Ang pag-iisip na likas na madaldal ang babae ay bahagi ng gender stereotypes. Kinikilala ang mga ito bilang katangian ng isang tao dahil sa kasarian nito. Subalit, madalas nakakalimutan na ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang pagkatao at hindi lahat ay nabibilang sa gender stereotypes. Ang masama pa, ay nakakasagabal ito sa maayos na komyunikasyon sa mga pagsasama.
Gender stereotypes
Maraming kilalang stereotypes lalo na pagdating sa kasarian. Mula sa mga hilig, pagkilos, o maging sa paraan ng pakikipag-komyunikasyon. Dahil dito, marami ang nagiging pagtatalo at hindi pagkakaunawaan ng mga nasa relasyon. Ang mga gender stereotypes pagdating sa komyunikasyon ay ang mga sumusunod:
- Mas madaldal ang babae.
- Mas mahalaga ang komyunikasyon para sa mga kababaihan.
- Ang mga lalaki ay nakikipag-usap para magawa ang isang bagay habang ang mga babae ay nakikipag-usap para sa emosyonal na koneksiyon.
- Ang mga lalaki ay nakikipag-usap tungkol sa mga bagay. Habang ang mga babae ay nakikipag-usap tungkol sa tao, relasyon, at mga pakiramdam.
- Ang mga lalaki ay nagsasalita para magbigay-alam at panatilihin ang independence at status. Sa kabila nito at ang mga babae ay nagsasalita para mai-ayos ang kooperasyon na nagpapakita ng kagustuhan ng equality.
Ngunit, ano nga ba ang basehan ng mga stereotypes na ito?
Pinagmulan ng stereotypes
Nuong 2006, nag-publish si Louann Brizendine, MD sa The Female Brain. Ayon sa kanyang naisulat, ang mga kababaihan ay nagsasalita ng nasa 20,000 salita araw-araw. Ang mga lalaki naman ay nasa 7,000 salita sa bawat araw ang average. Sinusuportahan nito ang stereotypes na nasa kaisipan ng mga tao.
Subalit, naisipan ni Mark Liberman, isang linguistic professor sa University of Pennsylvania na suriin ang naisulat. Dito niya napag-alaman na ang datos ay mula lamang sa self-help book. Dagdag pa nito, walang pag-aaral na isinagawa para makuha ang datos na ito.
Dahil dito, binawi ni Brizendine ang kanyang statement. Subalit, ang kaalaman ay nabasa na ng maraming tao. Naipasa na ang impormasyon na ito sa iba nang hindi naiisip na mali pala ito. Dahil sa naisulat na ito, lalong tumibay ang kaalaman na walang pag-aaral na pinagbasehan.
Sino ang mas madaldal?
Si Deborah James, isang linguistic researcher, at si Janice Drakich, isang social psychologist, ay sumuri sa ilang mga pag-aaral. Nasa 56 na naisagawang pag-aaral sa kung sino ang mas madaldal ang kanilang inaral. Dito nila napag-alaman na mula sa mga ito, 34 ang nagsasabing mas madaldal ang mga lalaki. 2 lang ang nagsabi na masmadaldal ang babae habang 16 ang nagsabing pantay lamang ang mga kasarian. 4 ang walang makitang pattern ng pagiging madaldal base sa kasarian ng tao.
Ayon sa kanilang pag-aaral, ang pagiging mas madaldal ay may kinalaman sa status ng tao at sa setting ng pag-uusap. Walang kinalaman ang kasarian. Kung pormal ang nangyayaring pag-uusap sa isang pormal na setting, ang mas magsasalita ay ang may masmataas na status, ano pa man ang kanyang kasarian.
Ang pagbibigay ng ilang katangian base sa kasarian ay maaaring makasama sa isang relasyon. Nagiging hadlang ito para makita ang isang tao bilang kung sino siya. Dapat tandaan na bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang katangian na hindi naiba-base sa kasarian.
Source: Psychology Today
Basahin: 3 paraan para makabuo ng baby girl o ng baby boy
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!