Paano humingi ng tawad sa anak kung magulang ang nagkamali? Bakit kailangang humingi ng tawad sa anak, gayong mas nakatatanda ang magulang at siyang ‘dapat’ na sinusunod ng anak? Paano nakabubuti o nakasasama ang pahingi o hindi ng tawad ng magulang sa sariling anak?
Kakabit ng pagiging ina, ama, o magulang ang walang katapusang listahan ng mga tanong sa usapin ng mabuting pagpapalaki ng mga anak. Isa na sa pinakamahalagang paksa rito ang karampatang paghingi ng tawad ng magulang sa kaniyang anak sa mga pagkakataong kailangan at siyang dapat
Dahil tao lamang din ang mga magulang, hindi sila perpekto at may mga pagkakataong nagkakamali—sa mga desisyong para sa anak at buong pamilya, sa mga pananalita, sa mga pag-iisip, at sa kanilang mga gawa.
Paano humingi ng tawad sa anak at bakit ito kailangang gawin ng magulang?
Bilang matatanda, mahabang panahon na ang naiukol natin sa pakikipagkapuwa-tao. Bahagi ng pakikisama ang pakikipag-ayos tuwing may hindi inaasahang gusot ang relasyon natin sa kapuwa, lalo na sa mga pagkakataong nagagawan tayo ng pagkakamali, o tayo ang nakagagawa ng mali sa iba. Lagi nitong kakambal ang paghingi ng tawad at ang mabilis din dapat nating pagpapatawad.
Sa paghingi ng tawad, maraming perspektibo ng pangyayari at isyung hindi pinagkasunduan ang nabibigyang-daan upang malinawan at mapag-usapan nang mahinahon, nang maayos. Matapos kalmahin ang bawat isang involved sa isang pagtatalo, muling nabubuksan ang usapin at napag-uusapan nang may kababaang-loob sa pagitan ng bawat isa.
Dito pinatutunayang totoo ngang may kapangyarihan sa likod ng paghingi at pagpapatawad. At gayon din ang mabuting dulot nito sa pagitan ng magulang at ng anak.
Narito ang mga halimbawang sitwasyong mahalagang maisaalang-alang ng mga magulang ang pag-amin sa pagkakamali o pagkakapanakit sa damdamin ng anak nang hindi sinasadya, at paano humingi ng tawad nang maayos at taos-puso.
- Kapag nagalit nang sobra-sobra o matindi sa maliit na pagkakamali ng anak, lalo na kung hindi naman nasuportahan ng maayos na paliwanag o pangaral hinggil kumbakit ito nagawa.
Maaaring lapitan ang anak kapag nakalma na ang sarili. Humingi ng pasensiya at pang-unawa sa iniasal, at amining iyon ay isang hindi sinasadyang pagkakamali. Mas makabubuti kung sasabihin din sa anak kung ano ang state of emotion mo nang mga oras na iyon, na nagtulak para gayon na lamang katindi ang maging galit sa anak.
Sundan ito ng paliwanag tungkol naman sa nagawang pagkakamali ng anak. Sa iyong sariling paraan, linawing nagkamali ka sa paraan ng iyong pagpapahayag ng dismaya sa pagkakamali ng anak, pero hindi niyon maiaalis din ang katotohanang nagkamali ang anak. Ipaliwanag kumbakit at alin sa nagawa niya ang mali o hindi mabuting gawain ng isang bata. Sa huli, paliwanagan siya kung paano maiwawasto ang pagkakamali. Kung hindi man, paano naman ito maiiwasan nang maulit sa mga susunod na panahon.
- Kapag nagkakaroon ng aberya sa loob ng tahanan at hindi maiwasan ng magulang na mapagbintangan o mapaghinalaan ang anak bilang sanhi ng aberya.
Sa madaling halimbawa, nawala ang pera ng ama sa kaniyang pitaka. Wala ang asawa at tanging anak lamang ang kasama niya. Dala ng bugso ng damdamin, marahil ay sa frustration o matinding pangangailangan sa perang nawawala, naghinala siya sa anak na kumupit ng pera sa kaniyang pitaka.
Kasunod nito ang pagsisiyasat sa anak, ang pagtatanong kung may alam ito sa nawawalang pera ngunit may bahid ng paghihinala. Itatanggi ng anak na may alam o kinalaman ito, pero naroong magdudulot ng sakit sa kalooban ang nagawang paghihinala ng anak.
Para sa mga magulang na makararanas ng ganito, huwag mag-atubiling magpakumbaba sa anak at kausapin ito. Aminin ang pagkakamali sa bahagi ninyo—ang paghinalaan ang anak, imbes na makipagtulungan lamang sana ritong malaman kung ano kaya talaga ang posibleng nangyari sa nawawalang pera sa loob ng pitaka.
