Paano nga ba makukuha ang PAG-IBIG death claim? Alamin ang mga dapat mong malaman tungkol rito!
Ano nga ba ang Pag-IBIG fund?
Ito ay unang tinawag na Home Development Mutual Fund (HDMF), mas kilala sa pangalan ngayon na Pag-IBIG Fund, ito ang sagot sa pangangailangan ng national savings program at mumurahing at abot-kayang financing para sa bahay para sa mamayanang Pilipino.
Ang fund ay itinatag noong 11 Hunyo 1978 sa bisa ng Presidential Decree Blg 1530 pangunahin upang matugunan ang dalawang pangunahing ngunit pantay na mahalagang pangangailangan. Sa ilalim ng nasabing batas, mayroong dalawang ahensya na namamahala sa fund.
Ano nga ba ang Pag-IBIG death claim?
Hindi lahat ng Pag-IBIG members ay alam ang death benefits na makukuha ng kanilang pamilya, lalo pa kung masugid na naghuhulog buwab-buwan, pagkalipas ng maraming taon.
Una sa lahat, kung ang Pag-ibig member ay hindi pa kinuha ang kaniyang benepisyo noong nabubuhay pa siya. Makukuha ito ng kaniyang legal na tagapagmana o beneficiary. Provident Benefits ang tawag sa final benefits na tatanggapin.
Ang Pag-IBIG kasi ay para ring bangko. Basta’t patuloy ang paghuhulog, voluntary man o sa pamamagitan ng automatic na pagkaltas ng employer sa suweldo ng miyembro, naiipon ang hulog na ito, na pwedeng kunin anumang oras.
Kahit pa sa oras ng pagpanaw. Kaya mahalagang ipaalam sa asawa at mga anak, o sa mga magulang ang updated status ng iyong Pag-IBIG contribution.
Pag ibig death claim checklist | Image from Unsplash
10 bagay na dapat malaman tungkol sa Pag-ibig death claim:
1. Kaibahan ng Pag-ibig death claim
Hindi ito kapareho sa SSS na hiwalay ang SSS retirement benefit at death benefit (lump sum o pension) sa SSS funeral benefit. Iisa lang ito sa Pag-ibig Fund. Isahang benepisyo lang ang makukuha—isang cheke lang. Walang burial benefit o funeral benefit, at walang pensiyon.
2. Total Accumulated Values
Ang TAV o Total Accumulated Values ang tawag sa total amount na tatanggapin ng mga beneficiaries. Kapag member ang tatanggap ng Provident Benefits:
TAV = Total Savings o Contributions + Total Dividends
Kapag legal heir o beneficiary ang tatanggap ng Provident Benefits:
TAV = Total Savings o Contributions + Total Dividends + Death Benefit
3. Death Benefit
Ang maximum Death Benefit ay Php6,000. Kapag active ang deceased member (o regular siyang naghuhulog sa Pag-ibig Fund) sa panahon ng kaniyang pagkamatay, ang death benefit is Php6,000. Kapag inactive ang member, mas mababa sa Php6,000 ang TAV, at ang death benefit ay kasinghalaga ng TAV. At kapag inactive ang member, at Php6,000 o higit pa ang ang kaniyang TAV, ang death benefit ay Php6,000.
Pag ibig death claim checklist | Image from Unsplash
4. Nagamit na ang provident benefits
Kung nakuha na ng Pag-ibig member ang Provident Benefits (pensiyon) niya noong siya ay nabubuhay pa, wala nang makukuha ang pamilya niya. May ilang posibleng dahilan ng pag-withdraw ng Provident benefits kaya’t wala nang makukuha sa oras ng pagkamatay:
- Nakuha na ng miyembro ang hindi bababa sa 240 contributions (240 buwan) na naihulog niya
- Siya ay sumapit na ng 60 taong gulang
- Siya ay nag-retiro na
- At kung siya ay naging permanently disabled
Dahil nakuha na ng Pag-ibig member ang kaniyang savings at dividends mula sa Pag-ibig noong siya ay nabubuhay pa.
BASAHIN:
SSS Death Benefits: Paano makukuha ito ng mga naulila?
Paano magkaroon ng Pag-IBIG MP2 at lahat ng kailangan mong malaman
Yes, you can be a homeowner: a who, what, and how guide to the Pag-IBIG housing loan
5. Existing Pag-ibig loan
Gayundin kung may utang (existing Pag-ibig loan) ang deceased member: ibabawas muna ng Pag-ibig ang halaga ng balanse ng utang sa suma tutal ng naging kontribusyon niya; at kung may sobra pa, iyon lang ang makukuha ng kaniyang mga naiwan.
