang ng maligamgam na tubig na may asin hanggang sa mawala ang sakit.
Ito ay natural disinfectant na nililinis ang ngipin. Tinutulungan din nitong alisin ang mga food particles o tinga na naiwan sa pagitan ng ngipin. Makakatulong din ito para maibsan ang pamamaga at pagalingin ang mga oral wounds.
Para gumawa ng salt water rinse ay maghalo lang ng kalahating kutsarita ng asin sa isang baso ng maligamgam na tubig at imumog sa iyong bibig.
Image from Freepik
2. Hydrogen peroxide rinse
Ang isa pang gamot at home remedy sa sakit ng ngipin ay ang hydrogen peroxide. Kailangan lang ihalo ang 3% nito sa pantay na dami ng tubig at imumog sa iyong bibig. Huwag itong lulunukin.
Makakatulong ito para maibsan ang sakit at pamamaga ng ngipin. Pinapatay rin nito ang mga bacteria, binabawasan ang plaque sa ngipin at tinutulungang pagalingin ang mga nagdurugong gilagid.
3. Cold compress bilang home remedy at gamot sa sakit ng ngipin?
Para maibsan ang sakit ng ngipin ay maari ding gumamit ng cold compress bilang gamot at home remedy sa bahaging masakit.
Sa tulong ng towel na ibinalot sa yelo, ilagay ito sa area na kung saan sumasakit ang ngipin sa loob ng 20 minuto. Unti-unti nitong maiibsan ang sakit at pamamaga ng ngipin.
Maari mong ulitin ang approach na ito sa oras na sumumpong ulit ang sakit ng ngipin.
Larawan mula sa Freepik
4. Peppermint tea bags
Isa pang pampabawas ng sakit na dulot ng namamagang ngipin at sensitive gums ay ang peppermint tea bags. Gamit ang used tea bags na bahagyang lumamig na ay ilagay ito sa sumasakit na ngipin. Pwede mo ring ilagay ito sa freezer at hayaang lumamig ng ilang minuto bago ilagay sa iyong nanakit na ngipin.
5. Bawang bilang gamot at home remedy sa sakit ng ngipin
Kilalang herbal na gamot sa sakit ng ngipin ang bawang. Hindi lamang nito pinapatay ang mga bacteria na nagdudulot ng dental plaque, nagsisilbi rin itong pain reliever.
Para gamitin ito ay mag-dikdik ng isang butil ng bawang at ilagay ito sa nananakit na ngipin. Puwede mo rin itong lagyan ng konting asin o kaya naman ay pwede mo ring dahan-dahang nguyain ang isang butil nito.
6. Vanilla extract, isa ring gamot at home remedy sa sakit ng ngipin
Gamot din sa sakit ng ngipin ang vanilla extract. Dahil sa ito ay may taglay na alcohol na maaring makapagpamanhid ng sakit. Mayroon din itong antioxidant properties na mabisa ring pampagaling ng mga sugat.
Para gamitin ay maglagay ng small amount nito sa iyong daliri o sa cotton ball at i-apply sa affected area.
Maari itong ulitin ng ilang beses sa loob ng isang araw.
7. Clove
Mabisang gamot at home remedy din para sa sakit ng ngipin ang clove oil. Pinapamanhid nito ang sakit at iniibsan ang pamamaga ng ngipin. May taglay din itong eugenol na isang natural antiseptic.
Para gamiting gamot sa sakit ng ngipin ay maglagay ng small amount ng clove oil sa isang cotton ball at i-apply sa affected area.
Maari ka ring maglagay ng isang patak ng clove oil sa isang basong tubig at gawin itong pangmumog.
8. Guava leaves o dahon ng bayabas – home remedy at gamot sa sakit ng ngipin
Dahil sa anti-inflammatory properties nito ay nakakatulong ang dahon ng bayabas sa pagpapagaling ng mga sugat. Mayroon din itong antimicrobial properties na makakatulong sa ating oral care.
Nguyain lang ang malinis na dahon nito o kaya naman ihalo ang dinikdik na dahon ng bayabas sa kumukulong tubig at gawing mouthwash kapag lumamig. Isa ito sa kilalang herbal na gamot sa sakit ng ngipin dito sa bansa.
9. Wheatgrass
Ang wheatgrass juice ay maari ring gamiting pangmumog para maibsan ang sakit ng ngipin.
