Lahat ng bata ay matalino sa iba’t ibang paraan. Hindi ka naniniwala? Alamin rito ang tungkol sa multiple intelligence.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang ibig-sabihin ng multiple intelligence?
- 9 na uri ng intelligence, alin ang sa anak mo?
Lahat ng magulang ay gustong maging matalino ang kanilang anak. Dito sa atin, kapag sinabing matalino, madalas na ang grades o ang pagiging honor student sa eskuwelahan ang nagiging basehan.
Subalit hindi naman lahat ay mayroong kakayahang maging top o honor student. Ibig sabihin ba nito na hindi na sila matalino?
Para sa marami, ang tradisyunal na ibig sabihin ay ipinanganak kang may taglay na “uniform cognitive potential.” Kasama rito ang kakayahang magpaliwanag, magbigay ng logical reasoning, mag-isip ng solusyon sa problema, at makaintindi at makapagpaliwanag din ng komplikadong mga ideas—nang hindi nahihirapan. Dito nakabase ang tinatawag na IQ o intelligence quotient.
Pero noong 1983, isang mas malawak pagtingin sa “intelligence” ang iminungkahi ni Howard Gardner, isang propesor at psychologist sa Harvard University, sa kaniyang librong Frames of Mind: The Theory of Multiple Intelligences.
Sa librong ito, binago ni Gardner ang pagtingin ng mga tao sa talino at pagsukat nito, at hinamon nito ang mgaa tradisyonal na paniniwala sa larangan ng educasyon at cognitive science.
Multiple intelligence
Larawan mula sa Pexels
Ayon kay Gardner, lahat tayo ay may iba’t ibang talino o “intelligence.” Mayroong 9 na uri talino, at hindi ito ‘yong alam ng karamihan na talino sa pagkabisa ng nasa libro, o galing sa pagsagot ng mga exams, na nasusukat sa academic skills lang.
Paliwanag ni Feny delos Angeles-Bautista o Teacher Feny, isang child development expert at School Director ng Community of Learners School for Children, at siya ring nag-pioneer ng Multiple Intelligences (MI) sa curriculum sa Pilipinas, nag-research si Gardner at tahasang nag-aral, kasama na ang pakikipanayam sa daan-daang tao bago tuluyang sumulat ng kongklusyon niya na tinawag niyang MI theory.
Paliwanag ni Teacher Feny,
“According to Gardner, intelligence includes the potential for finding or creating solutions for problems, which involves gathering new knowledge.”
Ang 9 na uri ng intelligence ay nakikita sa iba’t ibang area ng ating utak, at gumagana ng mag-isa o magkakasama. Dagdag pa niya, iminungkahi ni Gardner na lahat ng tao ay may taglay na 9 na intelligences na ito, pero iba-iba nga lang ang degree.
Mayroong mga taong mas magaling o mas nangingibabaw ang isang talino, pero mayroon pa ring ibang talino at may kakayahan na ma-develop pa ang mga ito.
May nangingibabaw ang galing sa Math, halimbawa, pero magaling din naman sa Languages, sa Kinesthetic, at iba pa, pero hindi nga lang napapansin, at hindi rin nasasanay nang husto.
9 na uri ng intelligence o talino ng isang tao
Paano nga ba matutulungan ng mga magulang na madiskubre at malinang ang talino ng kanilang anak? At paano natin maipapaintindi sa ating mga ang sarili niyang talino at kakayahan sa iba’t ibang larangan?
Ang unang hakbang ay dapat alamin at intindihin rin ng magulang ang mga katangian ng bawat uri ng intelligence.
Isa sa pinakamahalagang itinuturo ng MI theory ay ang pagbibigay sa mga mag-aaral, bata man o matanda, ng 9 na “pathways to learning.”
Kung nahihirapan ang teacher at magulang na maturuan ang bata sa pamamagitan ng tradisyonal o nakagisnan nang pamamaraan sa eskuwela, ang MI theory ang isang makabagong paraan para maituro ang paksa o lesson, nang mas maiintindihan niya—at mas tatatak sa utak niya.
Isa-isahin natin ang bawat uri ng intelligence at alamin kung alin rito ang napapansin mo sa anak mo.
1. Art Smart (Visual-Spatial Intelligence)
Ito ang mga batang natututo sa pamamagitan ng mga larawan at visual aids, at magaling na kumilala at tumingin sa spatial characteristics, o mag-isip base sa physical space. Natututo sila sa pamamagitan ng “pagtingin” sa isang bagay o kadalasan ay larawan, para mas maintindihan nila.
Ang mga“art smart kids” ay mas interesadong mag-aral kung mayroong charts, graphs, maps, tables, illustrations, videos, art, puzzles, at props at costumes. Mahilig silang gumuhit, magpinta at nakakakita ng mga patterns nang mas mabilis kaysa iba.
Ilang potential career choices: architect, artist, engineer, graphic designer, film director, sculptor
2. Word Smart (Linguistic-Verbal Intelligence)
Nauna bang magsalita ang iyong anak bago siya natutong lumakad? Maaring siya ay word smart.
