Ama ng Regal triplets na maagang naulila ng kanilang ina umaapela at nangangailangan ng breastmilk donations para sa kaniyang mga anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng isang amang umaapela ng breastmilk donations para sa kaniyang mga sanggol.
- Paano matutulungan ang amang si Joel Regal at kaniyang mga triplets
Regal triplets na maagawang naulila ng kanilang ina
Regal triplets/ Image from Joel Regal Facebook account
Nitong Marso ay naulila ng inang si April Regal ang kaniyang tatlong sanggol at asawang si Joel. Si April ay nasawi dahil sa komplikasyon sa panganganak sa kaniyang triplets. Ang mga ito ay pawang mga baby girl na pinangalanang sina Jia Aamari, Jayce Aliyah at Jaswhi Adaliah.
Kuwento ng amang si Joel, 26-anyos mula Paete, Laguna nasawi ang kaniyang asawang si April isang araw matapos maisilang ang kanilang triplets.
Ayon sa doktor, ito umano ay dahil sa acute respiratory failure na kung saan ang puso niya ay nag-enlarge na at nagkaroon na rin siya ng tubig sa baga.
Naiwan man siyang mag-isa sa pag-aalaga sa kanilang triplets, ayon kay Daddy Joel lahat ay gagawin niya para maalagaan ng mabuti ang kaniyang mga anak.
“Mahirap kasi wala na iyong asawa ko na kasabay ko nangarap para sa mga anak namin. Minahal at inaalagan po mabuti ng asawa ko ang mga anak namin kaya hinding hindi ko po sila pababayaan. Ako na lang ang meron sila kaya gagawin ko lahat para sa ikabubuti nila.”
Ito ang pahayag ni Daddy Joel. Kaugnay nito, gamit ang kaniyang Facebook account ay umapela ng breastmilk donations si Daddy Joel sa mga netizens. Dahil naniniwala siya na makakabuti ito para sa kalusugan ng mga anak niya.
Ama ng triplets umaapela ng breastmilk donations
Regal triplets/ Image from Joel Regal Facebook account
“First time ko maging tatay at magkaroon ng isang anak. Maraming nanay ang nagpapayo na ang gatas ng ina ay higit na masustansya sa kahit anong formula.
Kahit naman po ‘yon doktor ng anak ko breast milk daw po talaga gusto ipainum. Kaya gagawin ko lahat para makahanap para sa kanila.”
Ang kuwento ng pagmamahal at pagpapahalaga sa kalusugan ng kaniyang mga anak na ipinakita ni Daddy Joel ay hinangaan ng mga netizen.
BASAHIN:
Tingnan ang body transformation ng isang ina matapos manganak ng triplets
Breastfeeding must-have: Top 7 breastmilk cooler bag brands today
Help! Bakit nagbago ang kulay ng breastmilk ko?
Kaya naman mula ng siya ay mag-post ay bumaha na ng breastmilk donations at iba pang tulong para sa kaniyang mga triplets. Ito ay napakalaking tulong umano kay Daddy Joel na isang factory worker.
Kaya naman lubos ang pasasalamat niya sa lahat ng mga patuloy na tumutulong sa kaniya at mga anak niya. Pahayag ni Daddy Joel,
“God will provide po talaga sa kabila ng nangyari samin ng mga anak ko at asawa ko. Nagpapasalamat ako hindi lang sa mga material financial. At lalong lalo na sa mga tulong dasal para sa maayos na kalusugan ng mga anak ko.”
Sa mga nagnanais pa rin na magpadala ng kanilang tulong lalo na ang breastmilk donations ay maaari umanong derektang padalhan ng mensahe si Daddy Joel sa kaniyang Facebook account.
Bagama’t sa ngayon ay sa malapit sa lugar lang nila siya nakakapag-claim ng breastmilk donations. Ito ay para rin umano sa kaligtasan ng mga anak niya.
“Puwede ninyo po ako i-message para sa mga gusto mag-donate ng breast milk. Pero Laguna area lang po tlaga iniikutan ko. Hindi po ako lumalayo nag-iingat din po ako para sa mga anak so.”
Pangako ni Daddy Joel sa kaniyang namayapang asawa at sa kaniyang triplets
Regal triplets/ Image from Joel Regal Facebook account
Malungkot man na lalaking walang ina ang kaniyang mga anak, pinapangako ni Daddy Joel na sisikapin niyang punan ang kakulangan na ito sa mga anak niya.
Gagawin niya ang lahat para tumayong ama’t ina sa mga triplets niya. Malaki rin ang pasalamat niya sa mga tao sa paligid niya, kaibigan at kaniyang pamilya na tinutulungan din siya sa pag-aalaga ng mga anak niya.
“Nakakalungkot man na hindi nila nakita ang kanilang ina andito pa din ako na tatay nila. Mag-aalaga, gagabay at nagmamahal para sa kanila.
Pangako ko sa asawa ko mamahalin ko ng buo ang mga anak naming. Ako na magpaparamdam ng pagmamahal nya bilang ina para sa kanyang mga anak.”
Ito ang iniwang pangako ni Daddy Joel sa namayapa niyang asawa at kaniyang mga anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!