Ano ang gamot sa maga ng paa? Naranasan mo na rin ba na mamaga ang paa? Mayroong iba’t ibang sanhi ang pamamaga ng paa. At ang lunas para dito ay nakadepende sa kung ano ba ang dahilan kung bakit namamaga. Narito ang mga dapat malaman tungkol sa pamamaga ng paa at paano ang first aid sa pamamaga ng paa.
Talaan ng Nilalaman
Gamot at dahilan ng kirot at pamamaga ng paa
Ayon sa health website na Healthline maraming posibleng maging dahilan ang magang paa. Maaaring ito ay dahil sa sobrang kalalakad o paggamit nito.
Maaaring ito ay dahil din sa pagbubuntis o kaya naman ay sa surgery. Pwede ring dahil sa isang karamdaman o sakit kung ito ay hindi agad na gumaling at sinasabayan ng iba pang sintomas.
Ilan nga umano sa posibleng maging dahilan sa namamaga na paa ay ang sumusunod. Pati na ang gamot sa namamaga na paa base sa posibleng dahilan nito.
1. Edema o manas
Ang edema o manas ay isang kondisyon na kung saan may excess fluid na na-trap sa ating body tissue. Ito ang nagdudulot ng puffiness o pangangapal sa tissue sa ilalim ng balat sa ating paa, sakong at binti. Maaari rin nitong maapektuhan ang ating mga kamay at braso.
Ito pa ang ibang sintomas ng edema ay ang sumusunod:
- Stretched o nangingintab na balat
- Balat na nagkakaroon ng dimple kapag ito ay nadiinan
- Paglaki ng tiyan
- Hirap sa paglalakad
Ito naman ay madalas na kusang gumagaling. Pero ang mga paraan kung paano malunasan at maiwasan ito ay ang sumusunod:
first aid sa pamamaga ng paa dulot ng edema
- Bawasan ang iyong salt intake.
- Uminom ng 8-10 baso ng tubig araw-araw.
- Bahagyang pagtaas ng iyong paa sa tuwing nakahiga.
- Ibabad ang paa sa cool Epsom salt bath sa loob ng 15-20 minuto
- Gumamit ng support stockings o compression socks.
- Uminom ng mga diuretic medications.
- Magdagdag ng magnesium supplements sa iyong diet.
- Masahiin ang paa.
- Kumain ng potassium-rich foods.
- Pag-adjust sa iyong prescription medications.
- Pagsasagawa ng Legs-Up-the-Wall Pose o pagsandal ng iyong mga paa sa dingding habang ikaw ay nakahiga.
2. Pagbubuntis
Ang pamamaga ng paa ay madalas na dulot din ng pagbubuntis. Ito ay dahil mas maraming tubig na na-reretain ang katawan. At marami rin itong pino-produce na dugo at fluids.
Sa pagbubuntis, ang pamamanas ay madalas na nararanasan tuwing gabi o sa ika-5 buwan ng pagdadalang-tao. Lalo na kapag nakatayo o naglalakad buong maghapon ang babaeng nagbubuntis.
Para mabawasan at magamot ang namamaga na paa kapag pagbubuntis, narito ang mga paraang maaring gawin:
first aid sa pamamaga ng paa dulot ng pagbubuntis
- Iwasang magtatayo nang sobrang tagal.
- Manatili sa malamig o airconditioned na lugar sa tuwing mainit ang panahon.
- Itaas ang iyong paa sa tuwing nagpapahinga.
- Magsuot ng komportableng sapatos at iwasan ang may matataas na takong.
- Magsuot ng tights o stockings.
- Iwasang magsuot ng masisikip na pantalon.
- Lagyan ng cold compress ang namamagang paa.
- Dagdagan ang iniinom na tubig araw-araw.
- Bawasan ang pagkain ng maaalat.
3. Pag-inom ng alak o alcohol
Biglaang pamamaga ng paa dahil sa alak o alcohol. Posible rin pala ito!