May taglay itong healing properties na tumutulong sa katawan na maghilom mula sa mga sugat. Iniibsan din nito ang inflammation sa bibig at nilalabanan ang mga infection. Ang mataas na chlorophyll content ng wheatgrass ay mabisang panlaban din sa mga bacteria.
Image from Freepik
10. Thyme
Ang thyme oil ay mabisang gamot at home remedy din o herbal na gamot sa sakit ng ngipin. Mahusay na gamot sa sakit ng ngipin ang antibacterial at antioxidant properties nito. Para gamitin ay maglagay ng isa o dalawang patak ng thyme essential oil at tubig sa isang cotton ball. Ilagay at i-apply ito sa affected area.
Maari ring gawin itong mouthwash sa pamamagitan ng paglalagay ng isang patak nito sa isang bagong tubig.
Ayan ang unang sampung mga natural na remedyo upang maalis ang matinding pananakit ng ngipin.
Maaaring subukan din ang mga sumusunod na pamamaraan, kung ang mga naunang home remedy sa itaas ay hindi epektibo sa pagsumpong ng pananakit ng ngipin, tulad sa mga nabanggit, simpleng pamamaraan lamang din ang mga ito:
- Paghalo ng paminta at asin sa ilang patak lamang ng tubig at i-apply ito sa affected area o kung saang parte ng ngipin ang kumikirot o sumasakit.
- Pagdurog ng sibuyas at paghalo nito sa asin. Tulad nang pag-aapply sa affected area sa paminta at asin, ganoon din ang nararapat na gawin para sa sibuyas na inihalo sa asin.
- Pagnguya ng dahon ng mint na nakapagbibigay ng kaluwagan sa pakiramdam.
- Pagmumog ng mantika, maaaring ito ay coconut oil, vegetable oil o ang natural oil. Nararating at napalalambot ng mantika ang mga disease o impeksyon sa ngipin na hindi nalilinis sa tuwing tayo ay nagsisipilyo.
- Pagmumog ng baking soda upang maiwasan ang pamamaga dulot ng pananakit ng ngipin.
Mga dapat tandaan sa paggamit ng mga herbal na gamot sa sakit ng ngipin
Kapag gumagamit ng herbal na gamot sa sakit ng ngipin, mahalagang isaalang-alang ang mga sumusunod:
1. Konsultasyon sa Dentista o Doktor
Ang herbal na gamot ay maaaring magbigay ng pansamantalang ginhawa, pero hindi nito natutugunan ang pinagmumulan ng sakit, tulad ng impeksyon o pagkabulok ng ngipin. Mahalagang kumonsulta sa dentista para sa tamang paggamot.
2. Alerhiyang Reaksyon
Maaaring magdulot ng allergic reaction ang ilang herbs. Subukan muna ito sa maliit na bahagi ng katawan bago ilagay sa sensitibong lugar tulad ng gilagid o ngipin.
3. Dosis at Lakas
Ang herbal na gamot ay maaaring magkaiba-iba sa lakas. Siguraduhing tama ang dosage upang maiwasan ang masamang epekto. Ang sobrang paggamit ng ilang herbs ay maaaring magdulot ng side effects tulad ng iritasyon o toxicity.
4. Kalidad ng Halaman
Gumamit ng mataas na kalidad at malinis na herbs. Ang mga mababang kalidad na halaman ay maaaring may kasamang mapanganib na additives o pesticides.
5. Pansamantalang Ginhawa
Ang herbal na gamot, tulad ng clove oil o peppermint, ay karaniwang nagbibigay lamang ng pansamantalang ginhawa at hindi tinutugunan ang ugat ng sakit ng ngipin. Ang sobrang pag-asa dito ay maaaring magpalala ng problema sa ngipin.
6. Posibleng Side Effects
Ang ilang herbs, tulad ng langis ng clove, ay epektibo sa pag-alis ng sakit ngunit maaaring magdulot ng iritasyon o pinsala sa gilagid kapag ginamit nang sobra. Palaging palabnawin ang malalakas na essential oils at gamitin ito nang may pag-iingat.
7. Pagbubuntis at Kalagayang Pangkalusugan
Kung buntis ka, nagpapasuso, o may ilang kondisyong pangkalusugan, kumunsulta sa doktor bago gumamit ng herbal na gamot dahil maaaring hindi ito ligtas para sa iyo.
8. Pagtugon sa Ibang Gamot
Maaaring magkaroon ng interaksyon ang herbal na gamot sa iba pang mga gamot na iniinom mo. Laging suriin ang mga posibleng interaksyon.