Bigyang-paliwanag sa anak kumbakit siya nagawang pagbintangan. Humingi ng paumanhin at pang-unawa, at tiyaking mula noo’y sisikapin nang hindi maulit ang gayong sitwasyon. Maaari rin itong maging aktuwal na aral sa anak, basta’t susugan lamang ng tamang paliwanag at gabay sa pag-handle ng emosyon.
- Kapag may mga hindi natutupad na gawain o pangako ang anak at purong paninisi ang nagagawa ng magulang sa anila’y ‘kapabayaan’ ng anak.
Sa mga panahong nabibigo ang mga magulang na marinig, makuha, o makita sa anak ang para sa kanila’y ‘dapat’ at ‘inaasahang’ maabot o mapagtagumpayan ng anak, iniisip kaagad nilang “may mali sa anak ko,” o “masyadong pabaya ang anak ko.” Hanggang sa ang ganitong pag-iisip nila ay nagta-translate na rin hanggang sa pananalita at pakikitungo sa anak.
Kapag nagtagal ang ganitong sitwasyon at naging bulag ang magulang sa nagagawa nilang pananakit at maling pagturing sa anak, nagiging dahilan ito para lumayo ang loob ng anak at magkaroon ng lamat ang samahan. Gayunpaman, hindi pa huli ang lahat para sa magulang na humingi ng kapatawaran sa anak, at makipagtulungang hindi na maulit ang gayong pangyayari.
Muli, aminin sa anak na mali ang sisihin ito kung hindi man nito nagagawa ang mga inaasahan sa kaniya, bukod pa ninyong mga magulang kundi ng iba pang mga nakapaligid sa pamila ninyo. Humingi ng tawad sa anak, at hingin ang pakikipagtulunga nitong mabago ang gayon mong pananaw sa kaniya.
Hingin ang panig ng anak at ang kaniyang mga saloobin sa nangyari. Sa gayong paraan lamang din mauunawaan ng magulang ang lalim ng naidulot nitong sugat sa kalooban ng anak. Sapagkat ito na rin ang magiging paalala ng magulang sa sarili upang maiwasan nang maulit ang parehong sitwasyon.
Ilan lamang ang mga ito sa mga sitwasyong hinihingi ng pagkakataong magpakumbaba ang magulang sa anak dahil kinakailangan, at dahil iyon ang tama.
Bilang mga magulang, ang paghingi ng tawad ang isa rin sa mga unang-unang ipinangangaral natin sa ating mga anak. Ngunit paano ito magagawa at mapahahalagahan sa aktuwal ng inyong anak kung kayo mismo ay hindi ito kayang isabuhay, lalo pa sa mga pagkakataong sila ang inyong nasaktan o nagawan ng pagkakamali? “Lead by example,” ‘ika nga.
Ang kapangyarihan sa likod ng kakayahang humingi ng tawad
Batay sa mga nabanggit sa unang bahagi, mabibigyang kahulugan natin ang paghingi ng tawad ng magulang sa anak bilang dalawang uri ng proseso.
Empathy
Nakapaloob dito ang kakayahan ng magulang na unawain ang damdamin ng anak, dulot ng kaniyang pagkakamali. Habang nauunawaan din niya ang sariling damdamin at akto kung bakit humantong ang mga pangyayari sa kasalukuyang sitwasyon.
Pagtukoy ng damdamin
Sa paghingi ng tawad ng magulang sa anak, ini-empower niya ang sariling kilalanin ang iba’t ibang uri ng damdaming maaaring namayani sa naging gusot sa pagitan ng sarili at ng anak. Kabilang dito ang lungkot, galit, pagkagulat, pagdaramdam, pagkatakot, paghihinanakit, o ano pa mang uri lalo’t negatibo.
Habang bata ang ating mga anak, samantalahin ang pagkakataong maipamulat sa kanila ang iba’t ibang aspeto ng pakikisama sa kapuwa, bilang isang matatag na haligi ng pagpapalawak nito ng kamalayan bilang isang mabuting tao.
Kung magiging maluwag lamang sa kanilang kalooban ang paghingi ng tawad hangga’t nasa murang edad, dahil na rin naging mabuting halimbawa ang kanilang mga magulang, gayon din nakakabit ang pagiging maluwag ng kanilang kalooban sa pagbibigay naman ng kapatawaran o pagpapatawad sa kanilang kapuwa.
Hindi ba’t masarap sa pakiramdam na kahit papaano’y mabuting ambag ito sa mabuting paghubog natin sa asal at pag-uugali ng ating mga anak.
Sources: Psychology Today, CBN Asia
Basahin: Simply saying ‘sorry’ can do wonders for your marriage. Here’s why
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!