Sa kabila ng pagdami ng mga makabagong laruan para sa mga batang milenyo, sinisikap ng mga NGO at mga paaralan na manatiling buhay ang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga palarong Pinoy nakagisnan na ng ating mga ninuno.
Maaaring natatalo na nga ng mga computer, smartphones, tablet at kung anu-ano pang hi-tech na gamit ang mga larong Pinoy, ngunit kung maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak, kahit gaano pa kabata o katanda na ang mga ito, mananatiling buhay ang mga laro ng ating lahi.
Bakit nga ba madaling buhayin ang mga larong ito? Hindi ito magastos, dahil madalas ay talino, liksi at ang pagiging masayahin lamang ang puhunan. Hindi ba’t maraming magulang ang umaangal na palagi na lang nakaupo sa harap ng telebisyon ang mga bata, o di kaya’y nakasubsob sa cellphone, computer consoles o tablet? Ang mga larong Pinoy ay pisikal at aktibo, at gumagamit din ng stratehiya at mabilis na pag-iisip.
Mayroong higit sa 40 tradisyonal na larong Pinoy ang nakatala, ayon sa Magna-Kultura Foundation. Narito ang ilan sa mga pinaka-kilala at paboritong laro ng aking kabataan, at ng mga kabataang tinuturuan ko noong ako ay guro sa elementarya.
1. Patintero
Tinatawag din itong Harangang Taga, kung saan may dalawang koponan ang maglalaro at magsasalitan sa pagiging taya. Karaniwang sa kalye ito nilalaro. May nakaguhit na mga linya sa sahig (tubig o chalk ang gamit), at ang koponang taya ay siyang haharang sa bawat linya.
Kailangang makatawid ng lahat ng miyembro ng kalabang koponan, at lusutan ang panghaharang ng taya. Kapag ang isa ay na-“taga” o nahawakan habang tumatawid, matatanggal ito. Kahit isa lang ang makapasok at makabalik palabas, panalo na ang koponan, at mananatiling taya ang kabilang koponan. Kapag naman nataya ang lahat ng tumatawid at ubos na ang lahat ng miyembro, sila na ang magiging taya.
Masayang laro ito kung saan mahahasa ang teamwork, at talino at galing ng mga bata (hanggang mga teenager) sa stratehiya at pag-iisip kritikal. Pisikal din ang laro dahil kailangang mabilis at maliksi ang pagtakbo at pagharang.
2. Sungka
Ang larong ito ay gumagamit ng isang laruang kahoy na ang tawag ay sungkahan. Ito ay may dalawang hanay ng butas sa magkabilang tabi at tig-isang mas malaking butas sa dulo na magsisilbing “bahay” o “ulo” ng mga manlalaro. Dalawang tao lamang ang maaaring maglaro sa isang sungkahan.
Ang bawat manlalaro ay magkaharap at may 49 na sugay, buto o maliliit na bato na ilalagay sa bawat butas—7 sa bawat butas—maliban sa ulo. Para malaman kung sino ang unang gagalaw, hahawak ng tig-6 na sigay ang bawat manlalaro. Itatapon ito paitaas at sasaluhin. Kung sino ang may pinakamaraming nasalo mula sa 6 na sigay ang mauuna.
Magsisimulang kumuha ng mga sigay mula sa isang butas ang manlalarao, at maghuhulog ng isa sa bawat butas. Kung saan ito tumigil, at may lamang sigay ang butas, kukunin ito at ilalagay ulit sa mga butas, hanggang sa maubos ito.
Kung ang huling sigay ay pumatak sa ulo o bahay ng manlalaro, pipili siyang muli ng butas na may sigay na lalaruin niya.
Kung ang huling sigay ay pumatak sa butas na pag-aari ng kalaban, tapos na ang galaw ng manlalaro. Ang kalabang manalalaro naman ang maglalaro. Kapag ubos na ang lahat ng sigay at nailagay na sa magkabilang “bahay”, magsisimula ulit na maglagay ng tig-pitong sigay sa bawat butas. Kung hindi sapat ang sigay na nakolekta ng isang manlalaro para mapuno ang butas, ito ay magiging “sunog” o hindi na pwedeng lagyan ng laman.
Ang pinakamaraming makokolektang sigay sa kanilang bahay ang panalo.
