Kamakailan lang naging usap-usapan ang pagkamatay ng apo ni Mon Tulfo dahil sa depression. At nang ibalita ni Tulfo sa publiko ang nangyari, nabanggit niya na minsan na ring sumagi sa isip niya na kitilin ang sariling buhay—patunay na anumang edad ay maaaring tamaan ng depresyon katulad ng ibang mga sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Tunay na kwento ng paglaban sa depression at anxiety at kung bakit ito politikal
- Ano ang magagawa ng magulang para hindi malugmok sa sakit na ito ang kanilang anak?
REAL STORIES: Depression, anxiety at paano ko ito nilaban
Bata pa lamang ako nang mapansin na ng marami, hindi lang ng aking sarili na malungkutin akong bata. Dahil hindi pa naman gaanong progresibo ang lipunan nang panahon na iyon sa usapin ng mental health, ang tingin ng marami ay bahagi lamang ito ng personalidad ko: tahimik, seryoso, madamot sa ngiti, at laging malalim kung mag-isip.
Hanggang nilamon na ako ng persepsyon na ito na akala ko na rin sa aking sarili na personalidad ko lang din ang kalungkutan, na kakambal ito ng pagkatao ko. Pero alam ko sa kaibuturan ko na gusto kong maging masayahin na tulad ng ibang bata. Na gusto kong mag joke at tumawa, na ayaw ko nang umiyak sa sulok nang di alam ang puno’t dulo ng lungkot.
Ilang larawan na kinuhanan matapos ang matinding breakdown at malalang migraine
Nang mamatay ang lola ko noong Grade 1 ako, tinatamad na akong pumasok. Takot din ako sa P.E class dahil ayaw kong makita ako ng ibang tao. Madalas akong nasa clinic dahil sumasakit ang tiyan ko sa hindi ko maintindihang dahilan. Salamat kay Sir Albert Cruz na nagbibigay ng libreng spaghetti kapag nasa clinic ako.
Pero hindi simpleng gutom ang dahilan ng sakit ng tiyan ko, na napagtanto ko na lang later in life.
Ganoon lagi. Tuwing may pagkakataon na kailangan kong magpakita sa maraming tao, nakakaramdam ako ng sakit sa tiyan at pagnanasa na tumakas, magtago, mawala.
Maraming naging pagsubok sa buhay noong bata kami. Mga pagkakataon na wala kaming makain, walang matulugan tuwing umuulan dahil puro tulo ang bubong ng bahay, walang pambaon sa eskwela at iba pang problemang pinansiyal. Salamat na lang sa guro ko noon na si Ma’am Adelina Dollesin dahil pinapautang nya kami ng pambaon na di ko matandaan kung nababayaran ba namin.
Masasabi natin na isa ito sa mga dahilan ng lungkot, ang mahirap na buhay na malayo sa buhay ng iba kong kaeskwela na maraming baon, may malalaking de gulong na bag, at confident maglakad sa harap ng maraming tao.
Bukod dito, naranasan ko ring ma-bully noong grade school. Pero hirap akong magsumbong sa bahay o pumalag sa pang-aapi sa akin dahil bata pa lang ako, minarkahan na ako sa bahay na lampang bata. Hindi ako makapagsumbong dahil ayaw kong mapatunayan nila na lampa ako at hindi kayang ipagtanggol ang sarili.
Kinimkim ko ang lahat nang mag-isa gamit ang mura ko pang isipin at musmos na katawan.
Noong mag high school, mas dumami ang kaibigan na nauunawaan kung ano at sino ako. Na sa kabila ng malungkuting ako ay natutunan na samahan ako sa hirap at saya. Unti-unti akong naging masiglang bata pero may mga araw na di ko maintindihan bakit binabangungot ako, bakit dinadalaw ako ng mga lungkot na walang mukha at pangalan. Parang mga damong ligaw na di ko alam saan nagmula.
Kolehiyo ako nang tumindi ang pakiramdam ng kalungkutan. Masayahin man sa panlabas na anyo ay may mga araw na hindi ako pumapasok sa klase kahit nasa vicinity na ako ng unibersidad. Sadyang hindi ko lang kaya. Dito na nagsimula ang pagiging sugarol ng kapatid, ang laging sigawan sa bahay na gusto kong takasan, ang mga gabing hindi ako makapagpahinga mula sa pagtratrabaho sa palengke para may ipantustos sa pag-aaral, at ang pagpasok sa school nang walang energy dahil sa pagod sa byahe mula Muntinlupa hanggang Sta. Mesa.