Sa pagsunod sa mga payong ito, maaari kang gumamit ng herbal na gamot sa sakit ng ngipin nang ligtas habang tinitiyak na natutugunan ang anumang problema sa iyong kalusugan ng ngipin.
Paano mawala ang sakit ng ipin maliban sa gamot at home remedy?
Ang mga gamot sa sakit ng ipin na ito ay maituturing na first aid lamang. Kung sakaling patuloy pa rin ang pananakit ng ngipin matapos gamitin ang mga natural na gamot ay maaaring uminom ng over-the-counter medicines para sa sakit ng ngipin.
Bukod sa mga natural home remedies, mayroong mga paunang drugs na maaaring i-take upang mabawasan ang sakit. Gaya nga ng ibuprofen at mefenamic na siyang inirerekomenda ng mga Doctor para sa toothache.
Mainam din ang pag-inom ng mga Paracetamol, bilang mayroon din itong analgesic na may katangiang makapagbawas ng pananakit ng ngipin.
Kabilang din sa mga maaaring inumin na gamot ay ang Fastum na madaling nahihigop ang mga sakit at kirot na nararamdaman, may mabilis na resulta rin ang pag-inom nito.
Isa din ang Topigel na siyang kinakailangang ipahid sa mga affected area na nakakaramdam ng sakit. Mabilis nito naiibsan ang kirot.
Ngunit mas mabuting magpunta na agad sa dentista sa oras na matindi at pabalik-balik na ang sakit ng ngipin. Kahit kasi mabisang gamot sa sakit ng ngipin ang mga nabanggit, maaari ka pa ring makaranas ng mga sumusunod:
- Lagnat
- Hirap sa paghinga o paglunok
- Pananakit na tumatagal ng dalawang araw o higit pa
- Pamamaga ng ngipin
- Sakit kapag kumakagat
- Hindi normal na pamumula ng gilagid
- Foul-tasting discharge o nana sa ngipin
Sa oras na makaramdam ng mga ito, kailangan na talagang matignan ng dentista para malaman kung paano mawala ang sakit ng ipin. Para mabunot ang sumasakit na ipin kung kinakailangan.
Paano nga ba maiwasan ang pagsasakit ng ngipin?
Dahil ang karamihan sa sakit ng ngipin ay resulta ng pagkabulok ng ngipin, ang magagandang kasanayan sa kalinisan sa bibig ay maiiwasan ang pananakit ng ngipin:
- Regular na magsipilyo gamit ang isang fluoride toothpaste.
- Floss kahit isang beses sa isang araw.
- Tingnan ang iyong dentista dalawang beses sa isang taon para sa propesyonal na paglilinis.
- Gayundin, kumain ng mga pagkaing mababa sa asukal at tanungin ang iyong dentista tungkol sa mga application ng sealant at fluoride.
- Pagmumumog ng maligamgam na tubig na may halong asin na makatutulong upang malinisan ang mga bahagi ng ngipin na sumasakit.
- Pagpahid ng mga ointment na recommended ng Dentista.
- Pag-iwas sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Mga pamamaraang medikal kung patuloy ang pagsakit at pagkirot ng ngipin.
Ang patuloy na pagsakit at pagkirot ng ngipin ay maaaring senyales ng paglala nito na kinakailangang matignan at ipakonsulta sa Dentista.
Isang common na problema ang toothache o pananakit ng ngipin, walang pinipiling edad ang makakaranas nito. Hindi madaling nawawala at maraming mga lunas ang dapat na gawin upang maibsan ang sakit.
Kung ang lahat ng natural home remedy at maging ang pag-inom ng mga tableta at capsule ay nagawa na ngunit nandyan pa rin ang kirot at sakit ng ngipin. May ilang medikal na pamamaraan ang inirerekomenda ng mga propesyonal na maaaring i-undergo ng isang nagpapakonsulta.
- Root canal treatment o ang pagtanggal ng ngipin kasama ang ugat nito.
- Tooth extraction o ang pagpapabunot ng bahagi ng ngipin na nakararanas ng pananakit at pagkirot.
- Incision o Drainage, na kung saan ang mga Dentista ay hihiwain ang parte ng gilid o ngipin upang padaanin at palabasin ang nana na dahilan ng pagsakit ng ngipin.
Ilan lamang iyan sa mga mabibilis na proseso na maaaring gawin kung sakaling tumagal ng isang linggo o higit pa ang toothache o pananakit ng ngipin.
Update by Jasmin Polmo and Irish Manlapaz
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!