6. Tagapagmana ng isang Pag-ibig Member
Sa isang paliwanag ng abugadong si Atty. Gerry T. Galacio, tungkol sa legal na tagapagmana ng isang Pag-ibig Member na may asawa, iniisa-isa niya ang mga kondisyon:
- Kung may asawa’t anak ang namatay, ang asawa’t anak ang legal na tagapagmana.
- Kung mayrong illegitimate children ang miyembrong pumanaw na, legal din silang tagapagmana.
- At kung walang anak, legitimate o illegitimate, and asawa at mga magulang ng namatay ang legal na tagapagmana. Kalahati o 50% ang makukuha ng asawa, at 50% din sa mga magulang.
- Kung walang mga anak at wala ring magulang, ang asawa at mga kapatid ng namatay ang legal na tagapagmana: Kalahati o 50% sa asawa, at ang Kalahati pa ay paghahatian ng kung Ilan man ang kapatid ng namatay.
7. Kung ang namatay na Pag-ibig Member ay single o walang asawa:
- Ang mga magulang niya ang legal na tagapagmana. Pantay ang hatian ng nanay at tatay. Kung isa lang ang buhay na magulang, sa kaniya lahat mapupunta ang mana.
- Kung single pero may anak, 50% ang mana ng anak, at 50% pa din ang mapupunta sa mga magulang ng namatay na miyembro.
- At kung walang anak, apo, o magulang, at tanging mga kapatid lang ang naiwan, sila ang magmamana at hahatiin ang halaga ng benepisyo sa lahat ng kapatid.
Pag ibig death claim checklist | Image from Freepik
8. Pag-ibig death claim benefits requirements
May mga dokumentong kailangan para makakuha ng Pag-ibig death benefit o Provident claim:
- Nasagutang Application for Provident Benefits Claim (Pag-ibig form)
- Death Certificate ng deceased Pag-ibig member, mula sa PSA (dating NSO)(Kung sa ibang bansa namatay, ang Certificate of Death mula sa bansa kung saan namatay ay dapat na may tatak ng Philippine Consulate General o Philippine Embassy.
- Proof of Surviving Legal Heirs (Pag-ibig form) na may notaryo
- Affidavit of Guardianship (Pag-ibig form) na may notaryo (para sa mga batang wala pang 18 taong gulang, o di kaya ay PWD (Person with Disability)
- Kung may anak, Birth certificates ng lahat ng anak, mula sa PSA
- Kung may asawa, Marriage Certificate at Advisory on Marriage, mula sa PSA.
Dito makikita kung isa lang o higit sa isa ang nakatalang legal na asawa, o kung dissolved o annulled na ang kasal.
- Kung ang deceased member ay single, Certificate of No Marriage (CENOMAR), mula sa PSA
- Birth certificate ng deceased Pag-ibig member, kung ang claimants ay mga magulang niya
- Birth certificate ng mga kapatid, kung ang claimant ay mga kapatid
- Dalawang valid ID cards ng claimant, original copy at photocopy
- Para sa government employees: dapat magbigay ng updated service record ng deceased Pag-ibig member.
9. Provident Benefits Acknowledgment Receipt
Maaaring i-file ang Pag-ibig death benefit claim, kasama ng lahat ng dokumentong kailangan, sa tanggapan ng Pag-ibig kung saan binayaran o na-remit ng miyembro o employer niya ang latest contributions. Mabilis lang ang proseso; wala pa ngang isang oras ay tapos na.
Pagtanggap ng mga dokumento, titingnan kaagad ng Pag-ibig official kung mayron pang mga utang o loan na hindi pa nababayaran ang deceased member sa Pag-ibig, halimbawa ay housing loan, multi-purpose loan, o calamity loan.
Makakatanggap ng Provident Benefits Acknowledgment Receipt kung saan nakalagay ang petsa kung kailan makukuha ang cheke.
10. Problema sa pag-file ng pag ibig death benefits
Kung ang claimant ay hindi makakapag-file sa tanggapan ng Pag-ibig nang personal (kung nasa ibang bansa o nasa malayong probinsiya, halimbawa) maaaring magpagawa ng Special Power of Attorney para sa authorized representative. Kakailanganin ng authorized representative ng valid IDs, at pati ang valid IDs ng claimant.
Hindi kailangang i-file ito kaagad, pagkamatay. Siguraduhin lang na asikasuhin din, dahil marami nang mga scam ang natuklasan ng Pag-ibig tungkol sa Provident Benefits. May mga pagkakataong may nakapag-claim na pala ng benepisyong ito, bago pa man namatay ang miyembro sa pamamagitan ng identity fraud.
Higit sa lahat, habang malakas pa at kung may oras naman na asikasuhin, ugaliing i-verify sa tanggapan ng Pag-ibig o sa employer ninyo kung updated o nahuhulugan ang Pag-ibig Funds para sa oras na kailangan, ay may pinansiyal na tulong ang maiiwan sa iyong mga mahal sa buhay.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!