Nagpatung-patong lahat pati na ang pakiramdam na para akong nawawala. Pero sa kabila noon, iginapang ko pa rin hanggang makapagtapos ng pag-aaral. Hanggang nakapagtrabaho sa media, kung saan patung-patong na lungkot na naman ang nadarama sa dami ng OT hours na hindi naman lahat bayad, isang beses sa isang linggo na day-off na maka-cancel pa kapag may emergency ang karelyebo. Naglalakad ako ng alas dose ng madaling araw sa madilim na kalye ng Magallanes nang umiiyak, matindi ang migraine, nanlalabo ang paningin at sumasakit na naman ang tiyan.
Lilipas ang mga panahon na masayahing Jobelle ang kilala ng mga kaibigan pero sa loob-loob ko, marami nang halimaw na humihiyaw.
Gabi-gabi, ang tanging pisi na hinahawakan ko para magpatuloy ay ang mga mensahe ng mga kaibigan na katulad ko’y marami ding dinadala. Paborito kasi akong kwentuhan ng mga kaibigan ko tungkol sa problema nila. Kaya tuwing naiisip kong wakasan ang lahat, ang pumipigil sa akin ay ang thought na baka magsisunod sila hahaha. Nakakatawa pero totoo ‘yan. Bukod pa sa pag-iisip na baka malungkot ang mga aso ko lalo na si Sanji na isang PWD (pet with disability).
Nang mag resign ako sa media company noong pandemic, nagkaroon ako ng pagkakataon na harapin ang mga halimaw sa loob ko. Kinilala ko sila isa-isa at tinanong kung saan ang pinagmulan nila. Mahirap. Habang tumatanda, aminado akong sumagi sa isip ko na baka di na ako magkaroon ng boyfriend dahil malungkot akong tao. Na ayaw kong mahawa ang sinuman sa kalungkutan ko. Hindi naman ako naghahanap ng boyfriend haha sadyang naiisip ko lang minsan noong mga panahon na iyon na kung makikipagrelasyon ako sa iba, idadamay ko lang sila sa malalim na dilim na ito.
Taong 2022 nang nag-aral ulit ako habang nagtratrabaho bilang manunulat sa theAsianparent at nagtuturo sa isang pribadong paaralan. Doon lumala ang anxiety at depression ko dahil sa stress ng sabay-sabay na gawain.
Doon na rin ako nagdesisyong magpakonsulta sa isang psychiatrist dahil dumadating na ako sa punto na nagfla-flashback na ang lahat ng masasamang nangyari sa buhay ko, na parang literal na pelikula sa mga mata ko.
Ako ito noong nagsisimula nang uminom ng gamot para sa depression, nagkalaman at hindi na dry skin
Hindi biro, hindi metapora, totoong nakikita ko na parang pelikula ang lahat. Ang mga kamay na nananakal, mga kaibigang nagtaksil, mga araw na walang makain, at patung-patong na issue ng bayan na malapit din sa puso ko.
Noong nagpakonsulta ako, kinuwento ko sa psychiatrist lahat din ng sinulat ko rito. At ang sabi niya, kaya may flashback dahil sa dami ng mga masasakit na karanasan na binalewala ko lang at hinayaang maipon. Na naiintindihan niya dahil kailangang magpatuloy at kumayod para mabuhay. Matapos ang limang session sa psychiatrist na di rin biro ang presyo, I was diagnosed with Major Depressive Disorder with anxious distress. Nakararanas din ako ng panic attacks noon.
Pinainom ako ng gamot para sa depression at anxiety ng doktor at tila mahikang naging mas functional ako sa buhay.
Bakit politikal ang mental health
Matagal ko nang alam na politikal ang laban sa mental health pero mas naging malinaw ito sa akin matapos kong uminom ng gamot para sa aking depression.
Unang beses kasi na uminom ako ng gamot ang pumasok talaga sa isip ko ay, “Ganito pala ang pakiramdam na maging normal.”
For almost 3 decades, ang bigat ng lahat. Pero isang inom lang ng gamot then I feel normal, nawala ang dekadang migraine na araw-araw nagpapahirap sa akin. Magaan, marami akong nagagawa, marami akong natutulungan, marami akong naaalagaan, marami akong napapasaya, nakakaramdam na ako ng saya at hindi ko na naiisip na saktan at sisihin ang sarili.
