Mas naging mainitin ang ulo at iritable ka ba pagkatapos manganak? Maaring mayroon kang postpartum rage.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang postpartum rage?
- Mga sintomas ng postpartum rage, ayon sa mga nanay
- Sanhi ng galit ng isang bagong-panganak na ina
Maraming mommies sa ating TAP community ang nagbigay ng kanilang mga komento asa aming articles tungkol sa postpartum anxiety at postpartum depression.
Sa mga nanay na nagbahagi ng kanilang karanasan bilang bagong ina, mayroon kaming napansin na pareho sa mga kwento nila – marami sa kanila ang nakaramdam ng matinding galit na hindi nila makontrol, at hindi rin nila mapaliwanag.
Kaya naman inalam namin kung ano itong matinding galit na nararanasan ng mga bagong ina, at natuklasan ang isang kondisyon na tinatawag na postpartum rage.
Larawan mula sa Freepik
Postpartum rage
Ang pagiging isang ina ay isang pangyayari sa ating buhay na nagdadala sa’tin ng matinding saya. Pero dahil rin sa mga pagbabagong nararanasan natin sa ating katawan at araw-araw na gawain, may mga pagkakataon na nakakaramdam tayo ng matinding lungkot, pag-aalala, at minsan, galit.
Ang postpartum rage ay ang matindi at hindi maipaliwanag na galit na nararamdaman ng isang bagong-panganak na babae.
Bagama’t hindi ito binansagan bilang isang clinical mood disorder gaya ng postpartum depression at postpartum anxiety, isa ito sa karaniwang sintomas ng dalawa.
Iba-iba rin ang paglabas ng postpartum rage sa bawat ina, ayon na rin sa kanilang nararamdaman at sitwasyon. Para sa maraming kababaihan, nailalarawan nila ang postpartum rage kapag bigla na lang sila nagagalit o naiinis dahil sa isang bagay na dati naman ay hindi magiging dahilan ng init ng ulo nila.
Mga sintomas ng postpartum rage
Larawan mula sa Instagram account ng Happy as a Mother
Ano nga ba ang mga karaniwang sintomas ng postpartum rage? Hayaan niyong isa-isahin namin ang mga ito sa pamamagitan ng mga komento ng mga nanay sa ating TAP community bilang halimbawa.
-
Nahihirapang kontrolin ang init ng ulo
“‘Yong feeling na nagagalit ka sa anak mo for some unknown reason. Sometimes masaya kang kinakarga siya, then sometimes magugulat ka na lang na kinukurot mo na, pinapaiyak mo na …”
-
Madalas na pagtaas ng boses, pagsigaw at pagmumura
“Wala kang masabihan kasi mister mo hindi ka rin maintindihan kung bakit ganun ka. Halos nasisigawaan mo na siya kahit hindi mo naman intensyong sabihin ‘yon.”
-
Pisikal na paglabas ng galit tulad ng pananakit at paghagis ng mga bagay
“Napalo ko ang week old kong baby noon, sa galit ako sa kaniya …”
-
Nakakaisip ng masasama at mapanakit na pag-iisip sa iyong asawa o miyembro ng iyong pamilya
“Galit na galit ako sa partner ko, stressed ako sa lahat ng bagay.”
Larawan mula sa Freepik
BASAHIN:
Hindi laging malungkot: Ano ba ang hitsura ng depression sa first-time moms?
Ano ang postpartum anxiety at paano ito lalabanan?
Ito ang epekto sa bata kapag mabilis mo siyang nakakagalitan
-
Hindi mawala sa isip ang isang bagay na kinainisan mo (maliit man ito o malaki)
“Umikli ‘yong pasensya ko, lagi mainitin ang ulo na hindi naman ako usually ganoon before.”
-
Nahihirapang makawala sa matinding emosyon
“Pinaka-ayaw ko makarinig ng iyak ng mga anak ko, iritang-irita ako, doon na mag-iinit ang ulo ko. Madalas ‘di ko makontrol sarili ko, kung galit ako, galit ako.
Darating sa point na kapag hindi ko na kaya, sa kuwarto na lang ako, sinasaktan ko sarili ko o iiyak na lang ako.”
-
Nakakaramdam ng sari-saring emosyon (gaya ng guilt, pagsisisi at kalungkutan) matapos magalit o makasakit
“Nasisigawan ko at napapalo pa siya, pero deep inside sobrang sakit sa dibdib ko. Bakit ko nagagawa ‘yon? Hindi ko mapigilan ang galit ko.
Iniisip ko na lang bata pa siya at wala pang alam sa mundo kaya ganoon, inaamo ko agad siya at hinahalikan.”