Kapag naman magaling sa pagsasalita, pagsulat, pagbasa, at pakikinig, may talinong linguistic-verbal ang bata. Ito ang mga batang mahusay sa paggamit ng salita, at malawak din ang bokabularyo dahil nga mahilig magbasa.
Magaling ang memory nila at tumatatak ang impormasyon sa utak. Naibabahagi nila ang kaalaman at nararamdaman sa pamamagitan nang pasalita o pasulat.
“Sila ‘yong mga successful sa traditional classrooms, because their intelligence lends itself to traditional teaching,” paliwanag ni Teacher Feny.
Ilang potential career choices: writer, journalist, teacher, lawyer, editor, news anchor, scriptwriter
Larawan mula sa Pexels
3. Number Smart (Logical-Mathematical Intelligence)
Ito naman ang mga taong magagaling sa reasoning at problem solving, at mahusay sa anumang may kinalaman sa numbers at patterns.
“Sila ‘yong mga bata naman na tipikal ding magaling sa traditional classrooms, kasi ang pagtuturo ay logically sequenced,” ani Teacher Feny.
Conceptual at abstract silang mag-isip, at mahilig sila sa mga eksperimento, puzzles, at mga malalalim na katanungan at paghihinuha. Natututo sila sa pamamagitan ng logic games, investigations, at mysteries.
Ilang potential career choices: scientist, mathematician, computer programmer, engineer, accountant.
BASAHIN:
Gustong lumaking matalino ang bata? Importante ang mga itinuturo sa baby hanggang 5 years old, ayon sa study
5 Things You Can Do To Raise An Emotionally Secure Child
11 na dapat kinakain ng bata para lumaki siyang matalino
4. Body Smart (Bodily-Kinesthetic Intelligence)
Ito ang mga batang kadalasang nababansagang malilikot, dahil katawan ang gamit nila sa pagkatututo, kaya’t di mapakali. Natututo sila sa pamamagitan ng paggalaw, pisikal at aktibong paglalaro, hands-on tasks, at magaling ang physical coordination at bodily control nila. Halimbawa sa math, sila ‘yong mas nakakapagbilang gamit ang mga daliri, o mga counters o tokens.
“Sa traditional classrooms, sila ang mga batang palaging nasasabihan na umupo, kasi nga ay hindi mapakali at kadalasan ay ‘overly active’,” paliwanag ni Teacher Feny.
Naaalala nila ang konsepto sa pamamagitan ng paggalaw at paggawa, at hindi sa pakikinig at pagbabasa lamang.
Ilang potential career choices: surgeon, mechanic, dancer, actor, athlete, performing artist
5. Music Smart (Musical Intelligence)
Sila yung mga henyo sa musika, at natututo sa pamamagitan ng kanta, patterns, rhythms, sounds, instruments at musical expression.
Marunong silang makakilala at maka-appreciate ng musika at kadalasan magaling sa musical composition at performance tulad ng sayaw.
Sila ang mga batang karaniwang hindi napapansin sa isang tradisyonal na classroom. Sensitibo sila sa rhythm at sound sa paligid nila.
Madalas, sila ang mga batang mas nakakapag-aral kapag may musika na tumutugtog sa background. Matututo sila kung isasalin sa musika ang mga aralin, o ituturo ang lessons ng may rhythm, o mga tools tulad ng musical instruments, music, radio, stereo, CD-ROM, at multimedia.
Ilang potential career choices: musician, composer, singer, music teacher, conductor
6. People Smart (Interpersonal Intelligence)
May mga bata namang natututo sa pamamagitan ng interaction at pakikisalamuha sa tao. Ginagamit niya ang positibong relasyon sa iba para maintindihan ang mga bagay-bagay.
Sila ‘yong mga batang outgoing at magaling makipag-usap sa iba’t ibang uri ng tao, at mahusay sa verbal at nonverbal communication.
Kadalasan, makikita mong nangunguna sila kapag group work, at nababansagang “madaldal” dahil palaging may kausap at nakikipag-usap. Magaling ang pang-unawa niya at paraan ng pakikipag-kapwa, palakaibigan, may empathy para sa iba at may “street smarts.”
Ilang potential career choices: counselor, psychologist, philosopher, sales executive, politician
7. Self Smart (Intrapersonal Intelligence)
Sila yung mga mahiyain at iwas sa pakikipag-usap sa tao, o bihira (kundi ayaw) makisalamuha sa iba. Mas magaling sila sa self-reflection dahil magaling kumilala sa sarili, sa mga nararamdaman niya, pati nagpapahalaga sa values at emosyonal na bagay.
Sila ay “intuitive,” ika nga, at nakakaya niyang i-analyze ang sariling strengths at kahinaan. Minsan nababansagan silang “daydreamers.”
Magaling siya sa pag-unawa ng sariling interes at goals. Mayroon silang wisdom, intuition at motivation, at may sariling pag-iisip, opinyon, at hindi madaling maimpluwensiyahan ng iba.
