Hindi madaling sabihin ang salitang “no” o “hindi.” Bakit? Takot tayong magalit sa atin ang taong tinanggihan at gumawa ng gulo—lalo na kung ang taong ‘yon ay parte ng mga kaibigan at mga mahal natin sa buhay. Ang pagsasabi ng hindi ay maaari ngang makagalit at makagambala sa relasyon. Ngunit puwede tayong matuto kung paano humindi sa paraan na maaaring magpapatatag ng ating mga importanteng relasyon.
Dapat maintindihan natin na okey lang magsabi ng “hindi.” Kailangan nating alagaan ang ating sarili at huwag magpaka-martir, hindi ba?
Paano humindi: 5 na praktikal na tips
1. Kung hindi ka sigurado sa isasagot, ‘wag magbigay ng agarang oo o hindi.
Kahit mabigat ang pressure na nararamdaman mo, puwede mo namang sabihin na kailangan mo ng oras para pag-isipan ang isyu. Halimbawa: “Kailangan ko lang ng oras para pag-isipan ito. Balikan kita sa Lunes.”
2. Kung magsasabi ka ng “hindi,” siguraduhing lahat ng dahilan mo ay tungkol sa iyo.
Puwede kang magsabi ng mga dahilan tulad ng “Wala akong oras dahil marami akong ginagawa sa panahon na ito.” Huwag mo ding sisihin ang mga ibang tao para sa mga desisyon mo. Iwasan din mamintas.
3. Wag maging masyadong defensive.
Sapat na dapat ang “hindi ko to kayang gawin ito ngayon” o “hindi ako kumportableng gawin iyan.” Huwag nang patulan ang mga pagtatalo na wala namang patutunguhan.
4. Magbigay ng alternatibong solusyon.
Kung hindi ka makakatulong sa paraan na hinihingi nila, puwede kang tumulong sa ibang paraan. Halimbawa, puwede mo silang bigyan ng payo o ipakilala sa mga taong puwedeng makatulong sa kanila.
Siyempre, ang mga alternatibong ito ay dapat mas madaling gawin at di lang magiging sanhi ng sakit sa ulo.
5. Huwag subukang baguhin ang reaksiyon ng kausap mo.
Dapat manatili kang kalmado kahit sobrang negatibo ang reaksiyon ng kausap mo.
Kung nagalit ng sobra-sobra ang tita mo kasi sinabi mo na hindi ka makakatulong sa fund-raising ng simbahan niya, huwag mo na siyang patulan. Sabihin mo nalang na naiintindihan mo ang kaniyang mga emosyon, ngunit di mo talaga kaya ang ‘pinapagawa niya.
Subukan mo pa ring panatilihin ang iyong pagkakaibigan. Normal lang ang hindi pagkakaintindihan sa isang relasyon—ang importante ay kung paano ang pakikitungo ninyo sa isa’t isa pagkatapos ng isyu.
SOURCE: Psychology Today
Basahin din ang 5 kasinungalingan na puwedeng sumira ng relasyon ninyong mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!