Sanhi ng galit ng isang bagong ina
Larawan mula sa Instagram account ng Happy as a Mother
Ang postpartum rage ay isang karaniwang sintomas ng postpartum anxiety at depression. Kadalasan kasi, mas madaling magpakita o magparamdam ng galit kaysa magpakita ng kalungkutan.
Gayundin, kapag masyado kang nag-aalala sa isang bagay, nakakaranas ka ng galit kapag sa tingin mo ay hindi ka naiintindihan ng iba.
Si Sally Shepherd ay isang clinical psychologist na nakaranas mismo ng postpartum rage nang siya ay maging first-time mom. Hindi niya rin inasahan ang makaramdam ng ganoong klaseng galit pagkatapos niyang manganak. Ayon sa kaniya,
“I think anger in new parenthood is pretty common. It’s something that I didn’t expect to face, but did.”
Ayon kay Shepherd, ilan pa sa mga posibleng bagay na nakakadagdag sa postpartum rage ay ang kawalan ng sapat na pahinga at pagbabago ng hormones sa ating katawan.
“The combination of sleep deprivation and hormonal fluctuations can also be a factor.”
Para naman kay Erica Djossa, isang maternal mental health specialist sa Ontario, may mga maliliit na bagay na kapag nagpatong-patong at hindi naipahayag ng isang ina ay maaring magdulot ng matinding galit.
“Small annoyances are often the culprit. For example, a mom may report that not having a specific grocery item, having something left out by a partner (a dirty dish, etc), unable to find something, or baby refusing nap may set off this undesirable rage.
It may be completely uncharacteristic of her. This is often a sign of something else going on and needs to be addressed.” paliwanag niya.
Narito pa ang ilang bagay na maaring makadagdag sa init ng ulo o pagiging iritable ng isang bagong ina:
- Hindi siya nakakaramdam ng suporta mula sa mga tao sa paligid niya
- Naninibago siya sa mga inaasahan sa kaniya bilang ina
- Parang nawawalan siya ng kontrol sa sariling buhay
- Pakiramdam na nawawalan siya ng identity (dahil lahat ay umiikot na kay baby)
- Mayroong problema sa relasyon nilang mag-asawa o kapamilya
- Iba ang nangyayari sa inasahan niya bago maging isang ina
Paano maiiwasan ang postpartum rage
Ayon kay Dr. Chex Gacrama, isang neurologist at psychiatrist, ang unang hakbang kapag nagkakaroon ng problema sa pag-iisip ang isang ina ay magsalita at humingi ng tulong.
“Kapag may nararanasan na tayo, alam nating may mali na, kumonsulta agad. Humingi ng tulong.”
Dahil magkakaiba ang lumalabas na sintomas sa mga taong may postpartum rage at postpartum depression, mas makakabuti kung kakausapin mo rin ang iyong doktor tungkol dito.
Kumonsulta sa iyong OB-Gynecologist para mai-refer ka niya sa isang psychologist o psychiatrist na pwede mong kausapin. Maari niyang ipayo na sumailalim ka sa therapy o uminom ng gamot na ligtas para sa’yo at sa iyong sanggol kung ikaw ay nagpapadede pa.
Makakatulong rin kung aalamin mo ang karaniwang trigger o bagay na nakakapagsimula ng iyong galit o init ng ulo. Maaring ito ay ang labis na pag-iyak ni baby, kulang ka sa tulog o kaya naman kapag pakiramdam mong walang tumutulong sa’yo.
Pwede mong isulat ang mga iyong nararamdaman at ang sanhi nito sa isang journal para mas maintindihan ka rin ng iyong doktor.
Mahalaga rin na magkaroon ka ng support system na makakaintindi sa’yo at makakausap mo sa tuwing nakakaramdam ka ng matinding emosyon. Humingi ng saklolo at ipabantay muna sa iba si baby kung nararamdaman mo na nangingibabaw ang kalungkutan o galit.
Huwag ring kalimutang alagaan ang iyong sarili. Kumain sa tamang oras at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga para maiwasan ang matinding pagod at init ng ulo.
Bigyan mo rin ng break ang sarili mo at hayaang ang iyong partner o pamilya ang mag-alaga si baby kapag nagpapahinga ka.
Tandaan, mommy, hindi ka nag-iisa. Maraming mga nanay ang dumadaan sa postpartum rage, anxiety at depression. Kaya kapag may napansin kang kakaiba sa iyong ikinikilos at pag-iisip, huwag mahiyang humingi ng tulong at kumonsulta sa iyong doktor.
Paalala ni Dr. Chex,
“Kapag ang ating mental state ay healthy, mas maaalagaan natin ang ating sarili at lalong lalo na ang ating baby.”
Source:
Healthline, Happy As a Mother
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!