Reseta ng doktor, dapat naiintindihan at naidodouble-check ng mga magulang bago ibigay sa kanilang anak. Ito ay para maiwasan ang pagkakamali na maaring maglagay panganib sa isang buhay.
Hindi naintindihang reseta ng doktor
Isang 5-taong-gulang na bata sa China ang patay matapos mabigyan ng maling gamot ng mga nurse na nag-aalaga sa kaniya.
Ang bata ay kinilalang si Zhu Chenyi na itinakbo sa Yixing People’s Hospital sa Yixing, Jiangsu Province dahil sa sakit na viral encephalitis.
Ayon sa reseta ng doktor ay dapat bigyan ng gamot si Zhu Chenyi na makakapagbawas ng pressure sa kaniyang utak. Ngunit sa halip ay binigyan ang bata ng intravenous drip na may taglay na antibiotic ng nurse na nag-aasikaso sa kaniya.
Agad na nagdulot ng discomfort sa bata ang maling gamot na ibinigay sa kaniya. Ngunit hindi matukoy ng mga doktor ang dahilan nito kahit na siya ay na-CT scan na.
Kaya naman napagdesisyunan na ilipat siya ng ospital kung saan nakaranas siya ng cardiac arrest habang ibinabyahe. Na-revive man ay hindi na talaga kinaya ng bata at siya ay nasawi kinalaunan.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ay natuklasang hindi sumunod sa procedure ang dalawang nurse na naka-duty ng dalhin sa Yixing People’s Hospital ang bata. At binigyan nila umano ito ng maling gamot na taliwas sa reseta ng doktor.
Dahil sa nangyari ay tinanggal sa trabaho ang dalawang nurse na sangkot sa insidente. At nagbigay paalala ang awtoridad na dapat i-review ng mga ospital ang kanilang medication protocols at dapat ugaliing i-check at i-verify kung tama ba ang pagkakaintindi ng hospital staff sa reseta ng doktor.
Bakit mahalagang maintindihan mo ang reseta ng doktor?
Napakahalaga na bilang magulang ay naiintindihan mo ang gamot na reseta ng doktor sa iyong anak. Para sa oras na bibilhin o ipapainom na ito ay siguradong tama ang ibibigay sa kaniya. Bagamat, madalas mahirap intindihin ang sulat ng mga doktor, dapat ay ulitin o i-double check sa kaniya ang kaniyang reseta upang ikaw ay makasigurado. Dahil ang pag-inom ng maling gamot ng isang pasyente ay maaring magpasama pa lalo sa kondisyon niya.
Pagbabasa ng reseta ng doktor
Ang reseta ng doktor ay nahahati sa apat na bahagi at ito ay nagtataglay ng salitang “Rx” na ang ibig sabihin ay “Receive thou” sa Latin o “take” sa Ingles.
Sa unang bahagi ng reseta ay makikita mo ang mga salitang “T” o “Tab” bilang abbreviation ng tablet. “Cap” para sa capsule at “Syr” para sa syrup. Ito ay ang uri ng medication na dapat inumin ng pasyente.
Ang pangalawang bahagi naman ay ang pangalan ng gamot. Maaring ito ay ang generic name o ang brand name ng gamot. Isang halimbawa ay ang Paracetamol at Carbocisteine na parehong generic name.
Pangatlo ay ang concentration ng gamot o ang dami na dapat ipainom sa pasyente. Ito ay maaring mg, ml, tsbp o gm.
Ang huling bahagi ay ang bilang ng beses o gap na dapat inumin ang gamot. Ito ay maaring once a day, twice a day o tatlong beses sa isang araw.
May ibang doktor na gumagamit ng mga abbreviation tulad ng x 3 para sa 3 times a day. Habang ang iba naman ay gumagamit ng mga numero tulad ng 1-0-0 para sa once a day, 1-0-1 para sa twice a day o isa sa umaga at gabi. O kaya naman ay 1-1-0 na ang ibig sabihin naman ay isa sa umaga at isa sa tanghali.
Huling paalaala
Bago ipainom ang gamot sa iyong pasyente o anak ay siguraduhing tama at wasto ang ipapainom dito base sa reseta na ibinigay ng doktor. Kung maari ay makakabuting ipa-check muna sa iyong doktor ang gamot na iyong binili bago ito ibigay sa pasyente. Tandaan na dapat sundin ang dami o tamang concentration ng gamot para maiwasan ang overdose na maaring magdulot ng panganib sa isang buhay. Para mas maging epektibo ang gamot ang reseta ng doktor ay mahalaga ring sundin ang bilang ng beses o oras sa pagbibigay nito.
Source: The Health Site, AsiaOne, Carrington College
Photo: Freepik
Basahin: 4 na dahilan kung bakit hindi dapat uminom ng antibiotic nang walang reseta
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!