Ang pag-inom ng alak ay nagdudulot din ng pamamaga ng paa. Ito ay dahil nag-reretain ng maraming tubig ang katawan matapos ang paglalasing. Kusa naman itong nawawala matapos ang ilang araw.
Ngunit kung hindi, at madalas biglaang namamaga ang paa sa tuwing ikaw ay umiinom, maaaring palatandaan na ito ng sakit. Maaring ito ay kondisyon na may kaugnayan sa iyong atay, puso o kidney.
Ngunit sa oras na napansin na namamaga ang iyong paa matapos uminom ng alak ay narito ang maaring gawin upang ito ay malunasan.
first aid sa pamamaga ng paa dulot ng alak
- Dagdagan ang iyong water intake.
- Bawasan ang pagkain ng maalat na pagkain.
- Magpahinga na nakataas ang paa.
- Ibabad ang paa sa malamig na tubig.
4. Kidney disease
Gamot ba sa pamamaga ng paa dulot ng kidney disease ang kailangan mo? Oo, tama, ang kidney disease ay posible ring magdulot ng pamamaga ng paa.
Maiiugnay ito sa pagkakaroon ng sakit sa kidney, kung ito ay sinasabayan ng sumusunod na sintomas:
- Hirap mag-concentrate
- Walang gana kumain
- Pakiramdam ng panghihina o pagkapagod
- Hirap makatulog
- Kawalan ng energy
- Muscle cramping
- Madalas na pag-ihi hindi tulad ng dati
- Pagkahilo at pagsusuka
- Hirap sa paghinga
- Mataas na blood pressure
- Pananakit ng dibdib
Kinakailangan ng propesyonal na payo ng doktor para malaman ang gamot sa namamaga na paa dulot ng kidney disease.
5. Liver disease
Maiuugnay din ang pamamaga sa pagkakaroon ng liver disease kung ito ay sinasabayan ng sumusunod na sintomas:
- Paninilaw ng balat at mata o jaundice
- Pangangati ng balat
- Dark urine
- Namumula o nangingitim na dumi
- Fatigue
- Pagkahilo at pagsusuka
- Kawalan ng gana kumain
- Madaling pagpapasa ng katawan
Ilan naman sa ipinapayong paraan upang mapabilis ang recovery at maiwasan ang sakit sa atay na ito ay ang sumusunod:
- Pagbabawas ng timbang
- Hindi pag-inom ng alak
6. Mainit na panahon
Biglaang pamamaga ng paa? Posibleng dahil sa init ng panahon. Tuwing mainit na panahon ay nag-eexpand o namamaga rin ang ating mga ugat dahilan upang mamaga rin ang ating mga paa.
Sa ganitong pagkakataon ang gamot sa pamamaga ng paa na maaring gawin ay ang sumusunod:
first aid sa pamamaga ng paa dulot ng init ng panahon
- Ibabad ang paa sa malamig na tubig.
- Uminom ng maraming tubig.
- Magsuot ng komportableng sapatos.
- Magpahinga na nakataas ang paa.
- Magsuot ng support stocking.
- Magsagawa ng feet exercises.
7. Gamot sa pamamaga ng paa dahil sa pilay, aksidente, o injury
Kung ang swollen feet ay sanhi ng natapilok ka, o tulad ng pilay, pagkabali ng buto, at aksidente, narito ang mga maaaring gawing first aid sa pamamaga ng paa:
- Ipagpahinga ang paa at iwasan na ito ay mapuwersa.
- Lagyan ng yelo o cold compress ang paa sa loob ng 20 minuto sa buong araw.
- Gumamit ng compression bandage.
- Magpahinga ng nakataas ang paa lalo na gabi.
- Maari ring mag-reseta ang doktor ng pain reliever depende sa lala ng injury at nangyaring aksidente at pilay.