Napakamahal ng gamot para sa depression at anxiety. Mababa lang ang dosage na ibinigay sa akin pero pumalo na ng limang libo kada buwan ang gastos. Bukod pa ang gastos sa therapy. Ito ang malinaw na rason bakit ito politikal.
Na kung sana, maayos ang healthcare system ng bansa, kasama sana na natutugunan ang pangangailangan sa mental health ng mamamayan nito.
Na kung sana, walang pamilyang nagugutom at walang masilungan, wala sanang anak na magdudusa sa mga halimaw sa loob ng kaniyang kaibuturan.
Kung hindi sana kailangan kumayod umaga at gabi ng mga magulang na halos wala nang pahinga, may panahon sana sila para mapalaki nang maayos ang anak nila at hindi maging bully. Kung walang bully, wala sanang mga bagong halimaw sa dibdib ng batang na-bully.
Pero ang malungkot na katotohanan, patuloy tayong naghahalal ng mga bully sa pamahalaan.
Kasama sina mama, papa at bunsong kapatid
Ano ang magagawa ng magulang para hindi malugmok sa depression ang anak?
Aminado ako na minsan naiisip ko na kasalanan nina mama at papa bakit ako nagkaroon ng depression. Na bukod sa imbalance sa chemical sa utak ko, ang mga panget na karanasan namin noon ay resulta ng mga maling desisyon nila bilang magulang.
Pero may mga pagkakataon din na pinagtatanggol ko sila laban sa sarili kong isip. Na tinulak lang din naman sila ng mga pagsubok ng buhay para gawin ang mga desisyon na hindi maganda.
Noong nagpapagamot na ako sa mental health issues ko, si mama at papa ang isa sa mga sandalan ko. Tuwing umiiyak ako nang hindi ko malaman ang dahilan, niyayakap ako nang mahigpit ni papa at hinahayaang umiyak. Si mama, kahit hindi siya expressive, lagi niya akong kinukumusta kapag natatahimik na ako. Alam kong hindi nila nauunawaan nang isandaang porsyento ang pinagdadaanan ko pero naramdaman ko na sinubukan nilang maging present sa buhay ko nang mga panahon na iyon.
Masasabi ko na malaki ang role na ginagampanan ng magulang para hindi malugmok sa depresyon ang anak. Ang mga simpleng salita na lumalabas sa bibig natin posibleng makapagbigay pag-asa pero posible rin itong makapagbigay dusa.
Kasama sina mama at papa
Kaya importante na maging mindful sa mga salitang sinasabi sa anak.
Kapag umiiyak ang anak, hayaang umiyak at maging ligtas na espasyo sa kanila para maging vulnerable sila. Huwag nating isipin na mahina sila kaya sila umiiyak. Dahil ang lungkot at galit ay mga normal na emosyon na dapat nilang kilalanin hanggang sa matutunan na i-manage nang maayos. Huwag na huwag natin sabihin na lampa at mahina sila dahil ang totoo, the fact na nagagawa nilang magpatuloy sa buhay sa kabila ng bigat at dilim ay isang uri na ng kalakasan.
Ang pinakamahalagang gawin ng magulang ay maging kakampi ng anak laban sa mga halimaw na humihiyaw sa loob ng isipan niya. Tayo dapat ang unang maiisip ng anak na lapitan kapag malungkot sila. At para mangyari yun, tayo dapat ang unang uunawa at hindi manghuhusga sa mga emosyon na mayroon sila.
Ang depression tulad ng iba pang mental health disorders ay sakit na dapat seryosohin, hindi ito biro at lalong hindi ito ‘arte lang’.
Iwasan sana ng mga magulang na magbulyawan sa harap ng anak. Dahil hindi nila alam na tuwing ginagawa nila ito, parang lumiliit ang ligtas na espasyo na mayroon ang anak nila.
Panghuli, kasama ang mga magulang sa mga dapat na manawagan ng patas na serbisyo para sa mas maayos na buhay ng pamilya. Dahil hindi naman laging applicable ang happiness is a choice. Kasi, sino ba namang matinong tao ang pipiliin ang kalungkutan?
Masyadong marahas ang mundo dapat tayo mismo ang gumagawa ng ligtas na espasyo para sa mga susunod na henerasyon. Para sa mga anak natin at sa mga magiging anak nila.
Kung nakararanas ka o ang iyong anak ng depression, maaaring tumawag sa mga crisis hotline na nakalista sa artikulo na ito ng spot.ph
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!