Natututo sila sa pamamagitan ng independent study o pag-aaral ng sa sarili, atintrospection. Sila ang pinaka-independent sa lahat ng mga learners.
Ilang potential career choices: writer, philosopher, theorist, scientist
8. Nature Smart (Naturalistic Intelligence)
Ito naman ang mga batang mahilig sa nature at environment. Mahilig silang maglaro sa labas, mag-explore at makadiskubre ng iba’t ibang bagay sa kapaligiran, at magiliw sa mga hayop at halaman, at anumang gawaing panlabas.
Excited sila kapag field trip, camping at kapag may gagawing exploration sa labas ng classroom ang klase. Ang talinong ito ay idinagdag sa unang 7 intelligences noong 1999 lamang.
Ilang potential career choices: biologist, conservationist, gardener, farmer
9. Existentialist Intelligence
Ang mga batang highly introspective at sensitibo at may kakayahang mag-isip nang malalim, at magtanong ng mga profound at makabuluhang tanong tungkol sa human existence, ay tinatawag na existentialist-smart. Mahilig silang mapag-isa kapag nag-aaral, at independent din.
“They learn in the context of where humankind stands in the ‘big picture’ of existence.” paliwanag ni Teacher Feny.
Sila ang mahilig magtanong ng “Bakit nga ba tayo nandito?” at “Ano ang purpose natin sa buhay?” o di kaya ay “Ano ang purpose ko sa buhay?” Ang intelligence na ito ay nasasaloob sa discipline ng philosophy, at ang pinakabagong dagdag na intelligence sa MI theory.
Ilang potential career choices: philosopher, psychologist, human resource worker, psychiatrist, theorist, social worker, motivational speaker
Paano pagyayamanin ang multiple intelligence sa mga bata?
Larawan mula sa Pexels
Naniniwala si Teacher Feny na ang talino ng bawat bata ay maaaring alagaan at pagyamanin, at tuluyang mapaigting, o di kaya naman ay ‘di pansinin at mapahina nang tuluyan—sa mga eskuwelahan, sa bahay, sa mga bata at matanda. Ito ay nakadepende sa mga matatandang nakakasama at nagtuturo sa mga bata.
“The curriculum and programs can be designed in ways that are supportive of and responsive to children’s multiple intelligences.
Children’s diverse learning styles, abilities as well as special needs are best supported in truly inclusive school settings and homes where parents understand and nurture kids’ multiple intelligences,” aniya.
(Ang curriculum at programa ay maaaring iayon sa pamamaraan na sumusuporta at tumutugon sa multiple intelligences ng isang bata.
Ang iba’t ibang paraan ng pagkatuto, kakayahan at pati na special needs ay tuluyang masusuportahan sa mga paaralan at tahanan na inclusive, kung saan ang mga magulang at kaanak ay naiintindihan at pinapayabong ang multiple intelligences ng bata.)
Isa ang paaralang itinayo ni Teacher Feny sa mga unang gumamit ng Multiple Intelligence theory sa curriculum at approach sa kanilang mga estudyante.
Bilang magulang, paano mo nga ba malilinang ang talino ng iyong anak?
Gaya ng nabanggit, ang unang hakbang ay ang obserbahan siya at alamin kung ano ang kaniyang strengths at weaknesses. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras sa pakikipaglaro sa iyong anak, malalaman mo kung anong uri ng intelligence ang nangingibabaw. At mula rito, mas pahalagahan kung ano ang kaya niyang gawin kaysa sa kaniyang kahinaan.
“We tend to see what is lacking when we label kids,” ani Mindy Kornhaber, isang professor sa Department of Education Policy Studies sa Pennsylvania State University.
Subalit sa halip na mag-focus sa kung anong hinding kayang gawin ng bata, pataasin ang kaniyang tiwala sa sarili sa pamamagitan ng pagpuri sa mga bagay na magaling siya.
“MI helps parents, teachers, and children understand children’s strengths and how these may be used to help them learn and solve problems,” dagdag ni Kornhaber.
Subalit hindi naman dapat limitahan ang bata o bigyan siya ng label. Dahil pwede mo pa rin namang linangin ang kakayahan ng bata sa iba pang aspekto.
Patuloy mo lang na i-expose ang iyong anak sa iba’t ibang klase ng activities at karanasan at hayaan siyang mag-develop sa kaniyang sariling paraan at timeline.
Higit sa lahat, mahalaga ang suporta ng isang magulang sa development ng isang bata. Kaya sa halip na kutyain o asarin siya, hayaan nating madiskubre nila ang kanilang kakayahan sa isang bagay.
Isipin lang ang walang hangganang posibilidad at di mabibilang na pagkakataon para sa bata, kung matututunan lang natin na madiskubre at magamit ang angking talino ng ating anak habang maaga.
Magiging mas masigasig ang bata sa pag-aaral dahil hindi lang naka-focus sa word smarts at rote learning para sa number smarts ang mga leksiyon, kundi natututo sila sa iba’t ibang paraan tulad ng laro at paggalaw.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Source:
Howard Gardner , Very Well Family, ChildrenDevelopment
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!