8. Impeksyon
Isa pa sa maaaring sanhi kaya namamaga ay impeksyon. Katulad na lamang ng mga taong may diabetic neuropathy o iba pang kundisyon sa nerves sa paa. Mataas ang tiyansa nila na mamamaga ang paa.
Maaaring sanhi ito ng mg sugat katulad ng blister, burns, o insects bites. Kapag mayroon nito maaari kang makaranas ng pananakit, pamumula at iritasyon sa iyong paa.
Agad na magpatingin sa doktor at ang gamot sa pamamaga ng paa na maaari niyang ibigay ay topical antibiotic para magamot ang impeksyon.
Narito ang mga first aid sa pamamaga ng paa dulot ng impeksyon:
- Ibabad ang paa sa malamig na tubig
- Uminom ng maraming tubig
- Magsuot ng mga sapatos na makakahinga ang iyong paa at makakagalaw ito ng maayos.
- I-rest ang iyong legs na naka-elevate position.
- Magsuot ng support stockings
- Maglakad-lakad ay gumawa ng mga simpleng leg exercises.
9. Gamot sa pamamaga ng paa dahil sa Gout
Isa sa mga sintomas ng gout ang swollen feet at joints. Ang gout ay sanhi ng buildup ng uric acid sa dugo. Karaniwang tumatagal ang pamamaga ng gout nang tatlo hanggang 10 araw.
May mga gamot na maaaring irekomenda ang iyong doktor sa pamamaga ng paa dahil sa gout. Pwede rin namang mag-take ng NSAIDs medication o corticosteroids para maibsan ang pananakit.
Maaari ring gumamit ng home remedy sa pamamaga ng paa dahil sa gout tulad ng apple cider vinegar at black berry juice. Kaya lamang, mas makabubuting kumonsulta muna sa doktor bago sumubok ng remedy kung severe ang kondisyon ng iyong gout.
Paano mawala ang maga sa paa
Siyempre, matapos banggitin ang mga kondisyon, mga dahilan at kung ano ang sanhi ng pamamaga ng paa, kailangan din natin alamin kung paano mawala ang maga sa paa.
Kinakailangan dito ay mga gamot na pwedeng inuman, first aid (lalo na ang dahil sa pilay o aksidente) at mga home remedies at halamong gamot na pwede para sa pamamaga ng paa.
Para malunasan din ito, marapat lang na alamin din ang pinanggagalingan ng sakit. Para mabigyan ng tamang lunas sa maga sa paa, mabuting magpatingin muna sa doktor.
Matapos gawin ang mga first aid o hakbang na nabanggit sa itaas at ‘di pa rin bumuti ang lagay ng pamaamga ng paa ay magpatingin na sa doktor. Maaaring itanong sa doktor kung anong angkop na mga activity lang ang pwede mong gawin habang namamaga ang paa.
Nakadepende sa tindi ng maga ang irerekomendang gamot ng doktor. Pwede ka niyang resetahan ng over-the-counter na gamot sa kirot at pamamaga ng paa.
Maaari din namang irekomenda nito na magsuot ka ng brace o splint sa naapektuhang paa. Kung malala ang kalagayan ay posibleng sumailalim sa surgery.
Larawan mula sa Shutterstock
Home remedy sa pamamaga ng paa
Narito ang ilang home remedy sa pamamaga ng paa na maaaring mong subukan:
- Uminom ng sapat na dami ng tubig kada araw. Mahalagang makakonsumo ng walo hanggang 10 baso ng tubig araw-araw.
- Gumamit ng compression socks. Makabibili nito sa mga drug store. Makatutulong ito para maging komportable ang iyong mga paa.
- Ibabad sa tubig na may Epsom salt ang iyong mga paa nang 15 hanggang 20 minuto.
- Itaas ang paa nang lampas sa iyong puso. Pwedeng gumamit ng unan para i-angat ang mga paa tuwing natutulog.
