Normal na sa mga ina ang nakakaranas ng iba’t-ibang mga sintomas habang sila ay nagbubuntis. Ngunit paano kung ang mga sintomas na ito ay mayroon palang itinatagong malalang karamdaman? Ganito na lang ang naging karanasan ng isang ina nang ma-diagnose siya na mayroong rheumatic heart disease.
Noong una ay inakala niyang normal na sintomas lamang ito ng pagbubuntis sa ikatlong trimester. Ngunit nagulat na lamang siya, pati na ang kaniyang mga doktor nang madiskubreng may malala pala siyang sakit.
Sintomas ng rheumatic heart disease, inakalang sintomas ng pagbubuntis
Ayon sa inang si Stacy-Ann Walker, mula sa US, wala naman raw siyang naging problema noong siya ay nagbubuntis. Bagama’t naranasan niya ang mga tipikal na sintomas ng pagbubuntis,
Minsan raw ay nakakaranas siya ng pagkahapo at pagod kahit umaakyat lang sa hagdan. Bukod dito, nakaranas rin siya ng pamamaga ng mga bukung-bukong, at mga binti. Ngunit hindi niya ito gaanong binigyan ng pansin, dahil tipikal naman ang mga ito sa nagbubuntis.
Pero nang bigla na lang tumodo ang blood pressure ni Stacy, dali-dali siyang nagpunta sa doktor. Inakala ng mga doktor niya na preeclampsia ang kaniyang kondisyon, kaya’t nagsagawa pa sila ng mga test. Dito napansin ng mga doktor na tila napakaliit ng tiyan ni Stacy para sa kaniyang pagbubuntis. Bukod dito, napakabagal raw ng pagtibok ng puso ng kaniyang anak.
Upang masagip ang buhay ng bata, nagdesisyon ang mga doktor na magsagawa ng emergency C-section. Sa kabutihang palad ay wala naman naging problema, at agad dinala ang kaniyang anak sa NICU upang maalagaan at matutukan ng mga doktor.
Hindi niya inakalang magkakasakit siya
Ngunit noong gabi matapos niyang manganak, nahirapang huminga si Stacy. Sinubukan siyang i-nebulize ng mga nurse, ngunit hindi pa rin bumubuti ang kaniyang pakiramdam. Dito na nalaman ng mga doktor na mayroong naiipong tubig sa kaniyang baga, at nagsisimula na siyang magkaroon ng heart failure.
Gulat na gulat si Stacy dito dahil aktibo ang kaniyang lifestyle, at wala siyang problema sa puso. Napag-alaman ng mga doktor na mayroong rheumatic heart disease si Stacy. Nakukuha raw ito kapag nagkaroon ng rheumatic fever ang isang tao, at naapektuhan nito ang valve sa kaniyang puso. Wala raw maalala si Stacy na panahon na nagkaroon siya ng rheumatic fever, kaya’t takang-taka siya rito.
Isang linggong nanatili sa ospital si Stacy upang magpagaling. 2 linggo naman sa loob ng NICU ang kaniyang anak na nagpapalakas.
Matapos ang isang taon ay bumalik sa espesyalista si Stacy at napag-alaman na kaya siya nagkaroon ng heart failure ay dahil sa stress ng pagbubuntis. 2 taon matapos ang insidente ay inoperahan si Stacy upang ayusin ang valve sa kaniyang puso. Ito ay dahil namamaga na raw ang puso niya at kumakalat ang dugo dahil sa sira na valve.
Pero hindi pa rito nagtatapos ang kalbaryo ni Stacy. Matapos ang 2 taon, kinailangan pa niyang sumailalim muli sa open-heart surgery. Ito ay dahil bumalik raw ang leak sa kaniyang puso at kinailangang ayusin muli ang valve.
Sabi ni Stacy na sana raw ay maaga pa lang, nalaman niya na posible palang sintomas na ng heart disease ang kaniyang nararanasan. Kung mas maaga raw niya itong nalaman ay nakapagpagamot sana siya at hindi na dinanas ang matinding paghihirap.
Anu-ano ang sanhi ng heart disease?
Kahit sino ay posibleng magkaroon ng heart disease. Hindi kinakailangan na maging unhealthy o kaya may kondisyon ang isang tao upang magkaroon nito. Kaya’t mahalagang alamin kung anu-ano ang mga posibleng sanhi nito upang makaiwas sa sakit.
Heto ang mga sanhi ng heart disease na dapat alamin ng mga nagbubuntis:
- Pagkakaroon ng mataas na cholesterol
- Mataas na blood pressure
- Mataas na blood sugar levels
- Hindi malusog na BMI o body mass index
Mahalagang tandaan na ang mga sanhi na ito ay posibleng mangyari kahit pa sa malusog na tao. Kaya mahalaga ang magpatingin sa doktor upang malaman kung may problema ka sa puso. Mabuti nang maaga pa lamang ay maagapan na ito sa halip na mapabayaan at lalo pang lumala.
Source: Today
Basahin: Moms with more kids have higher risk of heart attack: study
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!