May mga guro sa elementarya at high school ang gumagamit ng larong Sungka para mahasa ang mga estudyante sa pag-iisip na kritikal at sa Matematika. Kahit mga maliliit na bata ay masasanay sa pagbibilang sa larong ito.
3. Pitik-Bulag
Nilalaro ito ng dalawang tao. Simple lang ang laro: ang isa ay magtatakip ng mga mata, habang ang isa ay pipitikin ito. Ang nakatakip ang mata ay huhula kung ilan ang daliring nakalabas ng kalaro. Kung pareho ang bilang, panalo ang nagtakip ng mata, at ang kalaro naman ang magtatakip ng mata. Salitan lamang sila.
Nakatutuwa ito dahil may kinalaman ito sa pagbibilang at pag-eestima.
4. Taguan
“Hide and seek” ito sa Amerika. Sa Pilipinas, nilalaro ito kapag takipsilim o sa gabi para mas challenging, ika nga. May isang magiging taya at magtatakip ng mata, karaniwang sa isang puno o poste, at magbibilang habang magtatago ang ibang kalaro. Ang poste o punong ito din ang “base”.
Kapag natapos ang pagbibilang, bubuksan na ang kaniyang mga mata at magsisimulang maghanap. Sa bawat mahanap niyang kalarong nakatago ay tatawagin niya ang pangalan at sasabihing “Pung!” Kapag ang kalaro ay naunang humawak sa base, ligtas na siya sa pagiging susunod na taya. Ang unang na “Pung” ang susunod na taya.
Simpleng laro ngunit masaya dahil pag-iisipang mabuti kung saan magtatago, at kung ikaw naman ay taya, masusubok ang galing mo sa paghahanap.
5. Tumbang Preso
Ang Tumbang Preso ay isa sa mga paboritong laro ng mga kabataan lalo na nuong mga panahong wala pang computer, at wala pang masyadong sasakyan sa kalye. Teamwork at kooperasyon ang naituturo nito sa mga bata.
May dalawang koponan na may tig-3 manlalaro (o higit pa). Tatayo sila sa magkabilang tabi, habang may nakatayong lata (ng gatas) sa gitna ng isang bilog na ginuhit ng chalk. May tatayo sa gitna upang bantayan ang lata. “Preso” (tagalog ng prisoner) ang tawag sa batang tatayo sa gitna. Gamit ang kaniy-kaniyang tsinelas bilang pamato, at ibabato ito para patumbahin ang lata.
Kapag napatumba ang lata, kailangang itayo ito ng “Preso” at kapag nagawa niya ito, pwede niyang tayain ang mga batang tumatakbo para kunin ang pamato (tsinelas) nila at wala sa “base”. Kapag nakuha din ng “preso” ang tsinelas ng isang manlalaro, siya na ang susunod na “preso”.
6. Luksong Baka at Luksong Tinik
Ang dalawang larong ito ay halos pareho ng paraan. Nagkakaiba lamang sa lalaktawan. Sa Luksong Baka, ang taya ay nakayuko (crouching position) at ang ibang manlalaro ay lulukso sa kaniya. Pataas ng pataas ang taya, kaya’t mas mahirap itong luksuhan ng iba. Kapag may natumba o hindi nakalukso, siya ang susunod na taya.
Sa Luksong-Tinik, may dalawang manlalaro na magkaharap at gagawa ng “tinik” sa pamamagitan ng kanilang mga kamay at daliri. Ang ibang manlalaro ay lulukso sa ibabaw ng tinik at hindi dapat lumapat ang kahit anong bahagi ng katawan sa mga ito. Ang sinoman ang lumapat sa tinik, ay siyang susunod na taya.
Parehong pisikal at aktibo ang mga larong ito. Kinagigiliwan siya lalo na ng mga batang mahilig tumakbo at tumalon.
Ang mga larong ito ay naipasa na ng ating mga ninuno sa mga sumunod na henerasyon. Marami na ring nagbago o naiba, ngunit nanatili ang layunin ng mga ito. Masayang gunitain ang mga larong kinalakihan natin, ngunit mas masaya din kung maituturo natin ito sa ating mga anak, lalo’t makalaro natin sila dito, hindi ba?
BASAHIN: Sigurado ka bang safe ang anak mo sa internet?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!