- Iwasang tumayo o umupo nang matagal sa isang pwesto lamang. Gumalaw-galaw upang hindi mamaga ang mga paa.
- Makakatulong ang mga pagkaing mayaman sa magnesium tulad ng almond, tofu, kasoy, spinach, broccoli, at avocado. Pwede rin namang uminom ng magnesium supplement subalit kumonsulta muna sa iyong doktor bago uminom nito. Hindi makabubuti ang magnesium supplement kung ikaw ay mayroong sakit sa kidney o sa puso.
- Bawasan ang pagkain ng mga pagkain mayaman sa sodium. Kung maaari ay iwasan ang paglalagay ng asin sa pagkain.
- Kung ikaw ay overweight, mahalagang magbawas ng timbang para hindi mamaga ang mga paa dulot ng bigat ng katawan. Kumonsulta sa iyong doktor upang humingi ng payo kung paano ang healthy way ng pagbabawas ng timbang depende sa iyong kalagayan.
- I-massage ang paa upang marelax. Makakatulong din ito sa maayos na pagdaloy ng dugo mula sa mga paa pabalik sa puso.
- Kumain ng mga pagkaing mayaman sa potassium tulad ng kamote, white beans, saging, salmon, at manok.
Mahalagang kumonsulta rin sa doktor kung safe ba ang mga home remedy na ito para lunasan ang pamamaga ng paa.
Halamang gamot sa pamamaga ng paa
Bukod sa mga nabanggit na home remedy, may mga halaman din na maaaring gamiting gamot sa pamamaga ng paa.
Ang mga halamang gamot tulad ng luya (ginger), luyang dilaw (turmeric), ay maaari ring gamitin para maibsan ang pamamaga ng paa. Maaaring ito ay sa porma ng powder, paste, o juice.
Makakatulong din ang essential oils para mabawasan ang pamamaga. Ilan sa mga essential oils na maaaring gamitin sa namamagang paa:
- Eucalyptus
- Chamomile
- Lavender
- Peppermint
- Marjoram
- Helichrysum
Pwedeng ihalo sa maligamgam na tubig ang dalawa hanggang tatlong patak ng essential oils na ito. Pagkatapos ay ilublob ang mga paa at ibabad nang hanggang sampung minute o hanggang lumamig ang tubig.
Pwede ring gamitin ang essential oils sa pagmasahe ng binti. Tandaan lang na dapat itong i-dilute o ihalo sa coconut oil bago ipahid nang direkta sa balat. Huwag ipapahid nang direkta sa balat ang purong essential oils.
Bawal na pagkain sa pamamaga ng paa
Maaaring dahil sa ating mga kinakain, na nagdudulot ng pamamaga ng ugat sa paa at gout.
Kaya naman, may mga pagkain na dapat iwasan upang hindi na lumala pa at magpatuloy ang mga kondisyong ito.
Ang mga sumusunod ay ang mga bawal na pagkain kapag namamaga ang paa:
- red meat o matabang karne ng baboy at baka
- matatamis na pagkain at inumin
- pag-inom ng alak
- pagkain ng mga laman-loob (tulad ng atay, balun-balunan, dugo at iba pa)
- mga seafood na nagdudulot ng uric acid tulad ng tuna, scallops, herring, tahong, at trout
- mataas sa fructose na corn syrup
Sikapin ding magpa-check up sa doctor para alamin kung ano pa ang mga pagkain na dapat iwasan lalo na kung may gout o mataas na uric acid.
Ang pinakamahalagang gamot sa pamamaga ng paa
Pinakamahalaga pa ring gawin para maibsan ang maga sa iyong paa ay ang pagpapakonsulta sa doktor. Importante ito para malaman kung may underlying condition ba na maaaring sanhi kung bakit namamaga ang mga paa.
Karagdagang ulat mula kay Jobelle Macayan at Nathanielle Torre
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!